NAIIRITA si Wendy sa bahay. Wala ibang ginagawa ang Mama kun'di ang puntahan si Uncle Sam sa bahay nito. Ewan niya kung may relasyon na ang mga ito. Pero 'di pa nagsasabi ang ina kung mayroon ngang relasyon sils ng matandang may ari ng compound.
"Ang sama ng mukha mo, Wendy. Tigilan mo na 'yang pag-iisip mo sa Mama at kay Uncle Sam. Matatanda na sila at karapatan din ng nanay mo ang maging masaya. Makahanap man lang ito ng lalaking magmamahal sa kanya ng totoo."
Masamang tiningnan ni Wendy ang kaibigan. "Kaya nga ako inis na inis dahil d'yan. Matanda na nga si Mama, ngayon pa siya naglalandi. At siya pa ang pumupunta sa bahay ni Uncle Sam. Hindi ko alam ang ginagawa nila," nang-hahaba ang nguso ni Wendy habang nagsasalita.
Napabuntong hininga si Star. "Ang sabihin mo nagseselos ka lang. Ang Mama mo ang gusto ng crush mo at hindi ikaw. Masakit ba, Wendy?" Natatawang tudyo niya. Nakikita niyang mas lalong umusok ang ilong ng kaibigan. Paano naman kasi hindi pa hayaan ang Mama niya na magmahal. Gusto nito talaga siya ang pansinin ng lalaking gusto nito.
Napabaling ang tingin ni Wendy sa iba. Itinatago ang pamamasa ng kanyang mga mata. Nang tuluyang umalpas ay mabilis niyang pinunasan ang luha niya. Saka humarap kay Star.
"Hindi mo kasi nararamdaman ang nararamdaman ko. Kaya ganyan ka magsalita. Buo kayo ng pamilya mo, kami lang ni Mama. Papayag naman ako kung mayroon na talagang lalaking mamahalin siya ng totoo. Pero sana, 'wag niyang itago sa akin. Para akong tanga sa bahay, e." Himutok ni Wendy.
Sa paglilihim ng Mama niya s'ya nasasaktan. Sabihin na lang ng diretso sa kanya. Nang hindi siya nanghuhula na may relasyon sila ni Uncle Sam. Kahit na masaktan siya dahil kahati niya ang ina.
Hindi pa matatawag na mahal niya si Uncle Sam. Paghanga lamang ang nararamdaman niya para sa kanilang landlord. At malayong-malayo 'yon sa salitang pagmamahal. Isa pa, ang layo ng agwat ng edad nilang dalawa.
"Natahimik ka na. Naiintindihan ko na ang sentimento mo. Ang maigi pa tanungin mo ang Mama mo. Itanong mo sa kanya, may relasyon ba sila ni Uncel Sam. Kung meron, tanggapin mo na lang."
Napaangat ang tingin niya sa kaibigan. Wala nga siyang magagawa, kun'di tanggapin ang magiging relasyon ng Mama niya kay Uncle Sam. Wala siyang karapatan para pigilinh maging masaya ang sariling ina sa lalaking mamahalin nito. Iniwan nga sila ng Papa niya at sumama sa iba. Siguro ito na rin ang panahon na magmahal naman ang Mama niya ng iba.
"I will. Hindi mo na kailangan na sabihin sa 'kin, Star. Nanay ko naman 'yon. She deserves all the love in this world. And I want to see her happy. Kasi mahal ko ang Mama ko. Kaya maluwag sa dibdib kong tatanggapin," bukal sa pusong sambit ni Wendy.
Masaya siyang makikita na ang Mama niya ay nagmamahal muli. Pero sana sa karapat dapat na lalaki. Saka isipin din nito ang anak, dahil doon ay nakakalimutan na nito ang responsibilidad sa kanya. Iyong lang naman ang gusto niyang mangyari. Ngunit sana hindi magkamali ito sa desisyon.
Napangiti si Star sa tinuran ng kaibigan saka niya nilapitan at niyayakp ito. "I'm proud of you, girl."
Payak na napangiti si Wendy. Magiging masaya siya kung ano man ang estado ng puso ng kanyang Mama. Kung si Uncle Sam ang makakapagpasaya ss kanya, susuportahan niya ang gusto ng puso nito.
Nasa mall ang magkaibigan habang naglalakad, nang 'di sinasadyang mabunggo si Wendy.
"Ay, sorry. Hindi ko po sinasadya," biglang sabi ni Wendy habang isa-isang pinupulot ang mga damit na nagkalat sa semento nang kanyang mabunggo.
Nang mag-angat ng tingin, nasilayan ni Wendy ang lalaking nabangga niya.
Nanlalaki ang mata ni Star. "Oh my God! Wendy, do you know him?" nasambit nito na unti unting lumapit sa kaniya. Ngunit hindi pansin ni Wendy ang paglapit ng kaibigan. Nakatulala ito at hindi na nakapagsalita nang mamukhaan ang nakabangga.
"It's okay, Miss. Kasalanan ko rin naman. Hindi ako tumitingin sa dinadaanan ko," humingi rin ng paumanhin si Andrei. Saka pinulot ang cap na nalaglag at isinuot.
"Andrei Fabel, right?" nanlalaki ang mata na natanong ni Star.
Sino bang hindi nakakakilala kay Andrei Fabel?
Si Andrei Fabel ay isang sikat na modelo na kinikilala rin sa ibang bansa. Hindi mabilang ang kanyang mga kabilaang endorsement at maraming kumukuha sa kanya para maging modelo ng kanilang mga produkto. Dahil sa angking ka-guwapuhan. Kaya naman tinitilian at hinahangaan siya ng maraming kabataan at kababaihan.
Agad na nagpalinga linga sa paligid. Baka mayroong nakarinig sa sinabi ng babaeng nasa harapan niya. Nang makitang wala naman ay binalingan niya ang babae.
"Please, don't call me again by my name. I just want to roam around alone. Magshopping na parang isang ordinaryong tao, katulad n'yo," pakiusap niya.
Natutop ni Star ang kanyang bibig. Gusto niyang magsisigaw at yakapin ang iniidolong binata. Pero dahil sa pakiusap nito ay parang nahiya siya.
"Can we have your autograph? Please," hiling ni Star. Pinapunganay pa niya ang mata para pagbigyan ni Andrei ang kanyang request.
Napangiti ang binata. "Okay. May ballpen ba kayo?"
Napalingon si Star sa kaibigan. Nakatulala pa rin ito at hindi nagulaw sa kinatatayuan. Maging ito ay hindi makapaniwalang nasa harapan nila si Andrei Fabel. Napailing na lang siya sa reaksyon ni Wendy. Kinuha mula sa loob ng kanyang dalang bag ang ballpen at maliit na notebook. Inabot ito kay Andrei.
"Your name?"
"Star Ambrose. And my friend, Wendy Maro," ang pakilala niya sa kanilang dalawang magkaibigan.
Kinuha ni Andrei ang notebook at ballpen. Saka pinirmahan iyon. Nang matapos ay ibinalik ito kay Star. "It's nice to meet both of you. Nakatulala pa rin ang kaibigan mo."
Nilingon naman ni Star ang itinuturo ni Andrei. "Na-star struck sayo." Natatawang tugon niya.
Natawa rin si Andrei at inalagay ang hood sa ulo. Naglakad siya palapit kay Wendy at kinuha ang mga dinampot nitong binili niyang damit. "Thanks for helping, Wendy." Nakangiting turan niya at inabot ang kanyang calling card. "Call me." Iniabot niya ang card niya. Pero si Star ang kumuha sa kanya.
Pinagsalikop ni Star ang kanyang mga kamay. Tuwang-tuwa na may pagkakataon pang makita nuli ang iniidolong modelo.
Sinusundan na lamang ng tingin ni Wendy ang lalaking papalayo sa kanila.
Sa pagkauwi nila ng bahay nina Star. Tila 'di pa rin makapaniwala si Wendy sa kanilang nakita sa mall.
Pabagsak siyang nahiga sa kama at tumabi sa kanyang ng higa ang kaibigan.
"Ang swerte natin. Grabe, si Andrei Fabel. Akina na ang card niya, Wendy. Gusto kong makita kung ano ang ginagawa niya kapag may photo shoot siya," ani Star.
Kinuha ni Wendy sa bulsa ng kanyang pantalon ang calling card ni Andrei at ibinigay ito sa kaibigan niya. Nagniningning ang mata nito na tinitignan ang hawak na maliit na tarheta.