Prologue
"Tulungan niyo po ako!" Paulit-ulit kong sigaw habang tumatakbo ako sa kagubatan ng Hera Celestia.
Kahit na medyo malabo na ang mga mata ko dulot ng patuloy na pagragasa ng luha mula sa aking mga mata, nagawa ko paring makalayo mula sakanila.
"Tumakbo ka lang ng tumakbo, Luna!" Narinig ko ang nakakakilabot na boses no'ng isa sa mga lalaking dumukot sa akin.
Nagsitayuan naman ang mga balahibo ko nang marinig kong sabay-sabay silang nagtawanan na para bang isa lang akong maliit na tuta na madali lang mahabol at madakip ulit.
Hindi ko alam kung bakit nila 'to ginagawa, minaltrato nila ako at sinabihan ng mga kung ano-ano. They even tried to r**e me! Anong laban ng isang trese anyos sakanila? Wala naman akong ginawang masama sakanila. Marahil ang habol lang nila ay ang ransom money na ibibigay ng lolo Gabrielle ko na dating mayor ng lungsod na 'to at dating senador ng bansa.
Agad akong napadaing nang mapatid ako sa isa sa mga malalaking ugat ng puno. Inis kong ikinuyos ang mga kamao ko habang patuloy parin sa paghagulgol. Sobra ng nanghihina ang mga tuhod ko, na kahit pagtayo ay halos hindi ko na magawa.
Kaarawan ko pa man din ngayon. Isn't it, birthdays are meant to be celebrated? Pero bakit parang kabaliktaran 'yung akin? Bakit parang ngayon ay pagdurusa ang siyang nangyayari sa akin. Sa last birthday ko, namatay ang lolo ko. Sa birthday ko ngayong taon, dinukot naman ako at pinahirapan. Ano'ng balak gawin sa akin ng sansinukob?
Nakarinig ako ng mga yapak, hindi malayo mula sa akin. Kaya kahit na masakit at nanghihina na ang mga paa ko ay pinilit ko paring makatayo gamit ang isang sanga ng puno. Pinunasan ko ang mga luha ko saka ko kinagat ang pang-ilalim kong labi para tiisin ang sakit ng mga paa ko. Dahil sa bawat paghakbang ko nito ay para itong binabali sa sakit.
Nang medyo makalayo na ako mula sa kanila, nakita ko ang pagkukulay kahel ng kalangitan, hudyat ng pagdating ng panibagong araw. Madaling araw na ngayon kaya sa tingin ko ay mas mapapadali sa aking humingi ng tulong.
The dawn. Gustong-gusto kong nakikita ang pagtaas ng araw. Pero napaluha ako dahil sa hindi ko maiwasang mangamba... na baka ito na ang huling pagkakataon na makikita ko ito.
"Luna!" Napaiktad ako sa gulat nang marinig ko ang galit na sigaw no'ng isa sa mga lalaking dumukot sa'kin.
Ramdam ko ang presensya ng ilan sakanila sa paligid ko, na para bang nasa tabi-tabi lang sila at hindi lang nagpapakita. Muli akong ginapangan ng kaba. Tatakbo na sana ulit ako nang may biglang marahas na humawak sa aking baywang.
"Puta kang bata ka! Pinahirapan mo pa kami?!" Rinig na rinig ko ang panggagalaiti mula sa isang lalaking may pulang buhok.
Magpupumiglas na sana ako nang ramdam ko ang pagsikmura sa akin ng isa pa sa mga lalaking kasama niya. Napaubo ako ng ilang beses. Pakiramdam ko ay malalagutan na ako ng hininga. Sobrang nanlambot na ang mga tuhod ko, kung hindi lang ako hawak ng lalaking pula ang buhok, malamang ay tuluyan na akong napaluhod.
Sobrang hinang-hina na ako pero kailangan kong lumaban. Walang mangyayari sa akin kung palagi nalang akong magiging mahina. Kailangan kong maging malakas para sa sarili ko.
Nang tumalikod ang lalaking sumikmura sa akin ay ginamit ko ang buong pwersa ko at sinipa ko siya mula sakaniyang likod. Wala sa sariling nanlaki naman ang mga mata ko nang makitang halos hindi siya matumba kahit na halos lahat ng enerhiya ko ay ginamit ko na.
Rinig ko ang sarkastiko niyang pagtawa saka siya unti-unting humarap sa akin. Kitang kita ko ang pag-igting ng kaniyang mga panga at ang talim ng pagkakatingin niya sa akin.
"Ang tigas talaga ng mukha mong hayop ka!" Singhal niya at wala sa sariling napapikit ako nang madiin niyang sinabunutan ang buhok ko.
Agad akong napasigaw sa sakit dahil sa pakiramdam ko ay matatanggal na ang anit ko sa sobrang diin ng pagkakasabunot niya sa buhok ko. Tinanggal niya ang pagkakahawak sa akin no'ng lalaking may pulang buhok bago niya pa ako itulak sa kung saan.
Sa sobrang lakas ng pagkakatulak niya ay hindi ko na nabalanse ang pagkakatayo ko. Ramdam ko nalang ang malakas na pagtama ng ulo ko sa isang matigas na bagay, marahil ay isang tipak ng malaking bato.
Ramdam ko naman ang pagragasa ng napakaraming dugo mula sa ulo ko. Dahil do'n ay agad naman akong napaluha. Okay... maaaring ito na nga ang huling oras ko sa mundo. Suko na ako.
"Gago ka! Baka matuluyan na 'yan." Rinig ko pang anas no'ng lalaking pula ang buhok.
Ramdam ko ang pagbigat ng mga talukap ko. Pero bago ko isara ang aking mga mata, nakita ko ang paglabas ng isang lalaki na nakatago mula sa likod ng malaking puno. Para siyang isang lion na gigil na gigil dahil sa saktong paglabas niya ay agad niyang pinaulanan ng sapak 'yung lalaking nanulak sa akin. Sinunod niya 'yung lalaking pula ang buhok. Hanggang sa nagsilabasan na ang iba pa sa mga kasamahan ng mga dumukot sa akin at sinugod na ang lalaki.
Wala sa sariling napangiti ako. Heto't dumating nanaman siya para iligtas ako. Nabuhayan naman ako ng loob.
Sana mabuhay pa ako para mapasalamatan kita, Kenjiro.