SWBL 03:

1364 Words
EYCHAN "Eychan, sumama ka sa amin mag-club!" Nginitian ko lamang siya at inayos na ang mga gamit ko na nasa mesa. "Ilang beses ka ng umayaw sa akin. Ganoon na ba talaga ako kapangit para hindi mo samahan?" Mahina akong natawa nang marinig iyon sa kanya. Hindi naman sa ayaw kong sumama sa kanila. Hindi lang talaga ako sanay at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa lugar na iyon. Sa tagal ko ba namang nagtatago sa loob ng kwarto ko, ay nawalan na rin ako pagkakataon na malaman ang mga nangyayari sa labas. "Kailangan ko kasing pumunta sa mall. Wala ng laman ang refrigerator ko." Bumusangot ito at tiningnan ako nang mapanuri niyang mata. Ako kasi iyong tipo ng tao na kapag nakita kong kaunti na lamang ang laman ng ref ko ay kaagad akong bibili ng grocery dahil ayaw kong ma-stress kapag nagugutom ako. "Maybe, next time? Pwede naman siguro next time kung wala akong gagawin sa extra time ko." Napapitlag ako nang bigla nitong hinawakan ang balikat ko. Hindi ako sanay sa mga taong bigla-biglang humahawak sa akin pakiramdam ko kasi ay may gagawin silang masama sa akin. Dahil iyon sa pamumuhay ko sa lansangan dati, sinasaktan kasi ako palagi ng mga batang nasa lansangan na kung hindi pa ako nakita ni Kyser ay mananatili ako roon. "Next week, Friday! Ayaw kong makakuha ulit ng no, okay?" saad niya. Tumango na lamang ako at nagpaalam na sa kanya. Kailangan kong bumili ng mga pagkain dahil wala ng laman ang refrigerator ko. Mabilis ang ginawa kong paglakad para hindi ako magabihan sa pamimili. Wala akong kotse at lalakarin ko lang papuntang supermarket, mas makakatipid pa ako. "Ay, anak ka ng nanay mo!" gulat kong sigaw nang biglang may bumusina sa aking likuran. Nilingon ko iyon at tiningnan ng masama ang sasakyan. "Wala ka bang mata? Hindi ka marunong magmaneho—" Napatigil ako sa aking paglilintanya nang makita ko na naman ang lalaki kanina. Hindi talaga ako titigilan ng walang modong lalaking 'to? Palagi na yata akong mabwi-bwisit dahil palagi ko nang makikita ang kanyang mukha. Sobrang lapit pa naman ng unit naming dalawa, kung may pera lamg sana ako titiyakin ko talagang umalis sa apartment na iyon para mapalayo rito. Bumuntong-hininga ako sabay iling at naglakad na palayo sa kanya. Magsasayang lang ako ng oras at laway kapag kinausap ko pa siya. "Miss next door, sakay ka na. Pareha naman tayo nang uuwian." Hindi ko siya pinakinggan at nagpatuloy lang sa paglalakad. Kahit ramdam ko naman ang pagsunod nito. "Ayaw mo? Baka sumakit ang paa mo n'yan, sige ka! Baka masayang ang maganda mong paa." Sinamaan ko siya ng tingin at inayos ang pagkakasabit ng aking bag sa balikat ko. "Wala kang pakialam. Pwede ba umalis ka na? Di kita kailangan dito," mariin kong sambit. Wala akong pakialam kung ano ang iisipin niya sa pag-uugali ko. Ayaw ko lang talaga na may mapalapit sa akin. "Sabihin mo muna pangalan mo at aalis na ako." Lumingon ako sa kanya at tinaasan siya ng kilay. Umiling ako sabay talikod sa kanya. "Wala kang pangalan, miss? Tawagin na lang kaya kitang 'akin' para maging akin ka na—" Nilingon ko siya ulit at ang dalawa kong kamay ay nakalagay na ngayon sa aking bewang. "Hindi ako sa'yo at kahit kailan hindi ako magiging sa'yo!" inis kong sigaw sa kanya. "Galit ka na n'yan? Nagtatanong lang ang gwapong nilalang galit ka naman kaagad." Napatingala ako sa kalangitan dahil sa inis na aking nararamdaman. Kailangan kong magpigil bago ko masapak ang lalaking 'to. "Miss, 'yung ilong mo gumagalaw 'yung dalawang butas—" "Shut up!" gigil na saad ko at tinalikuran na siya. "At huwag kang susunod sa akin at baka batuhin ko 'yang sasakyan mo! Huwag mo akong inisin dahil kapag nangyari iyon baka maipakain kita sa buwaya!" bulyaw ko. "Mayaman ako, kaya kong ipagawa ito kaya ayos lang, atsaka hindi mo naman ako kayang buhatin kaya hindi ako natatakot sa huling banta mo." Napakamot ako sa aking noo at hinayaan na lamang siya sa kanyang gagawin. Iyong labing-limang minuto ko sa grocery store ay naging isang oras dahil sa kakulitan ng lalaking ito. Lahat nang inilalagay nito sa aking cart ay hindi ko naman kinakain kaya paulit-ulit ko rin iyong ibinabalik, at kahit gustuhin ko mang bumili ay di ko pa rin magawa dahil kulang din ang pera ko. "Wala akong pambayad para sa mga chichirya na 'yan," mahinahong saad ko sa kanya. Kailangan kong magtipid lalo na at hindi na ako sumasabak sa kompetisyon kaya wala na rin akong pera. "Isauli mo na 'yan, Kulog." Tinaasan ko siya ng kilay nang bigla kong makita ang malapad na ngisi nito. "Bakit ka nakangiting aso?" tanong ko sa kanya. "Tinawag mo akong Kulog, dahil ba tanggap mo na ako bilang kaibigan mo?" Natampal ko ang aking noo sa sinabi niya. Hindi ko alam kung tama ba itong ginawa ko na kausapin siya. "Susunod na ba nito ay mamahalin mo na ako—" Tinakpan ko ang kanyang bibig at hinila na siya papunta check-out counters. "Sir, okay lang po ba kayo?" tanong ng cashier nang makarating kami sa harapan nito. Nahihirapan yata ito sa posisyon naming dalawa ni Thunder. Nakaipit naman kasi ang ulo ng huli sa gitna ng aking mga braso. "Ma'am?" "Okay lang kami, miss. Gusto ko nga 'to, eh. Naamoy ko ang pabango ng girlfriend ko. Amoy, baby." Binatukan ko siya kaagad nang marinig ang sinabi niya, nahihirapan na nga ito sa posisyon niya ngayon ay nagawa pa nitong magbiro. Naghatid naman ito ng ngiwi sa babaeng kaharap namin. Baka akalain nito bully ako. "Pasensyahan muna ang girlfriend ko, miss. Mahal na mahal lang talaga niya ako at—" Tinakpan ko na ang kanyang bibig bago pa ito makapagsalita ng mga bagay na walang kabuluhan. Mabilis naman na natapos ng cashier ang mga pinamili namin kaya hinila ko na siya para makauwi na kami kaagad. Baka kapag hindi ko mapigilan ang sarili ko at mabugbog ko ito dahil sa posisyon naming dalawa. "EYCHAN, pwede makikain? Nagugutom na kasi ako, Eychan. Pwede ba?" tanong nito nang mabuksan ko na ang pinto ng unit ko. "Hindi ako marunong magluto, eh—" "Ilang taon ka na? May kamay ka naman at mga mata. Malalaki rin iyang mga braso mo," putol ko sa mga sasabihin niya. "Nakaya mo ngang mabuhay ng maraming taon na wala ako sa tabi mo. Tapos ngayon ka pa hindi marunong magluto?" "Simula nang makilala kita, pinangako ko na sa sarili ko na sa iyo na nakasalalay ang buhay—aray naman, Eychan!" Binato ko lang naman sa kanya ang lata ng sardinas para matigil siya sa kanyang ka-dramahan. "Aanhin ko ito?" "Kainin mo nang deretso para naman mabusog ka kaagad," saad ko sabay irap sa kanya at pasok sa loob ng unit ko. Hindi ko na pinansin ang pagtawag niya sa akin at tumuloy na sa kusina. Pagkatapos kong mailagay ang mga pinamili ko sa ibabaw ng mesa ay dumeretso naman ako sa kwarto. Kailangan kong maligo dahil nanlalagkit ang katawan ko. "CHANNIE!" Napalingon ako sa pintuan ng aking banyo nang marinig ang tawag na iyon. Mga dating kakilala ko lamang ang tumatawag sa akin sa pangalan na iyon. "Channie!" Mabilis akong nagbanlaw at isinuot ang roba bago lumabas sa pinto. Parang tanga man pero gusto kong isipin na si Kyser ang tumatawag sa akin. "Kys?" tawag ko nang di ko na muling narinig ang tinig kanina. "Kyser, nandito lang ako. Nasaan ka?" "Channie!" Mabilis kong binuksan ang pintuan nang marinig iyon sa labas ng unit ko. Napatigil ako nang mabangga ako sa malaking katawan ni Thunder. "Eychan, are you okay? Why are you crying? May masakit ba sa iyo?" puno ng pag-alalang tanong nito. Hinaplos ko naman kaagad ang aking pisngi habang napapailing. "Eychan?" "I'm fine, Thunder. May naalala lang ako," mahina kong saad sa kanya. Isasarado ko na sana ang pinto nang bigla nitong hinarang ang kanyang katawan. "Bakit? May kailangan ka ba?" "Eychan, handa akong makinig sa'yo," sambit niya. Mapait akong ngumiti at umiwas ng tingin sa kanya. "Hindi ko kailangan ng taong masasandalan," bigkas atsaka tuluyan ng isinarado ang pinto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD