“AKALA ko ba, bibili ka na ng kotse? Bakit nagko-commute ka pa rin hanggang ngayon?” wika ng Ate Haidee ni Audrey sa kanya.
Off niya nang araw na iyon at naisipan niyang lumuwas. Ito lang ang dinatnan niya sa bahay. Nagpunta raw sa Divisoria ang kanilang ina para mamili ng supplies sa gift shop nila. Dahil hindi naman siya nagmamadali, hinintay niya itong dumating para naman magkita rin silang mag-ina.
“Kulang pa ang ipon ko. Ang gusto ko kasi ay iyong itinuturo ni Rico na kotse. Sulit naman daw ang pera ko roon kahit na medyo mahal. Saka luho lang naman talaga sa akin ang kotse. Nandiyan naman si Rico palagi. Kapag may lakad ako, sasabihin ko lang sa kanya. Libre pa pati gasolina.”
“Napag-usapan nga namin ni Mama iyong pagbili mo ng kotse. Wala naman siyang tutol dahil pera mo naman talaga iyan. Ang kaso nga lang, baka naman daw magipit ka kung bibili ka na ngayon, `tapos ay hinuhulugan mo pa iyong bahay.”
“Secondhand lang naman iyon. Sabi ni Rico, makakaya na iyon ng finances ko. Stable ang kita ng salon kaya naman malaki palagi ang commission ko roon. Iyon na nga bale ang panghulog ko sa bahay. Saka hindi naman ako masyadong magastos. Huwag lang akong makakakita ng halaman. Madalas nga akong inisin ni Rico. Kung ibebenta ko raw iyong mga halaman ko, hindi ko na problema iyong short ko sa budget pambili ng kotse.”
Tinitigan siya nito. “Bukambibig mo si Rico.”
Napatingin siya rito pero agad din iyong binawi. “Ano naman ang masama roon?” defensive na sabi niya at kunwa ay abala sa pagtitimpla ng juice. “Siyempre, natural lang iyon. Magkaibigan kami, saka kami palagi ang magkasama. Ikaw nga, palagi mo ring nababanggit si Pinky.” Kaibigan nito ang tinutukoy niya.
“Hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kayo ni Rico?” tila nang-aarok na tanong nito.
Napakunot ang noo niya. Hindi niya gusto ang tono nito, tila nagsususpetsa. “Oo. Ano naman ang problema roon?” kaswal na sagot niya.
“Wala. Kaya lang parang nakakapagtaka rin kung minsan.”
“Walang dapat ipagtaka,” pakli niya. Hindi na niya dadagdagan pa ang pagsagot dahil baka sinusubukan lang siya nito. Hindi naman siya naniniwalang ganoon siya ka-transparent para mapagsuspetsahan ang samahan nila ni Rico.
Wala siyang sinasabihan tungkol sa kung ano ang mas malalim na nararamdaman niya para dito, at mas lalong wala siyang balak na sabihin iyon kahit na kanino. Masaklap na secretly in love siya sa isang taong hanggang kaibigan lang ang pagtingin sa kanya. Hindi na niya gugustuhin pang malaman iyon ng kapamilya at hindi niya gusto ang kaawaan lang.
“Hindi, eh,” muling wika nito. “Ang tagal na ninyong magkasama ni Rico sa Pampanga. I mean, magkapitbahay at magkaibigan. Kahit nga hindi naman namin siya talagang kilala, napalapit na rin siya sa amin dahil nga close kayo. Pero mayroon ba talagang kagaya ninyo na platonic lang ang relationship?”
“Puwedeng maging magkaibigan ang babae at lalaki,” may bahid ng iritasyon na sagot niya. “Hindi naman kailangang romantically involved sa isa’t isa ang opposite s*x, `di ba?”
“Oo nga, kaya lang...” Ikinibit nito ang mga balikat. “Kumusta na nga pala si Rico? `Di ba, dati, talagang pinagsasabay ninyong dumalaw rito para tipid ka sa pamasahe?”
“Busy siya, eh.” Ang totoo ay hindi naman niya sinabi kay Rico na luluwas siya. Kapag nalaman kasi nito iyon ay tiyak na sasama ito. Kahit na hindi naman nito schedule na dumalaw sa San Juan ay pupunta na rin ito roon para lang masabi na luluwas din.
At home na ito sa kanila. Anak-anakan na rin ang turing ng kanyang ina rito. Pero kahit na alam niyang hahanapin ito ng mga kamag-anak niya ay sinadya niyang lumuwas mag-isa. Magaling bumasa ng kilos ang pamilya niya. Baka mahalata ng mga ito ang totoong pagtingin niya kay Rico.
Hindi nga siya nagkamali. Sa pag-uusap pa lang nila kanina ng kanyang ate ay tila nakatunog na ito. Iyon nga lang, hinding-hindi siya aamin.
“Busy sa pagpaparami ng pera,” narinig niyang komento nito. “Mabuti pa kayo ni Rico, sarili lang ninyo ang iniintindi ninyo. Kami ng asawa ko, araw-araw na lang hindi matapos-tapos ang diskusyon sa pera. Mas lalo pa nga siguro kung umuupa kami ng bahay. Dito na nga kami kay Mama nakisuno, eh.”
“Nag-aaway kayo ni Kuya Lando tungkol sa pera?” kunot-noong tanong niya.
“Hindi naman away. Kaya lang, siyempre, kapag gipit ka at kapos na kapos na ang iyong budget, siyempre madaling makairita iyong maliliit na problema. Si Jay-R, kailangan daw lagyan ng braces sabi ng dentist. Si Melissa naman, inuungutan akong mag-ballet lesson siya ngayong darating na bakasyon. Iyon pa naman sana ang panahon ko para makaluwag nang kaunti sa gastusin. Saka May pa lang, enrollment na rin nila. Ang gastos!” daing nito.
“Pera lang iyan. Di, umutang ka kay Mama. Huwag kang mag-alala, hindi ako maiinggit kapag pinautang ka niya.” Kinindatan niya ito.
Dalawa lang silang magkapatid. Matagal nang biyuda ang kanilang ina. May maliit itong pension na kasya na kung pansarili lang nito pero dahil ito rin ang takbuhan ng ate niya na palaging gipit kaya pinagyayaman pa rin nito ang gift shop.
“Alam mo namang palagi ko na nga siyang inuutangan. Nakakahiya nga rin kay Mama, pero siya rin naman ang tinatakbuhan ko `pag nagigipit ako. Balak nga niya, gawin na ring boardinghouse ang kalahati nitong bahay natin sa pasukan. Alam ko, pandagdag-kita rin iyon kapag nangutang ako sa kanya.”
“Mahina ba talaga ang kita ni Kuya Lando sa opisina?”
“Kung isa lang ang anak namin, okay na. Kaso nga nasundan agad. Magastos pa namang magpalaki ng anak ngayon.”
“May pamilya ka naman,” wika niya rito. “Ako, okay ang kita. Kaso minsan, nakakalungkot din. Mag-isa lang ako sa bahay.”
“Hmp! Minsan nga parang gusto kong magsisi na nag-asawa ako agad. Ngayon, kahit tapos ka ng kurso kung maaga ka namang nag-asawa, matatali ka rin sa bahay. Hindi naman ako makahanap ng mapapasukan dahil iyong matitira sa kikitain ko roon, mauuwi lang sa pambayad sa yayang mag-aasikaso sa mga anak ko.”
“Nairaraos mo rin naman ang gastusin, `di ba?” Nginitian niya ito. “Kahit alam kong may problemang ganyan ang nagpapamilya, gusto kong suungin iyan. Treinta na ako sa isang taon. Ikaw, thirty-one na ngayon pero may mga anak ka na.”
“Mommy!” Pumasok sa bahay nila ang pamangkin niyang babae na limang taong gulang.
“Ay, Tita Audrey!” wika naman ng batang lalaking mas matanda sa batang babae.
Isa-isa niyang niyakap ang mga ito at hinalikan. “Saan kayo galing? Ang baho ninyo,” tukso niya sa mga ito.
“Nakipaglaro kami sa looban, Tita,” anang pamangkin niyang lalaki.
Mayamaya pa ay dumating na ang kanilang ina. Tuwang-tuwa rin ito na makita siya, at kahit na hindi sila magkamayaw sa kuwentuhan, ni padaplis ay hindi ito bumanggit ng tungkol sa pera. Siya pa nga ang pilit na binibigyan nito nang paalis na siya.
Pero hindi niya iyon tinanggap, sa halip ay siya ang nagbigay ng pera dito. Inihanda na niya iyon. Dalawang sobre iyon dahil para sa kanyang ate ang isa. Tinanggap naman iyon ng kanyang ina.
Bago siya tuluyang umalis ay inusyuso niya ang gift shop ng kanyang ina. Hindi pa naman iyon nalulugi, pero kung may puhunan ay malalagyan pa iyon ng mas marami. She made a mental note na pagdalaw niya uli ay dadagdagan niya ang perang ibibigay rito.
Kung hihintayin niya itong manghingi ay hindi iyon mangyayari. Hindi ito madaingin, bagkus ay matiisin. Mas gugustuhin nito na pagkasyahin ang hawak na pera kaysa humingi sa kanya.