Prologue
PAANO mo nga ba masasabing kayo na hanggang dulo ng taong mahal mo? Kapag tumagal kayo ng maraming taon? Kapag nag-propose siya ng kasal? Kapag nangako siyang ikaw lang ang mamahalin niya? Kapag sinabi niyang hindi niya kayang mabuhay ng wala ka? O, kapag dinala ka na niya sa altar para pakasalan?
Lahat ng 'yon ay ginawa at sinabi ni Clinton sa kanya maliban sa huling nabanggit dahil dinala lang siya nito sa altar pero hindi itinuloy na pakasalan. At ngayon ay nasa harapan siya ng mga bisita luhaan habang nakatanaw sa aisle na dinaanan ng nobyo. Ramdam niya ang titig ng mga bisita, naririnig niya rin ang bulong-bulungan sa paligid. Pero higit pa roon ay ramdam niya ang sakit na sa hinagap ay hindi niya inisip na mararamdman niya. Mabigat, sobrang bigat. Parang pinipira-piraso ang pakiramdam niya ng mga oras na 'yon. Bukod sa kahihiyan na nilikha ng ginawa ng nobyo sa kanya at sa buong pamilya niya ay sari-saring tanong rin ang naglalaro sa utak niya.
"I-I'm sorry, hija. We are really sorry. We will figure this out okay?" Hinging paumanhin ni Mrs. Suarez, ang ina ng nobyo at inabot ang kamay niya saka masuyong pinisil. Nakalarawan sa mukha nito ang awa habang nakatingin sa kanya.
"Ayusin niyo 'to Balae, please?.." sabi ng mommy niya.
Tumango naman ang ginang at pagkaraan ay nagpaalam saka dahan-dahang binitawan ang kamay niya. Nagmamadali itong lumabas ng simbahan kasama ang esposo na katatapos lang din kausapin ng daddy niya. Pagkatapos ay nakita niya itong papalapit sa kinaroroonan niya.
"Take her out of here. I will take charge on explaining to everyone what happened." Mariing bulong ng ama sa mommy niya. Kitang-kita niya kung paanong maggalawan ang muscle sa panga nito tanda ng pagpipigil ng galit.
Matapos 'yon ay hinawakan siya ng ina sa siko at iginiya palabas ng simbahan. Halos manliit siya sa mapanuring tingin ng mga taong nadadaanan nila at nakarinig pa siya ng salita na lalong nakapagpabigat ng nararamdaman niya.
"Nakakaawa naman siya..."
"Ano kayang kulang sa kanya para iwanan siya sa harap ng altar?"
"Baka naman may ibang mahal ang groom niya?"
"Don't mind them, hija. We will figure this out, don't worry," wika ng inang si Lara nang makalabas sila ng simbahan. Tumigil sila sa paglalakad at inilibot nito ang tingin na parang may hinihintay. Hindi lumipas ang ilang minuto ay may tumigil na na gray Nissan Navara sa harapan nila at agad na binuksan ng mommy niya ang pinto sa passenger side. Hindi na siya naghintay na sabihan nito at kusa na siyang sumakay. Hindi rin siya nag-abalang tingnan kung sino ang driver at itinuon ang tingin sa unahan. Tuloy pa rin ang pag-agos ng luha niya pero ang hindi niya maintindihan ay kung bakit nananatili pa rin siyang kalmado sa kabila ng nangyayari. God know's what she want to do right at that very moment...
"Bring her home safe and please don't leave her while we are away," bilin ng ina at isinara na ang pintuan.
Walang imik ang kung sino man na nakapuwesto sa driver seat at ini-start na ang sasakyan. Habang siya ay isiniksik ang sarili sa sulok. She accidentally saw her face in the side mirror and her make up is a complete mess. She look like an ugly bride but she doesn't care about her look. All she wanted now is to go home.
Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakatulala sa kawalan. Basta ang alam niya ay naubos na lang ang luha at natuyo ang mga bakas sa pisngi niya. Kaya pakiramdam niya ng mga oras na 'yon ay nababanat ang mukha niya. Namalayan na lang din niya na pumapasok na ang sasakyan sa malawak na garahe nila at nang tumigil 'yon ay hindi na siya naghintay at kusa ng bumaba pagkatapos ay tumakbo siya sa loob ng bahay. Narinig pa niya ang pagtawag sa pangalan niya pero hindi niya iyon inintindi.
Malapit na siya sa hagdanan ng bigla niyang maapakan ang laylayan ng suot na gown. Susubsob na sana ang mukha niya kung hindi lang niya naisalag ang braso niya. Impit siyang napaigik nang bumagsak ang buong katawan niya sa sahig.
"Sir Tor! Sir Tor! Si Ma'am Raine, natumba!" Narinig pa niyang tili ng katulong.
Pinilit niyang bumangon kahit na ramdam niya ang sakit ng katawan at braso niya na nadaganan. Nang pumasok si Tor at daluhan siya ay natawa siya. Pero alam naman nila na bahaw 'yon.
"Hindi ako nasaktan," gumagaralgal ang boses na turan niya at napasigok. "M-mas masakit na i-iniwan niya 'kong mukhang tanga sa a-altar," dagdag niya at marahang napailing. Ang luha na inakala niyang naubos na ay parang bukal na naman na umagos sa pisngi niya. Ang pagsigok ay nauwi sa paghagulgol at kulang na lang ay maglupasay siya sa sahig na kinauupoan dahil sa sobrang sakit ng nararamdaman niya. Ang lalaki na nasa harapan niya ay walang magawa at nag-iwas na lang ng tingin.
"I-i can't feel any physical pain right a-at this moment. But I-i can feel the misery and th-that is enough to kill me..." sabi niya sa pagitan ng paghikbi at muling napahagulgol. Sunod-sunod ang naging pag-iling niya dahil hindi niya magawang pigilan ang pagdaloy ng sakit sa katawan niya at animo'y nanunuot 'yon sa kaibuturan niya. Kung maaari lang sana na maging manhid siya sa mga oras na 'yon. Kung may paraan lang para makalimutan niya ang nangyari ay gagawin niya.
Dahil sa labis na pag-iyak ay halos mapatid na ang hininga niya. Sinubukan pa siyang bigyan ng tubig ng katulong pero hindi niya tinanggap. Nanatili siya roon hanggang sa mapagod siya sa pag-iyak. Pati si Tor ay naupo na rin at animo dinadamayan siya sa pagdurusa niya. Lumipas pa ang ilang minuto at nagdesisyon siyang tumayo. Agad naman siyang inalalayan nito hanggang sa pag-akyat sa ikalawang palapag ng bahay. Hinayaan niya lang ito hanggang sa maihatid siya sa silid niya.
"A-ayos na 'ko rito. Maliligo lang ako para maalis ang makeup sa mukha ko at para m-mahubad na rin a-ang gown," turan niya matapos bawiin ang braso sa lalaki.
"Sigurado ka ba?" seryosong tanong nito. Pilit siyang ngumiti kasabay ng marahang pagtango. Ilang segundo pa siyang tinitigan nito bago nagdesisyon na iwanan siya.
Nang makalabas ito ay matamlay niyang hinubad ang wedding gown na siya mismo ang nag-disenyo at gumawa. Pagkatapos ay dumiretso sa loob ng banyo. Lumusong siya sa bath tub at binuksan ng malakas ang tubig. Humiga siya at ibinabad ang sarili saka mariing ipinikit ang mga mata. Hinintay niya lang na mapuno ng tubig ang bath tub at nanatili roon.
Hindi niya makakalimutan kung paanong nagmalaki pa siya sa mga pinsan dahil sabi niya ay siya ang magiging pinaka-magandang bride at magiging wedding of the century ang araw ng kasal niya. She was so proud and so full of herself. But look where she is now. It bacame the opposite. Epic fail ang kasal niya dahil kay Clinton na nag-run away groom.
Muling napahikbi si Laraine sa pagka-alala sa nangyari. Agad niyang sinupil ang luha na nagbabadya na namang tumulo at pinilit na iwaksi ang mga alaala na pilit sumisiksik sa utak niya. Pinilit niyang ipahinga ang isip habang nananatiling nakalubog ang katawan sa tubig. Nanatili siya roon hanggang sa hindi niya namalayan nakatulog na siya. Unti-unting dumausdos ang katawan ng dalaga at umilalim sa tubig. Hindi nito namalayan dahil sa himbing ng tulog nito.
"WHERE is she?" tanong ni Lara kay Tor na naabutan niyang nasa labas ng silid ng anak.
"She's in her room. She said she will take a bath. I guess she's done because it's past an hour since I left her," tugon nito.
Tumango siya at dumiretso na sa silid ng anak. Pagpasok ay agad na tumambad sa kanila ang wedding gown nito na nasa carpeted floor. Dumako ang tingin niya sa kama nito at hindi niya ito nakita roon. Biglang sumikdo ang kaba sa dibdib niya at nagtungo sa walk in closet sa pagbabakasakali na naroon ito at nagbibihis. Nang hindi pa rin makita roon ang anak ay humahangos siyang lumabas.
"She's not here... Where is she?" Natataranta ng tanong niya.
"Sinabi niyang maliligo lang siya," tugon nito. Nagkatinginan sila at may kung ano sa tingin nito na lalong nagpalala ng kabog sa dibdib niya. Tumakbo si Tor sa banyo at pinihit ang seradura ng pintuan para lang malaman na naka-lock 'yon mula sa loob. "She's still inside! Get the key, Lara!" Nabanaag sa tinig nito ang pagkataranta habang pinipilit na buksan ang pintuan. Hindi pa nakuntento at sunod-sunod itong kumatok habang tinatawag ang pangalan ng anak niya.
Natataranta siyang sumigaw para tawagin ang katulong nila pagkaraan ay binalingan ang binata.
"Ang tagal nila. Sirain mo na ang pinto, Tor! Baka kung ano na ang ginawa ni Laraine sa sarili niya, please?" udyok niya rito.
Pumwesto naman ito pagkaraan ay binayo ang pintuan gamit ang katawan nito. Sa unang subok ay hindi man lang natinag ang pintuan. Pero sa ikalawang pagkakataon ay bumukas na 'yon. Nauna pa si Tor sa kanya sa pagpasok at tumambad sa kanila ang hubad na katawan ni Laraine habang nakalublob ito sa tubig at animo hindi na humihinga.
Sa kabiglaanan ay ni hindi niya nagawang kumurap at gumalaw sa kinatatayuan niya. Pinanood niya lang ng iahon ni Tor ang katawan ng anak mula sa tubig at ibinaba 'yon sa sahig ng banyo. Pagkatapos ay hinubad nito ang suot na suit at ibinalot sa kahubdan ng anak niya pagkaraan ay sinimulan na ang mouth to mouth resuscitation. Pero wala silang nakuhang response mula kay Laraine. Hindi pa rin ito gumagalaw at animo hindi na humihinga.
Napagsalikop niya ang mga palad at lihim na umusal ng panalangin habang patuloy na pinapanood ang lalaki sa ginagawa nito. Hanggang sa makalipas ang ilang minuto sa wakas ay narinig nila ang pag-ubo nito kasabay ang paglabas ng tubig mula sa bibig nito. Napaupo ito sa malamig na sahig habang patuloy sa pag-ubo at dahil do'n ay natanggal ang tumatabing sa katawan nito.
Agad niyang kinuha ang roba na natanawan niya at isinuot dito samantalang si Tor ay lumabas na. "What have you done, Raine?! Why are you trying to kill yourself? Alam kong masakit ang nangyari sa 'yo pero hindi mo dapat gawin 'to!" Halos mag-hysterikal na sambit niya. Hindi niya kayang makita na nagkakaganoon ang nag-iisang anak.
Napapitlag siya nang bigla itong sumubsob sa dibdib niya at biglang humagulgol. Ramdam niya ang higpit ng yakap nito pati na rin ang sakit na nadarama nito ng mga oras na 'yon. Sapat na ang iyak nito para malaman niya kung gaano kahirap ang pinagdaraanan nito. Pero kahit gano'n ay hindi pa rin dapat maging solusyon ang pag-aattempt na mag-suicide. Nais niyang ipaunawa sa anak 'yon. Pero sa ngayon ay hahayaan niya muna itong ilabas ang lahat ng nararamdaman nito.