NIKITA’S POV Tinatamad akong kumilos nang magising ako pero dahil sanay na akong gumising ng maaga ay bumangon pa rin ako para gawin ang morning routine ko. Pagkatapos ay inaantok pa akong nagtimpla ng kape ko. Nakakatamad kumilos kaya naupo ako sa sofa habang hawak ko ang tasa ng kape ko. Nakatingin ako sa dingding habang nagkakape ako. Gusto kong magsimula ng negosyo, iyong maliit lang basta pwede kong pagkakitaan tapos kapag may kita na ako saka ko na lang palalakihin pero sa ngayon hindi ko pa magagawa iyon dahil hindi ko pa nagagawa ang utos sa akin ni Ma’am Sarina. Bigla akong napangiti ng malaki nang makaisip ako ng gagawin ko. Parang may bombilya na biglang umilaw sa ulo ko. Agad akong tumayo at naligo. Hindi pwedeng nasa bahay lang ako ngayong araw. Kailangang may gawin ako.

