SAKAY na si Audrey ng bus ay iniisip pa rin niya ang tungkol sa pagpapamilya. Totoo, kahit na madaing ang Ate Haidee niya, hindi siya nadi-discourage na pasukin ang pinasok nitong buhay. Saka alam naman niyang handa na siya sa bagay na iyon. Kahit naman hindi ang babae ang nagdadala ng pagpapamilya, tiniyak niyang may ipon na siyang nakalaan para sa ganoong bagay.
May bahay na rin siya. Kahit naman hulugan iyon, at least, kanya na iyon. Malaking bagay na iyon kapag nag-asawa siya. Limang taon pa niyang iintindihin ang amortization at makakaahon din siya.
Ang problema nga lang ay ang mapapangasawa.
Mabilis niyang naisip si Rico, pero kinontra din niya ang sarili. Hindi naman niya puwedeng sabihin dito ang tungkol doon at tiyak na pagtatawanan siya nito.
Pero paano nga ba? Ang hirap din naman kasing maging babae. Hindi madaling manligaw nang harapan sa isang lalaki. Ang isa pa niyang problema ay hindi rin naman niya alam kung sino ang lalaking dapat niyang mapangasawa.
Pagkatapos na maunsiyami ang relasyon niya four years ago, hindi na rin naman niya sineryoso ang pakikipagrelasyon sa iba. Isa-isa niyang dinispatsa ang mga manliligaw niya. Kahit na nga iyong mga masusugid ay sumuko na rin.
“Nokarin ka, malagu?” tanong sa kanya ng konduktor ng bus nang lapitan siya nito.
“Dolores junction,” matabang na sagot niya.
Naiintindihan niya ang sinabi nito at base sa klase ng pagkakatingin nito sa kanya ay nagpapa-cute ito. Iritasyon naman ang nadama niya, lalo na nang iabot nito sa kanya ang ticket. Tila sinadya pa nito na magkadaiti ang kanilang mga daliri.
Itinutok niya ang tingin sa TV. Wala namang video na ipinapalabas. Hindi naman siya interesado sa MTV kaya pumikit na lang siya. Mabuti pang tulugan na lang niya ang biyahe.
CLOSING ang pasok ni Audrey sa beauty salon pero gaya ng nakagawian ay maaga pa rin siyang nagising. Isang mansanas lang ang kinain niya bilang almusal at nagsuot na ng jogging suit. Tatlong beses isang linggo ay nagdya-jogging siya sa loob ng subdivision at schedule niya ang araw na iyon.
Palabas na siya ng bakuran nang mamataan niya ang kotse ni Rico. Alas-sais y medya pa lang kaya hindi na siya nagtaka. Ten minutes lang naman ang biyahe papunta sa pinapasukan nito.
Sandali siyang nag-atubili sa pagdya-jogging. Naisip niyang baka magdya-jogging din ito. Minsan ay impulsive ito. Kung ano ang maisipan ay siyang ginagawa. Wala itong regular routine sa jogging. Kung kailan lang nito maisipan.
Pero dahil bihira naman sila nitong magkasabay, itinuloy na rin niya ang pagtakbo, at saka niya naisip kung bakit parang pag-iwas dito ang naging daloy ng kanyang isip.
Sa pagliko niya sa isang block ay muntik na siyang mapanganga. Makakasalubong niya ito. At dahil nakita rin siya nito agad ay gumuhit ang maluwang na ngiti sa mga labi nito. Hindi kagaya niyang tila mapapangiwi naman.
“Good morning, best friend!” bati nito sa kanya nang magkalapit na sila. Dahil hindi naman niya binagalan ang pagtakbo, ito ang bumuwelta para magkasabay sila sa pagtakbo. “May date ka kagabi, `no? Gabi na, saradung-sarado pa rin ang bahay mo. Nakatulugan ko na ngang maghintay sa iyo, eh.”
“Gabi na ako nakauwi,” sagot naman niya. Hindi niya sasabihin ditong inabot siya ng siyam-siyam sa traffic sa North Expressway dahil ginagawa ang kalsada roon. Hahayaan niya ito sa kung ano ang nasa isip nito.
“So, how was your date?” anito.
“Okay lang,” tipid na sabi niya. Hindi siya sanay magsinungaling kaya hindi na rin niya balak na palawigin pa ang kanyang sagot.
“Ganoon, okay lang? Saan kayo nagpunta?”
Nakasimangot na tiningnan niya ito. “Puwedeng huwag na muna nating pag-usapan?”
Nagtataka siyang tiningnan nito, ngunit pagkuwan ay nagkibit din ng mga balikat. “Sige.”
Ilang sandali rin silang tumakbo nang tahimik. Nang bumagal ang takbo niya ay gumaya ito. Ilang sandali silang namahinga pero wala pa ring kumikibo sa kanilang dalawa. Isang tango lang ang naging senyas nila sa isa’t isa at tumakbo silang muli. Paliko na sila sa isang kanto nang magsalita ito.
“Mayroon nga pala akong gustong sabihin sa iyo.”
“Ano?”
“Do you ever think about getting married?”
Pagkarinig sa tanong na iyon ay muntik na siyang masubsob.
Mabilis naman ang ginawa nitong pag-alalay sa kanya. “O, muntik ka na.” Puno ng concern ang tinig nito.
“Natisod lang ako,” palusot niya.
“Narinig mo naman ako, `di ba? Ano, naiisip mo rin ba ang tungkol doon?”
Napahinga siya. Mukhang desidido itong pag-usapan nila ang tungkol sa pagpapakasal kaya binanggit nito uli iyon sa kanya. “Paminsan-minsan, bakit?” Naibaling niya ang tingin sa isang bakuran kung saan natanaw niya ang isang kakilala. Nakangiti niya itong kinawayan.
“Naisip ko lang din kasi nitong mga huling araw,” narinig niyang pagpapatuloy nito.
Biglang bumalik ang atensiyon niya rito. Parang sasakit ang ulo niya sa isiping mayroon na namang bagong babae sa buhay nito at napag-iisipan na nitong pakasalan.
“Sigurado ka?” naaalarmang wika niya.
“Naiisip ko nga. Namomroblema nga ako, eh,” anito.
Pareho lang pala tayo, gusto sana niyang isagot pero sa halip ay sinulyapan lang niya ito.
“Alam mo, Audrey, kahit na masakit para sa akin na tanggapin, tama ka rin naman sa mga sinasabi mo. Iyong mga babaeng nakasama ko dati, parang pare-pareho lang. I mean, iyong...” Saglit itong nag-isip na tila naghahanap ng salitang maiaakma sa sinabi. “Basta maganda lang sila. May kulang nga.”
“Ang sabi mo, masakit sa iyo na tanggapin. Nasasaktan ka ba?”
“Siyempre lalaki ako. Hindi naman madali sa amin na aminin na nagiging estupido rin kami kung minsan.”
“At bakit, kung babae, okay lang na estupida? Double standard iyan, huh?”
“Okay, ganito na lang. Mahirap sa kahit na kanino—babae man o lalaki—na amining estupido o estupida siya lalo na kung ang laki-laki ng tiwala niya sa sarili niya na matalino siya.”
“Ano ba ang punto mo? Nalalabuan yata ako.”
“Simple lang ang punto ko, Audrey. Natauhan na ako. I don’t and I can’t marry the likes of the women I’ve dated before. Gusto ko ay iyong tipo ng mga babaeng sinasabi mo. Someone I can talk to.” Pumalatak ito. “Iyon nga lang, wala pa akong nakikitang babae na kagaya ng sinasabi mo.”
Bigla ay parang gusto niyang maghuramentado. Parang magdidilim ang paningin niya at gusto niya itong sampalin. Pero bago pa tuluyang naging bayolente ang daloy ng isip niya ay mabilis niyang naramdaman ang sakit sa dibdib.
Bulag ka ba, Rico? gusto niyang isigaw rito. Hindi mo ba ako nakikita?
Ilang beses siyang huminga nang malalim. Magkalapat ang mga labi na itinutok na lang niya ang atensiyon sa dinaraanan. Parang gusto niyang tumakbo nang mabilis na mabilis pero sa halip ay kontroladung-kontrolado ang bawat paggalaw ng mga binti niya. Kasaling nakokontrol ng kilos na iyon ang tila pagwawala ng damdamin niyang nasasaktan.
“Ano sa palagay mo, Audrey?”
“Alin?” halos pasinghal na sabi niya.
“Saan kaya ako makakahanap ng babaeng kagaya ng sinasabi mo? Sinabi ko na rin naman sa sarili ko na hindi na baleng hindi masyadong maganda basta may sense kausap.”
Siguro ay iyon na ang hangganan ng pagtitimpi niya. Nang harapin niya ito ay halos maningkit na ang kanyang mga mata.
Sa loob niya ay tila mayroong bulkan na nagbabantang sumabog. Hindi niya matanggap na siya pa ang pagtatanungan nito tungkol sa babaeng gusto nito, na kung gagawin nga niya ay siya mismo ang madudurog ang puso.
“Puwede ba, Rico, tigilan mo ako ng ganyang klase ng tanong. Ikaw mismo, makakahanap ka ng sagot sa tanong mo kung ang paiiralin mo ay iyang ulo mo... sa itaas!” sigaw niya.
Bago siya nagpatuloy sa pagtakbo ay nakita muna niya kung paano nanlaki ang mga mata nito sa gulat. Ibig sabihin ay wala itong kaalam-alam sa nararamdaman niya sa buong pag-uusap nila nang mga sandaling iyon.