“PUWEDE ba Leo, sabihin mo na kung ano ang gusto mong sabihin! Inuubos mo ang oras ko!” malakas niyang sabi sa lalaking kausap sa kabilang linya. Binuksan ng isang kamay ni Magus ang pinto ng kanyang pulang RAV4. “s**t!” mahinang mura niya ng makitang bukas pala ang kanyang sasakyan. Luminga-linga siya sa paligid kung may ibang tao. Saka lang siya nakahinga ng maluwag nang malamang siya lamang ang naroon. Kung sakali mang mayroon ay malamang na naitangay na ang kanyang sasakyan dahil naiwan din niya ang susi sa loob.
“Hey! Huwag mo naman akong murahin!” anang nagngangalang Leo sa kabilang linya.
“I’m sorry. Hindi ikaw ang minumura ko pare. Ano ba talaga ang gusto mong sabihin?” bahagya siyang kumalma. Tuloy-tuloy siyang pumasok sa loob ng kanyang sasakyan at pumuwesto sa harap ng manibela.
“As I was saying umuwi ka na dito sa villa dahil may maganda akong balita sa iyo. Nakahanap na ako ng puwede mong ---.”
“Cut that crap Leo!” putol niya rito. “Bakit ba hindi ko pa nahulaan kung ano talaga ang sasabihin mo samantalang may ideya na pala ako?” naiinis niyang wika rito. “Did you know that I’m here in the middle of my farm? You’re disturbing my work.” Nauubusan ng pasensiyang sabi pa niya.
“Pero pare, para din naman sa iyo ito.” anang nasa kabilang linya.
“I told you I don’t need it.” mariin niyang sabi.
“Pero Magus ----.”
“It’s nonsense! Bye!” pinutol na niya ang tawag nito. Wala siyang pakialam kahit marami pa itong gustong sabihin. Inihagis niya ang kanyang cellphone sa passenger seat.
Naiinis habang naiiling na ini-start niya ang makina ng sasakyan. Pagkatapos ay mabilis niyang pinaandar iyon. Hindi siya kaskaserong magmaneho pero dahil badtrip siya ay daig pa niya ang nakikipagkarera. Kaya nag-iiwan ng usok ng alikabok ang daang natatahak niya. Wala namang magrereklamo dahil siya lang naman ang nagdaraan sa kalsadang iyon.
Mainit na ang ulo niya na daig pa ang init ng araw na tumama sa lupa ng mga sandaling iyon. Binisita niya ang tubuhan na pag-aari niya dahil sa tinagal-tagal niyang hindi nagawi roon ay gusto niyang malaman ang nangyayari sa kanyang ari-arian. Pero kanina lang ay nakarinig siya ng putok ng baril. Hindi lang iyon isang beses kundi dalawa. Naalarma siya. Sinubukan niyang hanapin ang pinagmulan niyon pero napagod lang siya sa paghahanap.
Hindi siya natatakot kung sino man ang nagpaputok. May dala rin siyang baril at kayang-kaya niyang ipagtanggol ang sarili kahit sampung katao pa ang kalaban niya. Bihasa siya pagdating sa iba’t-ibang klase ng self-defence.
Lalong nadagdagan ang init ng ulo niya ng matanggap ang tawag ng kaibigan niyang si Leo. Kung alam lang niya kung ano ang mahalagang sasabihin nito ay hindi na sana niya sinagot ang tawag nito. Sigurado siyang may irereto nanaman itong babae sa kanya. Pero kahit ilang beses na niyang tinanggihan ang mga babaeng ipinapakilala nito ay mapilit pa rin ito. Na kahit kailan ay hindi niya napaunlakan. Kaya naman sa tindi ng inis ay sa pagmamaneho niya ibinubuhos ang init ng ulo.
Malakas niyang natapakan ang preno ng makarinig siya ng munting sigaw sa likod ng kanyang sasakyan. Paimpit iyon at tila ba pinipigilang kumawala ang malakas na sigaw. Bukod sa magaling siyang makipaglaban ay matalas din ang kanyang pakiramdam kaya kahit nasa ibang bagay ang isip niya ay narinig pa rin niya ang tunog na tila nagmumula sa kanyang likuran. Agad na naghinala ang kanyang isip. Umingit ang preno ng sasakyan ng idiretso niya ang pagpreno dito. Pagkatapos ay mabilis niyang binistahan ang mga upuan sa likod.
“s**t!” kumalawala ang malutong na mura sa kanyang bibig nang mapagtantong may tao nga sa likod ng kanyang kinauupuan gaya ng hinala niya. Natanto kaagad niya na isa iyong babae. “What are you doing inside my car and who are you?” dumagundong ang boses niya sa katahimikan ng loob ng sasakyan. Nasa itsura niya na mas makulimlim pa sa parating na bagyo.
Namutla ang bulto pagkakita. Nagmukha itong patay dahil parang tinakasan ito ng dugo sa buong katawan. “M-magpapaliwanag a-ako.”
Hindi nakaligtas sa kanya ang pangangatal sa tinig nito. Maging ang gula-gulanit nitong damit at ilang galos sa katawan na may kasama pang dug-dugo ay kanya ring napuna. Halos mag-isang guhit na ang mga kilay niya habang nakatingin dito.
“Get up!” pagalit niyang utos dito.
Nanginginig na tumalima ang babae. Saka niya napansin ang sabog-sabog nitong buhok. Ang gulo at dumi ng itsura nito. Halata rin ang pinaghalong pawis at dumi hindi lang sa mukha nito kundi sa buong katawan.
Pero hindi nawala ang pagkulimlim ng kanyang mukha. Hindi niya kilala ang babaeng ito. At kung anuman ang pakulo nito ay wala siyang balak sakyan iyon. Kahit mukha na itong mawawalan ng malay sa harap niya. Wala siyang pakialam.
Humihikbi-hikbi ito at nanginginig na nagsalita. “M-mister. P-please pabayaan mo muna akong m-magpaliwanag. M-may nagtangka kasi sa akin h-habang papunta ako sa San Agustin. G-Gusto nila akong p-patayin. Nakatakas ako pero h-hinahabol pa rin nila ako.” naiiyak na paliwanag ng hindi nakikilalang babae.
Sandali lamang na dumaan ang lambot sa mukha ni Magus. Pagkatapos umiling siya at matalim itong tinitigan. Hindi siya naniniwala rito. “Puwede ba Miss, kung nag-away kayo ng asawa mo ay huwag itong sasakyan ko ang gamitin mo para makatakas. Bumaba ka na!” malamig niyang utos dito. Wala siyang balak sumalo ng tulong at wala siyang balak magpakabuti ng mga sandaling iyon. O kahit kailan pa.
Bumuway ang pagkakayuko nito at tuluyang napaupo sa upuan. Pinagtapat nito ang dalawang palad sa harap at nagmamakaawang nagsalita. “Maawa ka please.” Nangatal ang labi nito. “H-hindi ko asawa ang pinagtataguan ko. May mga gustong pumatay sa akin. Hindi ko sila kilala. A-ang akala ko tuluyan na akong mamatay p-pero nakita ko ang sasakyan mo. P-patawarin mo ako kung wala akong paalam na pumasok dito, p-pero ito lang ang alam kong paraan para makalayo sa lugar na ito. Please… tulungan mo ako.” mahabang paliwanag nito. Nang tingnan niya ang mga mata nito ay saka niya napagtantong sinsero ang lahat ng mga sinasabi nito.
Nasa mata nito ang matinding takot na noon lang niya nakita sa mata ng isang tao. Maaaring totoo ang sinasabi nito. Pero maaaring nagda-drama lang ito. Para makapangloko ng kapwa. At nagkamali itong siya ang tinarget na biktima. Nanatiling matigas ang kanyang mukha. “Sa tingin mo maniniwala ako sa iyo?” nang-uuyam na tanong niya rito.
“S-sige, huwag mo na akong paniwalaan. P-pero sana hayaan mo akong makalayo sa lugar na ito. P-puwede mo akong ibaba kung saan alam kong maliligtas na ako. Kahit doon lang sa maraming tao. Please… alam kong mabuti kang tao.. tulungan mo ako…” punom-puno ng pakiusap ang tono niya. Malapit na siyang maniwala rito.
“Ano? Hindi ako good Samaritan Miss. Sinasayang mo lang ang oras ko! Bumalik ka na sa asawa mo!” sigaw niya dito.
Sa pagkabigla niya ay humikbi nanaman ito hanggang sa tuluyan na itong umiyak. Marahas siyang mapabuga ng hangin. “Kung sa tingin mo ay maawa ako sa iyo sa pag-iyak-iyak mong iyan, nagkakamali ka.” Nawawalan ng pasensiyang turan niya dito. “Bumaba ka na ng sasakyan ko bago pa kita dalhin sa presinto.”
Pero nang tingnan niya ito ay nakatakip na ang dalawa nitong palad sa mukha nito. Ang pag-iyak nito ay lalong lumakas hanggang sa humahagulgol na ito. Bahagya pa itong yumuko upang siguro ay maitago ang pag-iyak. Nakita niya ang mga sugat na nasa kamay at braso nito. Ang iba doon ay may bahid pa ng dugo. May isang bagay na pumasok sa isip niya. Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya. Nagkaroon siya ng hinala. Hindi kaya may kinalaman ang narinig niyang putok ng baril kanina?
Nakatitig siya sa babae ng marinig nila ang busina ng sasakyan sa likod ng sasakyan niya. Sabay silang napatingin doon at kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata ng babae. Mas lalo pa itong namutla at biglang hindi alam ang gagawin.
Hinawakan nito ang braso niya. “S-sila iyong mga humahabol sa akin. Please Mister, huwag mo akong ibibigay sa kanila. Please, maawa ka sa akin.” Nagmamakaawang wika nito at mabilis na bumalik mula sa pinagtataguan nito kanina bago pa niya ito mapigilan. Nanginginig ang buong katawan nito sa takot.
Natitigilang napatingin nalang siya sa babae. Nang muli niyang ibaling ang paningin sa likod ng sasakyan ay papalapit na ang isang babae habang nasa likod nito ang dalawang lalaking malalaki ang katawan. Hindi kaagad naging maganda ang kutob niya.