Chapter 5 - Mga Panira ng Umga

2844 Words
NIKKI’S POV Bumalik na ako sa loob, naabutan ko sina Jelly at Alex na nakaupo na ngayon sa table kung nasaan kami kanina. Pareho na silang pawisan, sabay silang tumingin sa akin nang lumapit ako sa kanila. “Saan ka galling?” tanong ni Alex. Naupo ako at sa tabi ni Jelly. Agad naman nitong kinuha ang cap na suot ko. “Kanino ‘to? Wala ka namang suot na sombrero nang pumasok tayo kanina, ah.” Inagaw ko pabalik ang cap sa kamay niya at muling sinuot. Bahagya naman niya akong siniko. “Sabihin mo nga sa akin, may nakausap ka habang nagsasayaw kami kanina ano? Sino? Gwapo ba? Nasaan na?” sunod-sunod na tanong niya at tumingin sa paligid. “Wala na, umuwi na,” simpleng sagot ko at kumuha ng isang bote ng beer na nasa table pero bigla niyang niyugyog ang balikat ko kaya hindi ako makainom. “Nikki, dalaga ka na!” “Gaga, matagal na.” Twenty-six na nga ako. “Baliw ang ibig sabihin ko, marunong ka nang lumandi.” “Mas baliw ka, hindi ako lumandi. Lumabas kasi ako saglit, tapos may lalaking bigla na lang nagsuot sa akin nito. Hindi ko nga siya kilala kasi tinatawag ko hindi naman lumingon,” pagkukwento ko sa kanila. “Sino naman iyon?” nagtatakang tanong ni Jelly. Nagkibit balikat na lang ako para sabihin sa kaniyang wala rin akong alam. Kasasabi ko pa lang sa kaniya na hindi ko kilala. Saglit na nagpaalam si Jelly para pumunta cr kaya naiwan kaming dalawa ni Alex. Kanina ko pa napapansin na tahimik lang siya. “Okay ka lang ba?” tanong ko sa kaniya. Tumango siya sa akin at tumingin sa suot kong sombrero pero hindi siya nagsalita kaya. Nang bumalik si Jelly ay muli siyang nagyayang sumayaw pero hindi na sumama sa kaniya si Alex. “Ayaw mo na bang makigulo sa kanila?” Inginuso ko ang mga taong masayang nagsasayaw sa dance floor, marami sa kanila ay halatang lasing na. “Babantayan na lang kita, baka mamaya kung sino na naman ang lumapit sa iyo.” “Hindi na man na ako bata para bantayan.” “Nasa bar tayo, maraming mapagsamantala dito.” BIgla niyang kinuha ang cap na suot ko. “Kaya hubarin mo ito. Alam mo, karamihan sa mga lalaking nandito, hindi lalapit sa isang babae ng walang dahilan. Baka akala niya regular ka dito at pinapakagat ka lang niya tapos sa susunod ay may binabalak ng masama sa iyo, kaya huwag ka agad magtitiwala sa kahit na kanino,” babala niya sa akin at inilagay niya sa may gilid niya ang sombrero. “Ano ka ba? Sanay na ako sa iba’t ibang klase ng tao, saka nandito tayo para magsaya, kaya huwag kang mag-alala, hindi pa nabubuhay ang lalaking makakauto sa akin,” puno ng bilib sa sarili na sagot ko sa kaniya. Tumayo na ako at ako at hinila siya papunta kung nasaan si Jelly para makigulo sa gitna. Kahit na, hindi naman ako sanay sumayaw, nginitian ko si Alex at pumapalakpak na lang ako nang makita ko ang isang babaeng nagsasayaw sa may pole. Alas dos na nang madaling araw nang magyaya silang umuwi. Pasimple ko pang kinuha ang sombrerong nasa upuan bago ako tuluyang sumunod sa kanila. Hindi ko alam pero gusto ko iyong itabi kahit na hindi ko naman alam kung sino ang may-ari nito. Lasing na lasing si Jelly kaya nang makababa kami sa kotse ni Alex ay inalalayan ko siya. “Salamat,” pasasalamat ko kay Alex na ngumiti sa akin. Akmang tutulungan niya ako kay Jelly pero tumanggi na ako. “Okay lang, kaya ko na ito.” “Nikki, inom pa tayo!” malakas ang boses na saad ni Jelly nang makapasok kami sa loob ng apartment namin. Muntik pa kaming madapa dahil bigla niyang itinaas ang mga kamay niya kaya hinawakan ko siya at iginaya sa kwarto niya. Pabagsak kaming sabay na nahiga sa kama niya. Muli akong bumangon at inalis ang sandals na suot niya bago ko siya inayos sa pagkakahiga niya. Pinunasan ko rin ng wipes ang mukha niya para maalis ang make-up niya. Inaantok na ako pero kailangan ko munang asikasuhin si Jelly. Kababata ko siya, actually third cousin ko siya, pinsan ni Mama ang papa niya. Medyo may kaya ang pamilya niya, kaya noong high school ay sa private siya nag-aral habang sa public ako pero madalas pa rin kaming magkita kapag walang pasok. Hindi gaya ko, nakapagtapos din siya ng college, at nang malaman niyang nandito ako sa Maynila ay agad niya akong tinawagan para samahan siya sa apartment niya. Noong una ay ayaw pa niya akong pagbayarin sa upa, pero nakakahiya naman kung makikitira ako sa kaniya ng walang bayad gayong alam ko naman na nagpapakahirap din naman siyang magtrabaho. Kaya pumayag siya na magbigay ako. Malaki ang naitulong niya sa akin kaya nangako ako kay Tito na babantayan ko siya. Kaya sana hindi nila ako pagalitan kapag nalaman nilang, pumatol sa kung sinong lalaki lang ang anak nila. Tumingin ako sa mukha ni Jelly nang maalis ko na ang make-up niya. Napangiti ako nang parang bata siya nang kumibot ang mga labi niya. Tumayo na ako at iniwan siya. Nagtungo ako sa kwarto ko. Agad na hinubad ko ang boots na suot ko at nakadipang nahiga sa kama ko. Akala ko malalasing ako, pero medyo nahihilo lang ako pero hindi ko pa rin makalimutang bukas paggising ko ay wala na akong trabaho. Pinilit kong tumayo kahit tinatamad ako. Naglinis ako ng katawan ko at nagsuot ng pantulog. Kinuha ko muna ang phone ko bago ako nahiga, pero pagbukas ko pa lang noon ay bumungad na agad sa akin ang mga text ng madrasta ko. Ilang oras na ang nakakaraan nang mag-text siya pero dahil nasa bar ako ay hindi ko namalayan ang mensahe niya. DEVILNA: Nikki, padalahan mo ako ng pera, magbi-birthday ang kapatid mo, maghahanda ako. Hindi makapaniwalang napatanga ako sa mensahe niya. Wala man lang kumusta, diretso panghihingi na agad ng pera, bagay na bagay ang tawag ko sa kaniyang Devilna, Divina kasi ang pangalan niya pero pinalitan ko ng Devilna dahil devil tingin ko sa kaniya. Kapatid? Sa pagkakaalam ko ay tatlong buwan pa bago ang birthday ng kapatid ko. Ang anak ni Tatay sa kaniya, at kung may magbi-birthday man na malapit na, iyon ay ang panganay na anak ni Devilna sa una niyang asawa. Hindi ko naman iyon kapatid pero bakit parang pati iyon kailangan kong sakupin? Hirap na hirap na nga ko dito pero gusto pa niya akong gatasan. Bakit sa akin siya hihingi ng pera? Anong akala niya? Mapera ako? ‘WALA AKONG PERA.’ Iyon ang reply ko, capslock pa para alam na alam niyang wala siyang mahuhuthot sa akin. Pinatay ko na at pumikit na ako. Mas mabuting matulog na lang muna. Bukas ko na lang iisipin kong paano ako magkakatrabaho ulit. KINABUKASAN ay maaga pa rin akong nagising kahit na wala akong pasok, siguro dahil nasanay na ang katawan ko. Kinuha ko ang phone ko para tingnan kung anong oras na pero napakunot ang noo ko nang makita ko ang text muli ni Devilna. DEVILNA : Napakadamot mo naman, paano ka mawawalan ng pera? May trabaho ka diyan. DEVILNA: Isusumbong kita sa tatay mo, pinagdadamutan mo ang kapatid mo. Mahigpit na napahawak ako sa phone ko. “Arrgggh! Bwesit!” inis na sigaw ko at ginulo ang buhok kong gulo na. Dagdag stress pa siya sa akin. Inis na nagtungo ako sa banyo. Kulang na lang ay masugatan ang gums ko dahil sa diin nang pagto-toothbrush ko. Simula pa lang ng araw ko ay sira na dahil sa madrasta ko. Noong magkasama pa kami sa iisang bubong, ramdam ko nang ayaw niya sa akin, kaya nga lumayo ako. May tatlong anak kasi ito sa unang asawa, at ang gusto niya pati iyon ay alagaan ko, akala yata ay yaya ako. Tapos ngayong nasa malayo na ako, gusto naman niya gastusan ko pa ang anak niya. Kahit magsumbong siya kay Tatay, hindi ako natatakot. Hindi nga humihingi sa akin si Tatay dahil alam niya ang sitwasyon ko. Walang-wala lang siya noong nagkasakit ang kapatid ko kaya nagsabi siya sa akin, mismong kapatid ko iyon, anak ni Taty kay Devilna kaya nagbigay ako pero kung panghanda sa birthdayhan, wala siyang mahihingi sa akin. Birthday ko nga hindi ako naghahanda. Madamot na kung madamot. Nagluto na lang ako ng almusal naming ni Jelly. Sinangag ko ang kanin na niluto ko kagabi pero hindi naman naming nakain. Nag-prito din ako ng tuyo at itlog para maging ulam namin sa almusal ni Jelly. Nauna na akong mag-almusal, alam kong late na magigising si Jelly. Kumakain ako nang almusal nang biglang may magtao po. Mabilis akong tumayo at binuksan ang pinto pero parang gusto ko iyong isarang muli nang makita ko kung sino ang nasa labas. Nakatayo ito sa harap ng maliit na gate ng apartment namin. “Good morning, Nikki, sa wakas naabutan din kita,” malaki ang ngiting bati sa akin ni Ali. “Hehe,” pekeng pagtawa ko. Sira na ang umaga ko, dadagdag pa ito. “Bakit ang aga mo naman yata?” casual na bati ko sa kaniya na para bang hindi ko alam kunwari kung bakit nandito siya. “Inagahan ko na para sigurado akong maabutan kita. Bayad mo? Ilanga raw ka nang walang bayad sa akin, malulugi na ako sa iyo,” paniningil nito. “Paano ka naman malulugi ay ang laki ng patubo mo,” sagot ko. “Bayad,” inilahad pa niya sa akin ang isang palad, hindi man lang pinansin ang patutsada ko sa kaniya. “Pwede bang bukas na lang?” “Ilang araw ka nang walang hulog, tapos bukas pa?” Anong gagawin ko ay wala akong pera? “Bukas na bukas babayaran kita, ibibigay ko na sa iyo lahat, para hindi ka na araw-araw na maniningil,” pangako ko sa kaniya pero alam ko naman na imposible mangyari ang sinasabi ko dahil wala nga akong pera. Maliban na lang kung mangholdap ako ng bangko. “Sigurado ka?” Nagdududa pa siyang nakatingin sa akin. “Pwede ka naman hindi magbayad, basta date tayo.” “Ay, naku, tantanan mo ako. May asawa na ako, apat na anak naming, naiwan lang sa probinsya,” pagsisinungaling ko sa kaniya para lang tantanan na niya ako. Balak pa yata niya akong shotain kung sakaling hindi ako makakabayad kaya dapat makapagbayad na agad ako. “Ako na lang piliin mo, may pera ako.” Mariing pinisil ko ang ilong ko upang pigilan ko ang inis sa kaniya. Umagang-umaga dumidiga siya, hindi ako natutuwa. Kung wala lang akong utang sa kaniya, hindi ko siya kakausapin. “Sige na, balik ka na lang bukas, bukas na ako magbabayad,” pagtataboy ko sa kaniya. “Siguraduhin mo lang, kapag hindi ka pa nakapagbayad, lagot ka sa akin,” pagbabanta ng Bombay na si Ali. “Magbabayad ako,” pangako ko sa kaniya. “Kasi hindi ko pinangarap na maging jowa mo,” mahinang dagdag ko pero binigyan ko siya nang pekeng ngiti nang tumingin ako sa kaniya. “Babalik ako bukas.” “Kahit huwag na,” bulong ko pero nakangiti naman ako ng malaki kay Ali at kumaway pa nang paalis na siya. “Grabeng bungad sa umaga.” Nakahinga naman ako ng maluwag nang umalis na ito. Napasandal ako sa likod ng pinto ng isara ko iyon. Paano ako makakabayad sa kaniya? Nahihiya naman akong humiram ng pera kay Jelly dahil marami na akong utang sa kaniya, mapapera man o utang na loob. Wala man lang naggo-good morning sa akin pero meron agad naniningil. Saana ko hahanap ng pera ngayon? Napatingin ako sa calling card na nasa may flower base sa ibabaw ng mababang cabinet sa may gilid. Hindi ko alam kung bakit hindi ko iyon tinapon kahapon. Oras na ba para tanggapin ko ang offer ni Ma’am Sarina? Muntik na akong mapasubsob sa sahig nang biglang bumukas at bumungad sa akin si Martin. Hindi man lang kumatok, kung makabukas ng pinto akala mo dito nakatira. Tiningnan ko siya ng masama. Nakasandal kasi ako sa likod ng pinto tapos bigla niyang binuksan. “Nasaan si Jelly?” agad ay tanong nito habang masama ang tingin sa akin. “Tulog pa, bakit?” Bumalik ako sa harap ng almusal na kinakain ko kanina. Mag-aalmusal na nga lang ako ang dami pang abala. “Nag-bar pa rin kayo kagabi kahit hindi ko siya pinayagan,” maangas na bungad sa akin ni Martin. Hindi man lang siya nag-sorry na muntik na akong masubsob sa sahig dahil sa kaniya. Iyong tingin niya sa akin parang naninisi pa. Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Makapagsalita ito, parang galit. Parang may kasalanan pa ako sa kaniya. “May problema ba? Bakit kailangan pang magpaalam ng kaibigan ko sa iyo? Nag-bar lang naman kami, wala naman kaming ginawang masama,” pabalang na sagot ko sa kaniya. Siya nga, nagloko, hindi nagpaalam. Tapos ngayon takot na takot siyang umaalis ng bahay si Jelly. Takot yata ito sa sariling multo niya. “Dahil boyfriend niya ako, palibhasa hindi ka nagka-boyfriend kahit kailan kaya hindi mo naranasang pagbawalan,” masungit na sagot nito. Napanganga naman ako sa sinabi niya. Grabe naman siya makapagsalita, kailangan talaga ipamukha na wala akong boyfriend? Namemersonal masyado. “Ano naman kung hindi ako nagka-boyfriend? Pakialam mo naman?” sagot at humigop ng kape, pinilit kong huwag siyang patulan. “Wala akong pakialam pero hindi kita gusto bilang kaibigan ng girlfriend ko.” Nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa sinabi niya. Hindi talaga kami close na dalawa dahil ayaw ko sa kaniya, ilang beses na kasi niyang niloko ang kaibigan ko pero ang lakas ng loob niyang sabihing ayaw niya sa akin. Siya pa talaga may ganang sabihin iyon? “Tinatanong ko ba?” pabalang na sagot ko. Nalukot ang mukha nito, marahil ay dahil napansin niyang hindi ako tinatablan ng mga sinasabi niya pero sa totoo lang ay kumukulo na ang dugo ko. Kunti na lang papatulan ko na siya. Ngumisi ito sa akin. “Kung ako sa iyo, humanap ka na ng boyfriend tapos sa kaniya kana makitirahan para hindi ka na istorbo sa amin ni Jelly. Kaso may papatol kaya sa iyo?” Tuluyan nang napigtas ang pagtitimpi ko. “Wala kang pakialam kung may papatol sa akin o wala. Kaysa naman kagaya mo maging jowa ko!” mainit na ang ulong sagot ko. Pangatlong tao na siyang nagpainit ng ulo ko ngayong araw kaya hindi ko na napigilan. Parang lahat ng inis ko ay gusto kong ibuhos sa kaniya. Hindi ba ako pwedeng mag-almusal ng tahimik? Kung pumarito siya, bakit hindi na lang niya hintayin nag kaibigan ko? Bakit kailangan pa niya akong pagsalitaan ng kung ano-ano? “Anong ibig mong sabihing gaya ko?” pikon na tanong nito. Tumayo ako at taas noong tumingin sa kaniya. Ubos na pasensya ko. “Gaya mong hindi naman gwapo pero manloloko. Ang dungis mong tingnan, akala mo ba gwapo ka kaya ka pinatulan ng kaibigan ko? Animal lover lang si Jelly, kaya mahilig siya sa mga gaya mo,” walang prenong sagot ko. “Itsura mo, tingnan mo nga iyang ilong mo, ang laki-laki, sakop buong mukha mo!” panlalait ko sa kaniya. “Aba, gago ka, ah!” galit na saad nito. “Anong meron? Bakit maingay?” tanong ni Jelly nang bumuka ang pinto ng kwarto niya. Pumipikit-pikit pa ito, halatang nagising lang dahil sa sagutan naming ng boyfriend niya. Wala siyang kamalay-malay na nag-aaway na kami ng jowa niya. Nagtatakang tumingin siya sa amin ng boyfriend niya. “Anong nangyayari? Rinig na rinig ko mga boses ninyo. Nag-aaway ba kayo?” “Jelly, kung gusto mong magtagal tayo, paalisin mo si Nikki dito,” biglang saad ni Martin habang masama ang tingin sa akin. “Dinadamay ka pa sa kalokohan niya. Alam mong hindi kita pinayagan pumunta sa bar, sinama ka pa rin niya. Bad influence siya sa iyo.” Napanganga na lang ako sa sinabi ni Martin. Pumarito siya ng maaga para lang sisihin ako. Gayong wala naman akong alam na hindi niya pinayagan ang kaibigan ko. “Martin, ano bang sinasabi mo?” “Mamili ka, ako o ang kaibigan mo? Dahil kapag ako pinili mo, magsama na tayo dito pero dapat umalis muna siya.” Napahilot ako sa sintido ko. Anong klaseng umaga ba ang meron ako ngayon? Bakit ganito agad ang mga bungad? Kahapon pera lang problema ko, bakit ngayon biglang dumami bigla? Dumagdag pa itong si Martin na akala mo ay kung sino. Tapos ngayon, gusto pa niya akong palayasin sa apartment namin ni Jelly. Wala akong hangover pero biglang sumakit ang ulo ko. Pera ang hanap ko pero bakit puro problema ng natatanggap ko? Nasa na ba ang prince charming kong nakasakay sa puting kabayo? Baka naman pwede niya akong i-save sa mga problema ko. Para rin hindi na ako laitin ni Martin na wala raw papatol sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD