Ikatlong Kabanata - Bagong Mundo

1588 Words
Hindi pa rin nawawala ang lungkot sa mukha ni Selena habang nasa biyahe siya kasama ang mag-asawang Lemman. Sa backseat siya nakaupo at tahimik lang siyang nakatanaw sa labas habang umaandar ang sasakyan. Katabi niya sa upuan ang among babae habang nasa shotgun seat naman ang amo niyang lalaki. Halos trenta minutos pa lang ang tinatakbo nila ngunit pakiramdam niya ay napakatagal niya nawalay sa mga kinikilalang magulang. Gustong-gusto niya sanang puntahan si Lucyflor at ilabas ang lahat ng hinanaing niya sa ginawa nito sa kaniya ngunit alam niyang wala na rin namang mangyayari. Isa pa, baka kapag hindi niya nakontrol ang emosyon ay may kung ano na namang mangyari na pagsisisihan niya lang na naman. "Selena, right?" maya-maya'y untag ni Shiela. Nais sana nitong libangin sa biyahe si Selena sa pamamagitan ng pakikipag-usap. "Opo, ma'am. Selena Silva po," magalang namang pagsagot niya. Maganda ang babae at napaka elegante rin ng dating kaya naman nawiwili siyang titigan din ito habang nakikipag-usap siya. "Tiyak na magugustuhan mo sa Manila. Huwag ka ring mag-alala dahil marami namang mababait doon sa papasukan mo. Doon din nag-aaral si Kiera," malamyos ang boses na wika ni Shiela. Hindi naman ipinagdamot ni Selena ang pagngiti sa sinabing iyon ng among babae. Nakakagaan sa kaniyang pakiramdam ang pagiging mabait ng ginang. Alam niya iyon sa sarili sapagkat hindi pa nagkakamali ni minsan ang pakiramdam niya sa isang tao. Katulad kay Lucyflor, unang kita niya pa lamang dito ay alam niya ng may kamalditahan ito. Na napatunayan niya naman. "Senior high school din po ba siya?" ang kaniyang tanong. Hindi niya na kailangang itanong kung sino ba si Kiera. Siguradong ito ang anak nila. Nakangiting umiling si Shiela habang nakatingin sa kaniya. "I guess, college po," saad niya ring nakangiti. Hindi mahirap kausap ang ginang kaya naman maginhawa ang pakiramdam niya sa pakikipag-usap dito. Nakakatuwa pa ngang isipin na kinakausap siya nito. "Yes. Second year college na siya sa kurso niyang nursing," wika ni Shiela. Bigla namang nagliwanag ang mukha ni Selena sa narinig. Nakaramdam siya ng tuwa na ang anak ng mga amo niya ay kinukuha ang kursong nais din niya. Kung sakali, baka makasundo niya rin ang anak ng mga ito. Bilang mababait naman kasi ang mag-asawang Lemman ay hindi nalalayong ganoon din ang kanilang anak. "Selena wants to become a nurse, too," paglingon naman ni Clenton sa backseat habang nakangiti sa asawang si Shiela. Napaawang naman ang mga labi si Selena. Hindi niya naman kasi nabanggit sa mga ito ang tungkol doon. Maliban sa mga magulang ay si Ellaine lang ang napagsabihan niya ng tungkol doon. Ang pangarap niyang maging isang nurse. "Sinabi sa akin ni Felimon noong hingin niya ang tulong ko para makapagpatuloy ka sa pag-aaral. Gustong-gusto ng itay mo na makapagtapos ka dahil nag-iisang pangarap mo raw talaga iyon," paliwanag ni Clenton. Hindi naman kaagad nakapagsalita si Selena. Muli siyang napatanaw sa labas. Napakabuti talaga ng taong kumupkup sa kaniya. Ngunit tingin niya ay mali ang kaniyang itay sapagkat maliban sa pagiging nurse, pangarap niya ring maging isang ganap na tao na lamang. Iyong tuluyan na siyang makawala sa pagiging sirena upang wala na siyang iniisip pang takot kung sakali mang tanggalin niya na nang tuluyan ang kuwintas na suot. Pakiramdam niya nga rin ay gusto rin ng kaniyang itay ang ideyang pagpunta niya sa Manila upang mapalayo na muna sa San Andres. Alam kasi ng kaniyang itay na may mga pagkakataon talagang nakatanaw siya sa dalampasigan na tila may hinihintay. Alam niyang nararamdaman ng itay niya ang kahungkagan sa kaniyang puso. Masaya naman siya sa piling ng bagong mga magulang, ngunit hindi nawawala ang sakit sa kaniyang puso. Masyadong mabigat. Parang napakahirap kalimutan ng nakaraan. Parang napakahirap kalimutan at tanggapin ang nangyari sa kaniya sa Sirenia. Lalo na at parte ng mabigat na desisyon na iyon ang kaniyang tunay na mga magulang. Ilang taon na nga ang nakalipas, ngunit hanggang ngayon ay malalim pa rin ang sugat. Nandoon pa rin ang pait at sakit na kailanma'y hindi mawala-wala sa kaniyang puso't isipan... *********** Inilibot ni Selena ang paningin sa malaking kabahayan. Ang mansiyon ng mga Lemman. Napakalaki at pakiramdam niya ay bihirang magkakitaan ang pamilyang nakatira roon—ang mga Lemman. Hindi tulad sa kubo nila sa San Andres, maliit at halos hindi nawawala ang paningin niya sa mga magulang. Napabuntonghininga siya dahil sa muli na naman nga niyang naalala ang mga magulang na naiwan sa San Andres. "Selena, ito si Manang Aida, siya ang mayordoma rito at siya na rin ang maghahatid sa 'yo sa magiging kuwarto mo," untag ni Shiela kay Selena. Maluwang naman ang ngiting ipinakita ni Selena kay Manang Aida. Mabilis niya ring napagtanto kung ilang ang mga katulong na nasa harapan niya. Hindi naman niya kailangang itanong, pero sa laki ba naman ng bahay na iyon ay hindi kakayanin ng isang katulong lang. Sa pagkakaalam niya rin ay iba-iba ang trabaho ng mga ito. Sa ngayon nga ay wala pa siyang ideya kung anong magiging trabaho niya roon. Nakaramdam din siya ng hiya kahit papano dahil pakiramdam niya ay hindi naman na talaga kailangan ng katulong ng mga Lemman dahil kumpleto na yata ang mga ito. "Bukas na lang namin sasabihin sa 'yo ang magiging trabaho mo para makapagpahinga ka na lang muna ngayong araw. Kung gusto mo naman ay ililibot ka ni Manang Aida maya-maya kapag nakapagpahinga ka na para maging pamilyar ka na rin dito," mahabang wika ni Shiela. "Thank you so much po, Ma'am Shiela," sagot naman ni Selena bago siya sumunod kay Manang Aida. "Dito ka sa kuwarto ko. Tayo ang magiging magkasama sa pagtulog. Ang iba ay nasa labas ng mansiyon ang tinutulugan nila. Kung ako lang, mas okay sana kung doon ka kasi mas bata ang mga makakasalamuha mo roon. Pero ibinilin ni Sir Clenton na dito ka na lang para nakikita ka rin daw nila palagi," saad ni Manang Aida. Napangiti na lang naman si Selena sa sinabi ni Manang Aida. Itinuro din ni Manang Aida sa kaniya ang isang cabinet kung saan niya ilalagay ang kaniyang mga gamit. Maluwang ang kuwartong iyon maging ang kama. Puwede ngang magsalo ang dalawang tao roon. Mayroon din siyang nakitang study table sa tabi ng kama. Napansin niya rin na ang cabinet na pinaglalagyan niya ng kaniyang mga damit ay walang laman. Tila sadyang para sa kaniya iyon. Hindi niya tuloy naiwasan ang magtanong kay Manang Aida. "Ahmmm... O-okay lang po bang magtanong?" alanganin niyang sabi. "Oo naman, iha," sagot ni Manang Aida. "S-sadya po bang para sa akin ang cabinet na ito at a-ang study table?" hindi niya alam kung tama ba na itinanong niya iyon. Ngunit iyon na rin talaga ang lumabas sa bibig niya. Ngumiti si Manang Aida sa kaniya bago ito sumagot, "Sina Senyor Clenton at Senyora Shiela ang nagpabili ng mga dagdag na gamit dito para raw sa 'yo. Ang study table para kahit patay na ang ilaw kung matutulog na ako, makakagawa ka pa rin daw ng mga assignments mo o mga dapat mong gawin para sa pag-aaral mo," may galak pang wika ng mayordoma. Halos mamilog naman ang mga mata ni Selena. Nagpapasalamat naman siya, ang kaso, ang nasa isipan niya ay kung ikakaltas ba iyon sa sahod niya. Hindi niya pa mandin iyon priority dahil nais niya ngang maibili ng cellphone ang mga magulang upang makausap niya ang mga ito araw-araw. Tila nahulaan naman ni Manang Aida ang tumatakbo sa isipan ni Selena. Kaya't mabilis din itong nagwika muli bago pa man makapagsalita si Selena. "Huwag kang mag-alala dahil hindi ka sisingilin sa mga iyan. Narinig kong kaibigan ni Senyor Clenton ang tatay mo at talagang gusto lang nilang tulungan ka at bigyan ka ng maayos na paninirahan dito," paliwanag ni Manang Aida bago ito naupo sa kama habang nakatingin sa kaniya. Tila nabunutan naman ng tinik sa lalamunan si Selena. Naisipan din niyang sa sandaling makaharap niya muli ang mag-asawang Lemman ay tatawagin niya na ring Senyor at Senyora ang mga ito. Nakakahiya naman na ma'am o sir ang tawag niya habang ang lahat ay senyor at senyora. Hula na rin niyang señorita ang tawag nila sa anak ng mga Lemman na si Kiera. "Lalabas na muna ako, ha? Para makapagpahinga ka muna rito. Matulog ka kung gusto mo. Para mamaya, maililibot kita rito sa loob at labas ng mansiyon. At para makilala mo rin ang mga kasamahan nating iba," pagpapaalam ni Manang Aida bago nito tuluyang iwan si Selena sa kuwarto. Napakagaan naman ng pakiramdam ni Selena ng mga sandaling iyon. Laking pasasalamat niya na mababait ang taong nakakasalamuha niya ngayon. Ramdam niya rin iyon kay Manang Aida. Matapos niyang mailagay ang lahat ng gamit niya sa cabinet ay napagpasyahan niyang ilagay sa ibabaw ng study table ang larawan ng mga magulang kasama siya. Kuha iyon sa labas ng private school na pinasukan niya sa San Andres kung saan din siya nawalan ng scholarship. Ang dahilan din kung bakit nandito siya ngayon sa Manila. Kinuhaan kasi sila ng larawan noon sa cellphone ni Ellaine. Pasalamat siya na may mga mababait pa rin talagang mga tao. Si Ellaine na rin kasi ang nagpadevelop ng picture na iyon at nang ibigay sa kaniya ay naka frame na. Siyempre may picture rin sila ni Ellaine na wallet size lang. Napabuntonghininga siyang muli bago ipatong ang picture frame sa study table. Wala pa siyang isang araw doon, pero ang dami niya ng na-miss. Nang dahil lang sa isang Lucyflor, heto't nagkalayo sila ng mga magulang at ng tanging kaibigang si Ellaine. Ngayon ay tila unti-unti niya ng naiintindihan kung bakit ipinagbawal sa Sirenia ang makisalamuha sa mga tao. Dahil may mga taong hindi mabubuti ang kalooban. Iilan lamang ang may mabubuting puso...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD