DINIG ni Juliet ang malakas na boses ni Beverly.
“Juliet… baby girl. Lumabas ka na riyan sa pinagtataguan mo. Mahuhuli ka rin naming.” Ang sabi nitong umaalingawngaw sa kalawakan ng tubuhan na iyon. Medyo malayo pa ang boses pero dahil malakas ang boses nito ay dinig pa rin niya.
“Labas na girl! Naghihintay na ang mga tauhan ko sa iyo oh. Magpapasarap muna siya bago ka mawala sa mundo.”
Kasunod niyon ay ang sipulan ng mga lalaki. Nangaligkig siya sa sinabi nito. Kung ganoon ay plano pa pala siya nitong ipa-r**e sa mga lalaking iyon. Nanindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Hindi niya akalaing may ganito pala siyang pinsan na maiitim ang budhi. Kampon ito ni Satanas!
Ngayon ay nakaupo siya sa isang masukal na bahagi ng tubuhan. Mas masukal pa keysa sa malapit sa kalsada kanina. Hindi siya sigurado kung makikita siya doon pero kahit papaano ay nakaramdam siya ng kaligtasan sa bahaging iyon. Sa di kalayuan ay dinig pa niya ang tinig ng mga humahabol sa kanya. Maging ang malademonyong sigaw ng mga ito. Gusto niyang sisihin ang sarili dahil nagtiwala siya kaaagad dito.
Pero masisisi ba niya ang sarili kung masyado siyang nasabik sa kamag-anak ng kanyang ama? Isa pa, kahit kailan ay hindi pumasok sa isipan niyang pagtatangkaan siya ng isa sa kanyang kamag-anak. Wala siyang kaaway at hindi niya naranasanang makipag-ayaw. Tapos ngayon ay gusto siyang patayin? Kung totoong kamag-anak niya si Beverly ay bakit may tangka itong patayin siya? Hindi niya maintindihan. Habang nasa gitna siya ng kinasusuungang buwis buhay ay maraming katanungan ang bumangon sa kanyang isipan.
Naalala niya si Attorney Mendoza. Baka hinahanap na siya nito ngayon? Pero mabilis siyang natigilan ng maisip na baka kasabwat ito ng mga humahabol sa kanya. Lalo siyang naawa sa sarili. Masyado siyang nagpadala sa kanyang emosyon! Pero teka, kung hindi rin maganda ang intensiyon sa kanya ng abogado at kasabwat nito sina Beverly, dapat ay hindi na siya nito pinapunta sa San Agustin. Dapat sa Maynila palang ay pinatay na siya ng mga ito. At ano nga ba ang role niya sa pamilya Florencio at pinagtatangkaang siyang patayin ngayon?
Muntikang kumawala ang tili sa kanyang lalamunan ng marinig niya ang isang malakas na putok ng baril. Mabuti nalang at natutop niya ang bibig. Kasunod niyon ay ang malakas na tawanan ng mga humahabol sa kanya. Palapit iyon ng palapit. Mas bumilis pa ang kabog ng kanyang dibdib at para na iyong sasabog sa sobrang lakas. Pawis pawis na rin siya at nakakaramdam na siya ng pagod. Maging ang mga hapdi sa kanyang balat sanhi ng mga matatalim na dahon ay iniinda na rin niya.
Pero hindi niya hahayaang abutan siya ng mga taong ito. Nagdesisyon siyang kumilos at umalis na sa lugar na iyon. Baka hindi sinasadya ay matunton pa siya. Ayaw pa niyang mamatay. Gusto pa niyang makita ang kanyang lola. Marami pa siyang pangarap. Kailangan niyang mabuhay. At oras na makaligtas siya sa lugar na iyon ay gagawin niya ang lahat maparusahan lamang ang mga nagtangka sa kanyang buhay.
Bumilang siya ng tatlo at huminga ng malalim. Walang kilatis na kumilos siya. Payuko siyang naglakad-takbo. Dahan-dahan siyang gumalaw dahil oras na magkamali siya ay malalaman ng mga ito kung nasaan siya. Hanggat maaari ay iniiwasan niyang gumalaw ang mga tubong nadaraanan niya. Maliwanag pa ang sikat ng araw. Siguradong makikita siya ng mga ito. Nang makarating sa sangang daan ay luminga-linga muna siya sa paligid bago nagsimulang tumakbo. Medyo maluwang na ang daang tinatahak niya hindi kagaya kanina na sumisingit lang siya sa pagitan ng mga katawan ng tubo. Saka walang lingon likod na diniretso niya lakad. Sa anggulong palayo sa mga boses ang tinahak niya. Sa gayon ay mapalayo siya sa mga ito.
Hingal kabayo na siya at malayo na ang kanyang nararating pero tila nga yata walang katapusan ang tubuhan na iyon. Subalit nagpapasalamat siya dahil hindi na niya naririnig ang boses ng mga demonyong humahabol sa kanya. Bumagal ang kanyang lakad. Nauuhaw na siya. Pakiramdam niya ay kakapusin na siya ng hininga. Nasapo niya ang dibdib. Ilang sugat na ba ang ininda niya sa katawan pero sinisikap pa rin niyang makalayo. Mahirap ng maabutan siya ng mga taong halang ang bituka.
Naipunas niya ang braso sa kanyang noo ng maramdaman ang pagtulo ng kanyang pawis sa mukha. Tumingala siya sa langit subalit mabilis siyang nagyuko ng tumama ang sikat ng araw sa kanyang mukha. Bahagya siyang nasilaw. Gusto nang matumba ng kanyang katawan subalit hindi maari. Kailangan pa niyang maglakad. Baka makahanap siya ng tulong. Muli ay sinimulan niyang maglakad. Hindi pa siya nakakalayo ng mapansin niya ang dulo ng tubuhan. Dali-dali niyang binilisan ang mga hakbang at laking pasasalamat niya ng mapagtantong kalsada na iyon. Sa kabila niyon ay makikitang muli ang mga nakatanim na tubo.
Nagbakasakali siyang may magdaraanang sasakyan. Kahit na ano pang dumaan ay balak niyang parahin makaalis lamang sa lugar na iyon. Nagsimula niyang tahakin ang malawak na kalsada. Ilang minuto na siyang naglalakad subalit wala pa ring nagdaraang sasakyan. Gusto na niyang sumuko. Umiiyak na rin siya. Mas lalo niyang nararamdaman ang mga hapdi ng sugat sa kanyang katawan. Ang mga dugo roon ay humahalo na sa kanyang pawis. Maging ang pagkalam ng kanyang sikmura at panunuyo ng kanyang lalamunan ay nakapagpapahina na rin sa kanya. Magulong-magulo na rin ang kanyang itsura at sabog-sabog ang kanyang buhok. Ilang beses na ba siyang napatid sa mga batong natatamaan ng paa niya pero pinipilit niyang tumayo. Nagsimula na rin siyang manalangin.
Diyos ko. Huwag niyo po akong pababayaang mamatay. ‘Nat. ‘Tay. Gabayan niyo po ako. Panginoon, bigyan niyo po ako ng tulong para makaligtas sa mga taong iyon at para makaalis sa lugar na ito. Nagmamakaawa po ako. Huwag niyo pong hayaan na ako ay mapahamak.
Tila dininig ng Diyos ang panalangin niya. Dahil sa nanlalabong mga mata ay namataan niya ang isang sasakyan di kalayuan. Pinasingkit pa niya ang mga mata upang maaninag kung sasakyan nga ang nakikita niya. At halos manumbalik ang lakas niya ng mapagtantong sasakyan nga iyon. Kahit pagod ay binilisan niya ang lakad upang marating ang pakay.
Nang marating ang sasakyan ay sinubukan niyang buksan ang pinto ng pulang RAV4. Nakaparada iyon sa gilid ng daan. Sarado ang pinto sa likod ng sasakyan. Sinubukan niyang buksan ang pinto sa harap sa may passenger seat subalit sarado rin iyon. Luminga siya sa paligid upang magbakasaling nasa paligid lang ang may-ari. Subalit munti mang kaluskos ay wala siyang naramdaman. Tahimik na tahimik ang paligid at mukhang siya lamang ang tao roon. Kung magsasalita naman siya at sisigaw ay baka makuha niya ang atensiyon ng mga taong humahabol sa kanya kahit hindi na niya naririnig ang boses ng mga iyon. Ayaw niyang magkamali sa pagkakataong ito.
Lumigid siya sa kabilang bahagi ng sasakyan. Sarado ang pinto sa likod. Malapit na siyang mawalan ng pag-asa pero halos tumili siya ng bumukas ang pinto sa may driver’s seat. Tumingala siya sa langit at umusal ng munting panalangin. Nagpasalamat siya sa Diyos. Maging sa kanyang mga magulang. Matapos niyon ay mabilis na siyang pumasok sa loob. Tinungo niya ang upuan sa likod. Saka isiniksik niya ang sarili sa ilalim ng upuan. Bahala na kung mahuli siya ng may-ari. Magpapaliwanag nalang siya. Ang mahalaga ay nakahanap siya ng tulong na maaring magligtas sa kanya.
Napapikit siya ng makaramdam ng bahagyang kaligtasan. Subalit hindi siya tuluyang magiging kampante hanggat hindi nakakaalis sa lugar na iyon. Sa ngayon ay kailangan muna niyang ipahinga ang sarili. Idinandal nila ang katawan at ulo sa likod ng upuan. Ilang beses siyang huminga ng malalim hanggang sa kahit papaano ay nakakahinga na siya ng magluwag.