Sa pagpasok ko sa bahay nila, hindi pa rin ako kinakausap ni Jay. Para lang akong hangin sa kanya. Maliit lang ang bahay nila, pagkatapos ng sala, kwarto na kaagad 'tapos banyo na ang kasunod. Sama-sama sila rin kung matulog.
Natanaw ko ang isang malaking larawan sa dingding. Mga magulang pala nila ang nasa larawang iyon. Pinagmasdan ko ito.
Hawig ni Jay ang Papa niya, at halos 'di rin nagkakalayo ang itsura ng Mama niya sa bunso niyang kapatid na si Katkat. Habang pinagmamasdan ko ito ay lumapit sa akin ang sumunod na kapatid ni Jay, si Kyla.
"Ate!"
Nabigla ako. "Ayyy!"
"Ah, sorry po, Ate, natakot ko po yata kayo," paumanhin niya.
"Ah eh, hindi naman. Nagulat lang ako."
"Amm, ako po si Kyla! Ano po'ng pangalan n'yo?"
"Ako naman si Janine." Minasdan ko ulit ang nasa larawan. "Magulang n'yo ba itong nasa larawan?"
"Opo, pero wala na po sila e."
"E nasaan na sila?" Lalo akong nahihiwagaan sa buhay nila kaya gusto kong malaman.
"Hindi ko po rin alam e. Ayaw din naman po kasing sabihin ni kuya. Bale si kuya na lang din po ang tumatayong papa at mama namin."
"Ah ganon ba? E teka nga pala, nasaan ang iba mo pang kapatid?"
"Nakatulog na po, Ate Janine. Hayun nga po at tinabihan ni Kuya." Itinuro ni Kyla ang tatlo niyang kapatid.
Ngumiti ako nang silipin ko sila sa kwarto.
"Galit po ba si kuya sa inyo?" diretsahang tanong ni Kyla.
"Ah, oo eh! Malaki talaga ang kasalanan ko sa kanya! Ako ang dahilan kung bakit nasisante ang Kuya mo!"
"Bakit n'yo naman po magawa iyon?"
"Hay naku, Kyla, mahabang kuwento! Saka ko na lang isi-share sa 'yo."
"Ah, gano'n po ba?" Napabuntong-hininga si Kyla hanggang sa bigla na lamang may naisip ito.
May kinuha siyang isang bagay sa cabinet. Sketch Book pala ito ni Jay. Ipinakita ito ni Kyla sa akin at nabigla sa nilalaman nito.
Grabe! Ang galing pala ni Jay na mag-drawing! At sa gitnang bahagi ng sketch book ay may mga mensaheng nakasulat. Kapag wala pala si Jay ay dito isinusulat ng iba nitong kapatid ang gusto nilang sabihin sa kuya nila!
"O, Ate Janine, isulat n'yo po rito ang gusto n'yong sabihin sa Kuya ko!"
"Sigurado ka? Baka magalit 'yun!"
"Hindi po. Sure po ako!"
Nag-isip lamang ako bahagya pero sumulat din ako kalaunan.
"I am really really sorry, Jay. —
Janine ?"