TRABAHO

1139 Words
CHAPTER 4 HAZEL POV Maaga akong nagising. Alas-sais pa lang ng umaga, pero pakiramdam ko’y parang alas-dose na ng tanghali ang kabog ng dibdib ko. Hinanda ko ang sarili—simpleng puting blouse, itim na slacks, at rubber shoes na medyo luma na pero malinis. Simple lang ang ayos ko, pero sinigurado kong maayos akong tingnan. Pagdating ko sa Casa Mía, tahimik pa ang paligid. Binati ako ng guard at pinapasok. Sa loob, abala na ang ilan sa mga staff—may nag-aayos ng mga mesa, may nagwiwisik ng air freshener, at may tumitingin sa stock ng mga baso. “Maupo ka muna, iha. Hintayin natin si Ma’am Lita,” sabi ng isang babaeng nasa edad trenta, nakasuot na ng apron at may name tag na “Ate Rina.” Lumapit siya sa akin habang hawak ang tray ng mga kutsara. “Bago ka, ‘no?” tanong niya habang nakangiti. “Opo,” sagot ko. “Ngayon lang po talaga ako nagsisimula.” “Kami na bahala sa’yo. Madali lang ‘to, huwag kang kabahan. Ang importante, marunong kang makisama sa customer at huwag kang masungit kahit gutom ka na,” biro pa niya sabay tawa. Napangiti ako kahit medyo kinakabahan pa rin. Maya-maya, dumating na si Ma’am Lita. Binigyan ako ng bagong apron, order pad, at tinuruan kung paano sumagot sa mga customer. Halos isang oras din akong in-orient ng isang senior waitress, si Ate Joan, habang pinapakita niya ang tamang pagdala ng tray, tamang pag-sagot ng “Yes, Ma’am” at “Thank you po,” pati na rin kung saan isusulat ang order para hindi malito sa kusina. Habang nasa ganoong eksena kami, lumapit sa akin ang isa pang kasamahan—lalaki, medyo matangkad, may tattoo sa braso pero mukhang mabait. Ang name tag niya: "Rico." “Teka lang…” sabay kunot-noo niya habang nakatitig sa akin. “Parang nakita na kita dati…” Napatingin ako sa kanya. “Ha? Saan po?” Hindi siya agad sumagot. Para bang may hinahanap siyang alaala sa mukha ko. “Hindi ko lang maalala… pero pamilyar ka, as in parang nakita na kita sa… hindi ko sigurado kung sa TV Ewan.” Napakunot ang noo ko. “Siguro po nagkakamali lang kayo…” Ngumiti siya. “Baka nga. Pero kung maaalala ko, sasabihin ko agad. Weird lang kasi, parang hindi lang basta pamilyar eh—parang importanteng tao ka eh” Natigilan ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o kakabahan. Kasi paulit-ulit na, may mga taong nagsasabing parang nakita na nila ako—pero ni isa, walang makapagsabi kung saan at kailan. “Alam mo, Hazel…” biglang sambit ni Ate Joan habang nag-aayos kami ng mga mesa bago magbukas ang restaurant. “Hindi talaga bagay sa’yo ang pagiging waitress.” Napalingon ako sa kanya, bahagyang nagtataka. “Ha? Bakit mo naman nasabi, Ate?” Ngumiti siya habang sinisipat ako mula ulo hanggang paa. “Tingnan mo naman ang postura mo, 'Day. Maayos kang kumilos, parang sanay sa sosyal na lugar. Yung kutis mo, maputi at alaga. Yung pananalita mo, malambing pero may pino. Kung hindi ko lang alam na may amnesia ka, aakalain kong anak ka ng mayaman.” Napangiti na lang ako habang inaayos ang apron ko. “Sa kalagayan ko ngayon, Ate, kahit anong trabaho papasukin ko. Wala na akong maalalang pamilya, wala akong pagkakakilanlan—at higit sa lahat, wala akong mapagkukunan ng pera. Buti nga’t tinanggap ako ni Ma’am Lita dito kahit alam niyang may amnesia ako. Kahit papaano, may trabaho na ako’t may panggastos.” Lumapit si Ate Joan at tinapik ako sa balikat. “Hay naku, kahit na. Feeling ko lang talaga, may kakaiba sa’yo. Parang… hindi ka para dito sa kusina. Basta, pakiramdam ko kapag tinuruan ka lang, mabilis mong matututunan kahit anong trabaho.” Ngumiti ako. “Ok na po ako dito muna, Ate. Hindi naman ako mapili. Basta marangal.” “Sure ka ba?” tanong niya na may halong pananabik. “Kasi may iaalok sana akong trabaho sa’yo.” Napataas ang kilay ko. “Ha? Saan naman ‘yan?” “Sa isang kumpanya. Yung pinsan ko kasi nagtatrabaho doon. Sabi niya, naghahanap sila ng secretary. Malay mo, baka doon ka talaga para.” Napakunot ang noo ko. “Baka hindi ko kayanin, Ate. Wala akong sapat na kaalaman. Tsaka… baka ma-reject lang din ako.” “Subukan mo. Mamaya, gagawan kita ng simpleng resume. Tapos sa day off mo, pumunta ka sa address na ibibigay ko.” “Paano kung hindi nila ako tanggapin?” Biglang sumingit si Ma’am Lita habang dumadaan sa tabi namin, hawak ang tray ng baso. “Edi bumalik ka rito! Nandito pa rin naman ang pwesto mo, Hazel. Pero tingnan mo rin 'yan, ha. Malay mo doon mo makuha ang mga sagot na hinahanap mo.” Tumawa si Ate Joan. “Oo nga. Yung kompanyang ‘yon, kilala sa industriya. Madalas pinapasukan ng mga investor at mayayaman. Malay mo, isa sa mga ‘yon eh pamilya mo. O baka may makakakilala sa’yo doon.” Napanganga ako saglit, napaisip. Pamilya…? Pwedeng… may koneksyon ako sa isa sa kanila? Tiningnan ko ang mga kamay kong nakahawak sa tray, tapos ay ang sarili ko sa salamin sa tabi ng counter. Tahimik akong napabuntong-hininga. “Sa totoo lang, Ate… natatakot ako. Baka kapag sinubukan kong tuklasin kung sino ako… masaktan lang ako sa mga malalaman ko.” Hinawakan ni Ate Joan ang kamay ko at ngumiti. “Hazel, kahit anong totoo pa ‘yan, mas masakit ang mabuhay sa tanong kaysa sa sagot. Hindi mo kailangang madaliin, pero kapag handa ka na, nandito kami. Susuportahan ka namin.” Kinagabihan, habang nakahiga ako sa inuupahang maliit na kwarto, hindi ako mapakali. Nakatitig lang ako sa kisame, hawak ang maliit na papel kung saan nakasulat ang address ng kumpanya. Resume? Natapos na ni Ate Joan kanina. Ang dali niya akong tulungan, parang matagal na kaming magkakilala. Napangiti ako sa alaala ng ngiti niya habang isinusulat ang pangalan ko sa itaas ng resume — Hazel. Pero hanggang kailan ba ako magiging si Hazel? Bukas na bukas din, pupunta ako sa kumpanyang ‘yon. Kahit takot at kaba ang nangingibabaw, mas malakas ang udyok ng pag-asang baka makita ko roon ang mga piraso ng sarili kong nakaraan. Malay mo nga, totoo ang sinabi ni Ma’am Lita — baka isa sa mga taong naroon ay kilala ako, o may koneksyon sa akin. Huminga ako nang malalim at pumikit. Sa isipan ko, umuukit na ang isang desisyon — anuman ang katotohanan, kailangan kong harapin. Hindi ko kayang mabuhay sa dilim ng nakaraan na hindi ko kilala. Bukas, isa na namang hakbang palapit sa mga sagot. Isa na namang hakbang palayo sa pagiging nakakulong sa hindi ko alam. At sana… kapag nahanap ko ang totoo… kayanin ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD