Hapon na at naisip kong magpasama kay Kyla para mamili ng mailuluto. Naisip ko kasi na ipagluto sila para kahit naman papaano ay maibsan ang galit ni Jay sa akin.
Nang makabili kami ni Kyla ay umuwi na kami. Sariwang gulay at fried liempo ang binili ko—gagawin kong Pork Binagoongan. Paborito ko kasi itong iluto kina Mama at Ate Jeslie.
Madali naming nailuto ni Kyla ang pang-dinner nilang magkakapatid. Ginising naman ni Kyla ang tatlo niyang kapatid para kumain na nga.
Sa paggising ni Jay ay nabigla siya nang nakita ako. "Nandito ka pa rin? Ba't di ka pa umuuwi?"
Hindi ako nakasagot sa tanong ni Jay. May kasabihan kasi na magbiro ka na raw sa lasing, 'wag lang sa bagong gising na galit pa sa 'yo!
"Kuya! Dito na tutulog si Ate Janine, okay! Papauwiin mo pa siya, e gabi na! Kung mapaano 'yan sa labas? Konsensya mo pa!" pagpigil ni Kyla sa Kuya niya.
"Hoy, hoy!" bulyaw ni Jay. "Unang-una, hindi mo ate 'yan! Pangalawa, wala siyang tutulugan dito! At pangatlo, siya ang may kagustuhan niyan!"
"Grabe ka naman, Kuya, dito ka na nga lang sa mesa. Kumain ka na lang," paanyaya ni Kyla.
"Oo nga, Kuya. High blood ka na naman e," segundang wika ni Bryan.
"Tumahimik nga kayo!" Malakas ang boses ni Jay nang sabihin niya iyon.
Napansin ni Jay na tila masarap ang ulam, dahil sa amoy nito. Nilapitan at tiningnan niya kung ano ang nakahayin.
"Kyla, 'yung totoo? Sino ang nagluto nito?"
"Ako!" pagyayabang ni Kyla.
"Saan ka kumuha ng pambili ng sangkap nito?"
"Ah eh, Jay, ako ang bumili," sabat ko.
"Ikaw ang bumili? Pwes, ikaw ang kumain niyan!" Lumabas ng bahay si Jay at iniwan na lang kami nang basta.
"Ano'ng nangyari do'n?" pagtataka ni Kyla.
"Amm, sige, hayaan n'yo na muna 'yung Kuya ninyo! Kumain na lang kayo d'yan!" sabi ko sa tatlong bata.
Ang hirap naman nito. Lord, tulungan n'yo naman po ako! Hay naku, Jay. Ano pa ba ang dapat kong gawin para mapatawad mo ako?
Lumabas ako para tingnan si Jay, ngunit wala siya sa labas ng bahay. Nalulungkot akong makita ang mga batang kapatid niya. Dahil sa akin, pati sila, nadamay sa init ng ulo ng kuya nila.
Pero kahit gano'n, napakasaya ko! Nakakatuwa kasing masdan ang mga ngiti nina Kyla, Bryan at Katkat na sarap na sarap sa kinakain nila. Si Jay kaya, kelan ko makikitang ngingiti?