Part 3

1824 Words
TAMBAK ang mga reports ng mga subordinates ni Rico sa mesa niya subalit hindi niya iyon hinaharap. Buhat sa private room niya ay natatanaw niya ang expressway. Nakatingin siya sa tila nagkakarerahang mga sasakyan pero wala rin naman doon ang konsentrasyon niya.       “Sir, `eto na po iyong comparative sales report for the quarter,” wika ng sekretarya niya na lumapit sa kanya.       “Akina.” Ipinatong lang niya iyon sa mesa pero kagaya ng ibang mga papeles ay hindi rin niya iyon agad hinarap.       Mahigit pitong taon na ring naging pangalawang tahanan niya ang Pampanga. Nang i-assign siya roon, kahit na promotion ang kapalit ay parang ayaw pa niya. Hindi niya ma-imagine na madedestino siya sa lugar na iba ang salita ng mga tao. Wala siyang alam na salitang Kapampangan noon kundi “mekeni.”       Pero madali rin siyang nakapag-adjust at dahil iyon kay Audrey. Malaking bagay na naging magkapitbahay sila nito. Kapwa sila laking-Maynila at marami silang common interest. Kagaya niya ay kalog din itong kausap. Sa maikling panahon ay naging magkaibigan sila.       Hindi lang naman pulos kalokohan ang pinagsamahan nila nito. Hindi naman palaging masasayang sandali ang nangyari sa nakalipas na pitong taon. There were ups and downs. Parang iyon nga ang lalong nagpatibay sa friendship nila.       Tatlong taon na siya sa Pampanga nang masawi sa isang aksidente ang kanyang ama. Ininda niya iyon nang husto sapagkat close siya rito. Kung hindi sa matiyagang pagsuporta sa kanya ni Audrey, malamang ay mas matagal pa bago siya naka-recover sa pagkawalang iyon ng kanyang ama.       Kapag nagkakasakit siya, walang makakauna rito sa pag-aasikaso sa kanya kahit na nga may mga nobya rin naman siya. Kung minsan, pati paglalaba at pamamalantsa ng damit niya, ginagawa na rin nito kapag hindi puwede ang taong inupahan niya.       Kulang ang mga daliri kung bibilangin niya ang mga tulong na ibinibigay nito sa kanya, malaki man o maliit.       Kaya naman kapag may problema ito, tinitiyak niyang palagi rin siyang nasa tabi nito. Kahit independent siya at malaki ang tiwala sa sarili, nakita niya kung paano ito nasaktan nang husto nang iwan ito ng boyfriend nito. Unang kita pa lang niya sa lalaki ay mabigat na ang dugo niya rito.       He knew it was unfair. Hindi naman tamang agad na magpakita ng kagaspangan sa isang tao, lalo at hindi pa ganap na kilala kaya naman nagpakasibil siya. Pero hindi niya maialis sa sarili ang hindi magandang pakiramdam sa nobyo ni Audrey. Marami na siyang naging nobya kaya naman napapakiramdaman din niya na mukhang palikero din ito.       Hindi nga siya nagkamali. Sa kabila ng matigas na paniniwala ni Audrey na siguradong ito lang ang babae sa buhay ng nobyo nito, napatunayan din naman nila pareho na mali ito ng paniniwala. Iniwan din ito ng lalaki at ipinagpalit ito sa runner-up ng Miss Pampanga.       Nakita niya kung paano nasaktan si Audrey. Bagama’t hindi niya tiyak kung talagang puso nito ang nasaktan o masyado lang natapakan ang pride, para sa kanya ay nasaktan pa rin ito.       But that was four years ago. Halos magkasunod lang na nangyari iyon at ang pagkawala ng kanyang ama. Kapwa sila noon may ginagamot na sugat sa sarili.       Naalala niya ang anyo nito nang nagdaang gabi. Matagal na rin buhat nang makita niyang ganoon ang ekspresyon nito. Parang mahirap isiping napikon ito nang husto kaya naman iniisip niya kung ano ba ang nasabi niya na sukat ikinapikon nito nang husto.       Dati naman nilang napag-uusapan ang tungkol sa nonexistent na lalaki sa buhay nito. Nagiging biruan na nilang dalawa iyon. Pero ngayon ay hindi niya alam kung bakit parang nainsulto ito.       Hindi niya ito gustong saktan. He loved her like a sister and a friend. Higit pa nga siguro doon dahil hindi naman sila ganoon ka-close ng kapatid niyang si Rhea. Talagang espesyal sa kanya si Audrey dahil ito lamang ang kaisa-isang kaibigan niya na higit pa ang closeness sa kanya kompara sa mga barkada niyang lalaki.       In short, they were best friends.       “Sir, Si Ma’am Audrey po sa line two,” anunsiyo ng sekretarya niya nang sumungaw ito sa pinto ng kanyang pribadong opisina.       Bigla siyang napalingon at parang sa isang iglap ay nagliwanag din ang mukha. “Thanks.” Dinampot niya ang extension. “Yes, Audrey.” Hindi niya napigil ang mapatawa nang mahina. “Iniisip pa lang kita.”       “Talaga?” natuwa namang wika nito sa kabilang linya. “Bakit?”       “Ewan ko. Basta naisip ko lang iyong mga pinagsamahan natin.” Nakapa niya sa bulsa ng kanyang long-sleeved polo ang Parker pen. Regalo nito iyon sa kanya noong ma-promote siya bilang manager. Pina-engrave pa nito roon ang pangalan niya. Isa iyon sa mga pinakaiingatan niyang gamit. “Bakit ka nga pala tumawag? Any problem?”       “Wala. Rico, gusto ko lang sanang ungkatin iyong nangyari kagabi... May iba lang kasi akong iniisip kaya ang dali kong napikon.”       Sa narinig ay parang lumuwag ang kanyang paghinga. “Hindi ka  galit sa akin? Nag-aalala nga ako na baka sumobra naman iyong sinabi ko at nasaktan kita. Gusto mo bang pag-usapan natin kung anuman iyang iniisip mo?”       “Huwag na,” mahinang sagot nito. “Thanks.”       “Audrey,” mahinang sambit niya sa pangalan nito. “Alam mong I’m always ready to listen.”       “Alam ko naman iyon. I’m glad that you’re my friend.”       “Hey! Best friends tayo, `di ba?” Natawa siya. “Financial problem ba iyan?”       Tumawa ito pero tila kapos sa taginting. “Oo, alam ko, walang problema sa `yo pagdating sa pera. Wala ito. I just called up to say I’m sorry.”       “Iyong imbitasyon ko nga pala kagabi, it still stands. Mag-Cabalen tayo. Ano, daanan kita sa shop before twelve?”       “Hindi talaga ako puwede. Marami kaming customer.”       “Di, mamayang gabi na lang,” pamimilit niya.       “Saka na lang. Sige, Rico. Bye.”       Bagaman nakahinga siya nang maluwag na maayos ang naging pag-uusap nila ay puzzled pa rin siya. Sanay siyang pinagbibigyan siya nito sa mga imbitasyon niya rito. Pero ngayon, hindi lang siya basta tinanggihan, malabo rin ang sagot nito. Dati, kapag tumatanggi ito, ito mismo ang magbibigay ng date kung kailan ito pupuwede.       “Pare!” bungad ng kasamahan niyang si Art nang pumasok ito sa opisina niya. Kasabayan niya itong sales supervisor ng kompanya pero siya ang mas pinalad na ma-promote na manager. “Mag-Subic tayo. Mamayang hapon ang biyahe, para nakapahinga na nang husto kapag lumusong bukas.”       “Ako lang ang niyayaya mo? Three’s a crowd. Baka tenth honeymoon ninyo iyon ni Nadia, ako pa ang kinukuha mong scorer,” biro niya.       Pareho sila nito na nahilig mag-scuba. Anak si Nadia ng may-ari ng isang resort owner sa Zambales. Tinamaan ng love at first sight si Art dito. Sinuyo nito nang husto ang babae at ngayon nga ay kasal na ang mga ito.       “Ano ka ba naman. Alam mo namang buddy-buddy na rin kayo ni Nadia. Sumama ka na. Wala akong kasamang mag-i-scuba dive. Alam mo na, on the way na si Nadia. Pahinga muna siya sa diving for a while.”       Umiling siya. “Next time na lang, pare.”       “Okay. Yayain mo rin si Audrey para hindi ka nag-iisip na three’s a crowd. Okay lang iyon kay Misis, tutal, magkakilala na rin sila.”       “Hayaan mo, itatanong ko kung gusto niya.”       Nang tumalikod ito ay parang nakadama siya ng kahungkagan sa sarili. Hindi lang ito ang kaibigan niya na may asawa na. In fact, siya na nga lang ang walang asawa, at kapag ganoong nagkakaroon ng biglaang lakad ang mga ito kasama ang mga asa-asawa, parang nakadarama rin siya ng pananaghili. Parang gusto rin niyang mayroon siyang partner na puwede niyang makasama sa mga spur-of-the-moment weekend trips.       Napailing siya. Sa dami ng babaeng napaugnay sa kanya ay hindi pa rin napunan ang hindi maipaliwanag na kahungkagan sa dibdib niya. He knew he was charming. Kasali nga iyon sa puhunan niya kaya maganda ang naging track record niya sa sales. At alam niya na kung gagamitin niya ang charm na iyon ay hindi siya mahihirapang makahanap ng babaeng papayag na sumama sa kanya kung gusto man niyang mag-weekend trip.       Pero iba ang pananaw niya sa bagay na iyon. Maaaring parang wala siyang kapaguran na mag-date ng babae pero hindi pa siya nagplano ng kahit isang overnight trip kasama ang mga ito. Naniniwala kasi siya na ang ganoong klase ng lakad ay nangangahulugan ng isang klase ng relasyon.       Iyong relasyon na malaki ang posibilidad na mauwi sa kasal.       Kaya nga lately ay tinabangan na siyang mag-date ng kung sinu-sinong babae. Hindi naman kasi niya nakikita na handa niyang pakasalan ang mga ito.       He had a secret. Kapag kasama niya ang isang babae, lihim niyang ini-imagine ang magiging buhay niya kung sakaling makatuluyan niya ang isa sa mga ito, at sa tuwina ay parang hirap na hirap siyang mabuo ang imaheng iyon.       He sighed. Totoo naman ang sinabi niya kay Audrey na napagod na siya sa dating game. Thirty-two na siya at malapit nang mag-thirty-three. Now, he wanted something different. Naiisip na niyang lumagay sa tahimik. Gusto na niyang bumuo ng sariling pamilya. Iyon naman ang isang bagay na ikinukulit na rin sa kanya ng kanyang ina. Ang totoo, buhat nang tumuntong siya sa edad na treinta, palagi na lang nitong sinasabi sa kanya na mag-asawa na siya.       May punto rin si Audrey. Weakness talaga niya ang magaganda kaya nao-overlook na niya ang laman ng utak. Kaya kapag naghanap siya ngayon ng babaeng mapapangasawa, kailangan ay iyong kahit tumanda na sila at lumipas na ang kinis ng balat ay gugustuhin pa rin niyang makasama dahil hindi panlabas na anyo lang ang pinagbasehan niya.       Naisip niya na hindi kaya nag-iisip na rin ito ng pag-aasawa? Babae ito at malapit na ring mag-treinta. Ang alam niya, nagpa-panic na ang mga babae na kapag nasa ganoong edad na ay single pa dahil hinahabol ng mga ito ang biological clock ng mga ito.       Matuwain din naman ito sa mga bata. Marami itong kaibigang mga bata sa subdivision. Minsan nga ay napapakiusapan pa itong pag-iwanan ng mga anak ng kapitbahay nila kung may oras din lang ito.       Napangiti siya. Kilalang-kilala niya ito. Hindi nga lang ito masipag magluto, pero alam niya, magiging isang mabuting ina ito at asawa.       Sinabi niya sa sariling bubuksan niya ang paksang iyon dito pag-uwi niya. Hihingi siya ng payo rito at tiyak na may mapapala siya. Minsan din naman kasi ay feeling-Helen Vela ito. Tiyak na matutulungan siya nito kung paano niya maaabot ang goal na iyon sa buhay niya.       Kapag binuksan niya ang topic na iyon dito, tiyak na mababaling sa kanya ang isip nito, at makakalimutan nito ang mismong iniisip nito. That was hitting two birds with one stone.       Napangiti siya. Masigla na niyang hinarap ang mga papeles sa kanyang mesa.        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD