MARIIN nakapikit si Juliet habang hinihintay kung ano ang susunod na mangyayari. Kung tuluyan ba siyang isusuplong ng lalake sa mga taong humahabol sa kanya o hahayaan siya nitong manatili sa sasakyan nito. Mas malaki ang porsiyentong ibigay siya ng lalaki sa mga ito. Mukhang hindi ito naniniwala sa kanya at galit na galit pa nga ang itsura. Ni hindi man lang niya ito nakitaan ng simpatya o awa sa kanya kanina. Pag nagkataon ay wala na siyang kawala kapag umamin ang lalaking naroon siya. Hindi niya alam kung makakaligtas pa siya.
Mas lalo niyang isiniksik ang katawan sa pinagtataguan. Matindi na rin ang panginginig ng kanyang katawan. Takot na takot siya at ngayon lang niya iyon naranasan sa buong buhay niya. Nagsisisi na siyang pumunta sa San Agustin at sana ay hindi nalang niya nakilala si Attorney Mendoza. Hindi bale ng mag-isa siya sa mundo at walang makilalang kamag-anak keysa ganitong papatayin naman siya.
“Boss, may nakita ka bang babaeng pagala-gala dito? Nakausot siya ng puting long sleeves at pantalon. Mga ganito kataas. Maganda at morena.” Nakilala niya ang boses ni Abner na siyang driver ni Beverly.
Hindi bumaba ng hagdan ang lalaki at nanatiling nakaupo sa drivers seat. Habang ang grupo ni Beverly ay pinalibutan ang sasakyan. Hula niya ay tinted ang salamin ng kinasasakyan dahilan para hindi siya makita sa loob. Nakababa ang bintana sa drivers seat at doon nakikipag-usap ang lalaki.
Lalo siyang inatake ng kaba at takot ng marinig ang tinig ni Beverly. “Pinsan ko kasi siya. Ipinapasundo ng lola namin. Kailan lang siya nakalabas sa mental pero mukhang bumalik ang sira ng tuktok niya kaya ngayon ay hinahanap namin. Mahirap na kapag may nakita siyang ibang tao. Baka masaktan pa niya. Nananakit kasi siya at dapat palaging nasa bahay lang.” anang malamyos na tinig ng pinsan. Bumalik nanaman ang pagiging anghel nito sa harap ng tao.
Naikuyom niya ang palad. Siya pa ngayon ang nagmukhang siraulo. Kundi lang sa sitwasyon niya ay kanina pa siya lumabas doon at sinabunutan ang babaeng demonyo. Nagkatunog ang paghikbi niya. Agad niyang natakpan ng kamay ang kanyang bibig.
Huwag kang umiyak Juliet. Lakasan mo ang loob mo. Kailangan mong maging matatag.
Pigil-pigil ang hiningang hinintay niya ang isasagot ng lalaking nagmamay-ari ng sasakyan. Kung ano’t’-anuman ay dapat siyang maging handa. Kung kinakailangan niyang tumakbo ulit ng tumakbo ay gagawin niya. Tatakbo siya hanggang sa kaya pa niyang humakbang. Hanggang sa huling hininga niya.
“Bakit dito ninyo siya hinahanap?” sa halip ay pabalang na balik-tanong ng lalaki. Hindi nagbago ang tono nito kanina sa pakikipag-usap sa kanya sa pakikipag-usap nito sa grupo ni Beverly. “Kung dito siya nagpunta ay sigurado akong mahihirapan kayo. Maluwang ang tubuhang ito. Isa pa, dapat binabantayan niyo siyang mabuti. Sira-ulo pala tapos hahayaan niyo lang na makatakas sa inyo. Dapat igapos niyo para hindi makatakas. Wala akong nakitang babaeng sira ulo dito.” Mainit ang ulong sagot ng lalake.
Saka lang siya nakahinga ng maluwag. Parang naalis ang mabigat na bagay na nakapatong sa kanyang ulo ng marinig ang mga sinabi nito. Malakas pa rin ang salsal ng kanyang dibdib pero mas nakakahinga na siya ngayon ng maayos. Umiiyak pa rin siya pero nagawa na niyang ngumiti. Sobrang pasasalamat niya dahil kahit nakaangil ito ay hindi siya nito isinuplong. Kahit papaano ay nakasagap siya ng kaligtasan. Muli siyang umusal ng munting panalangin.
Maraming salamat po Lord sa ipinadala ninyong tulong. Salamat po.
“Ganoon ba? Kung may makita ka man ay iwasan mo nalang siya. Mahirap na, baka masaktan ka pa niya.” muli ay tinig iyon ni Beverly.
“Hindi ko alam kung bakit dito ninyo siya hinahanap samantalang bihira ang napapadpad na tao sa lugar na ito. Private property ito at puwede akong magreklamo dahil pumasok kayo dito sa lupain ko ng hindi kayo nagpapaalam.” Galit pa ring sabi ng lalaki.
“Pasensiya na Boss. Hindi kasi naming namalayan na nakapasok na kami dito dahil sa paghahanap sa kanya.” boses iyon ni Kiko.
“Sige. Naabala niyo na ako.” malamig na wika ng lalake.
Hindi niya alam kung mapapangiti o ano. Basta ang alam lang niya ay ligtas na siya.
“Sige. Pasensiya ka na ulit Boss.” Anang mga humahabol sa kanya at tumalikod na ang mga ito.
Bumaba ang lalaki sa sasakyan. Pasimple siyang nag-angat siya ulo para tingnan ang nangyayari sa labas. Nakita niyang tinungo nito ang harapan ng sasakyan. Bahagya pa rin siyang nakayuko dahil alam niyang hindi pa nakakaalis ang mga humahabol sa kanya. Nakita niya ang lalaking itinaas ang hood ng sasakyan. Tila may tiningnan ito sa makina pagkatapos ay muli nitong ibinaba ang hood. Hanggang sa marinig niya ang ugong ng sasakyan ng mga humahabol sa kanya. Umalis na ang mga ito at bumalik na sa pinanggalingan kanina. Saka lang siya tuluyang nakahinga ng maluwag.
Para siyang babagsak na naupo at sumandal. Pumikit siya at ilang beses na umusal ng pasasalamat.
Naramdaman niya ang pagbukas at pagsara ng pinto sa drivers seat. Pumasok doon ang lalaking tumulong sa kanya. Napaunat siya ng upo. Makulimlim ang mukha nito. Saka lang niya napansing balbas sarado pala ito. Medyo mahaba ang unat nitong buhok na hanggang sa balikat. Pero medyo magulo rin iyon. Walang salitang ini-start nito ang makina ng sasakyan.
Tumikhim siya at inilapit ang katawan sa kinauupuan nito. “Salamat Mister. Maraming-maraming salamat.” Puno ng kasiyahang wika niya dito. “Hindi mo alam kung papaano mo iniligtas ang buhay ko.” naluluha nanaman niyang pahayag.
Marahas itong bumuga ng hangin. “Huwag mo akong iyakan. Ibababa kita sa bayan. Pagdating doon ay bahala ka na sa buhay mo.” malamig nitong wika.
Nagawa pa rin niyang ngumiti. Kahit magaspang itong magsalita – kahit hindi naman talaga masakit sa teynga ang boses nito – ay nagpapasalamat pa rin siya rito. Kahit sa una ay hindi ito naniwala sa kanya, sa huli ay pinaniwalaan pa rin siya nito. “Salamat. Kundi sa ginawa ay sigurado akong segundo nalang ang buhay ko ngayon.”
“Lumipat ka dito sa harapan. Ayokong magmukhang driver.” Sa halip ay mabigat ang tinig na sabi nito.
Kahit kasinglamig ng yelo ang tono ng boses nito at kasing kulimlim ng bagyo ang mukha nito ay ngumiti pa rin siya. Tumalima siya at lumipat sa harap at katabi ng kinauupuan nito. Saktong makaupo siya nang maramdaman niya ang panlalabo ng kanyang paningin. Saka niya naramdaman na nahihilo siya.
“Mister…” anas niya. Umikot ang kanyang paligid. Napakapit siya sa isang braso nito.
Marahas na nilingon siya ng lalaki. “Ano nanaman?!”
Pero wala na siyang nasabi pa ng tuluyang madilim ang kanyang paningin. Nanghina ang kanyang katawan hanggang sa mawala ang kanyang kamalayan.
KANINA pa nagpapakawala ng mahihinang mura si Magus. Ilang beses din niyang napukulan ng masamang tingin ang babaeng walang malay sa passenger seat na katabi niya. Gayon nalang ang pagkagulat niya ng bigla itong himatayin kanina. Tuloy ay hindi niya alam ang gagawin.
Alangan namang ibaba niya ito sa daan at basta nalang iwan doon. Kung tutuusin ay mahinang-mahina ang itsura nito. Mukhang tuluyan itong iginupo ng kung ano man ang nararamdaman nito sa katawan. Kahit siguro gisingin niya ito ng gisingin ay hindi ito magigising. Wala siyang nagawa kundi magpatuloy sa pagda-drive.
Ang usapan pa naman nila ay ibababa lang niya ito sa bayan na sa totoo lang ay makakaabala sa kanya. Pero paano niya ito maiiwan doon kung wala itong malay. Ni hindi niya alam ang pangalan nito. Papaano niya malalaman ang identity nito? Naisip niyang dalhin ito sa pulisya subalit malakas ang dikta ng isip niyang huwag niya iyong gawin. Naalala niya ang mga taong nagtanong sa kanya kanina lang.
Sigurado siyang iyon ang mga taong humahabol sa babaeng sakay niya ngayon. Hindi niya alam kung bakit bigla ay ibinulong ng kanyang isip sa halip ay hindi niya sinabing naroon ang babaeng ito sa loob ng kanyang sasakyan at nagtatago. Marahil ay hindi naman talaga siya masama. Pero ayaw niyang masangkot sa gulo.
Gayunpaman ay aaminin niya sa sariling kahit papaano ay nakadama siya ng awa rito. Lalo na nang umiyak ito sa harap niya. Malakas ang dikta ng kanyang puso na paniwalaan ito sa mga sinasabi. Kaya nga hindi niya isinuplong ang babae.
Ngayon ay tila naupos ito na parang kandila at walang malay. Marahil ay sa pinagdaanan nito bago niya ito natagpuan. Sariwa pa ang mga sugat sa katawan nito na maaring sugat ng mga dahon ng tubo. Sa pagtataka niya ay ngayon lang nangyari ang ganoon sa kanyang lupain. Naisip niyang ano kaya ang maaring mangyari sa babae kung wala siya roon. Maari kayang napatay ito?
Kinilabutan si Magus sa naisip. Hindi niya gugustuhing may mapatay sa kanyang lupain. Ayaw niyang maging balita sa kahit anong tabloid. Lalo na’t ikasisira iyon ng kanyang pangalan maging ng kanyang negosyo. Pero bukod doon ay ayaw niyang may masamang mangyari sa babaeng ito. Totoong wala siyang pakialam ng una dito subalit nang makita niya ang kinasapitan nito maging ang takot sa mukha nito ng lumapit sa kanila ang mga humahabol dito ay nabaghan siya. Mabuti nalang at marunong din siyang lumubid ng kuwento kahit papaano.
Subalit ngayon ay hindi niya alam kung ano ang gagawin sa babae. Alam niyang hinang-hina na ito. Muntik na nga siyang magpanic kanina ng bigla itong himatayin. Saka lang niya naalala na hayaan muna ito. Hinayaan niyang makapagpahinga ang babae. Hindi naman niya ito maaring dalhin sa pulisya. Hindi niya kilala ang mga taong humahabol dito. Maaring kapag dinala niya ito roon ay matunton lang ng mga ito ang babae. Kawawa naman ito kung mamatay.
Pero teka, ano ba talaga ang pakialam niya? E ni hindi nga niya ito kilala? Ni hindi niya alam ang pangalan nito? Anong paki niya kung may mangyari mang masama dito?
Dahil naawa ka sa kanya. Dahil sundot ng konsensiya mo kung may masamang mangyari sa kanya dahil sa totoo lang ay kargo mo na siya ngayon.
Muli siyang napamura sa isiping iyon. Ano pa ang magagawa niya? Hindi niya ito maaring pabayaan nalang. Iisa ang nasa utak niya. Ang iuwi ito sa kanyang villa.