YTHIELLE’S POV
“Ano bang problema mo, Ate? Naiinis ka ba dahil may boyfriend ako habang ikaw ay wala kahit na 28 years old ka na kaya ka nagagalit kay Calvin? Sabihin mo na kasi na naiinggit ka lang sa akin kaya lagi mong pinag-iinitan ang boyfriend ko,” galit na rin na sagot ni Ysa sa akin.
Nagpanting ang aking tenga sa paraan ng pagsagot nito sa akin.
Hindi na ito ang kapatid ko na kahit na nag-aaway kami madalas ay may respeto pa rin, pakiramdam ko ay nabilog na ito ng husto ng boyfriend nito.
“Ysa, hindi ganyan ang tamang pagsagot sa ate mo. Mas matanda pa rin siya sa iyo kung kaya dapat mo siyang irespeto. Kayong dalawa, hindi ba kayo nahihiya na dito pa talaga kayo nag-away. Nasa restaurant tayo at nasa harap ng pagkain,” sermon ni Mama na wala ng lakas pang sigawan kaming dalawa dahil nasa publikong lugar kami. Mabuti na lang talaga at nasa pinakadulong bahagi kami nakapwesto kaya hindi kami masyadong naririnig ng ibang kumakain, ganon pa man, naagaw naman namin ang pansin ng mga waiter at server ng establisymento. Tila ba nawalan naman ng gana si Papa kumain kung kaya ang in-order ko na para sana sa kanilang dalawa ni Mama ay hindi na nila kinain.
Mahigit anim na oras din ang aming binyahe papuntang San Juan, La Union. Ang bayan kung saan nakatira si Mama at sa loob ng natitirang oras upang makarating sa bahay nina Tita Lilith ay nanatiling tahimik ang loob ng van habang ako naman ay walang pakialam na muling bumalik sa pagtulog.
Sinalubong kami ng maingay na videoke, kasunod ng aming mga kamag-anak. Halos naroroon na ang lahat ng aming kamag-anak maliban na lamang sina Tito Louie na parating pa lang daw mula sa airport na sinundo galing pa sa Germany.
Nang maibigay sa amin ang aming kwartong tutuluyan ay nakipagkwentuhan muna ako sa aking mga pinsan at tumulong na rin sa pagbalat ng saging para sa ginagawa nilang minindal. Nang magkaroon naman ako ng oras ay nagpaalam na ako sa kanila upang bumalik sa kwarto upang tapusin ang aking trabaho. Flexible time ako ngayon, as long as magawa ko ang mga bagay na ipinapagawa sa akin ng aking mga client ay wala akong magiging problema. Isa pa, balak kong mauna na lamang umuwi sa kanila Mama at manatili lang ng tatlong araw sa lugar na ito.
Pagdating ng hapunan ay mas lalong naging maingay, masaya ang lahat habang pinagsasaluhan ang mga pagkaing nakahanda sa lamesa. Excited sa gaganaping selebrasyon kinabukasan para kay Lola Gloria.
“Hindi ba 28 ka na?”
“May boyfriend ka na ba?”
“Bakit hindi ka pa nag-aasawa?” mga tanong nila sa akin.
“Busy po sa work,” tangi ko lang sinasagot kasabay ng isang tipid na ngiti kahit na ang totoo ay umay na umay na ako.
“Uy, Lilia. Bago pala ang van mo at nakita ko sa soc med mo na nagpa-renovate ka ng bahay niyo. Hindi naman ganoon kalaki ang tindahan niyo hindi ba? Nag-loan ka na naman ba?” puna ng tiyahin ko kay Mama, mas matanda ito ng dalawang taon kay Mama. May pagkamayabang talaga at mahangin ito dahil kanina pa nito ipinagmamalaki ang anak nitong nasa Japan na malaki raw ang ipinapadala sa kanila pero hindi naman nila alam kung paano naghihirap ang anak nila.
“Hindi na ako nag-loloan simula ng nag-retire ako, Ate Lina,” tipid na ngiti ni Mama.
“Si Ythielle, ang panganay ko ang bumili ng van at nagpa-renovate ng bahay. Akala ko nga ay hindi na namin matatapos iyon,” humble na dugtong pa ni Mama na nakatingin sa akin bagay na ikinataba ng aking puso.
“Si Ythielle? Ano ba ang trabaho niya ngayon? Ang alam ko ay nasa bahay lang siya at walang ibang ginagawa kung hindi ang mag-computer. Paano siya nakakuha ng ganyan kalaking pera. Ah, baka nakakuha ng loan sa bangko,” sabi pa ni Tita Lina na parang minamaliit ako. Napatingin sa akin ang lahat ng aming mga kamag-anak na para bang naghihintay ng kasagutan.
“Tita, hindi ko po ni-loan iyang van, cash ko po iyang binili. Ang trabaho ko po kasi ay virtual assistant kaya lagi akong nakaharap sa computer,” pigil ang inis na sagot ko.
“Virtual assistant? Mas malaki pa ang sinasahod ng anak kong si Jack na nasa Japan. Teacher siya roon at malaki ang pinapadala niya sa akin. Sabi niya pa nga ay dadalhin niya raw kami roon pag-uwi niya,” pagyayabang pa nito.
“Sa Japan po? Sakto po, papunta po kami sa Japan sa December. Dadalhin ko po sina Mama roon para makita nila ang Mt. Fuji at maka-experience ng snow. Wala naman na po kasi akong ibang pagkakagastusan ngayon dahil natapos ko na rin naman ang bahay namin,” hindi ko na rin napigilan pa ang aking sarili na yabangan ito.
Totoo naman.
Naka-book na talaga ako ng flight para sa aming tatlo nina Mama papuntang Japan. Two months ago pa ako nakapag-book ng fight namin nang makakita ako ng sale sa tickets at naayos ko na rin ang aming itinerary.
“Talaga ba? Naku, Lina. Ang swerte mo naman sa anak mo. Buti ka pa at nakarating ka na ng ibang bansa at ngayon naman ay sa Japan naman,” ani Tita Lilith na siyang pinakamalapit kay Mama.
Masarap sa aking pakiramdam na nakikita kong masaya ang aking mga magulang at nadadala ko sila sa iba’t ibang lugar. Sa loob ng isang taon ay target kong madala sila sa isa o dalawang bansa. Noong nakaraang mga taon ay nadala ko na sila sa Thailand, Indonesia, Hongkong at Vietnam. Ngayong taon ay isang beses ko lang sila madadala sa ibang bansa at iyon ay sa Japan dahil sa mahal ng expenses para sa vacation na iyon at sa mga nagastos sa pagpapagawa ng bahay.
“Hayaan mo, Tita Lilith. Sa susunod na pupunta kami ng Taiwan, isasama kita,” nakangiting sabi ko rito.
“Ano ba iyang trabaho mo na iyan? Turuan mo nga ang mga pinsan mo. Buti ka pa, kumikita kahit na nasa bahay,” sabi pa ng isa kong Tito. Lumapit na sa akin ang iba kong mga pinsan, maging ang tita ko na nasa Italy na kaparehas ko ng trabaho ay naging mas malapit sa akin habang si Tita Lina ay hindi maitago ang pagkayamot dahil sa naungusan siya ng pagyayabang niya.
Kahit na ofw si Papa ay maliit lang ang sinasahod nito bilang pipefitter habang si Mama naman ay naging government employee sa munisipyo.
Alam ko kung paano niya minamaliit ang mga magulang ko noon at hinding-hindi ko hahayaan na muli niyang ipahiya ang mga magulang ko.