Prologue

1300 Words
NANGINGINIG sa takot si Olivia habang pinapanood ang Nanay niya na nilalabanan ang masamang elementong sumasanib sa batang babae. Madalas siya nitong kasama sa tuwing may ginagamot itong nasasapian. Sa murang edad ay marami na siyang natutuklasang kakaiba sa paligid niya dahil sa impluwensiya ng kanyang ina. Nangingisay ang batang babae habang inaalayan ito ng kanyang ina ng isang sagradong orasyon sa salitang Latin. Wala siyang naintindihan sa mga sinasabi nito pero nakikita niya na nagre-reak ang batang sinasapian. Nagwawala ito. Bigla na lamang umihip ang malakas na hangin sa loob ng kuwarto. Nagliliparan ang mga gamit. Sumuot sa ilalim ng sofa si Olivia ngunit hindi niya inalisan ng tingin ang kanyang ina. Namataan niya na lumutang ang katawan ng batang sinasapian. Hindi naman natinag ang kanyang ina. Nanatili itong nakatayo at sinasambit ang orasyon. Ilang sandali lamang ay biglang tumayo ang bata at sinakal ang kanyang ina. Inalipin na siya ng takot. Ang mga magulang ng bata ay natatakot nang lumapit. Nagtatago lamang ang mga ito sa likod ng kama. Hindi siya nakatiis, hinubad niya ang suot niyang rosaryo at nilapitan ang kanyang ina. Isinuot niya sa leeg ng bata ang kanyang rosaryo. Biglang nangisay ang bata. Itinuloy naman ng kanyang ina ang pagdadasal. Nang mawalan ng malay ang bata ay biglang tumahimik-huminto rin ang pag-ihip ng hangin sa paligid. Nagkalat ang mga gamit sa sahig at ang iba ay nabasag. Kahit payapa na’y patuloy pa rin ang pagdarasal ng kanyang ina. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong makausap ito. Dahil sa nangyari ay lalo siyang tumapang. Titig na titig siya sa batang walang malay na nakahiga na sa kama. Magulo ang mahaba nitong buhok at marami itong kalmot sa mukha maging sa parte ng katawan nito na nakalantad. Gulanit na rin ang ilang bahagi ng bestida nito. Tantiya niya’y mas bata sa kanya ang biktima. Naaawa siya rito. Bugbog na ang katawan nito. “Okay na po ba siya?” nag-aalalang tanong ng ina ng bata sa Mama niya. Natatakot pa ring lumapit ang mga ito. “Pakikiramdaman natin siya dahil may nararamdaman pa rin akong negative energy sa paligid,” sagot naman ng kanyang ina. “Ano po ang sumasapi sa kanya?” tanong naman ng tatay. “Isang demonyo,” mabilis na sagot ng kanyang ina. Kinilabutan si Olivia. Totoo pala na maaring sumapi ang demonyo sa katawan ng tao. “Bakit ang anak namin?” umiiyak na tanong ng ina ng bata. “Maluwag ang katawan ng inyong anak at marahil ay kulang siya sa atensiyon kaya niya nabibigyan ng atensiyon ang mga nilalang na lumalapit sa kanya,” paliwanag ng kanyang ina. Nalulungkot si Olivia para sa bata. Ganoon din siya minsan, malungot siya lalo na sa tuwing mag-aaway ang mga magulang niya. Minsan ay gusto niyang mapag-isa na walang ibang tao na umaabala sa kanya. Natukso siyang hawakan ang kamay ng biktimang bata. Subalit nang hawak na niya ang palad nito ay may kung anong umahon mula sa katawan nito at sinigawan siya. “Hmp!” Mabilis niyang binitawan ang kamay ng bata. Napaatras siya. Nanginig siya sa takot. Pangit ang mukha ng lalaking nakita niya, nakakakilabot. “Ano’ng problema, anak?” nag-aalalang tanong ng kanyang ina. Nagkunwari siyang walang problema. “W-wala naman ho, Ma,” sagot niya ngunit namamahay pa rin ang takot at kilabot sa puso niya. Natutulog lang naman ang bata nang muli niya itong titigan. Posible kaya na nasa katawan pa nito ang demonyo? Dinasalan ulit ito ng kanyang ina. Nagsimulang gumalaw ang mga kamay nito at unti-unting umaangat ang katawan sa ere. Napaatras siya. Ang mga magulang ng bata ay nagtago muli. Babang binabasa ng kanyang ina ang orasyong nakasulat sa munting libro ay lalong umaangat pataas ang bata hanggang dumikit ang katawan nito sa kisame. Kumislot siya nang biglang umikot ang bata at humarap sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya nang masilayan ang nakakakilabot nitong hitsura. Nagmulat ito ng mga mata at humalakhak. Napatili siya nang makitang pasugod na ito sa kanya. Sinakal siya nito ngunit nanatili siyang matatag at taimtim na nagdarasal. Hindi niya maintindihan bakit siya nito binalingan. Lumapit naman ang kanyang ina at binalot ng kumot ang ulo ng bata. Nabitawan siya nito. Iginapos nito sa headrest ng kama ang bata na nagwawala at nagsisisigaw. Ang boses nito ay parang boses ng tatlong tao na may kasamang lalaki at matanda. Nakakatakot ang nangyayari. Sa pagkakataong iyon ay binigkas na ng kanyang ina ang mga kinabisado nitong orasyon kontra sa mga diablo. Inilabas na rin nito ang munting bolang kristal nito kung saan umano nito ikinukulong ang mga masasamang elemento. Mamaya ay nabutas ang tela sa gawing bibig ng bata at may lumabas na itim na usok mula roon. Hinigop ng bolang kristal ang usok. Maya-maya lamang ay nawalan ng malay ang batang biktima. Bigla ring tumahimik. Naramdaman ni Olivia ang napakagaang katahimikan at nalalanghap niya ang sariwang hangin. Napanatag siya. Ramdam niya na tapos na ang paghihirap ng bata. Nang matiyak na ligtas na ang batang biktima ay nagdesisyon siyang lumabas ng kuwarto. Noon lamang niya naramdaman ang kakaibang init na klema sa loob ng kuwarto. Pakiramdam niya’y pinapaso ang katawan niya dahil sa hindi maipaliwanag na init ng klema, maalinsangan at nakakabalisa. Pagdating niya sa labas ng dalawang palapag na bahay ay naglakad-lakad siya sa malawak na bakurang napupuno ng mga halaman. Pagdating niya sa likod ng bahay ay namataan niya ang batang lalaki na nagduduyan sa lilim ng malaking puno ng mangga. Tantiya niya’y kaedad lamang niya ito. Maputi ito at payat. Nilapitan niya ito. Malakas ang pag-ugoy nito sa duyan na halos hindi masundang ng paningin niya. Huminto lamang ito nang tumayo siya sa tapat nito. Deretso ang tingin nito sa kanya habang nanlilisik ang mga mata. “Bakit ka nandito? Nasaan ang mga magulang mo?” tanong niya rito. Hindi ito kumikibo. Pagkuwan ay bigla nitong inihinto sa pag-ugoy ang duyan saka ito tumayo at humakbang palapit sa kanya. Inilahad nito ang kanang palad sa kanya. Tumitig naman siya sa palad nito. “Quid agis?” tanong nito sa wikang Latin na ang ibig sabihin ay ‘kumusta ka? Naturuan siya ng kanyang ina ng basic Latin language kaya naintindihan niya ito. “Clauderent diem,” (Malapit na ang takdang araw,) anito. “Quid facitis?” (Ano’ng ibig mong sabihin?) untag niya. Hindi siya nito sinagot. Nang titigan niya ulit ang palad nito ay nanlaki ang mga mata niya nang mapansing nahiwa ang palad nito at dumugo. Akmang hahakbang siya paatras subalit hindi niya maikilos ang kanyang katawan. Napaparalisa siya. Hindi niya maialis ang paningin niya sa palad ng batang lalaki hanggang sa nasaksihan niya ang sugat nito na unti-unting naglalabas ng isang mata. “Aaaahhhh!” sigaw niya dahil sa takot. Saktong sumigaw siya ay bigla nitong isinaklob sa noo niya ang palad nitong nakitaan niya ng mata. Awtomatikong napadpad siya sa kakaibang lugar-sa lugar na mainit at mausok. Mamaya ay may nakikita siyang mga aninong lumalapit sa kanya. Pilit siyang inaabot ng mga kamay ng mga ito. Pilit siyang sumisigaw ngunit walang tinig na lumalabas mula sa kanyang bibig. “Olivia! Olivia!” narinig niyang tawag sa kanya ng kanyang ina. Paglingon niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang kanyang ina na gapos ng itim na aninong may mga nakausling matutulis na bagay sa noo. Gusto niyang lapitan ang kanyang ina ngunit hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa. Pinagpapawisan na siya at hinahapo dahil sa maalinsangang klema. “Olivia!” sigaw ng kanyang ina. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang unti-unting tinutupok ng apoy ang katawan ng kanyang ina. “Mama!” sigaw niya. Wala siyang magawa nang tuluyang maging abo ang kanyang ina. Pagpihit niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang matangkad na lalaking nakatayo at nakatalikod sa kanya. Wala itong saplot sa katawan. May isang danghal ang haba ng aalon-alon at abuhin nitong buhok. “Tulong… Tulungan mo ‘ko ginoo,” samo niya. Nang humarap sa kanya ang lalaki ay nagulat siya nang makitang mayroon itong mumunting sungay sa noo. Malamlam ang mukha nito. Nang humakbang ito palapit sa kanya ay umatras siya ngunit sa huling paghakbang niya ay nahulog siya sa malalim na butas. “Aaaaaaaaaaaaaahhhhh!” Bigla na lamang siyang nilamon ng matinding pagkahilo at tuluyan siyang nakalimot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD