Part 4

1525 Words
“MAGANDANG umaga, Marco. Hindi ko na namalayang dumating ka kagabi,” bati sa kanya ni Nana Patring. Asawa ito ng katiwala niya. May sariling susi ng malaking bahay kaya naman naihahanda ang kanyang almusal na hindi na siya kailangang katukin pa. ito na rin ang nag-aasikaso ng buong bahay at damit niya.             “Madaling-araw na ako nauwi, Nana. Napaka-traffic hanggang Dasmariñas.”             “Sus! Iyon ba naman ay bago? Di, hindi ka pa pala nakakatulog nang maayos? Bakit hindi ka matulog uli? Bumangon na rin ang tao ko. Wala kang dapat na alalahanin.”             Ngumiti siya. “Alam ko namang maaasahan si Tata Insong. Alam ninyo namang hindi ko ugaling magpainin sa banig basta nagising na. Mamaya na lang siguro ako babawi ng tulog.”             “Siya, pagtiyagaan mo muna iyang kape. Kagagaling ko lang sa palengke. Lilinisin ko pa itong isda. Magsisigang ako ng bangus para sa pananghalian. Gusto mo ba iyon?”             “Si Nana, alam ninyo namang kahit na anong lutuin ninyo ay kinakain ko.”             Napangiti ito. “Baka lang ‘kako may special request ka.”             “Meron, Nana. Pakibawasan ninyo lang ang sarap ng luto ninyo. Napapataba na ninyo ako nang husto, eh.”             Nauwi sa tawa ang ngiti nito. “Ayaw mo ba no’n? Kahit na walang asawa na nag-aasikaso sa iyo, hindi naman halata. Bilin yata ng mama mo huwag kang pababayaan.”             “Nagbibiro lang ang mama, sineryoso ninyo naman. Iyon ba namang malakas pa ako sa kalabaw, halos beybihin ninyo pa?” Bitbit ang tasa ng kape na sumunod siya sa kusina. Sa lahat ng tao sa paligid niya, si Nana Patring lang ang nagagawang sabihin ang lahat ng nasa loob nito. hindi ito nangingimi na banggitin sa kanya kahit ang bagay na medyo maselan para sa kanya.             Kagaya na lang ng tungkol sa asawa. Kahit na hindi iyong tungkol kay Lynette. Basta babae sa kabuuan. It was a taboo topic sa buong rancho. Walang nangangahas na magtanong sa kanya tungkol doon. Pero iba si Nana Patring. Palibhasa ay nagisnan na rin niyang katuwang sa bahay na iyon kapag wala ang kanyang mama, ito ang tumatayong pangalawang ina niya.             “Marco, nasa peligro pa rin pala si Berting, ano?”             “Kayo talaga, Nana, palengke lang naman ang pinupuntahan pero hindi nahuhuli sa balita,” tudyo niya.             “Nakasabay ko si Bea na mamili ng gulay. Siya mismo ang nagkuwento sa akin. nagdaratingan na nga raw iyong mga kapatid niya. Iyong nakapirmi sa Maynila, dumating na yata kahapon.”             “Si Tricia,” wala sa loob na sabi niya. Pagkabanggit sa pangalang iyon ay parang may banayad na init siyang nadama. Sa isang iglap, nabuo nang malinaw sa imahinasyon niya ang mukha ng babae. At parang iyon lamang ang pagkakataon na maaari niyang pakatitigan ng husto ang bawat bahagi ng mukha nito. He was drawn in her eyes, once more. Hindi niya alam subalit parang may nais ipaalala sa kanya ang mga matang iyon. She had a small, cute nose. Ang mga labi ay mapipintog at kaynipis. Tila hindi maaaring halikan nang mariin. Kailangan ay palaging buong ingat. Ganoon ang gagawin ko sa sandaling magkaroon ako ng pagkakataon, pangako niya sa sarili.  “Hoy, ano na ang nangyari sa iyo?” tawag sa kanya ni Nana Patring. “Ang sabi ko, siguro nga ay iyon ang pangalan ng anak ni Berting. Bale ba’y, Patricia nga yata iyon. Sus! Magkatukayo kami. Pagtanda niyon, sa Patring din mauuwi.” Naaliw siya sa tinuran nito. “Kayo naman, Nana. Kung gusto ninyo, kayo ang mag-adjust. Bakit hindi natin gawing Nana Tricia?” “Iyon ba namang tanda kong ito? Tigilan mo ako, Marco.” Napahalakhak siya. “Bakit kayo nagagalit? Iyong sa akin naman, eh, suggestion lang.” “Iwanan mo na nga ako. Tatawagin na lang kita pag handa na ang almusal,” taboy sa kanya nito. “Hindi nga, Nana?” kulit pa rin niya. “Marco, kaliskisan na lang kaya kita?” “Nana, nakita mo na ba si Tricia?” sa halip ay sabi niya. “Maganda iyon. Siya ang tao sa karinderya nila kagabi.” Tiningnan siya ng matanda. “Interesado ka? Ligawan mo.” “Papasa kaya ako?” kunwa ay dudang tanong niya subalit kalokohan naman ang masisinag sa mga mata. “Bakit naman hindi?” sagot nitong tila bumata ng sampung taon nang ngumiti. “Iyon ay kung hindi siya madidismayang isang maitim at isang maputla ang–” “Nana, ayan ka na naman,” agaw agad niya. Iyong tanda niyang iyon, may pagkakataong nababalino siya sa matandang hindi na iba ang turing niya. “Hoy, Marco Jose, hindi ka makakapagtago sa akin. Tagapalit ako ng lampin mo noong araw!” “Sige na nga, Nana. Pero secret natin iyon, ha? Baka ibisto mo ako sa liligawan ko,” tila batang sabi niya. “Huwag ako ang sabihan mo. Iyang si Lynette. Alam mo naman iyon, basta may nababalitaan na napapalapit ka sa isang babae, bigla na lang lumilitaw dito. Pina-annul-annul ang kasal ninyo, hindi naman yata matanggap na magkakaasawa ka ng iba.” “Nasa Australia yata. Doon sa kapatid niya. Hindi niya mababalitaan.” “Alam mo, duda ako sa Lynette na iyan. Baka ipinagkalat na niya sa lahat ng dalaga dito sa atin iyang secret mo para hindi ka na makalusot uli na manligaw.” “Wala siyang alam doon, Nana,” puno ng indignasyon ang tinig niya subalit nakangisi naman. Nakakagaan sa pakiramdam niya ang usapan nilang iyon. “Imposible naman,” game na wika ni Nana Patring. “Mahiyain ako, Nana. Kapag alam mo na… ang gusto ko ay iyong madilim na madilim ang paligid!” “Luku-luko!” “MOMMY, let’s play.”             Ginising si Tricia ng maliliit na halik ni Paola sa kanyang mukha. Ganoon kalambing ang kanyang anak. Kaya naman kahit na nagmamakaawa pa sa tulog ang katawan niya ay napilitan siyang kalimutan ang antok. Nakangiting idinilat niya ang mga mata. Niyakap niya si Paola at nagpagulong-gulong sila sa kama.             “Good morning, baby,” sabi niya dito.             “’Morning, Mommy. Let’s play outside. Pagsilip ko sa bintana, may swing doon sa labas.”             Bumangon siya. Mas malaki si Paola kaysa sa karaniwang apat na taon pero madalas ay nagpapakarga pa rin ito sa kanya. Hindi naiba ang umagang iyon. Hinahagilap pa niya ang tsinelas niya ay nakataas na ang mga kamay nito ala superman.             “Mabigat ka na, anak. Hindi ka na kaya ni Mommy,” aniya at nang kargahin ay nagkunwang mabibitawan ito. Kapag naman ganoon ay hindi na rin ito nagpapakarga. Nagpadausdos ito at hinila na lamang ang dulo ng pantulog niya. dinala siya nito sa may bintana.             “Ayun, Mommy. Swing!”             Isang sakong tinalian ng lubid sa magkabila ang tinutukoy nito. Nakabitin iyon sa lilim ng punong mangga na nasa tagiliran ng bahay nila. Tila may kung anong bagay na humaplos sa kanyang puso at napabaling ang tingin sa anak. Sa Maynila ay hindi nade-deprive si Paola sa kung ano ang uso at bago sa amusement park.  Sa edad nito ay alam na rin nito kung sino sa mga characters ang paborito. Si Tweety. Na kahit saang bahagi ng munting kuwarto nito, ay mukha ng character na iyon ang makikita. Buhat sa bedroom slipper hanggang sa poster sa pinto ay may logo ni Tweety. Pinalagyan niya ng dibisyon ang kuwarto niya upang mayroong masabing sariling kuwarto si Paola. Alam niya, paraan din iyon upang magkaroon ito ng sense of privacy and independence. Mayroon na ngang pagkakataon na gusto nitong matulog na walang katabi. Hindi niya inaasahan na ang isang simpleng bagay ay pag-iinteresan ni Paola. Pero naisip, hindi ba’t madalas ay sa simpleng bagay lamang nanggagaling ang ganap na kaligayahan?             “Mommy, baba na tayo.” Tinagtag ni Paola ang kamay niya.             “Wait. Let’s take a bath first.”             Pinaliguan muna niya si Paola. Sanay na rin itong magbihis mag-isa pero sa pagkakataong iyon ay siya ang nagbihis dito. Pinupulbuhan na niya ito nang bahagya siyang matigilan.             Nang itawag sa kanya na kailangan nilang umuwi, hindi niya naisip na kailangang iwan niya si Paola sa yaya nito. Nang mag-empake siya, una pa nga niyang inayos ang gamit nito.             But seeing her now, hindi niya alam kung tama na isinama niya ito.             Female version ni Marco ang kaharap niya sa sandaling iyon. At sa lahat ng namana nito sa ama, pinaka-prominente ang mga mata nito. Minsan, kapag magkausap sila ni Paola, parang si Marco mismo ang nakatingin sa kanya.             Kapag nakita ni Marco si Paola, ano kaya ang iisipin niya? tanong ni Tricia sa sarili.             “Ako na ang magsasapatos mag-isa, Mommy. Maligo ka na.” Napapitlag pa siya nang marinig ang anak.             “Okay. Pero huwag ka munang lalabas, ha? Wait for me.” Kikilos na siya nang balikan ang anak. “Ayusin mong bed natin.”             “Yes, Mommy.”             Napangiti siya. Apat na taon lang si Paola pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay itinuturing niya itong baby. May mga oras na naaasahan na rin niya ang anak. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD