PLASTIKADANG kumaway-kaway si Monique nang mga ilang pulgada na lang ang lapit nila Georgina sa kanila. Nakahawak pa rin si Enzo sa bewang ng dalaga. Alam kasi nitong aabangan ng kalalakihan si Georgina, lalo pa't dahil doon sa eksenang naganap sa kaarawan ni Monique. Nanlalamig pa ang mga kamay niyang dahan-dahan niyang iniyukom. "Ang tagal naman ninyo, kayo na lang ang hinihintay o," pagbibiro ni Monique habang nakalingkis sa braso ni Juancho. Hindi mapigilan ni Juancho na titigan ang dalagang si Georgina. Sobrang nangungulila siya rito. Ilang araw na niyang hindi nasisilayan ang dalaga kaya't gano'n na lamang ang kanyang pagka-sabik na masilayan ang mukha nito. Dinudurog siya ngayong alam niya na hanggang ngayon, ayaw siyang tingnan ni Georgina. Iyon na yata ang pinakamasakit sa lahat

