Palabas na ng gate si Aning nang makita niya sa ’di kalayuan ang nag-uumpukang grupo ni Kobe. At kasama si Zuriel. Tingin niya ay para itong pinagtatawanan nina Kobe.
“Naka-ilang girlfriend ka na ba, Zuriel?” tanong ni Kobe sa kaniya.
Tumingin si Zuriel kay Kobe. Si Kobe ang gusto niyang lalaki noon pa man. Ngunit hindi niya masabi-sabi.
'Girlfriend? Haay Kobe. Ikaw lang ang gusto ko' bulong niya sa kaniyang isip.
“Wala.” Totoo na wala siyang girlfriend dahil nga sa bakla siya.
“Wala? Bakit naman? Malapit na nating matapos ang kolehiyo , wala ka pa rin naging girlfriend kahit isa lang?” Pagak na tawa ni Kobe.
'Ikaw lang kasi ang gusto ko' sa isip pa rin ni Zuriel.
“Ayoko pa,” tipid na sagot na lamang niya.
“Aha! kobe , baka naman bakla itong si Zuriel. Tingnan mo naman, oh. May itsura saka mahinhin kung makakilos. Hindi tulad natin na halatang lalaking-lalaki,” saad ng isa nilang kabarkada.
Pero si Zuriel, nanatiling tahimik lang. Matagal na niyang kabarkada sina Kobe. Pero bakla pa rin ang tingin ng mga ito sa kanyan na siyang totoo naman.
“Zuriel, bakla ka ba? Tama ba ang iniisip namin tungkol sa iyo?” Si Kobe. Inakbayan pa niya si Zuriel na naging dahilan ng paglakas ng t***k ng puso ng huli.
“Hindi, Kobe. Wala pa talaga sa isip ko ang ganoon. Saka, marami namang babae riyan. Madali lang makakuha ng isa kung gugustuhin ko,” seryoso nitong anas.
“Ows, talaga? Pero hindi kasi ako kontento sa sagot mo.”
Hindi pa rin kumbinsido si Kobe sa sagot ni Zuriel kaya naman inutusan niya itong halikan ang isang estudyanteng may hawak na libro na nakikita niyang papalapit.
“Kung talagang straight ka, halikan mo nga ’yung babaeng iyon?” Tinuro ni Kobe ang isang teenager na girl na paparating sa puwesto kung saan sila nag-uumpukan kasama ang barkada.
Nilingon ni Zuriel ang babae. Nag-aalangan man pero kailangan niyang gawin upang hindi siya pagdududahan nina Kobe.
'Naku, kainis naman!' bulong ni Zuriel sa kanyang isip. 'Hahalikan ko ba talaga ang bruhang ito?' May kasama pang pandidiri na turan niya 'Bahala na.'
Nang malapit na ang babae, bigla niya itong hinawakan sa beywang saka pinalapit sa kaniyang dibdib. Tinitigan nang mabuti bago ginawa ang utos ni Kobe.
'Heto na.' Pagpapatuloy niya sa pag-iisip. Saka pikit matang kinitlan ng halik ang babaeng nakahawak bigla sa kaniyang uniporme.
Nang matapos niya itong halikan sa lips, sandali silang nagkatitigan. Hiya at takot ang naramdaman ni Zu habang nakatingin sa mukha ng babaeng may suot na salamin sa mga mata. Kahit nakasalamin ito, halata pa rin na gulat na gulat sa ginawa ni Zuriel.
Ang babaeng kaniyang hinalikan ay walang iba kundi si Aning. Mabuti na lang at hindi niya kasama ng mga oras na iyon si Rhea dahil kapag nagkatao, masisira ang pagkakaibigan nila.
Agad na itinulak ni Aning si Zu. Umayos ng pagkakatayo at inayos ang sarili. Nang matapos, nilapitan niya si Zu at saka sinampal nang malakas. Tinuhod niya rin ito pagkatapos.
'Ouch' daing ni Zuriel sa kaniyang isip.
'Ang lakas n’on girl ha!' dagdag pa niya. Hindi siya puwedeng magpahalata na nasaktan siya sa ginawa ni Aning.
At isa pang tuhod naman na tumama sa pagitan ng kaniyang mga hita.
'Hmmmp!' Pinigil ni Zuriel ang kaniyang sakit na naramdaman. 'Ang balls ko.' Impit nitong sigaw. Gustong kumawala niyon sa kaniyang bibig pero pinigil niya.
Gusto niya ring patunayan na kaya niyang isa walang bahala ang sakit na natatamo ngayon mula sa dalagitang mabagsik ang naging kilos dahil sa ginawa niya.
Nagtawanan ang mga kabarkada nila. Lalo na si Kobe sa nakikita nilang hitsura ni Zuriel. Pinukulan muna ng masamang tingin ni Aning ang mga ito saka tumalikod at tuluyang umalis.
“Ish! Ang lalaking iyon. Ang kapal ng mukha niya para halikan ako,” sabi niya habang panay ang pahid niya sa kaniyang labi gamit ang likod ng kamay.
Samantala, hindi pa rin tumitigil sa kakatawa ang barkada ni Zu. Siya naman ay unti-unti nang nakakabawi sa sakit.
“Oh, hayan Zu. Wala ka ngang girlfriend pero may nahalikan ka na. Hanga rin ako sa ’yo. Ang lakas ng loob mong sundin ang pinagawa ko.”
'Gusto kasi kita.' bulong pa rin nito sa sarili. Pero taliwas sa sinasabi ng bibig niya.
“Pinatunayan ko lang na hindi ako bakla,”
Inakbayan siya ni Kobe. Kinilig naman puwet ni Zuriel sa pag-akbay sa kanya ng lalaki.
'Shaaks! Ang bango niya. Mmm. . .' Sabay amoy nang hindi pinapahalata.
“Alam ko. Nakita ko naman. Hindi ba mga ’tol?”
“Tama. . .tama.” Tumango- tango pa ang mga ito kay Kobe. “Akala kasi namin bakla ka kaya pasensya na.”
“Wala iyon.”
“Oh, ano Kobe? Susunduin na ba natin girlfriend mo?” maya-maya’y tanong ng isang barkada nila.
Napatingin si Zuriel kay Kobe. Nakaakbay pa rin ito sa kanya.
“Ma-may girlfriend ka na?” Nalungkot si Zuriel sa kanyang narinig.
“Oo. Sa guwapo kong ito, imposibleng wala ’noh. Sumama ka sa ’min, ipakikilala kita sa girlfriend ko.”
“Ha? Ah, sige,” alanganin nitong sagot. Bigala tuloy siyang nanghina nang malamang may girlfriend na pala si Kobe.
Ipinakilala ni Kobe ang girlfriend niya kay Zuriel nang sunduin nito. Ang huli naman, kahit na parang tinutusok ang kaniyang puso, umaakto pa rin siya nang maayos. Pagkatapos noon, nagpasya na siyang umuwi.
Pagdating sa bahay, nadatnan niyang naghahanda ng pagkain sa mesa ang kaniyang ina.
“’Nay, mano po.” Iniabot niya ang kanang kamay ng ina saka dinala sa kaniyang noo.
“Kawaan ka ng Diyos, anak.”
“Akyat lang po ako sa itaas. Magpapalit po muna.”
“Sige.”
Hindi nahalata ni Zuriel ang kalungkutan sa mukha ng ina. Ang tanging laman kasi ng isip ni Zuriel ay ang girlfriend ni Kobe. Ang totoo kasi niyan, crush niya si Kobe. Matagal na. Hindi niya lang malapitan noon dahil natatakot siya na baka mabuko nito na bakla talaga siya.
Pumasok siya ng kuwarto at humarap sa salamin. Sinipat ang sarili.
“Hmp. Mas maganda naman ako doon, ah! Saka mas payat.” Para siyang sira ulong nagsasalita. “At saka may, may. . .” Bigla siyang natigilan. “Hmp! Dibdib lang ang lamang niya noh!” Nayayamot na pagpapatuloy niya.
Matapos magsawang pinagmasdan ang sarili sa salamin, nagpasyang magpalit na ng damit pambahay. Itinaas na niya ang kanyang sando nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto niya.
“ ’Nay!” wika niya sa baklang tinig.
Ngunit bigla ring binawi. “Eherm. Nay.”
“Hindi ka pa ba tapos?” tanon ng nanay niya na bahagyang nagulat.
“Ahm. . . Magpapalit pa lang po.”
“Ganoon ba? Sige. Maghihintay ako sa baba. Kakausapin kita.” ’Yun lang at sinara na ng kaniyang ina ang pinto.
“Shaks! Ano kaya ’yun? Katapusan na ba ng pagiging bakla ko?” tanong niya habang kinakagat-kagat ang kaniyang kuko. Nababakas ang takot sa mukha. “Nahalata na ba ni Nanay? Papaano na?”
Lumabas si Zuriel sa kaniyang silid. Inihanda ang sarili sa sasabihin ng ina. Kung ano man iyon, handa niya itong sagutin at tatanggapin ang magiging resulta.
Pagkababa ng hagdan ay diretsong kusina si Zuriel. Nadatnan niyang nakaupo na ang kaniyang ina.
“Nay,” mahina niyang tawag.
“Maupo ka na.” Utos nito na hindi man lang siya tinitingnan.
“Opo.” Hinila niya ang silya saka umupong katapat ng ina.
Tumikhim muna ang kaniyang ina bago nagsalita.
“Anak. . .” panimula nito.
“’Nay, bakit parang ang lungkot ng mga mata mo?” Nahalata na rin niya sa wakas.
“Zuriel, anak. Pumunta rito kanina ang sekretarya ng Appa mo. Sinabi niya na papag-aralin ka sa Korea.”
“Pumayag po ba kayo?”
“Eh, oo. Pumayag ako.”
“ ’Nay, bakit po kayo pumayag nang hindi man lang inaalam ang magiging pasya ko?”
“Anak, naisip ko kasi na mas magiging mabuti ang estado ng buhay mo kapag naroon ka sa appa mo.”
“’Nay, malapit na po akong makatapos sa kolehiyo. Isang taon na lang.”
“Anak, dadalhin ka ng appa mo roon para mas lumawak ang kaalaman mo. Kaya ok lang sa ’kin na kunin ka niya.”
“Pero ’Nay, maayos naman ang pag-aaral ko rito. Kaya bakit ako sasama. . .” Hindi niya naituloy ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita ang kaniyang ina na siya ring ikinatahimik niya.
“May sakit ang appa mo, anak.”
Natigilan si Zuriel sa hinayag ng kanyang ina. Sandali siyang tumigil sa pagkain.
“Gusto niyang umuwi sa Korea at gusto niyang isama ka niya. Nag-iisa ka lang niyang anak at walang sino man ang magmamana ng lahat ng mayroon siya bukod sa iyo.”
“Papaano po ang ipinalit niyang pamilya sa ’tin?”
“Alam naman nating pareho na walang ibang anak ang appa mo. Matanda na rin ang asawa niya. At ayon sa sekretarya niya, ang asawa niya mismo ang nagsabi na isama ka sa Korea.”
Muli na namang natahimik si Zuriel. Nag-aalangang sumama sa tatay niyang Koreano na ipinagpalit sila ng kaniyang ina sa babaeng kasama nito ngayon.
“Pagbigyan mo na si Appa mo anak. Para na rin sa kinabukasan mo.”
“Papaano po kayo?”
Hinawakan ng kaniyang ina ang kamay ni Zuriel.
“Babalik ka naman hindi ba? Kaya kong magtiis at maghintay sa iyo, anak. Ang hindi ko lang kaya ay iyong mamuhay ka nang simple na kasama ako gayoong may naghihintay sa ’yo na mas magandang buhay.”
“’Nay,” malungkot na saad ni Zu.
“Kaya ko anak. Magtiwala ka sa ’kin.”
“Kailan ho ako kukunin?”
“Sa susunod na linggo. Inihahanda lang nila ang mga kakailanganing papeles para sa ’yo,” sagot ng ina niya.
“Eh, inay. May sasabihin rin po ako sa inyo. Sana po huwag po kayong magalit.”
Nagpasya na rin siyang ipagtapat ang kaniyang pinakatatagong lihim simula pa noon.
“Ano? Sasabihin mo na bakla ka?” Inunahan na siya ng kanyang ina.
“Alam n’yo na po?” Namilog ang kanyang mga mata. Hindi niya akalaing nahahalata na pala siya ng kaniyang ina.
Tinitigan siya ng kaniyang ina at saka ngumiti.
“Papaano ko ba hindi malalaman? Eh, may nakita akong picture ni Kobe sa drawer mo. Saka nakita ko rin ang kulay pink na panloob mo. Sayang nga lang, may hitsura ka pero baklan naman.” Nanghihinayang man pero wala na rin itong magawa. Kung saan masaya ang kaniyang anak, doon siya.
“’Nay, sorry po.”
“Hu! Ano ka ba? Ok lang sa akin na bakla ka. An’ong magagawa ko kung ganiyan ka? Baka nga pagdating mo ng Korea, magbabago iyang katauhan mo. Ang dinig ko maraming magaganda roon.”
“At marami rin pong guwapo. Ay!” Kilig na kilig naman si Zuriel. Lumantad na talaga.
“Naku! Kung puwede lang ay ’yung magagandang babae lang ang titingnan mo dahil baka lumabas ang pagiging lalaki mo na totoo.”
“Inay naman. Lalaki po ang gusto ko. Hindi po babae,” tanggi nito.
“Magbabago rin iyan. At ’pag nangyari iyon, Ay! may apo na ako pagbalik mo.”
“Ews! Hindi mangyayari iyan, ’Nay. Never!” mariing saad ni Zuriel.
“Huwag kang ganiyan, anak. Baka kainin mo mismo ang mga sinasabi mo ngayon.”
“’Nay, wala po akong ibang kakainin ngayon kundi ang luto po ninyo. Kaya itigil na muna natin ang pag-uusap na ito at nang makakain na.”
“Mabuti pa nga. Kampante na ako at hindi na mag-aalala dahil nakumbinsi na kitang sumama sa Appa mo.”