"Three hours. Not a minute more," malamig na paalala ni Malcolm habang binubuksan ang pinto ng sasakyan.
Tumango lang ako, pilit na hindi nagpapahalata ng tunay kong plano. Sa isip-isip ko, ‘Three hours is enough. I’ll see Mama, make sure she’s okay... then vanish.’
Pagkababa ko ng kotse, tumakbo agad ako papasok sa compound ng bahay namin. Hindi na ako lumingon sa driver ni Malcolm at sa isang bodyguard na halatang tagabantay lang talaga. Mas importante ang makita si Mama, at ang makalayo.
Pero pagdating ko sa tapat ng gate, natigilan ako. Kasunod din niyon ang pagkunot ng noo ko.
Anong meron?
Sa dating bakanteng bahagi ng bakuran namin, may bagong tayong glass stall na may eleganteng wood framing. Modern, minimalist, at nakakasilaw sa kinis at ayos.
Sa labas pa lang ay makikita mo na agad ang mga neatly arranged items, mga handbags, accessories, essential oils, at skincare products. Mga panindang ako mismo ang nag-ayos at ibinebenta noon online.
“What the hell is this…” bulong ko sa sarili habang nakaawang ang mga labi.
May mga taong namimili, nagpi-picture pa. At sa loob ng shop… nakita ko si Mama, nakangiti, mukhang masigla at parang hindi naman nag-aalala na ilang araw akong nawala.
Kausap niya ang ilang customer habang may assistant siyang nag-aabot ng items.
Napaatras ako nang bahagya. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Ilang araw lang akong nawala... at ngayon parang may sariling buhay na ang lahat.
"Paano ito nangyari lahat? Wala kaming ganitong pera. Wala kaming resources para magkaroon ng ganito..."
Huminga ako nang malalim at pumasok sa loob, kunwaring hindi nagulat sa nasasaksihan ko ngayon.
"Mama…" mahina kong tawag.
Paglingon niya, nanlaki ang mga mata niya at halos maiyak sa tuwa. "Anak! Diyos ko, Helena! Saan ka ba galing? Sobrang nag-alala kami sa’yo!"
Yumakap siya sa akin ng mahigpit. Nanginginig pa ang kamay niya habang hinahaplos ang buhok ko. Nakagat ko ang labi ko para pigilan ang pag-iyak. Gusto kong sabihin sa kaniya ang totoo. Gusto kong isumbong kung gaano ako nasaktan, gaano ako natakot.
Pero hindi ko magawa. Baka atakehin si Mama sa puso kapag nalaman niyang ang kaisa-isa niyang anak ay sinaktan at binaboy ng isang demonyo dahil lang sa paghihiganti niyang walang basehan.
"Pasensya na, Ma... bigla lang akong nagkaroon ng trabaho na medyo malaki ang kita..." pagsisinungaling ko.
Pinilit ko ang pagsilay ng isang ngiti. Nagkunwaring okay lang ako. Pero ang totoo, gulo-gulo na ang isip ko.
Bakit parang may hindi tama? Bakit parang may ibang gumalaw para bigyan ng bagong buhay ang online selling namin?
Biglang pumasok sa isip ko si Malcolm. Pero impossible. He wouldn’t.
Would he? Bakit naman niya kami tutulungan kung sakali? Baka nga magdiwang pa iyon kapag makita niyang gumagapang ako sa hirap, kais iyon naman ang nais niya.
“Mama, ano po ang mga ito? Bakit po tayo biglang nagkaroon ng shop dito? Tapos ang dami pa nating customer?” gulat kong tanong.
Hinila ko si Mama sa may counter para walang makarinig sa mga pag-uusapan namin.
Ngumiti naman agad si Mama sa akin, parang kinikilig pa nga.
“May pumuntang lalaki rito noong isang araw, hija. Sobrang guwapo! Tapos nalaman ko, uncle pala siya noong ex mong si Raiden at–”
“Po? Pumunta si Malcolm dito?” laking gulat kong tanong. Napalunok din ako agad dahil parang nanuyo ang lalamunan ko.
“Malcolm lang ang tawag mo sa uncle ni Raiden?” kunot-noong tanong ni Mama kaya parang naumid ang dila ko.
“Ano po ba ang dapat itawag sa kaniya? Alangan Uncle, eh, hindi naman natin siya kamag-anak?” kabado at hindi pa rin makapaniwalang sagot ko.
“Eh, hayaan mo na… hindi na mahalaga iyon,” pabalewalang saad niya at iwinagayway pa nga ang mga kamay. “Ang importante, tinulungan niya tayo at ito nga, marami tayong benta araw-araw. Karamihan mga babae, nagbabakasakali na makita nila ulit si Sir Malcolm.”
Pati si Mama ay halatang kinikilig habang nagsasalita, habang ako ay gimbal na gimbal pa rin. Ano bang plano ng demonyong iyon at pati ang personal naming buhay ay pinanghimasukan na niya.
“Mabuti na lang pala, hindi katulad ni Raiden ang uncle niya ano? Mukha kasing mabait iyon, kahit malungkot ang mga mata…” komento pa ni Mama kasi hindi ako nakapagsalita.
Hindi makapaniwalang nilingon ko si Mama. “Mabait? Nabigyan lang kayo ng ganito, mabait na agad? Sana po hindi ninyo tinanggap ang mga ito, Mama! Bakit naman niya tayo tutulungan, gayung ako ang pinagbibintangan niya kung bakit nagpakama–”
Nahinto ako sa pagsasalita. Wala nga palang nakakaalam na nagpakamatay si Raiden. Ang pinalabas ng pamilya niya ay nabangungot siya. Pero para kay Malcolm, ako ang dahilan kaya nawala ang pinakamamahal niyang pamangkin.
“Ano pa bang ipinag-aalala mo? Eh, ang sabi niya sa akin, ikaw mismo ang lumapit at humingi ng tulong sa kaniya para bigyan ka ng kapital para magkaroon ka nitong shop. Magpasalamat ka na lang anak! Sige na at marami pa akong gagawin,” mariing payo niya sa akin.
“Ma naman, eh!” maktol ko. Paano pa ang gagawin ko kung ganitong inunahan na pala ako ng lintek na Malcolm na iyon sa Mama ko? Tuso talaga ang demonyong iyon.
“Ma, mukhang okay ka naman na po sa business natin. Baka po… baka po matagalan bago ako makauwi,” may pag-aalangang saad ko.
Saglit lang na tila napapaisip si Mama saka tumango. “Okay… ang sabi naman sa akin ni Sir Malcom ay baka magtatrabaho ka sa kumpanya niya kaya hindi ka gaanong nakakauwi, eh.”
Muli ay nagulantang ako sa narinig. Kaya naman pala hindi nag-aalala si Mama kasi nagawan na ng paraan ni Malcolm. Kahit pala patayin niya ako at bigla na lamang ibaon kung saan, o itapon sa gitna ng dagat, ay wala pang kaalam-alam ang Mama ko.
“Ma, huwag po kayo maniwala kay Malcolm. Kapag po kumita na kayo, mag-ipon po kayo sa bangko at bayaran ninyo ng doble ang lahat ng ginastos niya rito. Hindi po tayo puwedeng magkaroon ng utang na loob sa lalaking iyon!” mahigpit kong giit.
Bumalatay naman ang pagtataka sa mukha ni Mama. Ako naman ay biglang nag-aalala kasi baka sa susunod ay siraan na ako ni Malcolm sa Mama ko.
What if sirain niya ang pagsasama naming mag-ina? What if sabihin niya kay Mama na ako nga ang dahilan ng pagkamatay ni Raiden kahit hindi naman talaga? O ako nga ba Talaga? Pero bakit? Ang tanging kasalanan ko lang siguro noon ay hinayaan kong magpakatanga ako kay Raiden.
“Hay naku, saka na nga natin pag-usapan iyon at dumarami na ang tao… kumain ka na riyan kung nagugutom ka!” binalewala na naman ni Mama ang sinasabi ko at lumabas na upang estimahin ang mga bumibili.
Napabuntong-hininga ako kasabay ng kirot sa dibdib ko. Napatingin ako sa orasan.
One hour left.
Hindi na ako pwedeng magtagal. Kung talagang magtatago ako, kailangan kong simulan ngayon.
Pero bago ako makalabas, may humarang na bodyguard sa akin… ang lalaking naka-itim, naka-earpiece. Ngumiti siya ng peke habang seryoso ang tingin. “Miss Helena, Sir Malcolm sent me to make sure you don’t get lost.”
Nag-init ang batok ko. Damn it. Alam ba niya? Alam niyang susubukan kong tumakas.
“Okay lang ako! Hindi mo na ako kailangang bantayan!” asik ko sa bodyguard. “Sige na, umalis ka na muna at gusto kong matulog. Bumalik ka na lang mamaya at ipagising mo ako sa Mama ko!”
Hindi ko na hinintay ang sagot niya at tumalikod na ako. Tuloy-tuloy ako sa loob kahit nagpupuyos ang kalooban ko at nanginginig ang mga tuhod ko.
Malinaw ang galawan ni Malcolm. Ginamit niya ang paglalagay ng shop dito para takpan ang pagkawala ko. Para palabasing normal lang ang lahat.
Pero hindi. Hindi ako okay. At hindi ako babalik sa impyernong lugar na iyon.
Pumasok ako sa likod ng shop at hinanap ang lumang damit na ginagamit ko dati sa live selling… jeans, oversized shirt, cap, face mask. Dala ko ang bag na may laman na IDs, kaunting cash, at iyong lumang cellphone ko na pinatay ko agad.
Dadaan ako sa likod ng bahay. May lumang pinto roon na diretso sa looban. Ilang taon nang hindi ginagamit, pero alam kong iyon ang tanging daan palabas na walang makakapansin.
Pinakinggan ko ang paligid… wala si Kuya driver. Wala iyong inilagay na bantay.
Napakapit ako sa doorknob. “This is it, Henna. You have to move. Now.”
Ngunit bigla akong napahinto.
“Helena!” tawag ni Mama mula sa kusina. “Hindi ka pa kakain?”
“Ma, susunduin na kasi ako. I’ll just take a quick walk, gusto ko lang po magpalamig saglit,” palusot ko, habang dahan-dahan kong isinuksok ang backpack ko sa ilalim ng jacket kasi baka puntahan niya ako rito.
“O, sige… pero bumalik ka agad, ha?”
“Susubukan ko po, Ma!” magalang kong tugon. Pero ang totoo, hindi na ako babalik.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at mabilis na tumakbo palabas. Tumama ang araw sa mukha ko, pero hindi ako huminto. Tuloy-tuloy lang, kahit kumakabog na ang dibdib ko, kahit nanginginig ang tuhod ko, kahit parang anytime ay may sasalo o hahablot sa akin kung saan.
Wala akong plano. Wala akong matutuluyan. Pero isa lang ang alam ko… mas pipiliin ko ang kawalan kaysa bumalik sa kamay ni Malcolm Ferragamo.
Ngayon, tinatakasan ko ang impyerno.
Dumaan ako sa makipot na eskinita, gamit ang anino ng mga bahay at puno bilang takip. Alam kong may driver at isang bodyguard sa labas na inutusan ni Malcolm para bantayan ako. Pero hindi nila ako makikilala sa suot ko ngayon. Isa lang akong simpleng babaeng galing palengke.
Pagdating ko sa kanto, sumampa agad ako sa unang jeep na nakita ko. Hindi ko na inintindi kung saan ang ruta basta’t palayo sa bahay, palayo sa kanila, palayo sa kaniya.
Umandar ang jeep. At sa bawat metro ng layo ko mula sa bahay… pakiramdam ko ay parang unti-unti kong muling nabubuo ang sarili ko. Pero alam ko, hindi ako ligtas. Hindi pa.
Sa pagkakakilala ko kay Malcolm Ferragamo, may koneksyon siya, may pera, may kapangyarihan.
At ako? Isang online seller na ngayo'y pugante, may mga sugat na hindi lang sa katawan… kung ‘di sa puso, sa isipan, sa kaluluwa.
Pero kahit gano'n, buhay ako. At hindi ako susuko.