Chapter 1 - My Life

1565 Words
“TITA, parang awa na ninyo. Huwag po ninyong gawin sa akin ito. Bata pa po ako,” pagmamakaawa ni Leamor sa kanyang tiyahin. Maagang naulila si Leamor. Namatay ang kanyang ina, ilang oras pagkatapos siyang maipanganak nito. Naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang ama at lola. Ngunit tatlong buwan lang ang lumipas, namatay ang tatay dahil nahulog ito sa hagdan habang nagtatrabaho sa isang construction. Magmula noon ay ang lola na lang niya ang nag-alaga sa kanya. Pero namatay naman ang lola niya noong sampung taong gulang pa lang siya kaya kinupkop siya ng nakababatang kapatid ng kanyang ina. Sa kasamaang palad ang napangasawa ng kanyang tiyahin ay sugarol kaya madalas mag-away ang dalawa dahil sa pera. Napilitan tuloy ang tiyahin niya na magtrabaho para mapag-aral siya. Upang makatulong sa kanila, inako niya ang pag-aalaga sa mga nakababata niyang tatlong pinsan bukod sa pagtulong sa mga gawaing bahay tulad ng paglilinis, paghuhugas, at minsan pati paglalaba. Kahit nahihirapan siya, pinipilit niyang makapag-aral na mabuti. Dahil likas na matalino si Leamor, nang makatapos siya ng senior high school ay nakapasa siya sa state university. Libre ang pag-aaral niya at may allowance pa siyang tinatanggap mula sa isang foundation. Akala niya maayos na ang lahat ngunit nagulantang na lang siya sa sinabi ng tiyahin niya, ilang araw matapos ang graduation niya sa kolehiyo. “Hindi ka puwedeng tumanggi, Leamor. Kaya ka nga pinag-aral ka ni Mr. Bonifacio dahil gusto ka niyang mapangasawa. May utang ka sa kanya at naniningil na siya,” paliwanag ng tiyahin niya. Marahas na umiling si Leamor. Hindi niya lubos akalain na ang scholarship na tinanggap niya ay may kabayaran pala. Willing naman siyang magbayad pero hindi sana sa paraang ganito. Bata pa siya. Twenty-two lang siya. Ni hindi pa nga siya nagkaka-boyfriend kaya malayo pa sa isip niya ang pag-aasawa. Marami pa siyang pangarap sa buhay na gusto niyang tuparin. Pangarap niyang makarating sa ibang bansa kaya mag-a-abroad siya. O kaya naman mag-iipon siya ng pera para makapasyal sa ibang bansa. Pero paano niya gagawin iyon ngayon kung magpapakasal na siya? Matatali na siya sa loob ng bahay. Mag-aalaga ng anak at magiging plain housewife na lang. Paano na lang ang pinag-aralan niya? Hindi na niya ito magagamit. Bukod pa roon, hindi niya kilala ang lalaking mapapangasawa niya. Ni hindi niya alam kung ano ang itsura ng Mr. Bonifacio na tinutukoy ng tiyahin niya. Hindi niya kilala kung sino ang may-ari ng foundation na nagbibigay ng allowance sa kanya noong nag-aaral pa siya. Gusto pa sana niyang maranasan na makapagtrabaho at kumita ng sarili niyang pera. Gusto rin niyang maramdaman kung paano gumastos ng sarili niyang kita at hindi iyong umaasa lang siya sa ibang tao. Kung alam lang sana niya na ganito ang mangyayari sa kanya, sana hindi na lang siya pumayag noon na mag-apply ng scholarship sa foundation na iyon. Ang tiyahin naman niya kasi ang pumilit sa kanya. Puwede naman sana siyang mag-apply sa ibang ahensiya na nag-o-offer ng scholarship. Kahit may mga exam pa siyang pagdaraanan, alam niyang kakayanin niya ang mga iyon. Nagkataon lang na mas madali kasi ang application sa foundation na inireto ng tiyahin niya. Nag-fill up lang siya noon ng application form at nagpasa ng ilang requirements. Pagkatapos natanggap na siya agad. Walang exam at wala ring interview. Ngayon malalaman niya na ito pala ang kapalit. “Pero Tita Marie, wala pa akong planong mag-asawa. Masyado pa akong bata para riyan,” katuwiran ni Leamor. Hindi siya makaisip ng iba pang dahilan para makaiwas sa kasal na sinasabi ng tiyahin niya. “Alam ko, Leamor. Pero wala kang magagawa dahil ikaw mismo ang piniling kabayaran ni Mr. Bonifacio. Nakinabang ka rin naman sa pera niya, hindi ba? Hindi ka nahirapan sa pag-aaral dahil may pera kang ginagastos noon. Kung wala ang perang iyon, kahit libre pa ang pag-aaral mo, mahihirapan ka pa rin. Alam mo naman na hindi ka namin kayang tulungan ng Tito Manolo mo. May mga anak din kami na kailangang pag-aralin. Mabuti naman sana kung may iniwan ang mga magulang mo. Pero namatay naman sila nang maaga at ni isang kusing ay wala silang iniwan sa akin. Mabuti nga at hindi nagrereklamo ang asawa ko na makitira ka sa amin. Hindi ba dapat magpasalamat ka na nakatapos ka ng kolehiyo nang hindi mo kailangang magtrabaho para lang mapag-aral ang sarili mo.” May kung anong kumurot sa puso ni Leamor nang marinig ang sinabi ng tiyahin niya. “Nagrereklamo po ba kayo, tita? Hindi po ba bukal sa loob ninyo ang pagpapatira sa akin sa bahay ninyo?” Ngayon lang niya na-realize na malaking pasanin din pala siya sa buhay ng kanyang tiyahin. Ni hindi niya kasi ito narinig na nagreklamo man lang kahit minsan mula noong tumira siya sa poder nila. Ngayon lang niya talaga narinig ang hinaing nito. Kahit ang Tito Manolo niya ay walang sinasabi sa kanya. Sa loob ng labindalawang taon na paninirahan niya sa piling nila, ngayon lang niya nalaman na may kinikimkim din palang hinaing ang tita niya. “Hindi naman sa gano’n, Leamor. Ang sa akin lang naman ay sundin mo iyong hinihingi ng taong tumulong sa iyo para makapagtapos ka ng pag-aaral. Huwag mo nang isipin kung anuman iyong ginawa namin ng Tito Manolo mo. Hindi kami naniningil. Masaya kaming makatulong sa iyo. Pero sana matuto kang tumanaw ng utang na loob sa taong pinagkakautangan mo nang malaki.Hindi birong halaga ang ginastos mo sa apat na taong pag-aaral mo, iha.” Lalong bumigat ang dibdib ni Leamor. Parang gusto niyang humiyaw o kaya magpapadyak sa harapan ng tita niya. Pero hindi na siya bata para mag-tantrums pa. “Alam ko naman po na malaki ang utang na loob ko sa foundation na nagpaaral sa akin. Pero marami pa namang paraan upang makabayad ako sa kanila. Puwede namang maghanap muna ako ng trabaho tapos unti-unti akong magbayad kapag may sweldo na hanggang sa mabayaran ko ang lahat ng ginastos nila sa akin. Hindi iyong hihingin nila na magpakasal ako sa may-ari ng foundation para makabayad ako. Sobra naman po iyon, tita. Kung lahat na lang ng estudyanteng naging scholar ay gano’n ang hihingin nilang kapalit, magkakaroon na ng harem ang Mr. Bonifacio na iyon,” himutok ni Leamor. Pinandilatan siya ni Tita Marie. “Ano ba naman iyang pinagsasabi mong bata ka? Ikaw lang ang alam kong in-offer-an ni Mr. Bonifacio ng kasal. Wala akong ideya kung ano naman ang hinihingi niyang kapalit sa iba pang tinulungan ng foundation niya. Ayaw mo pa ba iyon? Kasal ang inaalok niya sa iyo. Mabuti at hindi niya sinabing gagawin ka lang niyang kabit o kerida. Gagawin ka niyang legal na asawa at hindi parausan lang.” Napangiwi si Leamor lalo na doon sa huling sinabi ng tiyahin. Hindi niya malaman kung matutuwa siya o maiinis sa kanyang narinig. Parang gusto niyang isipin na may disadvantage rin pala ang itsura niya. Medyo kakaiba siya sa pangkaraniwang pinay. Matangkad siya sa karaniwang babae dahil sa taas niyang limang talampakan at pitong pulgada. Biniyayaan din siya ng maputi at makinis na balat. Bukod doon, may mahaba at alon-alon siyang buhok na hindi nalalayo ang kulay sa buhok ng mais. Maganda rin ang hubog ng katawan niya. Ilang beses na nga siyang inalok na sumali sa mga beauty pageant simula pa noong high school siya pero lahat tinanggihan niya. Hindi niya kasi hilig iyon. Ayaw niyang magpakita ng balat sa harapan ng madla. Conservative siyang magsuot ng damit. Kung hindi siya naka-uniform, pantalon, maluwang na t-shirt, at rubber shoes ang lagi niyang suot. Ni hindi rin siya gumagamit ng make up kung hindi rin lang kailangan. Pero kinaiingitan pa rin siya ng kapwa niya babae dahil lapitin siya ng mga lalaki. Hindi nga lang niya pinapansin ang mga ito. Maging ang mga bulaklak at regalo na ibinibigay sa kanya ay hindi niya tinatanggap. Naka-focus ang lahat ng atensyon niya sa pag-aaral kaya ni isa man sa mga manliligaw niya ay wala siyang in-entertain. Ngayon nagsisisi siya kung bakit hindi man lang niya naisip na magka-boyfriend. Kung mayroon lang sana siyang nobyo ngayon, baka yayain niya itong magtanan para matakasan lang ang Mr. Bonifacio na iyon. “Hindi ka puwedeng tumanggi, Leamor. Sa ayaw at sa gusto mo, magpapakasal ka kay Mr. Bonifacio. Bukas ay susunduin ka ng mga tauhan niya rito kaya kung ako sa iyo, maghahanda na ako ngayon pa lang.” Hindi na nakaimik si Leamor dahil tinalikuran na siya ng tiyahin niya. Napakamot na lang siya ng kanyang ulo sabay tingala sa kisame. Hindi siya puwedeng magpakasal sa Mr. Bonifacio na iyon. Baka masira lang ang kinabukasan niya kapag nag-asawa na siya ngayon. Sayang lang iyong diploma niya kung hindi niya ito magagamit. Tumanggap pa man din siya ng Latin honors tapos magiging housewife lang pala siya. Isa pa’y hindi niya kilala ang taong iyon. Malay ba niya kung matanda na ito. Baka malapit na itong maging senior citizen. Kaya siguro siya ang gusto dahil bata pa siya. Huh? Sayang naman ang ganda niya kung sa isang matanda lang pala siya babagsak. Kung magiging ganito rin lang pala ang kapalaran niya, sana nga sinagot na lang niya iyong pinakaguwapong nanligaw sa kanya noon. Tapos dito na lang niya ibinigay ang virginity niya, baka sakaling nag-enjoy pa siya. Hindi siya puwedeng maging Mrs. Bonifacio kaya tatakas na lang siya bago pa siya makuha ng mga tauhan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD