Part 2

1867 Words
“TRICIA, ako na muna dito sa kaha,” wika sa kanya ni Bea. “Dumarami na ang tao.”             Tumango siya at kumilos na rin. alam niya ang ibig sabihin ng kapatid. Kailangan niyang tumulong sa dalawang waitress ng kanilang eatery. Beinte-kuatro oras na bukas ang Mang Berting’s. At nagsisimula ang pagdating ng mga parukyano bandang alas tres y medya ng madaling-araw. Kanya-kanya ng kategorya sa bawat oras. Kapag ganoon, pawang nagkakape ang kanilang mga customer. At kapag nagsimulang sumikat ang araw, pawang almusal naman ang kanilang isisilbi.             Marami na silang suking biyahera. Ang iba ay halos kasingtanda na rin siguro ng kanilang eatery. At marami rin naman ang mga taga-roon lang sa kanila. Iyong bago tunguhin ang bakahan ay hihinto muna sa kanila.             They had the strategic place, ‘ika nga ng mga professional. Mula sa mga biyahera hanggang sa mga sosyal na tao at pulitiko ay nagagawi sa kanilang lugar. Desente naman kasi ang Mang Berting’s. Hindi sila nagse-serve ng alcoholic drinks para na rin iwas sa gulo.             Hawak ang ball pen at pad ay lumapit si Tricia sa kadarating na grupo ng customer.             “Ano po ang sa inyo?” tanong niya sa mga ito.             “Kapeng barako. Walang asukal, ha?”             “Ako, iyong instant. Lagyan mo ng maraming gatas. Saka ipagluto mo kami ng pansit bihon guisado. Iyong pang-apat katao.”             Inulit niya sa mga ito ang inorder bago tumalikod. Papunta sa kitchen upang ibigay sa cook ang order ng mga ito nang mapansin niya ang panibagong customer na bumungad sa entrada.             Isang tingin pa lamang sa bagong dating ay alam na niya kung sino ito. Hindi kayang burahin ng lumipas na limang taon ang espesyal na alaala niya sa naturang lalaki. Not ever when she had the living memory of him.             “Miss!” kaway sa kanya ng bagong dating na mabilis na umupo sa dalawahang mesa. “Pahinging kape. Iyong matapang. Walang asukal,” sabi na agad nito hindi pa man siya gaanong nakakalapit.             “Instant ho ba iyong kape o iyong nilaga?” Pakiramdam niya ay mayroong hinahalong buhangin sa lalamunan niya nang magsalita. Ipinako niya sa hawak na pad ang tingin gayong kahit na marahil matisod siya ay hindi naman niya makakalimutan ang order nito.             Parang nais niyang magsisi. Naisip niyang mabuti pa siguro na tumango na lamang siya at iniwan na ito. sa sulok ng kanyang mga mata at nakita niyang sinipat siya nito ng tingin.             Pinigil niyang paalpasin ang isang paghinga. Tuloy ay tila naipong lahat iyon sa kanyang lalamunan at ramdam niya ang sariling sistema na nagnanais na maluwag na makalanghap ng hangin.             “Bago ka rito, miss?” tanong ng lalaki.             “Extra lang,” matipid na sagot niya at ora mismong natapos ang pagsagot na iyon ay tinapos na rin niya ang mabilis na pagsulyap dito.             “Sige. Kapeng barako nga pala ang gusto ko.”             “Sandali lang ho,” aniya at mabilis nang tumalikod.   TAKE YOUR time, sweetheart.             Iyon ang salitang sinabi ni Marco sa sarili habang sinusundan ng tingin ang waitress na tumalikod sa kanya. May paghanga sa kanyang mga mata. Natural ang banayad na pag-imbay ng mabilog na balakang nito. At bagama’t pantalong maong ang suot ay parang malinaw na nabubuo sa isip niya ang imahe ng mahuhubog at makikinis na binti. Parang tiyak na tiyak siya roon. Basehan na marahil ang makikinis na braso ng babae.             Umakyat ang tingin niya sa nakalugay nitong buhok.  Hanggang kalahati ng likod ang haba niyon. Ang mga dulo ay natural na kulot. Each strand seemed to have its own shade of brown. Mula sa pinakamatingkad hanggang sa pinakamapusyaw. Hindi niya alam kung posibleng maging ganoon kaganda ang bagsak ng buhok na iyon kung produkto iyon ng mga bote ng pangkulay.             Pagpihit ng babae buhat sa kitchen window ay aksidenteng nagtama ang kanilang mga mata. Kapwa sila nagulat at nagbawi ng paningin ngunit sapat na ang isang saglit na iyon upang tila siya mamalikmata.             She was faintly familiar. Kung bakit at paano ay malabo sa isipan niya. Subalit kutob niya ang nagdidikta na hindi ngayon ang unang pagkakataon na nakaharap niya ang babae.             Mayamaya pa ay isinilbi sa kanya ang isang tasa ng umuusok na kape. Sa aroma pa lamang niyon ay tiyak niyang masisiyahan siya. Kaya nga kahit na humihiling na sana ng tulog ang katawan niya ay pinili niyang dumaan pa sa lugar na iyon para sa isang tasang kape.             Tinikman niya ang kape at iginala ang mga mata. Hinahanap niya ang babaeng kumuha ng order niya dahil iba na ang nagsilbi sa kanya ng kape. Nakita niya itong nakaupo na sa kaha kausap si Bea.             Bahagya niyang naikibit ang balikat. Kung nakakaupo ito sa kaha, ibig sabihin ay hindi ito iba sa pamilya ni Mang Berting kung hindi man isa sa mga anak nito. Alam niya, family business ang Mang Berting’s. Ngunit maliban sa mag-asawa si Bea lamang ang alam niyang katu-katulong ng mga ito sa negosyong iyon.             Pero iba rin naman ang sitwasyon ngayon. Pangatlong araw nang hindi personal na umeestima si Mang Berting sa mga customer. Kalat na kalat sa buong San Agustin ang biglaang pagkakasakit nito. Atake sa puso at hanggang ngayon ay under observation pa ito sa ospital sa Tagaytay.             Sa pagitan ng pag-inom ng kape ay nakamasid siya sa nasa kaha. Magkausap ang babae at si Bea. At sa pagitan ng pakikipag-usap nito at nakikita niyang napapadako ang tingin sa gawi niya. Halata nga lamang ang pag-iwas na minsan pang magtama ang kanilang mga paningin. Mayamaya lamang ay iniwan na ito ni Bea.             Iyon din ang pagkakataon na hinihintay niya. Dala ang tasa ng kape na napapangalahati pa lamang niya ay tumindig siya ay tinungo ang counter. Pinili niyang maupo doon sa malapit sa kaha.             May pagtatakang napuno sa isip niya nang mapansin ang agad na pagkaasiwa ng babae nang mapalapit siya. Alam niya, kunwari lang ang pagiging abala nito sa mga resibong inaayos. At nang minsan pang mapasulyap sa kanya ay napansin niya ang piping paggibik nito.             Kumunot ang kanyang noo. Alam niyang madaling-araw na. At ang sinundang araw ay halos pag-ihi na lamang ang kanyang naging pahinga. He was tired and dirty. Ang buhok niyang nangangailangan na ng pagbisita sa barbero ay hindi na nahagod ng suklay maliban na lamang noong pagkapaligo niya. Pasimpleng inamoy niya ang sarili. Amoy-pawis na siya subalit hindi naman siya ganoon ka-acidic. Hindi pa niya maituturing na mabaho ang sarili.             Sa mabilis na assessment, presentable pa rin naman ang turing niya sa sarili. Kung ibabase niya ang sarili sa ibang customer na naroroon, mas mukha pa rin naman siyang malinis at mabango. Kunsabagay, poultry at baboy ang produkto ng mga iyon. natural nang madikit sa mga ito ang amoy niyon.             Samantalang siya ay alikabok lang naman ang dumi sa katawan. Saka nga pala iyong bakuna para sa baka na tumalsik sa maong jacket niya nang kumabyos ang kamay ng katiwala niya.             Gayunman ay minsan pa niyang sinuri ang sarili. Hinahanap niya kung saang parte maaari siyang katakutan ng babae. Bakit kaya tila napapakislot ang babae lalo at nagbabadyang magtama ang kanilang mga paningin?             “Bayad ko,” aniya at iniabot dito ang dinukot na pera.             “Wala ho bang barya? Sampu lang,” anito na hindi man lang kinuha sa kamay niya ang one-hundred peso bill.             “Huwag mo na akong hinoho. Treinta y uno lang ako.” Ipinamulsa niya uli ang pera. At habang naghahanap siya ng smaller bill, sinamantala niya ang pagkakataon na makausap ito.             “Ano mo si Bea?” tanong niya.             “Ate ko.”             “Magkapatid kayo?” tila nagulat namang wika niya at pagkuwa ay ngumiti. “Kunsabagay, ang alam ko nga ay maraming anak si Mang Berting. Bakit ngayon lang yata kita nakita? Ano na nga ang pangalan mo?”             “Tricia. Dito rin ako lumaki. Nagtatrabaho nga lang ako sa Maynila.”             “Si Mang Berting nga pala, kumusta na?”             Lumungkot ang ekspresyon ni Tricia. “Under observation pa rin. Grabe ang atake niya, eh. Sabi ni Mama, kapag nag-stabilize ang vital signs niya, baka iluwas din siya sa Maynila para doon maoperahan. May tatanggaling bara sa ugat sa puso niya.”             “Baka may maitulong ako, sabihin mo lang,” aniyang puno ng sinseridad. “Diyan lang ako sa kabilang baryo, sa Rancho de Asis. Siyangapala, ako si Marco.”             Sa kauna-unahang pagkakataon, sinalubong nito ang tingin niya. Parang siya naman ang gustong mapakislot. Tila sumasagad sa buto niya ang titig na iyon.             “Kilala kita, Marco de Asis.” May bahid ng kalamigan iyon na nagpatingkad sa palaisipang nadarama niya para dito.             Inabot niya ang isang beinte pesos. At hindi niya alam kung ano ang iisipin nang makitang napapiksi ito nang saglit na magkadaiti ang kanilang mga daliri. Agad na may pagtutol sa loob niya sa ideyang pinandidirihan yata siya nito. “Kumusta nga pala si Efren? Magka-batch kami noong high school.”             “Nasa Romblon. Taga-roon ang napangasawa niya. Hinihintay nga din naming umuwi sila. Hindi kasi namin masabi kung ano ang talagang lagay ni Papa. Kayo ni Lynette, kumusta?”             Napatitig siya dito. Walang dudang taga-rito nga rin si Tricia kung may alam ito sa tungkol sa kanila ni Lynette. Pero malamang ay matagal na rin itong hindi nauuwi. Dahil matagal na rin namang hiwalay sila ni Lynette.             “Ako, mabuti. Si Lynette, mabuti rin siguro. Balik sa buhay-dalaga. Iyon ay kung hindi pa nag-aasawa uli.”             “Hiwalay na kayo?” Magkahalo ang gulat at pagtataka ang tinig nito.             Matipid siyang ngumiti. “Matagal na. Anim na buwan lang kaming nagsama. Mas matagal pa nga ang proseso ng annulment ng kasal namin kaysa iyong ipinagsama namin.”             “Uso na rin pala dito sa atin ang annulment,” komento nito.             “Si Lynette ang may gusto niyon, kaya gusto ko na rin. Saka mabuti na rin iyon. pareho kaming malaya uli.” Itinikom niya ang bibig. Hindi ganoon kadali na maglabas siya ng personal na impormasyon. At hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit kaydali ring masabi niya kay Tricia ang bagay na iyon. “May asawa ka na?” kaswal na tanong niya. Hindi niya gustong bumadha sa tinig ang interes na malaman ang estado nito.             “Wala,” tipid namang sagot ni Tricia.             Wala. Ganoon lamang kasimple. Hindi yaong wala pa. O wala na.             “Matagal ka na sigurong hindi nauuwi dito. Marami nang nagbago. Pasyal tayo minsan, gusto mo?”             Matalim ang sulyap na ipinukol sa kanya ng babae. Presko. Iyon ang salitang nabasa niya sa bahagyang pagbuka ng bibig nito.             “Wala akong time,” mayamaya ay sagot nito.             Nagkibit lang siya ng mga balikat. “Aayain kita uli. Malay natin, may time ka na no’n.” Ipinamulsa na niya ang sukli. “Sige. Inaantok na ako, eh.”             Totoong namimigat na ang kanyang mga mata nang pumihit palabas. Nang sumakay siya sa pick-up, itinapat muna niya sa kaaandar na aircon ang mukha upang mabawasan ang antok. At bago tuluyang pinausad ang pick-up, pinakasilip-silip pa niya si Tricia na nakasunod din ng tingin sa kanya.             Nakangiting kumaway siya rito. Ang naging sukli sa kanya ay isang malamig na ekspresyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD