Simula
“AHTISA, NAKAKAHIYA MANG hilingin, pero pwede ka bang maging wedding singer ng kasal namin ni Bach?” hiling ni Ate Yllana.
Napatigil ako sa pag-aayos ng mga papel na natapos ko ng i-print. Tiningnan ko ang mga kasamahan ko sa loob ng opisina at nakita ko ang gulat sa mga mata nila.
Sino ba ang hindi magugulat sa ginawa ni Ate Yllana? Inagaw lang naman niya sa akin ang kasintahan ko at alam iyon lahat ng mga taong nakakilala sa amin. Lalo na rito sa kumpanya nila na pinagtatrabuan ko.
“Bitter ka pa rin ba? Akala ko, okay ka na? Ahtisa, pinagbubuntis ko na ang anak namin ni Bach. Wala ka ng magagawa sa nangyari kung hindi ang tanggapin na lang ang lahat. At isa pa, ipinangko ko sa anak namin na maging ninang ka niya,” aniya.
Ipinikit ko ang mga mata ko para bumuntonghininga. Sinasagad niya talaga ang pasensiya ko. Magpasalamat siya at buntis siya. Dahil kung hindi, hindi ko alam kung ano ang magagawa ko sa kanya. Magpasalamat siya at may utang na loob ako sa buong pamilya niya na kumupkop sa akin sa bahay ampunan.
Tipid akong ngumiti bago hinarap siya. “Ikaw naman, Ate, don’t think that way. Okay na ako. Healed and happy.”
“Nang ganoon kadali?” Napataas ang kilay niya. Hindi niya inasahan ang naging sagot ko.
Napangiti ako. “It was funny to admit, but mas nanaig lang siguro sa akin ang katagang ‘Ang magkakapatid, nagbibigayan’. Kaya inisip ko na lang na tirang pagkain ko si Bach. Dahil gutom ka, ibinigay ko na lang kaysa sa masayang. Anyway, salamat kina Mom at Dad na pinalaki niya akong hindi madamot—a blessed giver…” Tinitigan ko siya mula ulo hanggang paa bago hinawakan ang mga kamay niya. “Well, sa hiling mo, yes, kakanta ako nang buong puso sa kasal ninyo.”
Mabilis niyang hinablot ang kamay niya at umalis. Nang nawala na siya, napakuyom na lang ako sa labis na galit. Hindi pa talaga siya tapos sa akin. Kahit nagtagumpay siyang agawin si Bach sa akin, wala man lang pagsisisi sa kanya. Kung umasta siya, parang wala siyang ginawang masama sa akin na kapatid niya.
Yes, I was adopted, pero lumaki akong itinuring talaga siyang kapatid. Mahal na mahal ko siya, kaya parang isang delubyo ang ginawa niya sa akin. Wala iyon sa isipan ko na magagawa niya sa akin.
Gusto ko mang saktan siya, pero hindi ko nagawa nang inamin niya sa aking buntis na pala siya. Matagal-tagal na rin pala nila akong niloko ni Bach.
Hindi ako masamang tao para maging bayolente. Napipigilan ko pa rin ang sarili ko. Kahit kay Bach, ni minsan, hindi dumapo ang kamay ko sa balat niya. Mas pinili ko na lang na manahimik. Wala rin naman akong magagawa. Nangyari na ang nangyari.
At isa pa, anong laban ko sa nakabuo na? Pamangkin ko pa rin ang nasa sinapupunan ni Ate Ylanna.
Pero… hindi ko maikakaila na labis akong nasaktan. Mas pinili ko na lang na ipakita na parang wala lang sa akin ang nangyari. Ayaw kong kaawaan ako ng lahat.
Lumapit sa akin ang sekretarya ko. “Okay ka lang, Ma’am Ahtisa?”
Isang tipid na ngiti at marahan na tango lang ang sagot ko. Pagkaupo ko sa upuan ko, napatitig na lang ako sa latop ko. Nang makita ko ang sarili ko sa tapat ng screen, napayuko na lang ako sa mesa ko at marahan na pinunasan ang luhang umagos sa mga mata ko.
“Baka sila lang talaga ang para sa isa’t isa, Ahtisa. Baka nakatadhana ka lang talaga na maging mang-aawit sa kasal ng dalawang taong minahal mo. Huwag ka ng malungkot. Hindi lang si Bach ang lalaki sa mundo. Malay mo, mas higit pa pala sa kanya ang para sa iyo,” pagpapalakas-loob ko sa sarili ko.