“Bumangon ka riyan! Buksan mo ’yung pinto!”
Inis na inis si Aning kay Bekket. Bakit nagpaloko siya sa baklang ito? Bakit siya naniwala agad sa taong hindi naman niya lubos na kilala.
“Ano ba! Sabing bumangon ka riyan! Uuwi na ’ko!” sigaw pa rin niya kay Bekket.
Kanina pa sumisigaw si Aning. Halos mabingi na nga si Bekket sa kasisigaw niya pero bakit hindi man lang siya naririnig ng mga taong nasa labas at ng lolo ni Bekket. Wala pa ring ginagawa ang huli. Hindi pa rin siya nito pinapansin sa kabila ng kanyang mga sigaw.
“Bekki! Ayaw mo talagang buksan? Ayaw mo ha . . .”
Walang ano-ano, tumalon siya sa kama at dinaganan ang nakahigang si Bekket. Sunod ay hinila-hila niya ang buhok nito. Tila wala siyang pakialam kung ano man ang magiging ganti ni Bekket sa kaniya.
“Ayaw mo talaga,” wika nito na ang mga kamay ay nakasabunot na kay Bekket.
“Aray . . . ’yung buhok ko, masisira na,” napasigaw na rin si Bekket sa ginagawa ni Aning. Lantaran na rin ang kanyang pagkabakla. “ Ano ba? Tumigil ka nga. Masisira hair style ko!”
Kahit ano’ng sabunot ni Aning kay Bekket ay hindi niya ito ginagantihan. Inaamin niya kasi sa kaniyang sarili na mali rin siya sa paglilihim sa babae. Kaya tatanggapin niya ang ano mang galit nito pero hindi niya pa rin ito pakakawalan.
“Sisirain ko talaga itong buhok mo! Pati damit mo pupunutin ko!” Hinawakan niya ang damit ni Bekket at walang kemeng hinila. Nagtagumpay naman siya sa kanyang balak dahil nasira ang damit ng bakla.
“Ayts! Sumosobra ka na, ha!”
“Kulang pa iyan! Bakla ka! Kaya pala ayaw mong magpakasal kasi lalaki ang gusto mong makasama. At ako pa talaga ang gagawin mong panangga para maitago iyang kalandian mo!”
Sinipa niya si Bekket at nahulog ito sa kama.
“A-Aray ’yung likod ko.” Napahawak pa siya sa kanyang likuran.
Umalis si Aning sa kama. Tinungo ang hinulugan ni Bekket. Ngayon naman ay pumaibabaw siya rito na nakaupo.
“Bubuksan mo ba ang pinto o hindi?” tanong niya na ang mga kamay ay nasa leeg ni Bekket.
Nauubo na si Bekket sa gingawa ni Aning. “Paano ko bubuksan, eh nasa ibabaw kita?”
Umalis si Aning sa ibabaw niya. Tumayo at saka tumabi para bigyang daan ang pagbangon ni Bekket.
Hawak-hawak ang likod at leeg, marahang bumangon si Bekket.
“Ang harsh mo, girl ah. Ganito ba ang gagawin mo sa magiging asawa mo? Papatayin para lang makuha ang gusto mo?”
“Talaga! At correction! Hindi na ’ko magpapakasal sa ’yo. Bakla ka. Ayoko sa bakla. At ayoko sayo!”
“Talaga?”
Kumilos si Bekket. Maagap niyang binuhat si Aning at pinahiga sa kama saka dinaganan.
“Ano ka ngayon, bruha? nasa ibabaw mo na ako. Hindi ka na makagagalaw,” tukso ni Bekket sa dalaga.
“Alis! Umalis ka!" Akmang hahawakang muli ang buhok ni Bekket pero napigilan s’ya ng huli.
“Let me remind you, girl. Nilagyan ko na ng pandalawang buwang sahod ang account mo. Malaki-laki na iyon. Kung hindi ka pakakasal sa ’kin, babawiin ko ’yun sa ’yo. Babayaran mo ako na may interest.”
Natigilan si Aning. Paano niya babayaran ang ganoong halaga? At isa pa, naibigay na n’ya sa kanyang ina ang perang iyon.
“Ano na? Aatras ka pa ba?” pukaw sa kanya ni Bekket mula sa kanyang pag-iisip.
“Sigurista kang bakla ka!”
“Ofcourse!” nakangiti pa nitong turan.
Tuluyan nang kumalma si Aning. Hindi makatingin nang diretso kay Bekket. Kasalanan rin niya. Hindi na niya maisasauli ang pera sa huli dahil nga sa wala na ito sa kanya. Pinadala niya ito agad sa kanyang ina nang makakuha ng pagkakataong makapadala para sa araw-araw na gastusin ng ina.
Napansin ni Bekket na hindi umiimik si Aning kaya umalis na siya sa ibabaw nito. Pero hawak pa rin ang isang kamay ng dalaga.
Kapuwa nakahiga sila ngayon sa kama. Parehong nakatingin sa kisame.
“Sorry,” mahinang sabi ni Bekket. “Sorry kung ipinasok kita sa sitwasyon na . . . na hindi ko kayang harapin nang mag-isa.”
Tahimik lang si Aning pero nakikinig.
“Girl kasi . . .” Tumagilid siya at humarap sa babae. “Kasi ayokong mawala ang lahat ng ito sa ’kin. Ayokong maputol ang sayang ibinibigay ko kay nanay. Kaya, okay lang kahit kailangan kong itago ang pagkabakla ko,” pag-amin nito kay Aning.
Nilingon siya ng babae.
“Duwag ka. Alam mo ba iyon?” Titig na titig siya kay Bekket. “Bakit hindi mo subukang ipagtapat sa lolo mo na bakla ka. Na lalaki ang gusto mo at hindi ang kagaya ko na isang babae.”
Umayos muli sa pagkakahiga si Bekket.
“He won’t listen to me. Maipagtapat ko man sa kanya ang totoo, still . . . babawiin niya pa rin ang lahat nang nasa akin. Solong anak lang ako ng aking appa. At solong tagapagmana ng mga Choi. Kaya ipipilit niya talagang magpakasal ako.”
“At sa tingin mo ba kung kasal ka na, sapat na iyon para sa kaniya? Hinihingan ka na nga ng apo ’di ba?”
“Oo.”
“Papaano mo maibibigay sa kanya ang apong hinihinga niya kung bakla ka?”
Tiningnan siya ni Bekket. Makabuluhang tingin mula rito. Tila nakuha naman agad ni Aning ang ibig sabihin ng tinging iyon.
“Eeww, ayoko.” Sabay bangon at umupo nang maayos. “Ayokong magkaanak sa bakla noh!”
Bumangon si Bekket at humarap kay Aning.
“Ako rin naman. Pero please, tulungan mo ako. Magpapakasal tayo pero kapag apo na ang hinihingi ni Lolo sa akin, hiwalayan mo na ako. Iwan mo ’ko. Para may dahilan ako na hindi siya mabigyan ng apo sa tuhod.”
“Ang galing ah! Ako pa palalabasin mong masama. Eh, kung ikaw kaya ang mang iwan sa akin. Sasabihin ko na niloko mo ako kaya maghihiwalay tayo.”
“Ipagtatapat ko na sa kaniya na bakla ako.”
Sandaling natigilan si Aning sa sinabi nito .
“Eh, mabuti. Tapos na ang palabas.”
“Pero hanggang makakaya ko pang itago sa kanya, gagawin ko . Kaya pakiusap, huwag kang umatras.” Bakas sa mukha nito ang pagsusumamo.
“Paano pa ako aatras? Eh, wala na sa ’kin ’yung pera mo. Binigay ko na kay nanay.”
Sa narinig ni Bekket sa dalaga, napayakap siya rito nang mahigpit. Tinawid niya ang ilang distansya sa pagitan nila para lang mayakap ang dalaga.
“Thank you, girl. Thank you talaga,” sambit niya habang nakayakap.
“Ayusin mo ’yung pananalita mo, baka marinig ka ng lolo mo,” aalala niya nang naging bakla ang boses ni Bekket.
Kumalas sa pagkakayakap si Bekket kay Aning.
“Hindi iyan. Sound proof naman itong kuwarto kaya kahit ano’ng sigaw ko, hindi ako maririnig sa labas,” hayag niya na nakangiti.
“Huh?! Kaya pala namaos na ako’t lahat wala pa ring reaksyon mula sa labas.”
“Yes!” Tinanguan nito ang dalaga.
“Ang gara naman nitong kuwarto mo. Ibig sabihin pala, kahit patayin kita walang makakarinig.”
“Grabe ka naman. Papatayin mo talaga ako?”
“Biro lang. Ayokong mabahiran ng dugo ng ibang tao ang kamay ko noh,” sagot niya sa kaharap.
“So, okay na ba tayo?” paniniguro ni Bekket sa kaniya.
“Ano pa nga ba? Pero kapag makakakita ako ng pagkakataon o makautang ako sa iba, babayaran kita at aalis pa rin ako.”
“Uutang ka sa iba? Ano’ng ipambabayad mo? ’Yang katawan mong hugis kawayan sa liit?” tukso nito sa babae.
“Aba, hindi naman katawan ko ang ipambabayad ko ah! Magtatrabaho ako para mabayaran ko ’yung utang ko sa iyo.”
“Hay naku, girl. Sa akin ka na lang, gaganda ka pa lalo. Sabay tayong magpapa-facial, magpapa-spa, mag-shopping at saka mag-gym tayo para lumaki puwet mo! Ay, exciting! May asawa na ako, may makakasama pa ako sa bawat hilig ko. ’Di ba ang saya?” Natutuwa ito habang nagsasalita.
“Wala na.” Sabay iling ng dalaga. “tsk, lumantad ka na talaga sa harapan ko. Eeww . . . nakakapanindig ng balahibo.” Sabay yumakap sa sarili si Aning.
“Hmp, Che!” kunway turan nito. “Basta! Ngayon na alam mo na, hindi na ako mahihiyang ipakita sa iyo ang lahat ng sa akin.”
“Ha?! Hahaha, huwag na! Baka pati buhok ko tumayo na rin.”
“Hmp, ikaw talaga.” Dumikit siya kay Aning at niyakap itong muli sa likod. “Salamat, ha,” wika niya na nakapatong ang baba sa balikat ng dalaga. “Salamat talaga.”
“Uy! Uy!” Mahinang hinampas-hampas ni Aning ang binti ni Bekket. “Alis. Huwag kang yumakap sa akin. Naiilang ako. Hindi ako sanay na niyayakap ng isang bakla.”
“Mm, Ayoko nga. Simula ngayon, hindi lang asawa ang turing ko sa iyo kundi kaibigan na rin.”
“Tumigil ka. May kaibigan na ako. At babae iyon. Straight na babae.”
“Bahala ka. Mas maganda pa rin ako roon.” Mas lalo pang hinigpitan ni Bekket ang yakap nito sa kanya.
Hinayaan na lamang ni Aning na yakapin siya ni Bekket. Siguro nga tatanggapin na lamang niya na ikakasal na siya talaga sa isang bakla. Iisipin na rin na natutulungan niya ang kanyang ina at si Bekket mula sa pagtatago nito ng tunay nitong pagkatao.