Part 2

1692 Words
“ANO ANG nakain mo at nagluto ka, ha, Audrey? `Di ba, mas sanay ka sa de-lata at pagkain sa carinderia diyan sa may labasan?” tanong sa kanya ni Rico nang makapasok na sila sa loob ng bahay.       Hinayaan niya na ito ang maghain, tutal ay parang extension na rin ng bahay nito ang bahay niya. Sanay na siyang dumadayo ito ng hapunan sa kanya. Hindi naman siya lugi dahil palagi naman itong  may dalang pagkain.       “Galing ako ng SM. Tutal nasa supermarket na ako, bumili na rin ako ng mailuluto. Balak ko nga sana, adobo. Ang kaso, wala pala akong paminta. Hayan, prito na lang.” Malakas ang boses niya dahil nasa banyo siya.       Hinayaan niyang nakaawang nang kaunti ang pinto ng banyo, tutal ay naghihilamos lang naman siya. Sanay na sila nito sa ganoong setup. Kahit na ano ang ginagawa nila ay tuloy pa rin ang kuwentuhan nila. Kuwentuhang para bang isang taon silang hindi nagkita gayong maipagpapamisa kapag lumipas ang isang araw na hindi sila nagkatanawan man lang.       “Sa bahay ko may paminta. Bakit hindi ka kumuha? Alam mo naman kung saan ko inilalagay ang duplicate key, `di ba?”       Hindi siya nakasagot agad. Tapos na siyang maghilamos at naglalagay na lang ng pulbos. Susuklayin na sana niya ang kanyang buhok nang masulyapan niya ang lipstick. Nag-apply siya niyon sa mga labi at saka pa lang hinarap ang pagsusuklay.       “Hoy! Kumibo ka!” tawag nito sa kanya.       “Teka lang kasi, nag-aayos pa ako.”       Itinulak nito ang pinto. “Bakit naman naka-lipstick ka pa? Sa kusina ka lang kakain, nagpustura ka pa,” buska nito sa kanya.       “Pabayaan mo ako.” Inirapan siya nito sa pamamagitan ng repleksiyon nila sa salamin. “Naiinggit ka lang yata, feel free. Use my lipstick.”       “Lalaking-lalaki ako, `no!” wika nito pero pinalantik naman ang mga daliri.       Napabungisngis siya. “Tapos ka na po bang maghain? Nagugutom na ako.”       “Opo, mahal na reyna. Kung itinuloy mo sanang adobo itong manok, di maski naman paano may variety ang pagkain natin.”       “Hayaan mo na nga. Naprito na, eh. Bakit ka nga pala maagang umuwi? Wala kang date?”       “Huwebes pa lang ngayon. Bukas ang simula ng date,” matabang nitong sabi. “Pero wala akong date.”       Nabitin ang pagsasandok niya ng kanin. “Tama ba ang narinig ko? Paano na si Barbie Doll Number One Hundred-Sixty-five? Hindi ba, siya lang ang tumagal sa iyo nang isang buwan?”       “Barbie doll” ang tawag niya sa mga girlfriends nito, at kahit na hindi exaggerated ang bilang, talagang dinadagdagan niya dahil kapos talaga ang mga daliri niya sa kamay at paa sa dami ng babae nito.       halos iisa ang porma. The women looked like perfect dolls. Weakness nito ang mga magagandang babae na hindi lang mukha ang maganda. Matatangkad, slim, at malulusog pa ang dibdib.       Sa palagay niya ay isang milya ang agwat ng pagkakaiba niya sa mga babaeng iyon. Karaniwan lang ang taas niya bilang isang Pinay. Bagama’t hindi masasabing mataba, bilugan siya kaya kapag kapos sa bokabularyo ang kausap niya, nasasabihan din siyang mataba.       She hated it. Kahit na chubby o cute, hindi rin niya gustong ipatungkol iyon sa kanyang sarili. Pero ano ba ang magagawa niya? Makinis naman ang kutis niya. Alaga kasi iyon sa beauty salon at talagang well-maintained, lalo naman ang buhok niya. Hindi iyon pumapalya sa hot oil at wax treatment. Natural na requirement iyon sa kanilang mga empleyado ng shop para sila mismo ay maging effective advertisement sa mga customers nila.       Pero kahit kailan yata ay hindi siya masasabihan na maganda. Hindi kagaya ng mga naging nobya ni Rico. Isang salita lang ang agad na maikakabit sa mga ito. Maganda.       Napatingin siya sa kanyang dibdib. Naroroon ang isa pang diperensiya niya. Thirty-four naman ang size ng b*a niya pero malaki ang hinagpis niya na cup A lang siya, hindi kagaya ng mga Barbie dolls ni Rico, nagpapaligsahan yata sa cup C at D!       “Audrey, nakikinig ka ba sa sinasabi ko?” wika sa kanya ni Rico na ikinapitlag pa niya.       “Ano ba ang sinasabi mo?” wika niyang hindi gustong ipahalata ang takbo ng isip. “Concentrated ako sa kinakain ko, eh.”       “Hindi ka naman ngumunguya,” panunupla nito sa kanya. “Ang sinasabi ko, malabo na kami ni Fritzie. Wala nang mangyari, eh. Lumipas na ang excitement. Saka parang nagsasawa na rin ako. Palagi na lang ganoon. Kain sa labas, nood ng sine. Minsan, outdoor gimmick. Masaya naman. Kaya lang, parang ang bilis ding maglaho ng magic.”       “May magic ba naman in the first place?” nakataas ang kilay na tugon niya.       “I think titigilan ko muna ang mga babae. I mean, iyong pakikipag-date.”       “Rico, baka mabilaukan ako nang wala sa oras, ha. Tumigil ka nga riyan. Bukas lang mayroon ka na namang bago, eh. Ganoon naman palagi ang style mo, `no!” Sinadya niyang lagyan ng taray ang tinig. Kung hindi niya gagawin iyon ay lulutang ang pait sa tono niya, at kapag napagtuunan nito ang ekspresyon niya, malamang na maisip nito na nagseselos siya.       “Nagbabago naman ang tao, `di ba? Hindi ko naman sinabing hindi na ako makikipag-date. Ang sabi ko lang, titigilan ko. All right, I’ll rephrase it. Titigilan ko muna.”       “Sinabi mo, eh. Huwag na nating daanin sa pustahan dahil malamang ay matalo ka lang. Saka iyon naman kasing mga Barbie dolls mo, obvious namang walang alam kundi ang magsalamin. Kausapin mo nang medyo malalim ang topic, ngingiti na lang. Hindi naman sila model ng toothpaste! Maghanap ka kasi ng masarap makausap, iyong hindi palaging brand ng damit at cosmetics ang alam.” Sandali siyang tumigil at uminom ng tubig.        “Kapag naghanap ka ng mapapangasawa, iyong may laman ito, ha?” sabi niya na dinutdot pa ang sariling sentido. “Kahit maganda iyan, kukulubot din ang balat niyan `pag matanda na kayo. By that time, ang hahanapin mo na ay iyong makakausap na may sense. Siyempre, nakaupo na lang kayo sa rocking chair. Utak n’yo na lang ang mabilis gumana. Eh, baka naman gustuhin mo na lang na mamatay agad kung pagdating ng araw na iyon, antiaging at face-lift pa rin ang topic ninyo.”       “Marami bang tao sa SM ngayon?” pag-iiba nito ng paksa.       “Ang itanong mo ay kung kailan kumonti ang tao roon. Bakit ba?”       “Manood tayo ng sine,” yaya nito.       “Ayoko,” mabilis na tanggi niya. “Manonood ako ng Game Ka Na Ba saka Bituin.”       “Okay lang. Last screening ang panoorin natin.”       “Rico, ano ka ba? Sinusubaybayan ko rin iyong Darating Ang Umaga at Kay Tagal Kang Hinintay.”       “`Ayan! Mapapanghal ka na nga sa kahihintay, hindi ka na makakapag-asawa. Hindi na darating ang umaga sa iyo dahil ni ayaw mong lumabas ng bahay.”       “Ang sakit mo namang magsalita! Bakit, ito bang mukha kong ito, wala nang pag-asa na makapag-asawa? Ano naman ang malay mo sa mga manliligaw ko? Hindi ka naman palaging umuuwi nang ganito kaaga.”       “Ibig sabihin, may manliligaw ka?”       “Pakialam mo ba?” asik niya at tinapos na ang pagkain. Noong una ay para lang laro sa kanya ang argumento nila pero ngayon ay bigla na lang siyang napikon.       “Audrey, ang isasagot mo lang ay mayroon o kaya wala. Hindi ko naman itatanong kung sino ang lalaking iyon. Hihintayin kong kusa mo siyang banggitin sa akin.” Nakita niyang uminom na ito ng tubig. Mukhang bigla na lang din nitong tinapos ang pagkain.       Wala! Gusto sana niyang isigaw iyon pero alam niyang siya mismo ang mapapahiya. Walang kibong inimis niya ang pinagkainan sa mesa. Hindi naman ito tuminag sa kinauupuan nito. Parang silent agreement na nila noon pa na kapag ang isa ang naghanda ng mesa, ang isa naman ang bahalang magligpit.       “Audrey,” banayad na tawag nito sa kanya.       “Please, Rico, huwag na lang nating pag-usapan,” masama ang loob na sabi niya.       “So, may sekreto ka na pala ngayon. Akala ko pa naman, talagang open tayo sa isa’t isa. We tell each other everything, `di ba?”       Dati na akong may sekreto, sa loob-loob niya.       Sa sulok ng mga mata niya ay nakita niya itong tumindig. Tahimik itong lumapit sa kanya at sumandal sa malapit sa lababo. Pinanood nito ang ginagawa niya, at alam niya, panaka-naka ay sa kanya mismo ito nakatingin.       Dead-ma lang siya. talagang masama na ang loob niya. Mas mabuting itikom na lang niya ang bibig kaysa magsalita ng mga bagay na pagsisisihan din niya sa huli.       “Uuwi na ako,” wika nito nang makitang patapos na siya sa paghuhugas ng pinggan.       Bahagyang tango lang ang itinugon niya. Ni hindi siya nag-angat ng mukha para sulyapan ito. Narinig niya ang pigil na pagbuntong-hininga nito nang humakbang. Iyong service door na ang tinungo nito.       Nang nakatalikod na ito sa kanya ay saka pa lang niya ito tinanaw. Alam niya na pareho silang biglang naasiwa sa pagkakaroon ng tensiyon.       “Audrey,” anito na biglang lumingon sa kanya.       “Ano?” matabang na sagot niya. Nagpapasalamat siya na lumipas pa ang ilang sandali at hindi siya nito nahuling nakatingin dito.       “Sabay tayong mag-lunch bukas. Mag-Cabalen tayo. Daanan kita sa shop ninyo.”       “Maraming nag-confirm ng appointment nila para bukas. Hindi ako makakalabas.”       Napatango na lang ito. “Sige. I’ll just see you. Goodnight.”       Nang matanaw niya buhat sa bintana na nakalipat na ito sa kabilang bakuran ay saka pa lang siya tila nahahapong naupo sa silya.       “We tell each other everything, `di ba? Parang naririnig pa niya ang tinig nito. Sa kabila ng pananamlay niya ay parang gusto niyang matawa.       Totoo siguro iyon sa parte nito, pero imposible sa parte niya. Mayroong isang bagay na hindi niya sinasabi rito. Isang importanteng bagay na malamang ay ikagigimbal nito kapag nalaman nito.       Dahil siya, si Audrey Marasigan na itinuturing nitong matalik na kaibigan ay lihim na lihim namang in love dito!      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD