Chapter 6- Isang Milyon

2612 Words
NIKITA’S POV Nakita ko ang gulat sa mukha ni Jelly dahil sa sinabi ng boyfriend niya. Pinapamili niya ito ni Martin kung sino sa aming dalawa ang pipiliin niya. Hindi ko naman alam na hahantong sa ganito ang mangyayari. “Love, huwag naman ganiyan. Alam mong hindi ko pwedeng paalisin si Nikki dito,” pakiusap ni Jelly sa nobyo niya, kita kong nahihirapan siya ngayon sa sitwasyon. Umismid si Martin at masamang tumingin sa akin. Hindi naman ako nagpatalo sa kaniya at inirapan ko siya. Alam kong boyfriend siya ng kaibigan ko pero hindi ako papayag na magpatalo sa kaniya. “Love, pag-usapan natin ito ng maayos,” pakiusap ni Jelly at humawak siya sa braso ni Martin. Tumingin siya sa akin. Kaya kahit hindi pa ako tapos mag-almusal dahil sa dami ng istorbo ay niligpit ko na ang kinakain ko. Alam ko ang ibig sabihin ng tingin ni Jelly, gusto niyang makausap ng solo ang boyfriend niya. Lumabas ako ng bahay, naka-pajama pa ako, basta lang nakapuyod ang buhok, wala pa nga akong suklay. Pumunta ako sa tapat na may tindahan. Ang aga pa pero may mga tambay na roon. Bahala na muna si Jelly na kausapin ang jowa niya, sana lang huwag siya pumayag sa gusto ni Martin dahil kapag pumayag siya, saan ako pupulutin? “O, Nikki, mukhang ang aga-aga, badtrip ka,” bati sa akin ni Luis habang nakangisi. “Halata ba?” Naupo ako sa mahabang upuan na naroroon. Sanay na ako sa mga tambay dito sa kalye namin. Mababait naman sila kapag nakilala mo talaga. Iyong iba, hinusgahan kasi agad sila kaya ginagago na lang nila para patunayang tama ang sinasabi nila. Tumingin ako kay Ashley. Sikat na pota iyan dito. Ang alam ko ay isang sikat na negosyante ang napapabalitang bago niyang sugar daddy. Maganda naman ito, kaya siguro ginamit niya ang hitsura niya para magkapera. “Oo, nakakunot na naman kasi iyang noo mo,” saad ni Ashley at tumingin sa mapupula niyang mga kuko. “Badtrip kasi, ang aga-aga, ang daming sumisira sa araw ko,” reklamo ko. “May alam ba kayong trabaho? Nasisante kasi ako.” “May alam ako, basta mabilis ang kamay mo,” agad na sagot ni Ronnie na humihithit ng sigarilyo pero may hawak na tasa ng kape sa kabilang kamay. Iyon talaga madalas ang almusal niya, kaya kita na baga niya sa sobrang payat niya. “Ano naman iyon? Mabilis naman akong kumilos kaya walang problema sa akin.” “Snatcher, ako driver, ikaw hahablot,” nakangising saad nito kaya asar na tumingin ako sa kaniya. Seryoso ako pero ginagago lang pala ako. Gagawin pa niya akong magnanakaw. “May offer ako sa iyo, hindi magbebenta ka lang, hindi na kailangan ng magaling sa sales talk, marami naman nang parokyano. Malaki ang kita,” wika naman ni Luis. Nakihigop pa ito sa kape ni Ronnie. “Ipasok mo naman ako,” interesadong sagot ko. Kahit may sales talk pa iyan, marunong naman ako magbenta. Mahalaga sa akin ngayon ay may trabaho ako. Binatukan ni Mico si Luis. Muntik pang matapon nag kapeng hawak nito kaya agad iyong inagawa ni Ronnie sa kamay niya. “Puro kayo kalokohan, pagtitindahin n’yo pa ng bawal si Nikki,” pagalit ni Mico kay Luis. “Huwag ka sa amin magtanong, Nikki. Kami nga walang trabaho, puro kalokohan lang naman ang sinasabi ng mga ito.” Napakamot ako sa ulo ko. Ang alam ko ay call center si Mico, kaso work from home din siya kaya madalas kapag wala pa siyang trabaho ay madalas na kasama niya itong dalawang pasaway. “Alam mo, kung gusto mo magkapera, madali lang naman,” singit ni Ashley na kanina pa nakikinig. “Maganda ka, maganda rin ang katawan mo, bakit hindi mo iyan pagkakitaan? Tingnan mo ako, hindi ko kailangan magbanat ng buto para magkapera.” Mas lalong nalukot ang mukha ko dahil sa sinabi ni Ashley. “Pass. Ayaw kong bumukaka kung kani-kanino,” mabilis na tanggi ko. Mapera nga siya pero laspag naman na. Kahit naman ganito ako, mahalaga pa rin sa akin ang dignidad ko. Iyon na lang ang meron ako, itatapon ko pa ba? Kahit kuyugin ako ng mga pinagkakautangan ko, hindi ako magpapakapokpok para lang magkapera. Ma-pride ako, hindi akong tao at hindi ko ibaba ang panty ko sa lalaking hindi ko naman mahal. “Sa panahon ngayon, diskarte na ang mahalaga. Kung ayaw mong mamuti ang mga mata mo, dapat alam mo kung paano maglaro at sabayan ang agos ng mundo. Kasi kung magiging Maria Clara ka, wala naman nang mala-Crisostomo Ibarra ngayon. Ano pang silbi niyan kung kapag na-inlove ka naman, lolokohin at iiwan ka rin naman,” pahayag ni Ashley. Parang ang bitter-bitter niya magsalita. Ayon kasi sa nabalitaan ko ay iniwan siya ng ka-live in niya dati at ipinagpalit sa iba. Kaya siguro ganito na ang pananaw niya ngayon. Sabi pa nga ilang beses siyang nagmakaawang balikan kaso pinili na raw noong lalaki iyong bago. Mabuti na lang noong iniwan ako, hindi ako naghabol, kunsabagay, hindi ko naman siya mahahabol kasi bigla siyang naglahong parang bula tapos ngayon may kamukha siya. Ang malas pa, tinanggal ako sa trabaho. Bakit kasi magkamukha sila? “Kapag ako ang pinili ni Nikki, magpapakatino na ako,” pagpaparinig ni Luis sa akin kaya nalukot ang mukha ko. “SIge, magpakagago ka pa kasi kahit pumuti pa ang uwak hindi ako papatol sa iyo,” pabalang na sagot ko. “Maghanap ka na lang ng matandang mayaman na madaling mamatay, Nikki. Para hindi ka na magtrabaho, buhay Donya ka pa. Pagtyagaan mo na lang kung expired na ang hotdog niya, mahalaga may pera ka” giit pa rin ni Ashley. “Hindi kaya mauna akong mamatay sa sinasabi mo?” lukot ang mukhang saad ko. Kung ano-ano na lang itinuturo niya sa’kin. “Trabaho lang hanap ko, hindi ko kailangan ng sugar daddy. Mukha akong pera pero gusto ko pa rin na kumita sa malinis na paraan,” paliwanag ko sa kanila. “Sa panahon ngayon, kung gusto mong kumita ng malaki, hindi na uso ang puro trabaho lang. Dapat samahan mo ng kunting illegal, sigurado paldo ka,” suhestiyon ni Luis. “Umayos ka nga. Alam mo kapag nahuli ka at nakulong, hindi na ako magtataka. Iyang utak mo puro illegal ang alam,” sermon ko sa kaniya. Ngumisi ito sa akin. “Isa lang naman ang alam kong legal, iyon ay ang mahalin ka,” banat nito kaya malakas na napa- oh ang mga kasama namin. Habang ako naman ay mas sumama ang timpla ng mukha ko. “Sirang-sira na ang araw ko, huwag ka nang dumagdag pa,” banta ko sa kaniya. Tumingin ako sa maliit na gate ng apartment naming. Hindi pa lumalabas si Martin. “Gusto mo bang tururan naming ng leksyon si Martin?” tanong sa akin ni Ronnie. “Huwag ka mag-alala, kahit ako banas sa lalaking iyan. Palibhasa nasa abroad ang nanay at may sustento, akala mo kung sino na. Napakahambog. Balita ko, pinapalayas na nga iyan ni Mang Tonyo dahil palamunin lang naman sa kanila. Buti ako may raket minsan, iyang boyfriend ni Jelly, walang silbi. Pakiramdam ko talaga, ginayuma niya ang kaibigan mo.” “Hayaan n’yo na lang,” sagot ko. Ayaw ko naman na madamay pa sila. Kahit naman maloloko sila, mababait naman sila. Sanay na rin akong makipagbiruan sa kanila kaya kaibigan na rin ang turing ko sa kanila. Alam kong kapag sinaktan nila si Martin, ako ang ituturong may kasalanan nito dahil alam niyang close ako sa mga kolokoy na ito. Napatingin ako kay Ashley nang bigla itong tumayo sa kinauupuan niya nang may dumaang kotseng mabagal ang takbo. “Mauna na ako, guys, nayan na ang sundo ko,” paalam nito at kumikembot na humakbang sa kotseng huminto. Kaya pala naka-porma ito ng ang aga dahil may booking na agad ito. Sobrang iksi ng suot itong skirt na kaunting tuwad lang ay kita na ang pisngi ng pwet nito habang naka tube lang ito ng pang-itaas. Sobrang taas din ng takong ng sapatos sandals nito. “Iyong crush mo, sinusundo na naman ng iba,” narinig kong saad ni Luis kay Mico. Tumingin ako kay Mico at nakita ko ang malungkot na ngiti nito kaya napailing na lang ako. Kay Ronnie ko lang rin nalaman na gusto ni Mico si Ashley ang kaso ay babaeng para sa lahat na nga ito. Muli akong napatingin sa gate nang makita kong lumabas na doon si Martin. Mukhang bad mood pa rin ito. Hindi ko alam kung ano ang kinahantungan ng usapan nila ni Jelly, pero gusto kong malaman ang pasya ng kaibigan ko kaya nagmamadali akong tumayo sa kinauupuan ko at nagpaalam sa tatlo. Tatawid na sana ako para pumunta sa apartment ko nang biglang may tumigil na puting van na naman sa tapat ko pero hindi na ako natagot noong makita ko kung sino ang nakasakay doon. “Ano na naman ang kailangan ninyo sa akin?” “Gusto kang makausap ni Ma’am Sarina,” sagot ng lalaking humila sa akin para isakay ako noong nakaraan. “Bakit na naman daw?” “Sumama ka na lang.” “Nang ganito ang ayos ko?” tanong ko sa kaniya at tinuro ang sarili ko. Naka-pajama lang ako at malaking black na t-shirt, simpleng sipit na tsinelas lang dina ng suot ko. Wala pa rin akong suklay kahit na nakapaghilamos at toothbrush na ako kanina. Pinasadahan niya ako ng tingin. “Pwede na iyan,” balewalang sagot nito. “Sakay na.” “Ayoko,” tanggi ko. “May ibibigay siya sa’yong trabaho,” biglang saad nito kaya bigla akong naging interesadong napatingin sa kaniya. “Anong trabaho?” “Sumama ka nang malaman mo.” Tumingin ako sa tatlong kaibigan ko na nakatingin sa akin. Nagtataka ang mga tingin ng mga ito na para bang handa akong back-upan ano mang oras. Binigyan ko sila ng ngiti para sabihin sa kanilang relax lang sila. “Pwedeng magbihis muna ako?” “Huwag na, sakay na,” nagmamadaling saad ng lalaki kaya napilitan akong sumakay sa kotse. Nang makaupo na ako ay pasimple ko pang inamoy ang kili-kili ko, mabango pa naman. Wala pa akong ligo. Nakakahiya kung haharap ako kay Madam na ganito ang hitsura kaso itong lalaking nasa tabi, nagmamadali na akala mo ay may lakad. Halatang bagong gising na wala pa akong ligo. Nakakaganitong porma lang naman ako sa harap ng mga kaibigan ko pero syempre iba pa rin kapag iba ang kaharap ko. Lalo na at sobrang sosyal ni Ma’am Sarina noong unang beses na makita ko. Tahimik lang ako habang naba-byahe kami. Desperado na talaga akong magkatrabaho lalo na at mukhang nanganganib na rin akong mapaalis sa apartment na tinitirahan ko. Kahit kaibigan ko si Jelly, wala akong magagawa kapag pumayag siya sa gusto ni Martin. Kaya siguro nga dapat ko munang pakinggan ang sasabihin ni Ma’am Sarina bago ako tumanggi. Nang nasa tapat na kami nang gate ay hindi agad kami pumasok dahil may isang sasakyan ang lumalabas nang dumating kami. Tiningnan ko iyon habang nakahawak ako sa likod ng sandalan ng driver at sa upaang nasa tabi nito na wala naming nakaupo. Kumunot ang noo ko nang mapansin kong parang pamilyar ang sasakyan. Hindi ko alam kung saan ko iyon nakita, pero sigurado akong nakita ko na iyon. O baka naman katulad lang, mukha nga may katulad, kotse pa kaya. “Sino iyon?” tanong ko sa lalaking katabi ko nang muli akong umayos ng upo. “Si Sir, apo ni Ma’am Sarina,” simpleng sagot nito. “Gwapo?” Kunot noong tumingin sa akin ang katabi ko na para bang nahihibang na ako sa tanong ko. “May girlfriend na si Sir, magpapakasal na sila.” Napanguso ako sa sinabi niya. Nagtatanong lang naman ako kung gwapo, makapagsalita naman siya parang aagawin ko sa girlfriend niya ang boss nila. “Nagtatanong lang naman.” “Bumaba ka na,” utos nito sa akin. Saka ko lang napansin na nakapasok na pala kami sa gate at nakahinto na ang sasakyan. Binuksan ko ang pinto ng van at bumaba ako. Nakakahiya ang hitsura ko, pero tinaas ko ang noo ko para kunwari ay confident ako. Nandito ako para alamin ang trabahong pilit inaalok sa akin ni Ma’am Sarina. Bahala na si Batman pero kailangan ko na talaga ng trabaho para magkapera ako at maubos na lahat ng mga utang ko. Pumasok kami sa loob ng bahay at may isang matandang babae na sumalubong sa amin. Malapad ang ngiti nito. “Magandang umaga, ako si Elma, ang mayordoma dito. Halika, hinihintay ka n ani Ma’am Sarina,” mabait na saad nito at nauna na siyang lumakad. Sumunod naman ako sa kaniya. Ikalawang beses na akong nakapunta dito pero hindi ko pa rin mapigilang mamangha sa mga nakikita ko. Pakiramdam ko bawat display na nakasabit sa paligid ay sobrang mahal. Pangarap ko rin makatira sa ganitong bahay pero alam kong imposible na iyon, maliban na lang kung papatulan ko mga trabahong sinasabi sa akin kanina. Nasa may pool kami huminto. May table doon na may mga pagkain. Bigla tuloy kumulo ang tiyan ko. Hindi pa kasi ako tapos mag-almusal kanina nang biglang dumating si Martin at kung ano-ano nang sinabi. “Hello, Nikki. Good morning.” Tumingin ako kay Ma’am Sarina na kahit umaga pa lang ay parang pupunta na agad sa photo shoot dahil sa outfit niya. Mas lalo tuloy akong nahiya sa hitsura ko. “Hindi ka nagre-reply sa mga text ko kaya pinatawag kitang muli. Naiinip na kasi ako, kailangan ko na ang tulong mo,” malaki ang ngiting saad nito at naupo sa katapat kong upuan. “Let’s have a breakfast while we are talking.” Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa nang sabihin niya iyon. Kumuha na agada ko ng toasted bread. “Ano po ba talaga ang kailangan ninyo sa akin?” tanong ko sa kaniya. “Gaya ng sinabi ko kahapon, may offer ako sa iyo. Alam kong nabigla ka kahapon kaya ganoon ang naging reaksyon mo, pero alam kong tatanggapin mo na ngayon ang offer ko,” puno ng kompiyansang sagot nito sa akin at sosyal na sumubo ng pagkaing nasa plato niya. “Paano naman ninyo nasabing tatanggapin ko?” hamon ko sa kaniya. Mas lumapad ang ngiti niya sa akin. “Ramdam ko lang.” Kumunot ang noo ko sa kaniya. Naalala ko ang sabi niya kahapon na ako ang inofferan niya dahil ako lang daw ang makakagawa ng ipapagawa niya. Binigyan ko siya ng isang sarkastikong ngiti. “Sigurado ba kayo? Tinangggihan ko na kayo kahapon, sa tingin n’yo ba magbabago agad ang isip ko?” “Nabalitaan ko na natanggal ka sa trabaho.” Wow, ang bilis naman niyang nalaman ang bagay na iyon. Samantalang kahapon lang ako natanggal dahil sa lintik na Xerxes na iyon. Kahit kamukha siya ng ex ko, bwesit ako sa kaniya, mas nadagdagan nga yata ang inis ko dahil magkamukha sila. “Mukhang pinasusundan talaga ninyo ako.” “Yes.” Hindi man lang ito tumanggi. Aminado talaga. “Kaya nga tiwala ako sa iyo. Alam kong hindi ka mahihirapan sa ipapagawa ko.” “Ano ba talagang ipapagawa ninyo sa akin? Saka magkano ang eksaktong bayad?” “Isang milyon.” Muntik na akong mabilaukan dahil sa sinabi niya kaya mabilis akong napainom ng tubig. Nanlaki ang mga mata ko at gulat na nakatingin sa kaniya. Nakanganga rin ako dahil sa halagang narinig ko. Parang bumukas ang langit at may mga anghel na biglang kumanta sa paligid ko. Ito na ba ang sagot sa mga problema ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD