Chapter 1
Trabahadora si Nanay sa Hacienda ng mga Martinez. Minsan ay sa bukid at kung minsan ay sa mansyon. Nakadepende sa ipapagawa sa kanya ni Senyora Ursula. Wala akong masabi sa kasipagan ni Nanay. Hindi matatawaran ang sakripisyo niya para lang maitaguyod ako sa pag-aaral dahil ang katwiran niya ay ang pagkakaroon ko lang daw ng diploma ang natatanging regalo na kaya niyang ibigay sa akin para daw kapag nawala na siya ay hindi na ako matutulad sa kanya.
Malakas pa si nanay pero minsan ay nakikita ko rin ang panghihina niya dahil na rin siguro sa sobrang pagod at kadalasan pa ay wala ng pahinga. Kadalasan, dinadalahit siya ng ubo sa gabi. Ayaw naman niyang uminom ng gamot dahil mahal daw iyon. Sabi pa niya ay baunin ko na lang daw sa eskwelahan ang perang ipambibilo ko nun kaya ang madalas na ipainom ko kay nanay ay halamang gamot tulad ng dinikdik na dahon ng lagundi at oregano. Nagiging maayos naman ang pakiramdam niya ngunit pabalik-balik lang ang ubo niya.
Isang beses na pinakiusapan ko si nanay na magpacheck-up na ngunit palaging mariin itong tumatanggi. Laging pera ang pinoproblema niya. Palaging ako ang iniisip at inaalala niya. Lumaki akong hindi ko kilala ang aking ama. Hindi rin naman nababanggit ni nanay kung sino ang tatay ko. Maging litrato ay wala daw siyang naitago. Kaya simula nung lumaki na ako at nagdalaga ay tumigil na rin ako sa kakatanong dahil iisa lang naman palagi ang sagot sa akin ni Nanay.
Biyernes ngayon kaya wala akong pasok kinabukasan. Balak kong tulungan si Nanay sa mansyon ng mga Martinez. Marunong naman akong maglinis ng bahay at tsaka maghugas ng plato. Kahit yun man lang ay matulungan ko si nanay. Pwede ko naman gawin ng linggo ang mga homeworks ko.
Kinaumagan, pagkagising ko ay naabutan ko si nanay na bihis na papuntang mansyon. Sa mansyon daw ang destino niya ngayon at hindi sa bukid.
"Ella, kumain ka na diyan. Ipinagluto na kita ng agahan mo," sabi sa akin ni nanay ng makita niya akong nasa lababo at naghihilamos na saka nagtotoothbrush.
"Sige nay, pero hintayin mo ako. Sasama po ako sa inyo sa mansyon. Naiinip ko ako dito sa bahay kaya tutulungan ko na lang po kayo doon," palusot ko kay nanay.
"Ella, kaya ko na doon, dito ka na lang sa bahay. Mag aral kang mabuti. Kung gusto mo ay mamasyal ka para naman malibang ka," tanggi pa sa akin ni nanay.
"Nay, sige na. Minsan lang naman akong sasama sa inyo. Pagbigyan nyo na po ako," nagpuppy eyes pa ako kay nanay. Alam ko na hindi niya ako kayang tiisin kapag ginawa ko na yun.
Napangiti ako ng marinig ko ang buntong hininga ni nanay. Senyales na pumapayag na siya kahit napipilitan lang.
"Oh sige, basta huwag kang magpapagod doon ha. Sige na, kumain ka na at pagkatapos mo ay magbihis ka ng maayos na damit."
Tuwang tuwa akong ngumiti kay nanay. Minadali ko na ang aking pagkain. Naligo ako at nagbihis saka ako lumabas. Naabutan ko pa si nanay na isinusuot ang bota nito. Laging handa si nanay dahil minsan ay pinapapunta din siya sa palayan ni Senyora Ursula.
Ang suot ko ay bestidang puti. Itinali ko lang ang buhok ko pataas at nagtsinelas lang din ako.
Inaya na ako ni nanay dahil baka magising daw ang senyora na wala pa siya. Naglakad lang kami ni nanay papunta sa mansyon. Bawat madadaanan namin ay may bumabati kay nanay. Palakaibigan kasi si nanay at saka matulungin kaya pati ako ay binabati na rin nila kada makikita nila ako.
"Uy Ella, himala at sumama ka yata sa inay mo ngayon?" pansin ni aling Teresing sa akin habang nagtatanggal ng damo sa gilid ng tubuhan.
"Oho, naiinip po ako sa bahay kaya naisipan ko po na tumulong muna kay nanay sa mansyon," nakangiting sambit ko habang naglalakad pa rin. Malalampasan na sana namin ni nanay si aling Teresing ng muli itong magsalita.
"Tamang-tama, ngayon ang dating ng anak ni Senyora galing ibang bansa. Balita ko'y magpapahinga na daw ang Senyora kaya itong anak na raw muna ang mamamahala sa lupain," dagdag pa ni aling Teresing.
"Ganun ho ba, siya sige ho. Mauna na ho kami ni nanay at baka ho magising na ang senyora."
Nauna na si nanay kaya medyo hinabol ko pa ito. Naiwan na ako ni nanay dahil sa pagkausap sa akin ni Aling Teresing. Mabilis kumilos si nanay kaya pati sa paglalakad ay mabilis din. Binati lang ni nanay si Aling Teresing at nagdirediretso na sa paglalakad.
"Nay? Ngayon daw po ang dating ng anak ng senyora? Nakita nyo na po ba ang anak nun?" Huminto si nanay saglit. Akala ko ay sasagutin ang tanong ko ngunit kabaliktaran pala ng iniisip ko dahil naglakad na ulit ito. Patakbo ulit akong humabol.
"Aalis na daw ang senyora anak, pupunta na daw ito sa ibang bansa. Susundan ni Don Leonard doon. Hindi pa rin daw gumagaling kaya gusto na daw makasama ng Senyora. Kaya ang anak daw munang lalake nito ang mamamahala dito sa atin." Kwento ni nanay habang patuloy sa paglalakad.
"Ganun po ba. Iba na po pala ang mamamahala dito. Sana lang ay kasing bait ni Senyora ang anak nila." Nag-aalalang sabi ko kay nanay.
"Sigurado akong mabait din iyon anak dahil mabait naman ang nanay at tatay," may pagmamalaking sabi pa ni nanay.
Hindi naman na ako umimik at nagkibit balikat na lang ako.
Sa tagal ko na dito ay ngayon ko lang nabalitaan na may anak pala sa ibang bansa sina Senyora. Ilan kaya ang anak ni Senyora? May babae din kaya? Sigurado ako na gwapo at maganda ang mga iyon dahil anak mayaman sila.
Nang makarating na kami sa mansyon ay sa likod si nanay dumaan, diretso sa kusina. Tiningnan niya kaagad ang refrigerator at kumuha ng mga sangkap doon para sa kanyang lulutuing putahe. Paboritong cook ni Senyora si nanay kaya laging ito ang pinagluluto niya sa umaga kahit na may iba namang katulong dito. May tagalaba at tagalinis na rin. Si nanay naman ang tagaluto. Kumpleto sila ng tauhan kaya naman hindi na nila kailangan pang kumilos.
Tumulong ako kay nanay. Hinugasan ko ang mga gulay at karne sa gripo saka ko inilagay sa malinis na lagayan. Ilang sandali pa ay nagsimula ng magluto si nanay. Ako naman ay nasa tabi lang nito at nanonood sa pagluluto.
Masarap talagang magluto si nanay kaya siguro si nanay ang paboritong cook ni Senyora.
"Maribeth, nandito ka na pala. Ang aga mo talaga palagi," puna ng isa sa kasamahan ni nanay.
"Kailangan Sonia. Alam mo naman si Senyora. Pagkagising nun gusto inaasikaso siya kaagad at kailangan ay nakahanda na agad ang umagahan niya," tugon naman ni nanay.
Naka-mask si nanay tuwing nagluluto. Nag-aalala kasi siya na baka maubo siya sa kanyang niluluto.
Napatingin naman sa gawi ko si Aling Sonia. "Ito na ba si Ella? Aba dalaga na pala ah!" bulalas ni Aling Sonia.
Ngumiti naman ako at binati ito. "Magandang umaga po, Aling Sonia."
"Magandang umaga din hija, naku napakaganda mong bata." papuri nito sa akin. Nahihiya naman akong ngumiti rito dahil hindi ako sanay sa mga kumplimento ng ibang tao.
Sabi ni nanay ay si Aling Sonia daw ang nagluluto dito para sa mga nakatira dito sa mansyon. Special ang luto ni nanay dahil para lang ito sa Senyora pero kapag maraming natitira ay agad naman nilalantakan ng mga staff dito sa mansion.
"Magiging busy ngayon ang lahat kaya tutulungan na kita riyan. Dadagdagan natin iyang niluluto mo dahil malapit na raw ang anak ni Senyora. Baka magsabay ang magnanay na kumain ng agahan," sabi pa ni Aling Sonia at sinimulan na ang paglalabas ng iba pang lulutuin mula sa refrigerator.
"Ngayon na daw bang umaga ang dating? Akala ko ba ay mamayang hapon pa?" ani nanay na hinango na ang unang niluto. At isinalin na sa malaking mangkok. Hindi ko alam kung ano ang tawag sa niluto ni nanay pero amoy pa lang ay talagang masarap na.
"Oo, ngayon na daw. Sinusundo nga ni Dolfo sa airport!" Ani Aling Sonia.
Na-excite akong bigla ng malaman kong ngayon ang dating ng anak ng Senyora. Ibig sabihin ay makikita ko na ito ngayon.
Ano kaya ang hitsura nito?
Gwapo kaya?
Hmm...Matangkad?
Siguro maputi din dahil sa ibang bansa lumaki! Bihira akong makakita ng hitsurang pang-hollywood eh.
Wala akong ginawa kundi hugasan ang mga sangkap. Ang mga ginagamit nila nanay ay hinuhugasan ko na rin para hindi tumambak sa lababo at pagkatapos nga ng mahigit ilang oras ay nakumpleto na nila ang ihahain sa mesa.
Tumulong na rin ako sa paghahain. Ako na ang naglagay ng plato saka kutsara at tinidor. Pati na baso ay nilagyan ko na rin ng malamig na tubig isa isa. Nagready ako ng table cloth. Ginandahan ko pa ang style nun. Sanay ako sa ganitong gawain dahil kabilang ito sa kurso na kinukuha ko.
Nang sa wakas ay handa na ang lahat. Sakto naman na lumabas na ang Senyora sa kanyang silid. Nakatungo kaming lahat na naroroon biglang paggalang sa kanya.
"Magandang umaga po, Senyora," sabay sabay na bati ng mga kasambahay kaya pati ako ay nakigaya na rin.
"Magandang umaga rin sa inyo," balik na bati sa amin ni Senyora.
Agad itong inasikaso ni nanay. Pinaupo sa nararapat na upuan para sa Senyora. Nilagyang ng table cloth sa ibabaw ng hita. Ang nakataob na plato ay itinihaya na rin ni nanay.
Kabisado ni nanay ang pagkain na gusto ni Senyora pero pinigilan nito si nanay ng lalagayan na ito ng pagkain sa plato.
"Maya maya mo ako lagyan ng pagkain sa plato, Maribeth. Hihintayin ko lang ang anak ko para sabay na kaming kumain. Sa tagal ng panahon ay ngayon ko na lang ulit makakasabay ang anak ko sa pagkain ng agahan..." nakangiting sabi ni Senyora kay nanay. Yumuko naman si nanay at bahagyang lumayo sa kinaroroonan ni Senyora para sundin ang sinabi nito.
Hanggang sa nakarinig na kami ng tunog ng pumaradang sasakyan. Agad na tumayo ang senyora lulan ng tungkod nito. Inalalayan naman ito ni nanay papunta sa pintuan. Siguro ay anak na nito ang dumating at balak na salubingin. At hindi nga ako nagkamali ng lumitaw sa pintuan ang isang lalake na mukhang Greek God! Para itong nag-slowmotion sa paningin ko habang naglalakad palapit kay Senyora.
Nakangiti itong yumakap kay Senyora saka hinalikan sa pisngi.
"I miss you, Mom!" Masayang bati nito. Matangkad ito kaya halos yumuko para lang maabot ang senyora ng mahigpit na yakap.
"Magandang umaga Señorito," sabay sabay ulit na tumungo ang kasambahay at sabay sabay din na bumati kaya kagaya kanina ay nakigaya na lang ulit ako. Pero hindi kagaya nila ay tumunghay naman kaagad ako.
"Magandang umaga rin sa inyo," nakangiting bati nito. Kita kong tiningnan niya isa isa ang mga maid hanggang sa nagawi sa akin ang mga mata nito. Ngunit ang nakalabas nitong ngipin ay biglang naglaho at pinakatitigan ako. Nagkatinginan kami. Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko intensyon na titigan ito kaya naman bigla ulit akong nagyuko ng aking ulo.
"Halika na Shawn. Tamang - tama. Kumain na muna tayo bago kita ipakilala sa ating mga trabahador at magsasaka." rinig kong wika ng Senyora sa anak nito. Hindi ko malaman ang gagawin ko kung tutunghay na ba ako o hindi pa.
Nakatungo akong naglakad papunta sa lababo. Naisip kong doon na muna maglagi habang hindi pa tapos sina nanay na pagsilbihan ang dalawa. Nakaayos lang ako ng pwesto at nakahinga ng malalim ng medyo nakakubli na ako sa pader. Grabe yung kabog ng dibdib ko. Pakiramdam ko ay kumakawala ang puso ko. Kung may sakit siguro ako sa puso ay baka inatake na ako kanina pa sa klase pa lang ng tingin niya.
"Mom? Tumatanggap ka pala ng batang katulong?" rinig kong sabi ng anak ni Senyora.
"Paaano mo naman nasabi iyan anak? Bata pa ba ang mga iyan sa paningin mo?" natatawang sambit ni Senyora. Bahagya akong dumungaw mula sa pader. Mukhang may hinahanap ang mga mata ni Senyora. Muli na naman nagtama ang mga mata namin kaya nagtago ulit ako kaagad.
"Mom, hindi sila ang tinutukoy ko. Ang tinutukoy ko ay ang batang nagtatago doon sa sa likod ng pader malapit sa sink."
Nanlaki naman ang mga mata ko. Ako ba ang tinutukoy niya? Pero hindi naman na ako bata ah? Disi-otso na kaya ako.
"Naku, Señorito. Mawalang galang na po. Hindi po katulong ang batang yun. Anak ko po iyon." rinig kong boses ni nanay.
"Kasama mo ba ang anak mo dito, Maribeth?" rinig ko naman na tanong ni Senyora.
"Ah, opo Senyora. Pasensya na po kayo. Naiinip daw po sa bahay kaya isinama ko na muna dito." paliwanag naman ni nanay.
"Ganun ba, tawagin mo at maipakilala ko dito kay Shawn para naman hindi mapagkamalan ng anak kong katulong. Hinusgahan pa ako ng child abuse," natatawang wika ng Senyora.
Kinabahan naman agad ako ng tawagin ako ni nanay.
"Ella, halika anak."
Dahan dahan akong naglakad at lumapit sa kanila. Nakangiti akong nagmano kay Senyora. Pinaunlakan naman nito ang kamay ko saka inilagay sa aking noo.
"Kaawaan ka ng Diyos, anak, napakaganda mo pa lang bata." papuri pa sa akin ni Senyora. Pakiramdam ko ay pulang pula na ngayon ang mukha ko dahil sa mga kumplemento nila.
"S-salamat po, Senyora." nakangiting pasasalamat ko.
"Siya nga pala hija, si Sir Shawn mo. Siya ang magiging kapalit ko sa pamamahala dito sa Hacienda at ang bagong magiging amo ng nanay mong si Maribeth." pakilala sa akin ni Senyora sa anak niya.
Magbibigay galang lang sana ako kay Señorito Shaw pero nagulat ako ng tumayo pa ito at iniabot ang kamay sa akin.
"Hi! What's your name?"
"E-Ella po..." wika ko at nahihiyang tinanggap ko iyon pero ang hindi ko inaasahan ay ang marahan nitong pagpisil sa kamay ko kaya napatitig na naman ako sa kanya.