Kabanata 5

1110 Words
Akala ko hahalikan niya ako sa labi pero napapikit pa rin ako at naramdaman ang paghalik niya sa tungki ng ilong ko. Mabilis lang. Parang isang segundo lang lumapat ang init ng labi niya sa balat ko, pero sapat na para magpakabog sa dibdib ko. Dahan-dahan kong dinilat ang kaliwang mata upang silipin siya at nakitang nakangiti ng nakakaloko. "Stay here," mababa at diretso niyang sabi. "Babalik ako agad para sa labi mo naman." Pagkasabi no'n, tumayo siya at iniwan akong nakaupo sa bangkito, hawak pa rin ang basang basahan na kanina ko pa ginagamit sa pagpunas ng mesa. Nakatingin lang ako sa kanya habang naglalakad palayo, papunta sa pantalan, malapit sa naglalakihang barko ng mga isda. Sa malayo, nakita kong kumaway siya sa dalawang lalaki na nakahilig sa gilid ng tricycle stand. May sinasabi siya pero dahil malayo ako, hindi ko narinig. Nakaturo pa siya saglit sa direksyon ng pwesto namin. Kahit likod lang niya, ang lakas pa rin ng dating. Nag-iwas ako ng tingin nang mapansin kong inangat niya ang sando. Tumikhim ako at ibinalik ang mata sa mesa. Pinunasan ko uli ang basang parte, inayos ang mga kutsilyo, upuan, at umupo para labhan ang mga towel, saka naghugas na rin ng mga nagamit. Pero kahit anong pilit ko, lagi pa rin siyang pumapasok sa isip ko. Ano bang meron sa lalaking 'yon? "Uy, Thisa." Napatigil ako sa ginagawa at napalingon sa tumawag sa akin. Tatlong babae mula sa kabilang pwesto ang nakatayo sa harap ko. Mga hindi ko close pero kilala ko sa mukha, mga suki ng chismisan sa palengke. Bitbit nila ang tig-iisang plastic ng isda at gulay, pero halata sa tingin na hindi lang pagbili ang puntirya nila sa paglapit dito. Lumapit yung isa, kumindat pa sa kasama. "Usap-usapan ka, ah. Nakabingwit ka raw ng hot na kargador." "Balita ko nga binigyan ka ng tatlong banyerang isda. Paldo. Kakakilala lang niyo 'di ba?" anang isa pa. "That's worth a million." Milyon? Kumunot ang noo ko. "Deretsuhin niyo na lang ako. Ano bang gusto niyong sabihin?" Nagkatinginan muna silang tatlo bago nagkunwari yung isa na luminga-linga sa paligid. "Kaya pala todo tulong sa’yo si Rozen… may narinig kasi kami kanina." "Narinig saan?" tanong ko, medyo naiirita sa tono nila. "Sa pantalan," sagot no'ng naka-pulang blouse, sabay pitik ng buhok niya. "Nag-uusap sila kasama ang ibang lalaki, pinagkakatuwaan ka. Sabi niya tinutulungan ka lang niya kasi nakakaawa ka raw at para madali ka raw makuha. You know boys and their strategy." Natigilan ako sa sinabi niya. Bumigat ang dibdib ko at pakiramdam ko may kung anong kumirot. Hindi agad ako nakasagot. Sa halip, tumingin lang ako sa kanila, sinusubukang basahin kung nagsasabi ba sila ng totoo o gumagawa lang ng kwento. Nakita ko ang awa sa kanilang mukha. "Kung ako sa'yo huwag kang magpapaniwala sa mga lalaking galing Maynila. Kahit hindi niya sabihin, halata namang taga Maynila siya. Nagpapanggap lang." "Oo nga, Thisa. Ikaw ang kawawa sa huli." "Karamihan sa mga lalaki sa Maynila kapag nakuha ka, iiwan ka na parang walang nangyari." "Baka naman gawa-gawa lang ‘yan," pilit kong sabi, pero halata sa boses ko na hindi na ako sigurado. "Eh ikaw na humusga. Narinig namin mismo. Ikaw din. Basta napagsabihan ka na namin. Hindi na namin kasalanan kung lumubo 'yang tyan mo." Pumintig ang tenga ko sa sinabi no'ng isa, na mukhang gulo ang hanap. Bago pa ako makapagsalita, naglakad na silang tatlo palayo, nagbubulungan at tumatawa ng mahina, ako pa rin ang usapan. Pinilit kong lunukin ang bigat sa lalamunan ko, pero bawat segundo, hindi ko maiwasan magalit sa tuwing naiisip ko ang mga sinabi niya. At sakto, nang tumayo ako, nakita ko siya—si Rozen. Mula sa pantalan, naglalakad siya ngayon palapit rito, nakapamulsa, maangas ang lakad, na para bang kanya ang palengke, kasama ang tatlong lalaking may dalang banyera, ganun din siya sa kabilang kamay. Seryoso ang mukha, pero may bahid pa ring pilyong ngiti sa labi. "Hi, I'm back. Naghintay ka ba? Sorry, napatagal ang usapan." Hindi ako umimik. Nanatili lang akong nakatingin sa kanya. Kumunot ang noo niya nang hindi ako tumugon. "May problema ba? May dumi ba ako sa mukha? Why staring at me like that? Para mo naman akong papatàyin sa tingin mo—" "Ikaw, anong problema mo?" "Huh?" takang tanong niya. "Hindi ko maintindihan, Thisa. Anong sinasabi mo?" aniya, pinipilit balansehin ang dalang banyera. "Na tinutulungan mo lang ako kasi naaawa ka. Para makuha ang loob ko." Dere-deretso kong sabi. Nandilim ang mukha niya, tila hindi nagustuhan ang sinabi ko. Tumitig siya sa akin nang ilang segundo, tapos bigla na lang… ngumisi. "Kapag ba sinabi kong oo, anong gagawin mo?" Nanlaki ang mga mata ko. "Anong—" "Eh kung hindi, maniniwala ka ba?" Hindi ko alam kung gusto niya lang akong asarin o sinusubukan lang akong basahin. Pero sa ngisi niya ngayon, mas lalo lang akong napupuno. "Rozen, seryoso ako," giit ko sa matigas na boses. Gusto ko na siyang suntukîn. Tumawa siya at naging seryoso pagkatapos. "Seryoso rin ako. Pero mas gusto kong makita kung paano ka magalit sa’kin." Doon na ako napundi. Hindi ko na inisip kung may nanonood. Yumuko ako, kinuha ang timba ng tubig sa ilalim ng mesa, at walang pasabi na isinaboy sa kanya. Napapikit siya sa ginawa ko, sabay, "Oyy!" at "Grabe!" mula sa paligid. May ilang mga tinderang sumipol pa. Narinig ko ang matandang nagtitinda ng gulay sa likod, "Aba’y may eksena!" Napatingin sa akin ang mga lalaking kasama niya, halatang nagpipigil pero sa kamay pa lang ni Rozen na bahagyang naka-angat, hindi sila tumuloy. Bodyguard? Nanatili akong nakatayo, hawak ang timba, hinihingal sa galit. Nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya. "Anong akala mo sa’kin? Madaling utuin? Madaling mahulog dahil lang sa tinulungan mo ako?" Hindi siya sumagot. Tinitigan lang niya ako, kalmado, habang tumutulo ang tubig mula sa buhok at sando niya. "Kung 'yun ang iniisip mo," mababa niyang sabi, "wala na akong magagawa roon." Saka niya hinubad ang sando at sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri. "But that doesn’t mean I’ll stop." At hindi ko alam kung bakit nagagawa pa niyang ngumiti ngayon pagkatapos ng ginawa ko sa kanya. "I’m making an effort because there’s something I want you to remember." "Bahala ka sa buhay mo. Huwag ka nang magpakita sa akin." Binalik ko ang timba sa ilalim ng mesa at dumiretso sa loob ng pwesto. Hindi ko na siya nilingon pa, kahit pa ramdam kong nakasunod siya ng tingin sa akin. At doon ko lang naramdaman na nanginginig ang kamay ko, hindi lang sa galit, kundi sa kung anong hindi ko pa kayang pangalanan. May nararamdaman na ba ako sa kanya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD