Mula sa ’di kalayuan ay natatanaw na niya ang kaibigan niyang si Rhea. Kahit medyo malayo pa ay nakikita niya ang tamis na ngiti nito habang may tinitingnan sa cellphone na hawak sa isang kamay.
“Naku si Rheang, ang aga-aga, kinikilig na ang puwet. Pihadong si Zuriel na naman ’yan,” bulong niya sa sarili nang papalapit na sa kaibigang abala pa rin sa kakatingin sa Cellphone.
Ni hindi man lang naramdaman nito ang paglapit niya.
“Uy!”
“Ay, butandeng! Bakit ba nanggugulat ka?” Muntik pang mahulog sa kamay nito ang telepono. Sabay lingon sa nagsalita. “Narito ka na pala?”
“Kararating ko lang. Mga. . . dalawang oras lang naman.”
“Hmp! Kararating lang daw pero dalawang oras na.”
Nginitian niya ng tipid ang kaibigan. “Biro lang. Kararating ko lang talaga. Oh, tara na.” yaya nito kay Rheang saka nagsimula na silang maglakad.
Mabuti na lang at maayos ang kalsada sa bayan nila kaya mabilis silang nakakahakbang sa paglalakad.
“Rheang. . .”
“Hm?” sagot nito na ang mga mata at nakapako sa telepono.
“Hindi ka ba nagsasawang tingnan ’yang mukha ni Zuriel? Tingnan mo oh, naka-wall paper mo pa.”
“Aning, ang guwapo niya kasi. ’Yung bawat araw na nakikita ko siya, parang ang swerte-swerte ko,” kinikilig nitong sabi. Parang may kung ano’ng bulate sa katawan dahil sa nagtatalon-talon pa.
“Papaano kaya iyon?”
“Naku! Magkagusto ka kaya sa isang lalaki at nang malaman mo kung papaano. Eh, malas yata ang araw mo ngayon. Tingnan mo. Basa ’yang ibabang bahagi ng palda mo. May baha ba sa inyo?”
Inirapan niya si Rhea. “Wala no! Si Aling Lilian kasi, hindi niya sinadyang tapunan ako ng binanlawan niyang tubig kanina. Kaya pinahiram niya ’ko ng tuwalya para mapunasan ko.” Saka niya naisip ang halik ng kanyang ina. Iyon ang swerte niyang maituturing pero hindi yata kinaya dahil sa malas na natamo niya ngayon. “At saka, tama na sa ’kin ang halik ni nanay na pampaswerte ko pero hindi naman gumagana.” Sinabayan pa niya ng maliit na tawa. Nakihagikhik naman ang kaibigan niya.
Nagpatuloy lang sa pagkukuwentuhan ang dalawa habang naglalakad hanggang sa makarating sa gate ng kanilang school at tuluyan na ring pumasok dire-diretso sa room nila.
“Tamang-tama, maaga pa kaya magre-review na muna ako. May exam yata tayo mamaya.”
“Puwede bang sumabay sa iyo?”
“A-ah! Hindi puwede Rhea. Hindi ako sanay mag-aral na may kasama, sorry. At saka, alam ko naman na hindi ka mag-aaral dahil mas gusto mo pang tingnan ’yang Zuriel sa telepono mo.” Sinulyapan pa niya ang telepono ng kaibigan.
“Hmp! Mag-aaral din ako ’no!”
“Kailan, bukas? ’Pag tapos na ang exam. Rheang, mag-aral ka nga. Baka nakalilimutan mo na matalino ’yang crush mo. Baka mapahiya ka lang,” sabi ni Aning.
“Heto na nga, mag-aaral na.” At parang napilitan lang ito.
“Simulan mo na habang may oras ka pa.”
Nasa corridor silang dalawa nang mapadaan si Zuriel. Ang kolehiyong crush ni Rhea. Nagsasaulo si Aning ng lessons nila habang nakatanaw sa ibaba ng building nang mahagilap ng kaniyang mata ang lalaking gusto ng kaibigan niya.
Namilog ang kaniyang mga mata. Lihim na humanga. Aaminin niyang may itsura nga ito kahit na parang mahinhin kung kumilos. Simple lang ang lalaki. Matangkad at payat. Katamtaman lang ang kulay ng balat.
Siniko niya si Rhea na kasalukuyang nagbabasa.
“Rheang, Rheang tingnan mo.”
“Alin? Saan? ”
“Iyon oh!” Ngumuso pa si Aning sa naglalakad na si Zuriel.
“Hala. . . Ang swerte ko. Nariyan na ang naglalakad kong suwerte!” Tili nito. “Siguradong papasa na ako ngayon sa exam natin mamaya, Aning!” Panay ang yugyog nito kay Aning.
“Hm. . .” tugon ni Aning na suot ang nag-aalangang ngiti. Saka bumaling na sa librong hawak para ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.
“Haay. . .” Itinukod pa ni Rhea ang dalawang kamay sa magkabilang pisngi niya. “Zuriel. . .”
Samantalang si Aning ay patuloy lang sa pag-aaral. Inayos pa niya ang kanyang salamin na kaniyang suot habang binubuklat isa-isa ang bawat pahina ng librong hawak niya.
Matapos ang ilang minuto, nagsimula ang klase nina Aning at Rhea. Ibinigay na rin ng kanilang guro ang exam nila. At dahil nakapag-review si Aning, naging madali lang ito sa kanya. Sa bawat tanong ay maagap niyang nasasagutan nang walang pag-aalinlangan. Nasagutan rin naman ni Rhea ang exam nila na may buong tiwala sa sarili. Nakita na niya raw kasi ang kaniyang suwerte- si Zuriel.
Matapos ang exam ay inutusan na silang ipasa ang mga ito sa kanilang subject teacher.
Natapos ang isang araw ng kanilang klase nang maayos at walang anumang problema.
Kinabukasan, panibagong araw ng klase na naman para kay Aning.
“Aning, nagugutom ako.” Pumulupot pa si Rhea kay Schiyev.
“Eh, pumunta ka ng canteen. Bumili ka ng pagkain,” sagot ni Schiyev. Nagbabasa na naman ito ng libro.
“Libre mo ’ko,” hirit nito.
“Tumigil ka. Wala akong extra ngayon. Nag-iipon ako,” sabi nito nang hindi man lang tinatapunan ng tingin ang kaibigan.
“At saka hindi ako mayaman noh!”
“Pero teka.” Humarap si Rhea sa kanya. Ibinaba pa ang librong hawak ng kaibigan. “Banyaga ang papa mo hindi ba?”
Tumingin si Aning sa kanya.
“Ano ngayon?”
“Ahm, napaisip lang naman ako. Hindi ba, bago kayo napadpad dito, galing kayong maynila. Nalaman ko rin na may kaya ang estado ng buhay n’yo noon ni nanay. Naghirap lang nang iniwan kayo ng papa mo. At baby ka pa noon.”
Sumeryoso ang mukha ni Aning habang nagsasalita si Rhea. Halatang hindi niya nagustuhan ang pagbanggit nito sa kaniyang ama.
“Sorry, sorry. Curious lang ako. Bakit hindi mo hanapin ang papa mong British? Tulungan ka na makapag-aral nang mabuti at maayos. Hindi ’yong naghihirap kayo ni nanay.”
Sinara niya muna ang librong binabasa pagkatapos humarap uli sa kaibigan.
“Sabihin mo nga. Papaano ko hahanapin ang tatay ko? At saka, kapag ba magpapakilala akong anak niya, makikilala kaya niya ako? Kita mo naman. Wala siyang naiwan sa ’min ni Nanay. Pati hitsura niya hindi ko nakuha. ’Yung kulay ng balat at saka ’yung tindig niya. Ang pandak ko kaya! At sa pagkakaalam ko kay nanay, matangkad daw tatay ko.”
“Mali ka rin ’noh! Eh, ano pala ’yang kulay ng buhok mo?”
“Hu! Madali lang kulayan ang buhok kaya iisipin niyang peke lang itong buhok ko.” Sabay hawak sa buhok niya.
Naputol ang pag uusap nila nang pumasok ang kanilang subject teacher.
“Class, hawak ko na ang results ng exam n’yo kahapon.” Itinaas pa ng teacher nila ang kanilang mga papel.
“Iyan na.Perfect ako,” bulong ni Rhea kay Aning. Atat nang malaman ang score niya sa exam.
“Sh!” Inilagay pa ni Aning ang hintuturo niya sa gitna ng kanyang labi.
Ilang sandali pa'y nagpatuloy na sa pagsasalita ang kanilang teacher. Nakagawian nito na tawagin mula mataas ang puntos hanggang pababa.
“Rhea. . . ” tawag ng guro sa kaniya.
“Yes ma’am! Thank you po. Perfect ako! Sabi na nga ba, suwerte si Crush sa ’kin, eh.” Lumundag-lundag pa si Rhea.
“Teka. Ano’ng perfect? Eh, kabilang ka sa mga nakakuha ng mababang puntos.” hayag ng teacher na ikinagulat ni Rhea.
“Pero Ma’am. Hindi ba simula sa matataas na puntos papuntang mababa?”
“Oo. Noon, pero iniba ko ngayon. Pababa na papuntang mataas na puntos. Kaya kung ako sa ’yo mag-aral ka at nang hindi ka manatili sa mababang marka.”
“O-opo.” nakayukong tugon ni Rhea. Naglaho ang panandaliang saya kanina.
Hindi tuloy mapigilan ng buong klase ang tumawa.
“Tahimik!” Saway ng teacher nila.
Si Aning naman ay pinigilan ang tawa. Ayaw niya kasing makita siya ni Rhea na pinagtatawanan ito. Lumapit ang huli sa kanya saka naupo.
“Suwerte ba talaga si Crush?” Pero nagawa pa rin niyang tuksuin ang kaibigan.
“Tse!” Inirapan naman siya ni Rhea. Pero ngiti lang ang iginanti ni Aning sa huli. “Hindi ko kasi hinalikan ’yung wall paper ko kaya hindi tumalab.”
“Reason. . .” anito sa kaibigan.
As usual, mataas pa rin ang puntos na nakuha ni Aning dahil sa nag-aral siya.
Nagsimula na ang kanilang klase sa Agham. Matamang nakikinig si Schiyev sa guro nila. Interesado sa kanilang araling tinatalakay. Inisip niyang pagtuunan nang mabuti ang pag-aaral para makatulong sa kanyang ina. Na siyang nais rin ng ibang anak na katulad niyang laki sa hirap.