Ika-apat na kabanata - Ang Pagkumbinsi

1972 Words
Magta-tatlong araw na rin si Selena sa mansiyon ng mga Lemman at wala naman siyang naging kahit na anong problema. Bukod sa mababait ang mag-asawang Lemman ay halos ganoon din kababait ang mga katulong doon. Nahihiya nga lang talaga si Selena dahil ang naging trabaho niya lang ay ang maging katulong ng tagaluto ng mga Lemman, si Fely na nasa trenta anyos na rin. Kung iisipin niya naman kasi ay mukhang hindi na iyon kailangan ni Fely dahil madalas naman pala itong tutukan o tulungan ni Manang Aida. Halatang talagang nais lang tulungan ni Señor Clenton ang kaniyang itay. "Selena, tapos na tayo rito at kaya na namin ni Fely na gawin ang iba. Ang mabuti pa ay pumunta ka na sa kuwarto ng makapagpahinga ka na. Hindi ka ba magrerebyu para sa entrance exam mo sa susunod na araw?" biglang saad ni Manang Aida habang nasa lababo si Selena at naghuhugas ng mga nagamit nila sa pagluluto. "Ayos lang po, Manang Aida," sagot naman ni Selena. "Mukhang yakang-yaka na ah," todo ang ngiting singit naman ng tagalutong si Fely. "Naku, hindi naman po. Ayaw ko lang din po talaga kayong iwan dito na hindi pa tayo natatapos. Nakakahiya naman po," ang sinserong sagot ni Selena matapos humarap sa dalawang kasama mula sa paghuhugas. Nakangiti namang lumapit si Manang Aida sa kaniya at saka nagwika, "Wala na tayong masyadong gagawin dito, Selena. Kaya kapag maluwag naman talaga, mas okay sa akin na magawa mo iyong mga dapat mong gawin pagdating sa pag-aaral mo," anito. Sa huli ay napilitan na lamang ding sumunod si Selena. Nang makalabas siya sa kusina ay napatingala siya sa hagdan at nakita niyang nakatayo at palakad-lakad si Señor Clenton sa itaas habang may kausap ito sa cellphone. Dahil malayo naman ang pagitan ni Selena sa kinaroroonan ng señor ay hindi niya kita ang tila dismayadong mukha nito. Normal lang siyang nagpatuloy sa paglakad papunta sa kanilang kuwarto. Samantala, sa kinaroroonan naman ni Clenton ay kausap nito ang kapatid na nasa Australia—si Clarisse. "Can you give him the phone?" kunot at tila stress na wika ni Clenton sa kapatid. Patuloy ito sa paglakad-lakad at kung makakarating lang sana siya sa kinaroroonan ng kapatid ng mga sandaling iyon ay ginawa niya na. "Please, ate, convince him," ang may pagsusumamong boses ni Clenton. Siya namang bukas ng pinto 'di kalayuan sa kinaroroonan ni Clenton. Iniluwa ng pintuang iyon ang kabiyak nitong si Shiela. Mababakas na kaagad ang lungkot sa mukha ng asawa dahil tila alam na nito kung ano ang takbo ng usapan ng magkapatid na Clenton at Clarisse. "Okay, I'll call you again," ang mahina ng boses ni Clenton bago patayin ang cellphone. Bumuntonghininga muna si Clenton bago ito tuluyang lumapit sa asawa. Inakbayan niya ito at saka sila sabay na pumasok sa kuwarto. Hindi naman nakita ni Clenton na habang nakikipag-usap pala ito sa kapatid ay eksakto namang dating ng anak nilang si Kiera. Hindi na napansin ni Clenton ang anak na paakyat sa hagdanan dahil nga sa seryoso nitong pakikipag-usap kay Clarisse. Narinig ni Kiera ang mga sinabi ni Clenton at alam na kaagad nitong tungkol sa kapatid niyang si Kiel ang pinag-uusapan ng mga ito. Si Kiera ang panganay na anak ng mga Lemman at ang pangalawa na siya na ring bunso ay si Ezekiel Lemman o Kiel. Mabilis na naglakad si Kiera papunta sa kaniyang kuwarto. Tatlong araw din siyang wala roon sa mansiyon dahil nasa isang dating kaklase siya. Twenty years old na siya at hindi naman ganoon kahigpit ang kaniyang mga magulang. Isa pa ay tungkol sa kaniyang pag-aaral ang ipinaglagi niya sa kaklase. Wala siyang boyfriend o manliligaw kaya naman kahit papano ay panatag ang kalooban ng kaniyang mga magulang. Matapos niyang maibaba ang bag na dala ay mabilis niyang kinuha at binuhay ang kaniyang laptop. Tatawagan niya ang kapatid na si Kiel sa pamamagitan ng video call. Hindi tulad sa mga magulang nila, mabilis na sinasagot ni Kiel ang mga tawag niya. Hindi na nga rin niya matandaan kung kailan huling nakausap ng kaniyang mga magulang ang kapatid. "Hey, sister, wazzup," ang bungad ni Kiel sa video call. "Don't wazzup wazzup me, Kiel," ang pagtataray naman ni Kiera. "Am I in trouble?" pagtawa lang ni Kiel. "Kiel, please, come home. Pagbigyan mo naman na si daddy this time. He missed you so much. We missed you," ang seryoso ng wika ni Kiera. Bigla namang napawi ang ngiti sa mga labi ni Kiel. Sumandal ito sa kinauupuan at ipinatong ang dalawang kamay sa kaniyang ulo. "Kahit one year lang, Kiel. Kung talagang ayaw mo na kaming makasama, then ako na ang magsasabi kay daddy na hayaan ka ng bumalik ulit diyan sa Australia. Just give them a chance," muling pakiusap ni Kiera sa kapatid. "Ate, hindi sa ayaw ko kayong makita. It's just that... I-I'm comfortable here than there. And you know that," bahagya pang tumagilid ang ulo ni Kiel upang umiwas sa mga mata ng kapatid. "Just one year. Please?" determinado si Kiera na mapapayag si Kiel. Naiiling na lang naman si Kiel. Hindi niya kasi alam kung paano tatanggi sa kapatid. Sa tatlong taon niya roon sa Australia ay tanging ang kapatid ang nakakausap niya sa Manila. Hindi nawala ang closeness nila kaya naman parang hirap siyang tanggihan ngayon ang kapatid. "Ezekiel?" untag muli ni Kiera na binanggit pa ang buong pangalan ng kapatid. "One year only," he sighed. "Yes!" Kiera almost jump because of excitement. Umaasa rin siya na sa one year na usapan nila ng kapatid ay magagawa niyang mapanatili na lamang din doon si Kiel. Natapos ang pag-uusap ng magkapatid doon. Si Kiel naman ay makailang ulit ng bumubuntonghininga. "I knew it, si Kiera pa rin talaga ang makakapilit sa 'yo." Nagulat pa si Kiel nang makitang nakatayo sa pintuan ng kuwarto niya ang kaniyang Tita Clarisse. "Sinabi ko na sa daddy mo na si Kiera ang kausapin niyang makipag-usap sa 'yo. But your dad refused," ani Clarisse na naglakad papunta sa kama ni Kiel upang maupo. Nanatiling hindi umiimik si Kiel. Noong nakaraan kasi ay akala ng Tita Clarisse niya ay mapapauwi na siya. Talagang sinabi nito sa kaniya na uuwi siya sa ayaw niya at sa gusto niya. But in the end, walang nagawa ang Tita Clarisse niya kahit pa inempake na nito ang kaniyang mga gamit. He's not stubborn, but when it comes to his dad, hindi siya mapapasunod agad-agad. "Fix your things. Ihahatid na kita bukas na bukas din," turan ni Clarisse bago ito tumayo. "Tita, kailangan ko munang ayusin ang mga transfer papers ko. Ayaw ko namang tumigil sa pag-aaral dahil lang pag-uwi ko kina dad," sagot ni Kiel. Clarisse smiled, "Looks like your staying there for a long time. Mas mabuti naman iyon dahil makakasama mo ulit ang iyong pamilya," aniya. Nasa pintuan na si Clarisse nang magsalita si Kiel, "Isang taon lang ako roon tita kasi baka ma-miss kita eh." Kunwari naman ay pinaningkitan ni Clarisse ng mga mata si Kiel sa paglingon niya rito. "I can get a husband, Kiel," biro nito sa pamangkin bago tumalikod. Si Kiel naman ay hindi natawa sa biro ni Clarisse. Guilty, parang iyon ang naramdaman niya. Pakiramdam niya ay nawalan ng time sa lovelife ang Tita Clarisse niya dahil sa pananatili niya roon. Pinaikot niya ang kinauupuang swivel chair habang nakapangalumbaba. Hindi niya naman gustong mapalayo ang kalooban sa mga magulang. Sadyang may mga bagay lang talaga siyang hindi pa rin kayang tanggapin hanggang ngayon... ************ Manila Sunday 2:00 AM Nasa kusina noon si Selena. Nagising siya sa ganoong oras dahil nakaramdam ito ng uhaw. Naubos niya ang isang basong malamig na tubig. Kahit sa San Andres ay madalas siyang magising ng ganoong oras at laging uhaw na uhaw. Nakakadalawang baso siya roon pero ngayon ay isang baso lang dahil malamig na malamig talaga ang tubig na galing sa refrigerator. Muntik pa siyang mapasigaw nang sa pagpihit niya upang bumalik na sa kuwarto ay may isang babaeng nakatayo sa bungad ng kusina. Napalunok siya. Hindi niya alam kung nananaginip lang ba siya dahil ngayon niya lang nakita ang babae. Nakaramdam din siya ng kaba dahil biglang pumasok sa isipan niya na baka napasok sila ng magnanakaw. "Are you okay?" Napaawang ang labi niya nang magsalita na ang babae. Nang tingnan niya ito mula ulo hanggang paa ay saka niya napansing nakasuot ito ng pantulog. Maganda rin ang babae at sobrang puti. May kulay ang buhok nito at medyo wavy. Magaganda rin ang pares ng mga mata at matangos ang ilong. "Nagulat ba kita?" muling untag ng babae na walang iba kundi si Kiera. "S-Sino ka?" iyon ang lumabas sa bibig ni Selena. "I'm Kiera," maiksing tugon naman ni Kiera saka ito naglakad palapit sa refrigerator. Tumabi naman si Selena lalo na nang marinig kung sino ang babae. Mabuti na lamang at nabanggit dati sa kaniya ng among babae ang pangalan ng anak nila kaya naman alam niyang ito ang anak ng kaniyang mga amo. Nakita niyang kumuha at uminom din ng tubig si Kiera. Napaisip tuloy siya kung nagising lang din ba ito kagaya niya. "You're Selena, right?" pagtanong ni Kiera. Marahang tumango si Selena. Ngumiti naman si Kiera. "Una na po ako, Señorita Kiera," magalang na paalam na lamang ni Selena. Bigla namang natawa si Kiera. "No need to call me señorita lalo na at magkaibigan naman ang mga parents natin." Hindi naman alam ni Selena kung ano ang isasagot kay Kiera. "You can just call me Kiera or Ate Kiera maybe? I don't know, it's up to you. Just don't call me señorita, okay?" malapad ang pagkakangiting saad ni Kiera. Muli, marahang tango lang itinugon ni Selena bago siya nagpasyang umalis na roon. Medyo nahihiya rin kasi siya kay Kiera kaya ayaw niya ng magtagal pa ang pakikipag-usap dito. Sinundan na lang naman siya ng tingin ng nakangiting si Kiera. Sa pagmamadali naman ni Selena ay hindi sinasadyang madulas siya nang nasa pintuan na siya. Tumama ang puwet niya sa sementadong sahig kaya naman mabilis siyang nadaluhan ni Kiera. "Are you okay?" may pag-aalalang ani Kiera. Pinilit ni Selena ang ngumiti. Nainis din siya sa sarili dahil sa nangyaring pagkakadulas. Tinulungan siyang tumayo ni Kiera at napansin niyang natigilan ang babae habang nakatingin sa dibdib niya. Bigla siyang napahawak sa kuwintas na suot. Dahil kasi sa pagkakadulas niya ay lumitaw ang kuwintas. Itinatago niya iyon sa ilalim ng damit dahil nga tunay na nakakaagaw pansin ang itsura ng pendant niyon. "Are those real diamonds?" hindi inaalis ang pagkakatinging tanong ni Kiera. "N-No..." mabilis namang iling ni Selena bago muling itago ang pendant ng kuwintas sa loob ng kaniyang damit. Tanging ang gintong nasa leeg na lang ang kita dahil nasa ilalim na ng suot na damit ang dulo niyon o ang pendant. "Oh, that looks real. Ang galing ng pagkakagawa," amaze pa ring saad ni Kiera. "Anyway, sabay na tayong lumabas dito," dagdag pa niya bago dalhin sa lababo ang hawak na baso. Sabay na ngang lumabas sa kusina sina Selena at Kiera. Abot-abot naman ang kabog ng dibdib ni Selena nang makabalik na ito sa kaniyang kuwarto. Bata pa siya ay iwas na iwas siyang mapansin o may makakita sa kabuuan ng kuwintas lalo na ang pendant. Hindi niya naman kasi iyon maaaring tanggalin na lamang dahil tiyak na pagkakaguluhan siya lalo. Maging ang kaibigan niya ngang si Ellaine sa San Andres ay hindi pa nakita ang pendant ng kuwintas niya. Si Kiera ang kauna-unahang nakakita maliban sa kaniyang mga magulang. Pero tinanggal niya na lang din sa isipan ang pangamba dahil nabanggit naman ng mga magulang niya na kaya iyon kailangang itago sa mata ng mga tao ay baka raw pag-interesan at nakawin. Kung kay Kiera rin lang, wala siyang dapat ipag-alala dahil safe ang kuwintas niya rito lalo na at nasa isip nitong fake naman ang mga diyamanteng nakita nito. Pinilit na lang niyang makatulog ulit ng mga oras na iyon...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD