Chapter 1: Airport

2566 Words
Kier WHEN I was a kid, I always wonder why people say that, “Airports are one of the saddest places on Earth.” Kaya pala... Ang sakit pala talaga. Ang sakit makita na ang taong pinakamamahal mo ay mapapalayo na sa iyo. Iyong sanay ka na lagi siyang nandiyan pero ilang minuto lang... wala na siya. Ang masama pa nito, sa isang bansa pa na kasalukuyang bawal mag-video call pupunta si Jana. `Buti na lang, puwede ang text messages, tawag, at mag-send ng pictures. At least, makakapag-usap pa rin kami. At least kahit sa picture, puwede ko siyang makita. Heto na... Narinig na namin ang ang announcement na dapat nang pumunta ang mga pasahero sa departure area. Ilang minuto na lang talaga at wala na akong magagawa. “Sinong pogi? Sinong pogi?” tanong ni Jana habang hinahaplos ang aso naming si Pogi na isang pug. Bakit Pogi ang pangalan niya? Kasi kulubot ang mukha niya at malaki ang kanyang mga mata. Palagi ding nakasimangot si Pogi. Ang mga bata rin sa amin, “Panget” ang tawag sa kanya. Kaya to compensate, Pogi na lang ang pangalan niya. Bagay naman, hindi ba? Dinilaan lang ni Pogi ang kamay ni Jana. Ako naman ang kunwaring sumagot. “Arf! Arf!” Nakangiting napatingin sa akin si Jana. “Weeeeh? Ikaw ba si Pogi?” “Bakit, pogi naman ako, ah?” sagot ko. Tumayo siya at hinawakan ang mga pisngi ko. “Siyempre naman, wala nang mas popogi pa sa `yo. Mag-behave ka dito, ah? Dapat makapasa ka sa Bar exam.” “Arf! Arf!” Natawa si Jana sa sagot ko at pabirong kinurot ang mga pisngi ko. “Ikaw talaga.” Napangiti ako pero mayamaya… bigla akong nakaramdam ng matinding kalungkutan. Nawala ang ngiti sa aking mukha. “Why do I feel that I’m not gonna see you again?” Sumimangot din si Jana. Nakita ko sa mga mata niya na parang maiiyak na. “Kier, my love, I promise we will see each other again. I’ll be back. This will be just a year or two.” Saglit akong pumikit, saka tumango. Pagkatapos ay tinitigan ang mukha niya na parang kinakabisado ang lahat ng detalye at angulo niyon. Ilang saglit pa, nakita namin na kumakaway na si Tita Jizelle, ang mama ni Jana. Signal na dapat na silang umalis. Naglakad kami papunta kay Tita Jizelle. Hila-hila ko ang napakabigat na maleta ni Jana. Parang nakalagay doon ang mabigat na nararamadaman ko sa pag alis niya. Hawak ko naman nang mahigpit ang isa niyang kamay habang hawak niya si Pogi sa kabila. Tumigil ako bigla. Sa huling minuto, lalong ayaw kong umalis si Jana. Hindi ko talaga kaya. “Kier, what’s wrong?” nag-aalalang tanong niya sa akin. Hindi ko namalayan na tumulo na pala ang mga luha sa mga mata ko. “I can’t do this, please don’t go.” “Kier...” Niyakap ako nang mahigpit ni Jana. Dati, isang yakap lang niya okay na ako. Gumagaan na agad ang pakiramdam ko. Pero this time, hindi ko napigilang maiyak. “I’m sorry, but I have to. `Di ba sabi mo, tutuparin natin ang mga pangarap natin? Babalik ako agad, mabilis lang ang dalawang taon. Pagbalik ko, Attorney Kier de Leon ka na dapat, ah?” Wala na talaga akong magagawa. Aalis na siya at matagal pa bago kami muling magkita. Agad kong pinunasan ang mga luha ko at napangiti. Para kay Jana, mag-aaral akong mabuti at ipapasa ko ang Bar exam. ”Mag-iingat ka palagi sa Saudi, ah? Kakayanin ko para sa `yo. Pag uwi mo, attorney na ako. Promise `yan!” Agad kong binigyan si Jana ng matamis na halik. Halik na parang iyon na ang huli. Halik na sa bawat dampi ng mga labi namin ay kinakabisado ko ang pakiramdam niyon. Pagkatapos, muli kaming naglakad papunta kay Tita Jizelle. “O, Kier, mag-aral ka nang mabuti, ah? Aalis na kami ni Jana,” bilin niya sa akin. “Opo. Mag-iingat din po kayo,” sagot ko naman. Iniabot ko kay Tita Jizelle ang maleta at kinuha ko si Pogi kay Jana. “Keep me updated. Mag-message ka agad kapag nandoon na kayo. Maghihintay ako,” sabi ko kay Jana. “Yes, my love. Don’t worry. Mag-iingat ka palagi dito. Huwag kang magpapabaya. Iyong mga bilin ko sa `yo, ah?” sagot niya. Umupo siya at kinausap si Pogi. “Pogi baby, bantayan mo si Daddy, ah? Aalis muna si Mommy para mag-work. Huwag mo siyang iiwan.” Tumayo uli si Jana at humarap sa akin. Tinitigan niya ako. At ilang saglit pa, bigla siyang humagulhol at yumakap sa akin. Niyakap ko rin siya nang mahigpit. “Mahal na mahal kita, Kier. Tandaan mo pa lagi `yan.” “I love you, too, Jana. Come back soon, my love,” sagot ko. “I will wait for you, okay?” Nabaliktad ang sitwasyon. Kanina ako iyong halos bumigay na. Ngayon ako iyong sinusubukan siyang patahanin. Nagpapakatatag ako pero alam kong deep inside, gusto ko na ring humagulhol. Pinunasan ko ang mga luha ni Jana. Nginitian niya ako. Isang ngiti na lagi kong maaalala. Bumitaw siya sa akin at bumulong. “Good-bye, my love...” Hinawakan na si Jana ni Tita Jizelle at pumasok na sila sa loob ng departure area. Habang papalayo siya, hindi niya inalis ang tingin sa akin. Nilingon niya ako nang nilingon hangang sa tuluyan na nga silang makapasok sa loob. Natulala ako at hindi nakagalaw sa kinatatayuan. Hindi talaga kompleto kapag wala si Jana. Feeling ko, parang hindi ko na siya makikita. Pero hindi ako mawawalan ng pag-asa. Para sa kanya, magpapakatatag ako. Naiintindihan ko naman kung bakit niya kailangang magtrabaho sa ibang bansa. Hindi lang kasi basta trabaho ang opportunity niya sa Saudi. Kailangan din niya iyon para maging isang successful na architect. Dahil parang sandaling huminto ang mundo ko nang umalis si Jana, hindi ko namalayan na nabitawan ko na ang tali ni Pogi. Hindi ko na siya makita sa paligid. Agad akong pumunta sa pinakamalapit na security guard at tinanong kung nakita nila ang aso. Idinescribe ko sa kanila si Pogi. Nagbigay rin ako ng ID. Agad namang iniradyo ng guard sa mga kasamahan niya ang nangyari. Naglibot kami ako sa buong airport para hanapin si Pogi. Hangang sa makarating ako sa labas. “Pogi, chuchuchu! Pogi, come to daddy!” sigaw ko. Pinagtitinginan ako ng mga tao sa paligid. Akala siguro nila isa akong binabae na naghahanap ng pogi sa daan. Nahiya ako kaya tinakpan ko na lang ang mukha ko, pagkatapos ay tumakbo na agad papunta sa kabilang terminal. Ilang minuto pa, sa wakas ay nakita ko rin si Pogi! Sigurado akong siya iyon dahil sa kakaibang collar na suot niya. Regalo iyon ni Jana dati. Kulay-black and white na may nakasulat na “Pogi” sa gitna. Nagtataka lang ako kung bakit may kasamang babae si Pogi na nagpapakain sa kanya ng kung ano. Agad akong lumapit kanila. Baka marumi o baka makasama sa aso iyong ipinapakain niya. “Hoy, Miss! Ano `yang ipinapakain mo sa aso ko?” Nilingon niya ako at agad na tinarayan. “Hoy ka din! Aso mo ba `to? Kaya pala tinakbuhan ka, eh, kasi hindi mo pinapakain. Gutom na gutom siya, o!” “Teka, malinis ba `yan?” masungit kong tanong. “Oo naman! Ano’ng akala mo sa `kin lalasunin ko `to?” Sinubukan kong kunin ang tali ni Pogi sa babae. “Akin na nga `yang aso ko!” Pero agad niyang inilayo sa akin ang tali. “Sandali lang! Baka hindi sa `yo ang asong `to at nagpapanggap ka lang. Hoy, mister! Alam ko na `yang mga modus n’yo! Nabasa ko na `yan sa social media.” Tumingin siya sa paligid. “Guard! Guard! May nangunguha ng aso dito, o!” sigaw pa niya. “Sige tawagin mo sila nang magkaalaman tayo na aso ko nga `yan,” kampante kong sabi. Dumating ang mga guard. Mayabang na tiningnan ko ang babae bago bumaling sa isang guard. “Manong guard, pakisabi nga sa babaeng ito na isauli sa `kin ang aso ko. Ngayon na.” “Ma’am, aso po `yan ni Mr. de Leon. Kung maaari lang po sana ay i-turn over n’yo na po sa kanya `yong aso,” sabi ng guard. “Teka paano naman kayo nakakasiguro na aso niya ito? Manong, `wag po kayo agad magpadala sa mga ganito,” sagot pa ng babae. “Miss, ‘Pogi’ ang pangalan ng aso ko. `Ayan, nakalagay sa collar niya, o. I-check mo din `yong likod ng collar kasi nandoon din ang info ko na magpapatunay na sa akin nga `tong aso,” sabad ko. Ipinakita ko sa kanya ang ID ko. Tiningnan niya ang ID ko, pagkatapos ay tiningnan niya ang likod ng collar ni Pogi. Parang na-realize naman niya na mali siya kaya iniabot na sa akin ang tali. “O, heto na ang aso mo. Naniniguro lang naman ako, eh. Mahirap na,” sabi pa niya. Hinila ko ang tali ni Pogi palapit sa akin. “`Lika na, Pogi. Lumayo ka na sa babaeng `yan.” Tinaasan ako ng kilay ng babae. Gusto ko na sanang umalis pero kumakain pa ang aso kaya hindi ito umalis sa puwesto. Biglang umupo ang babae sa harap ni Pogi. Hinaplos niya ang ulo ng aso. “Ay, Pogi pala ang name mo? Bagay sa `yo. Siguro itong amo mo ang pangalan... panget!” natatawa pa niyang sabi. Kumunot ang noo ko sa inis, “Excuse me?” Hinaplos niya nang hinaplos si Pogi, saka tumawa uli mayamaya. “Biro lang. Bye-bye. Pogi.” Tumayo siya, tumingin sa akin, at biglang umirap. “Tse! `Kala mo naman...” Saka tumalikod na at agad naglakad paalis. “Aba, teka!” Hahabulin ko sana ang babae para pagsabihan pero hinayaan ko na lang. Pinasalamatan ko rin ang dalawang guard na tumulong sa akin. Nang makita kong tapos nang kumain si Pogi, niyaya ko na siya. “`Lika na, Pogi. Uwi na tayo.” Habang naglalakad, bigla kong naisip na dapat pala, pinasalamatan ko ang babae. Maganda naman iyong ginawa niya, iyong hindi niya agad ibinigay sa akin si Pogi. Kung ibang tao siguro, baka nakuha na si Pogi. Kaso ang pangit ng ugali ng babaeng iyon. Akala mo kung sinong maganda. Sumakay kami ng taxi. Ramdam ko pa rin ang bigat ng pag-alis ni Jana. Sana dumating na ang araw ng pagbalik niya. Si Jana ang dahilan kung bakit hindi na ako antisocial ngayon. Because of her, I love having people around. Pero ngayong wala na siya, feeling ko mag-isa na uli ako. Pakiramdam ko, mas gusto ko na uling mapag-isa. Pero may aso nga pala akong pogi kaya hindi pa rin ako mag-isa. Napabuntong-hininga ako, mayamaya. “Jana my love, ang hirap nito.” “Ano po `yon, Sir?” tanong ni Manong taxi driver. “Ah, wala po, Manong. May kausap po ako sa telepono.” Kunwaring inilagay ko ang phone sa tainga ko. Hindi ko kasi namalayan na nasabi ko pala nang malakas iyong nasa isip ko. Nakakahiya. Nakadalawang epic fail na ako ngayon. “Sige po, Sir. Pasensiya na po.” “Wala po `yon, Manong. Okay lang po,” sagot ko. Kunwari, nagpaalam na ako sa kausap ko sa phone para maging makatotohanan ang palusot ko. “Call you later. Bye!” Napansin siguro ni Manong na malungkot ako kaya bigla niya akong kinausap. “Naghatid kayo ng nag-abroad, Sir?” “Ah, opo. Girlfriend ko po, saka `yong nanay niya. Nagpunta na sila sa Saudi,” sagot ko. “Ang hirap, `no, Sir? Iisipin mo pa lang na mapapalayo sa `yo `yong mahal mo, mahirap na. Pagkatapos `yong feeling pa na parang hindi na sila babalik.” Nagulat ako sa sinabi ni Manong. Parang alam na alam niya iyong nararamdaman ko. Pero hindi ko ipinahalata na sobra akong nalulungkot. Ngumiti ako at nakipag-usap na lang. “May hugot ka do’n, Manong, ah?” Nakita ko sa rearview mirror na ngumiti siya pero may bakas ng kalungkutan sa mga mata. “Oo, Sir. Iyong asawa ko dati nag-Dubai. Nakulangan kasi sa kinikita ko sa pagta-taxi. Ako rin ang naghatid, naiyak pa nga ako, eh.” Humanga ako kay Manong dahil inamin niyang naiyak siya nang mapalayo sa kanya ang asawa niya. Para sa akin, iyon ang tunay na lalaki. Hindi nagtatago ng nararamdaman para sa babaeng minamahal. “Gano’n po ba? Nando’n pa rin po ba siya ngayon? Paano n’yo po kinaya?” tanong ko. Gusto kong makakakuha ng tips para maibsan ang kalungkutan ko sa pag-alis ni Jana. Nawala ang ngiti sa mukha ni Manong. “Ah, oo, nando’n pa rin siya. Kaso ang huli kong balita, nag-asawa na raw ng Arabo. Hindi na tumatawag sa amin. Kaya kami na lang ng anak ko sa buhay.” “Ay, gano’n po ba? Sorry po kung naitanong ko,” sabi ko. “Wala po `yon, Sir. Sana hindi mangyari sa inyo `yong nangyari sa akin. Basta magdasal lang kayo sa Panginoon,” payo pa ni Manong. “Hindi naman po siguro. Pero maraming salamat po. Susundin ko ang payo n’yo.” Naisipan kong ipagpatuloy pa ang pagkukuwentuhan namin para mabaling sa iba ang atensiyon ko. Dahil alam kong pag uwi ko ng bahay, mag-e-emote na ako. “Manong, do’n po ba kayo lagi sa airport nag-aabang ng mga pasahero?”  “Ah, hindi. Hinatid ko lang `yong anak ko kanina,” sagot niya. “Nag-abroad na din po `yong anak n’yo?” tanong ko. “Hindi naman. Tumambay lang siya sa airport.” Napangiti ako sa sagot niya. “Hanep po `yong tambayan niya, ah? Airport!” Mahina akong natawa. “Oo kasi nagbaba-kasakali siya na bigla niyang makikita ang mama niya. Kaya kapag wala siyang pasok sa trabaho, hinahatid ko siya do’n,” sagot ni Manong. Natigilan ako sa sinabi niya. Talagang nakakalungkot ang naging sitwasyon nila. Agad kong iniba ang usapan para hindi na lalong malungkot si Manong. “Ah, ako nga po pala si Kier... Kier de Leon. Isa po akong Law student. Gusto ko po sanang kunin ang phone number n’yo para kung sakaling kailangan ko ng taxi, kayo po ang tatawagan ko kung malapit kayo.” “Ay, ayos `yan, Sir! Marami pong salamat. Ako po si Gilbert.” Ibinigay rin niya ang kanyang phone number. Nakauwi na rin kami ni Pogi sa apartment ko. Naalala ko si Jana. Minsan kasi kapag umuuwi ako, bigla na lang siyang nandito sa apartment at may nakahanda nang pagkain. Pero ngayong wala na siya, nakatulog na lang ako sa pagod at sa lungkot. Kinabukasan, nag-check ako ng phone para tingnan kung may message si Jana. Wala pang update. Nasaan na kaya sila? Sana okay lang sila. Mayamaya pa, nakatangap na ako ng message galing kay Jana. Jana: My love.. Help.. Me: What’s going on, my love? Nasaan na kayo? Jana: Kier, help me..   Agad kong tinawagan ang phone ni Jana pero agad niya iyong ibinaba. Me: Jana, please answer the phone. What’s happening? Me: My love? Me: Jana?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD