Kabanata 4

1048 Words
Marahan ko siyang tinampal sa mukha, sapat lang para magkunwari siyang nasaktan. “Awww,” drama niya sabay tawa. “Ganyan ba talaga trato mo sa mga gwapong katulad ko?” “Magtigil ka nga, Rozen.” Inirapan ko siya pero hindi ko maitago ‘yong bahagyang ngiti ko habang ngumunguya. Muntik ko pa nga mahulog ‘yong pastil sa tabi ko nang bigla niya akong subuan ulit. "Kailan mo ba ako titigilan kakasubo?" "Habang buhay?" banat niya. Hindi talaga siya nauubusan. "Gusto mo? Kaya naman kitang pagsilbihan—" Bago pa niya matapos ang sasabihin tinakpan ko ang bibig niya gamit ang likod ng kamay ko. Naninigkit ang mga mata niya at mabilis kong binawi ang kamay nang halikan niya 'yon. "Ano ba—" hindi ko natuloy ang sasabihin nang salpakan niya ng saging ang bibig ko. Hindi pa nga ako tapos ngumuya, bwisit! "Kainin mo muna saging ko," natatawang sabi niya hanggang sa lumakas. "Huwag ka sana mabilaukan—aw! Thisa! Sorry na! Sorry—aw!" Pinaghahampas ko siya sa balikat, hindi maiwasang mapailag. "Bwisit ka! Kung anu-ano na lang lumalabas sa bibig mo!" Humagalpak siya ng tawa. "Sa saging ko naman 'yan. Ako kaya ang bumili. Pero mas mataba at mahaba iyong nakatagô—" "Rozen!" Napahawak siya sa tiyan kakatawa at hinayaan niya lang akong hampasin siya. "Pulang-pula ka, oh." "Ikaw kasi!" Ako lang din ang napagod kaya tumigil na ako. Nakakakuha na rin kami ng atensyon at inaasahan ko nang pagchi-chismis-an kami. Natapos din kaming kumain kahit panay ang pang-aasar niya at subo sa akin na parang wala akong kamay. Siya na halos ang umubos sa natirang pastil, sabay inom ng tubig. Pagkatapos, tumayo siya at nagpunas ng pawis. Akala ko aalis na para magpahinga. Pero ngumiti lang siya sa akin sabay sabi— “Sandali lang, binibini. May kukunin lang ako.” Napaangat ang kilay ko. “Ano na namang kalokohan ang gagawin mo, Rozen?" “Secret.” Kumindat pa bago tumalikod at naglakad palayo. Naiwan akong mag-isa sa harap ng lamesa, nakasunod ng tingin sa kanya hanggang sa lumiko ito kung saan. Nag-ayos na lang ako ng mga gamit. Wala na kaming ibebentang isda, kaya iniisip ko baka magpapalamig lang siya at kukuha ng kung ano. Pero ilang minuto pa lang ang nakalipas, bumalik siya. Kasama ang tatlong lalaki. At bawat isa sa kanila ay may bitbit na banyera ng isda. Literal na tatlong banyera, puno ng malalaki at preskong huli. Basa-basa pa ang gilid ng mga banyera. “Surprise!” parang batang sigaw ni Rozen, abot-tainga ang ngiti. “Round two!” Napatigil ako at napanganga. “Anong—Rozen! Ano ‘to?!” “Isda. Presko pa. Para sa’yo.” Proud na proud niyang sabi sabay kindat. “Ayaw kitang mabitin sa kita ngayong araw. Sayang ang momentum, binibini.” “Momentum ka dyan…” bulong ko pero wala na akong oras magreklamo dahil— “Ay, ang lalaki ng isda!” “Presko pa! Kaka-huli lang!” “Pabili nga po!” Tila nagkaroon ng magic. Biglang dumagsa ulit ang mga customer, mas marami pa kaysa kanina. May mga nanay na bitbit ang bayong, mga lalaking nakasando na may dalang plastik ng gulay. Ang ingay-ingay na naman ng paligid, tawanan, sigawan, tawaran. Wala akong nagawa kundi bumalik sa trabaho. Hinawakan ko ulit ang kutsilyo, nagsimulang magkiskis ng kaliskis, habang si Rozen naman ay parang ahas sa bilis, sinasalubong ang mga customer, kinakausap, tinitimplahan ng biro para mas madaling makabenta. Kung iisipin parang sanay na sanay. At gaya kanina, hindi ko maiwasang mapansin ang kamay niya. ‘Yong sugat niya. Hindi ko maiwasang mag-alala. Gagamutin ko sana 'yon kanina kapag bumalik siya pero hindi ko inasahan na magbebenta pa ulit kami. “Rozen, dahan-dahan lang,” bulong ko habang iniaabot sa kanya ang supot para sa isang customer. “Baka lumala ‘yan.” Ngumiti lang siya na parang wala lang sa kanya ang mga sugat. “Okay lang ako. Basta nakikita kita, sapat na 'yon para mawala lahat ng pagod ko." Napapikit ako. Kahit kailan talaga. “Baliw ka talaga.” Maya-maya, tumigil ako sandali para pakatitigan siya pero wala akong mabakas na pagod sa kanya. Tuloy-tuloy lang siya sa ginagawa. Halos siya na lahat ang gumagawa, nag-aabot ng isda, nagbibigay ng sukli, nagbubuhat ng banyera para maabot ng mga customer sa dulo. Kahit ako na dapat magbuhat ng supot, inaagaw niya. “Rest, binibini. I can manage." “Hindi, ako na—” pero wala, naagaw na niya bago ko pa matapos. Kung hindi lang kami busy, baka napagalitan ko na siya. Pero tuwing susulyapan ko siya, nahuhuli ko siyang pasimpleng nakatingin sa akin. At hindi ‘yong tipong simpleng tingin lang, may laman. Hanggang sa unti-unting lumuwag ang pila. Halos paubos na ulit ang mga isda. Sumandal ako saglit sa gilid ng lamesa, pawis na pawis. Pinupunasan ko ang leeg ko gamit ang bimpo nang biglang tumayo siya sa tabi ko. Tinapunan ko siya ng tingin. “Bakit mo ba ‘to ginagawa?” Napahinto siya. Parang hindi inaasahan ang tanong ko. Nabura ang pliyong ngiti niya sa labi. “Ano’ng ibig mong sabihin?” “‘To—” turo ko sa paligid, sa mga banyera ng isda. “Hindi mo naman kailangan gawin ‘to. Wala ka namang utang sa’kin. Hindi ko magets, Rozen." Natahimik siya ng ilang segundo, nakatitig lang sa akin. May humiyaw pa sa kabilang pwesto, sabay sigaw, “Uy, ayan na naman sila oh!” pero nanatili siyang nakatitig sa akin. "Hindi pa ba halata?" seryosong tanong niya. Kumunot ang noo ko. “Na ano?" Ngumiti siya ng kunti, pero hindi ‘yong maloko. “Slow mo naman, binibini." Napatulala ako. Pero bago pa man ako makasagot, ngumiti siya ulit at sumigaw sa bagong paparating na customer. “Preskong isda kayo dyan! Lapit lang!" Nagpatuloy kami sa pagtitinda hanggang sa tuluyang maubos ang huling banyera. Nang wala na talagang natira, saka lang kami sabay na bumuntong-hininga at umupo sa bangko sa gilid. "How does it feel?" biglang tanong niya sabay tingin sa akin. “I'm worried.” Tiningnan ko ulit ang kamay niya at wala sa sariling hinawakan 'yon. “Rozen, seryoso, bakit mo pinipilit?” tiningnan ko siya mata sa mata. Ngunit nagulat ako sa sunod niyang ginawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD