Chapter 1

2471 Words
“OLIVIA! Olivia!” narinig ni Olivia na tawag sa kanya ng kanyang ina. Paglingon niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang kanyang ina na gapos ng itim na aninong may mga nakausling matutulis na bagay sa noo. Gusto niyang lapitan ang kanyang ina ngunit hindi niya maihakbang ang kanyang mga paa. Pinagpapawisan na siya at hinahapo dahil sa maalinsangang klima. “Olivia!” sigaw ng kanyang ina. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang unti-unting tinutupok ng apoy ang katawan ng kanyang ina. “Mama!” sigaw niya. Wala siyang nagawa nang tuluyang maging abo ang kanyang ina. Pagpihit niya sa kanyang likuran ay namataan niya ang matangkad na lalaking nakatayo at nakatalikod sa kanya. Wala itong saplot sa katawan. May isang dangkal ang haba ng aalun-alon at abuhin nitong buhok. “Tulong! Tulungan mo ‘ko…” samo niya. Nang humarap sa kanya ang lalaki ay nagulat siya nang makitang mayroon itong mumunting sungay sa noo. Malamlam ang mukha nito. Nang humakbang ito palapit sa kanya ay umatras siya ngunit sa huling paghakbang niya ay bigla siyang nahulog sa butas. “Aaaaaaaaaaaaaahhhhh!”   KUMISLOT si Olivia nang biglang may mainit na bagay na humampas sa kanyang pisngi. Pag-angat niya ng mukha ay namataan niya ang grupo ng kalalakihan na nagtatawanan sa harapan niya. Mariing kumunot ang noo niya. Pinagti-tripan na naman siya ng mga bully sa university. “Ano ba ang panaginip mo? Bakit nangingisay ka? Siguro nasa Antarctica ka at naglalakad sa makapal na snow,” sabi ng nangangalang Denmark, ang kilalang pinakamayaman na nag-aaral sa Dela Rama University. Mga engineering student ang mga ito at malapit nang magtapos pero hindi pa natuto. Palibhasa maimpluwensiya ang mga magulang. Wala siyang pakialam kung gaano kalakas ang impluwensiya ng pamilya nito sa paaralang iyon. “Hoy! huwag mong lawayan ang mesa ng canteen, kadiri ka!” bulyaw sa kanya ng nangangalang Elmo, ang anak ng school administrator na mayabang. “Sa lahat ng estudiyanteng nagti-take ng pre-med course, ikaw lang ang nagsusuot ng palda na minana mo pa ata sa lola mong matagal nang pinapak ng uod. Sino ang lalaking magkakagusto sa katulad mong mukhang ginahasa ng sampung demonyo? Nakakatikim pa ba ng suklay ‘yang buhok mong parang buhok ng mais na tuyot?” gatong naman ng nangangalang Tom, na anak kuno ng parehong pulis. Ang dalawa pang lalaking kasama ng mga ito ay nakatawa lang sa likod. Nagsimula ang pan-aasar ng mga ito sa kanya noong unang linggo ng klase na aksidenteng natapunan niya ng mainit na kape ang dibdib ni Denmark, habang nasa canteen sila. Hindi na siya tinantanan ng mga ito. Tinawag siyang demonyo ng mga ito dahil sa kontrobersiyal na isyu tungkol sa kanya na may nakakitang napagalaw niya ang silya sa laboratory. May supernatural power daw siya. Totoong gumalaw noon ang silya na tinititigan niya pero hindi siya sigurado na siya ang may gawa dahil wala naman siyang ibang iniisip noon kundi ang lumipat sa silyang iyon. Naging malaking isyu na iyon sa mga estudiyante. Hindi siya nakatiis, tumayo siya at bumuntong-hininga. “Alam n’yo, kayong mga walang magawang matino, bakit hindi kayo mag-focus sa pag-aaral ninyo? Akala n’yo ang guguwapo n’yo? Mukha kayong mga langgam na ang alam ay mangagat ng inosenteng tao. Para kayong mga lamok na walang ibang kayang gawin kundi sumipsip ng dugo. Mataas ang expectation ko sa university na ito kaya dito ko napiling mag-aral. Pero nakaka-disappoint dahil may mga mag-aaral pala rito na katulad ninyo na nag-aaral nga pero walang laman ang utak. Malamang, kung wala ang mga magulang ninyo na sumusuporta sa inyo, sa kangkungan kayo pupulutin. Mga utak talangka!”  matapang na buwelta niya. “Aba, matapang ka, ah!” gigil na sabi ni Denmark at akmang susuntukin siya ngunit biglang may sumalo sa kamao nito. Bahagyang napapikit si Olivia sa akalang tatamaan siya ng kamao ni Denmark. “Hindi sinasaktan ang babae, pare. Nilikha sila para irespeto at protektahan, hindi para bastusin. Subukan mong saktan siya, babaliktarin ko ang mundo mo,” sabi ng kararating na lalaki na may baritonong tinig. Nagmulat ng mga mata si Olivia. Nanlalaki ang mga matang nakatitig siya sa matangkad na lalaking nakasuot ng black suit. Hindi pa rin nito binibitawan ang kamao ni Denmark. Habang nakatitig siya sa lalaki ay napamilyar sa kanya ang hilatsa ng mukha nito. Maputi ang lalaki, may isang dangkal ang abuhin nitong buhok na aalun-alon. Mapungay ang mga mata nito kahit nasa himig nito ang galit. Matangos ang ilong nito na makitid, na bumagay sa katamtamang pintog na naghuhugis puso nitong labi at natural ang pamumula. Nasaksihan ni Olivia ang takot sa mga mata ni Denmark habang nakatingin sa lalaking sumalo sa kamao nito. Pagkuwan ay marahas nitong binawi ang kamay nito saka nagmamadaling umalis kasunod ang mga kasama nito. Tinalikuran naman ng lalaki si Olivia. Aalis na sana ito. “Sandali!” pigil niya rito. Huminto naman ito ngunit hindi siya hinarap. “Uhm, maraming salamat sa tulong mo,” naiilang na sabi niya. “Walang anuman. Iwasan mo na lang ang mga iyon. Sisirain lang nila ang araw mo,” wika nito at hindi pa rin siya hinarap. “Maiwan na kita, may klase pa ako,” sabi nito saka ito tuluyang lumisan. Hindi niya inalisan ng tingin ang papalayong pegura ng lalaki. Hindi siya sigurado kung estudiyante rin ito o isa sa professor ng university. Tiningnan niya ang oras sa suot niyang relong pambisig. Pasado alas-tress na ng hapon. Kailangan na niyang pumasok sa next subject niya. Pinunasan muna niya ang suot niyang eyeglasses dahil lumamlam na ang salamin. Mababa lang naman ang grado ng mga mata niya. Ang sabi ng optometrist, nasira raw ang mata niya dahil sa init at lamig. Tatlong taon na kasi siyang nagtatrabaho sa restaurant ng tiyuhin niya bilang chef. Bago siya nag-enrol sa Dela Rama University at kumuha ng kursong medical technology ay nag-aral siya ng two years HRS course o Hotel and Restaurant Services, na accredited ng TESDA. Nag-aral din siya ng six months’ culinary arts. Pero bago iyon ay natuto na siyang magluto dahil bata pa lamang siya ay tinuruan na siya ng nanay niya. Simula noong namatay ang Mama niya noong dose anyos siya ay kinupkop na siya ng Tito Antolo niya, na nakatatandang kapatid ng Mama niya. Hanggang sa panahong iyon ay wala pa rin siyang balita sa kanyang ama na umano’y may iba nang pamilya. Simula noong namatay ang Mama niya ay nag-asawa ulit ang Papa niya sa Maynila. Mabait ang Tito niya. Sinuportahan nito ang pag-aaral niya. Hindi siya nito pinipilit magtrabaho pero nagkukusa siya dahil gusto niyang magkaroon ng sariling income. Nag-iisa lang ang anak nitong lalaki. Si Sunny, na isa nang electrical engineer at nagtatrabaho sa malaking kumpanya sa Korea. First year pa lamang sa college si Olivia at ikalawang buwan pa lamang ng pasukan sa university. Ayon sa kaklase niyang irregular na si Natalie, talamak daw talaga ang bullying sa university. Mahigpit ang paaralan pero hindi pa rin mapipigilan ang mga estudiyanteng mahilig mam-bully. Marami na ring na expel pero may nag-e-enroll pa ring bully. Malaki ang university at bigatin ang mga kursong offer. Kadikit ng university ang private hospital na pag-aari rin ng school owner na may dugong Spanish. Doon niya napiling mag-aral dahil hindi ganoon kamahal ang tuition fee at mayroong scholarship para sa mga working student na katulad niya. May branch din ang university para sa gustong mag-proceed ng medicine. Tinulungan siya ng tito niya na makakuha ng thirty percent scholarship. Malaking bagay na iyon para sa katulad niya. Pagpasok niya sa huling subject niya sa hapon ay naabutan niya ang mga kaklase niya na tahimik sa kani-kanilang silya. Matitino ang mga kaklase niya. Pag-aaral lang ang inaatupag ng mga ito ngunit ramdam niya ang ilap ng mga ito sa kanya. Kasunod niyang dumating si Natalie. Pinapasukan din nito ang subject na iyon na hindi nito nai-enroll last year. Dumating na rin ang guro nila. Habang nakikinig siya sa nagsasalitang guro ay biglang dumapo sa kukoti niya ang lalaking tumulong sa kanya mula sa pambu-bully ng grupo ni Denmark. Aywan niya bakit hindi ito maalis sa isip niya. Marami siyang nakikitang guwapo sa university pero kakaiba ang appeal ng isang iyon. Kakaiba ang appeal ng lalaki, dominante pero tipong karespe-respeto. Pagkatapos ng klase ay sabay na sila ni Natalie na lumabas ng school. Palaging may dalang kotse si Natalie at madalas siya nitong isinasakay at hinahatid sa restaurant ng tito niya. Parehong doktor ang parents ni Natalie at nag-iisang anak ito. Sosyal itong manamit at mahilig ito sa mamahaling gamit. Pero sa lahat na mayayamang kaklase niya, si Natalie lang ang humble at mabait. Nasa garahe na sila nang napansin niya ang lalaking nakatayo sa tapat ng itim na kotseng katabi ng kotse ni Natalie. Abala ito sa pagtipa sa cellphone nito. Hindi siya maaring magkamali, ito ang lalaking tumulong sa kanya mula sa grupo ni Denmark. “Olive, get in,” sabi sa kanya ni Natalie. Narinig niya ito pero hindi maalis ang tingin niya sa lalaki. Mamaya ay si Natalie na ang nakikita niyang nakatayo sa harapan niya at nakapamaywang. “Ano ba ang tinitingnan mot?” tanong nito saka sinundan ng tingin ang natatanaw niya. Naging uneasy siya. “Oh, you’re looking at him, right?” anito at tinutukoy ang lalaking tiningnan niya. Lumabi siya. “Huwag mo akong pansinin,” aniya saka siya sumakay ng kotse. Sumakay na rin si Natalie at binuhay ang makena ng sasakyan. Hindi siya makatiis, nasisipat pa rin niya ang lalaki na noo’y pumasok na sa kotse nito. “Crush mo siya, ano?” tudyo sa kanya ni Natalie nang makalabas na sila sa campus. “Ha? Sino?” maang niya. “Iyong lalaking tiningnan mo kanina sa parking lot,” anito. “Naku, hindi, ah,” mariing kaila niya. “Okay. Pero kilala mo ba kung sino ang lalaking ‘yon?” sabi nito. Bigla siyang nagka-interes. “H-hindi,” sagot niya. “Iyon si Valtazar Del Carmen, o mas kilalang Val. Anak siya ng may-ari ng sikat na Tiger eye security and investigation agency rito sa bayan natin. May branches sa ibang lugar sa bansa ang business nila. Four years na atang nag-aaral ng law course si Val sa University. And take note, ang pamilya niya ay malaki ang investment dito sa school. Ayon sa research ko, si Val ang maimpluwensiyang estudiyante rito sa university. Hindi ko rin maintindihan kung bakit lahat ng estudyante rito ay hindi siya kayang banggain, kahit ang pinakamayamang si Denmark,” kuwento ni Natalie tungkol sa lalaking laman ng isip niya. Nilinis niya ang kanyang lalamunan. Hindi pala basta-basta ang lalaking iyon. “At karagdagang kaalaman, si Val ay kilalang campus crush. Obvious naman sa appeal niya ‘di ba? Pero siya ang tipo ng lalaki na hindi basta malalapitan ng mga babae. He has dangerous s*x appeal na nakakatakot kababaliwan. Marami raw babaeng nabaliw rito dahil sa kanya,” patuloy ni Natalie. “Bakit naman?” natatawang tanong niya. “I don’t know. Ayaw kong malaman kaya hindi ko sinubukan ni minsan na kausapin si Val o kahit pansinin man lang. May nagsabi kasi sa akin na kapag sinimulan mo raw pansinin at kausapin si Val, hindi na siya maaalis sa isip mo hanggang sa mahibang ka sa kanya. Hahanap-hanapin mo raw ang presensiya niya. He was a human version of love fusion or gayuma.” Bigla siyang natawa. “Don’t laugh, I’m not kidding,” anito. Pinigil niya ang kanyang pagtawa. Mamaya ay dumapo na naman sa isip niya si Valtazar. Pagdating ni Olivia sa restaurant ng tito niya ay kaagad siyang nagpalit ng itim na slacks at puting T-shirt. Kinuha niya sa locker niya ang kanyang puting chef jacket. Alas-sais ng hapon ang duty niya sa restaurant hanggang alas-diyes ng gabi. Dahil apat na oras lang ang duty niya, kalahati ang kanyang suweldo. Ang dating eight hundred per day ay four hundred na lang. Sa tuwing bakasyon lamang siya nakakapagtrabaho ng otso oras. Habang naghahanda ng mga sangkap para sa lulutuin niya si Olivia ay bigla niyang naalala ang mga pang-aasar sa kanya ng grupo ni Denmark. Kinuwestiyon din niya ang kanyang sarili kung bakit nga ba walang lalaking nanliligaw sa kanya. Aminado siya na hindi talaga siya pala-ayos. Nagtatali lang siya ng buhok sa tuwing nasa restaurant siya. Ga-baywang ang mahaba niyang buhok na pino ang pagkakakulot at natural ang blondeng kulay. Nakasanayan din niyang magsuot ng ordinaryong palda at dress. Namana raw niya ang kanyang kaugalian sa conservative niyang lola na isang Spanish-American. Hindi rin siya gumagamit ng lipstick at make-up. Sapat na sa kanya ang ordinaryong face powder. Hindi siya sanay na may palamuti sa katawan katulad ng mga alahas. Tanging relong pambisig lamang ang suot niya. Kahit wala siyang make-up at lipstick, natural ang pamumula ng mga labi niya at makinis ang kanyang mukha na kapag nabibilad siya sa araw ay namumula ang pisngi niya. Natural na light brown ang eyeballs niya. Maputi na mamula-mula ang kanyang kutis at makinis. Hindi lamang iyon pansinin ng iba dahil palagi siyang nagsusuot ng dress na hanggang binti ang haba ng laylayan at minsan ay palda na hanggang paa ang haba. Madalas din siyang magsuot ng long sleeve blouse o blouse with collar. May mga kaklase siyang nagsabi na masyado siyang formal manamit at masasabing dalagang Filipina. Mas matured din siyang tingnan kaysa edad niyang biyente-uno. Mukha lang siyang mahinhin sa hitsura niya at pormal tingnan pero ang hindi alam ng iba ay palaban siya at maraming nalalamang kababalaghan. Sinula noong namatay ang kanyang ina, pakiramdam niya’y naipasa nito sa kanya ang kakayahan nitong makapag-ugnayan sa mga elementong hindi nakikita ng normal na tao. Hanggang sa panahong iyon ay hindi siya naniniwala na inatake sa puso ang Mama niya habang natutulog. Nadatnan na lang kasi nila ang kanyang ina sa kuwarto na wala nang buhay habang nakahiga sa kama. Isang buwan bago namatay ang Mama niya ay iniwan na sila ng Papa niya para sumama sa ibang babae. Itinuturong dahilan ng pagkamatay ng Mama niya ay stress at labis na pagdaramdam sa ginawa ng kanyang ama. Pero para sa kanya, hindi lamang iyon ang dahilan. Dahil alam niya na matagal nang nagkakalabuan ang mga magulang niya. Madalas niyang nahuhuli ang Mama niya noon na may kausap na lalaki sa likod ng bahay nila. Naniniwala siya na hindi ordinaryong lalaki ang kausap nito. Bukam-bibig din ng kanyang ina ang lalaki umano na gustong pumatay rito. Naalala na naman niya ang kanyang panaginip na madalas nagpapahiwatig sa tuwing natutulog siya. Ang senaryong nakita rin niya noong bata siya, kung saan nasa kakaibang mundo siya at nakita niya ang kanyang ina na pinatay ng isang lalaki. Hanggang sa panahong iyon ay hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya nilulubayan ng panaginip na iyon. Malakas din ang kutob niya na maaring may koneksiyon ang panaginip na iyon sa pagkamatay ng kanyang ina. Mamaya rin ay nakalimutan niya ang kanyang mga agam-agam. Muling dumapo sa balintataw niya ang tungkol kay Valtazar, na siyang sumaway kay Denmark sa tangkang pananakit sa kanya. Habang laman ng isip niya ang lalaki ay unti-unting gumagaan ang pakiramdam niya. Subalit binalewala niya ang mga sinabi ni Natalie tungkol sa katauhan ni Valtazar. Naniniwala siya na isa lamang itong ordinaryong lalaki at katulad ng iba na walang pakialam sa kanya. Malamang, kahit magpapapansin siya sa lalaking iyon ay hindi nito pag-aaksayahan ng panahon ang katulad niya. Kahit sa mga simpleng lalaki nga lang sa campus ay hindi siya napapansin, sa katulad pa kaya nitong halos perpekto?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD