YTHIELLE’S POV
Wala akong nagawa kung hindi ang sumama sa bakasyon nina Mama sa aming probinsya kahit na sabihin ko sa kanya na may trabaho pa ako. Rason nito ay may wifi naman ang beach resort na aming pupuntahan maging ang bahay nina Tita Lilith na titirahan namin sa loob ng isang linggo. Napakahabang araw iyon at sa tingin ko ay hindi ko kakayanin ang magtagal sa lugar na iyon kahit na maganda pa ang tanawin at sariwa ang hangin dahil sa mga bibig ng aking mga tiyahin. Bukod kasi sa pagsecelebrate ng birthday ni Lola Gloria ay isa na rin iyong family reunion. Uuwi galing Germany at Italy ang aking mga tiyahin na matagal na ring nanirahan sa mga bansang iyon dahil sa nakapangasawa at doon na rin nagkapamilya ang mga ito.
“Handa na ba ang lahat?” tanong sa amin ni Mama gabi pa lang bago kami umalis ng bahay at habang kami ay naghahapunan.
“Done na po. Ma, pwede bang sumama si Leonard? Nakapagpaalam na siya sa parents niya at pinayagan naman daw po siya,” tanong ni Ysa.
“Isasama mo ang boyfriend mo? Baka naman kung ano ang gawin niyo roon,” reklamo ko sa kapatid ko.
“Inggit ka lang kasi naunahan pa kitang magka-boyfriend,” sabi nito saka ako dinilaan.
“Aba’t napakabastos nito. Baka gusto mong hindi ko dagdagan ang allowance mo at i-book ko na lang ng panggala namin nina Mama sa Vietnam.”
“Tumigil na nga kayong dalawa. Sige na, isama mo na. Wala naman ang mga magulang niya sa bahay nila. Kawawa naman at wala siyang kasama ngayong bakasyon,” sabi pa ni Papa.
Matalim na tingin ang aking ipinukol kay Ysa at pareho kaming natahimik. Pagkatapos kumain ay bumalik na ako sa aking kwarto at inayos ang aking working station at nagtrabaho. Buong gabi ay mulat ang aking mga mata sa pagtatrabaho at pagdating ng alas-singko ay natapos ang aking shift. Agad kong inayos ang aking gamit. Nagdala ng power generator, pocket wifi at ilan pang kakailanganin ko sa pagtatrabaho kahit na nasa bakasyon ako. Hindi ko rin sigurado kung stable ang connection ng wifi sa lugar na iyon at ang supply ng kuryente kaya mabuti na rin na handa ako.
Agad akong naligo at pagkatapos ay bumaba sa kusina upang mag-almusal. Doon ay nabungaran ko si Papa na abala sa paglalagay ng mga gamit na dadalhin sa aming kotse habang si Mama naman ay nasa kusina naglulutong almusal. Nasa dining naman si Ysa kasama ang kanyang nobyo na kumakain.
Hindi ko tuloy mapigilan ang aking sarili na mapasibangot sa aking nakita.
Hindi ko alam kung bakit pero iba ang pakiramdam ko sa lalaking ito.
“Oh, Ythielle. Tapos na ba ang trabaho mo? Ang aga naman,” ani Mama nang makita ako pababa ng hagdan.
“Oo, Ma. Nakapagpaalam ako sa isang client ko na may pupuntahan ako ngayon. Nakausap ko na rin ang dalawa ko pang client na kung pwedeng gawing flexible ang oras ng pagpasok ko for the meantime. Pumayag naman sila basta masiguro lang na maayos ang trabaho ko kahit nakabakasyon ako,” pagod na sagot ko kay Mama.
“Huwag mo masyadong pagurin ang sarili mo,” paalala ni Mama.
“Grabe naman, Ate Ythielle. Tatlo ang client mo? Paano mo nagagawa iyon?” sabat ng nobyo ni Ysa na kahit dalawang beses ko palang nakita ay feeling close na kaagad sa akin.
“Actually lima yang client ko, yung isa part-time job lang and iyong isa kaka-drop ko lang noong isang araw,” pagyayabang ko.
“Sa dami niyang client, nakalimutan niya ng mag-asawa,” sabat ni Ysa na may pang-aasar.
“Baka gusto mong ipaalala ko sa iyo, Ysa. Dahil sa pagiging VA ko, kaya napa-renovate at fully-condition ang kwarto mo. Dahil din sa trabaho ko ay nakabili tayo ng sasakyan na ginagamit natin sa pagbabakasyon at dahil sa trabaho ko kung bakit nakakagala tayo sa iba’t ibang lugar,” inis na sabi ko sa kapatid ko. Wala itong ibang maipagmamalaki kung hindi ang kanyang nobyo na sa tuwing nakikita kong naririto ay walang ibang ginawa kung hindi ang makikain at tumambay sa kwarto niya habang buong araw nakabukas ang aircon.
“Tumigil na nga kayong dalawa. Ysa, tigilan mo na ang ate mo. Pumayag ako na magka-boyfriend ka pero dapat ay makatapos ka ng pag-aaral,” saway ni Mama. Dinilaan ko na lang si Ysa habang ito ay nakabusangot.
Wala naman itong ibang ipinangbabala kung hindi ang pagiging single ko pero wala naman masama roon dahil wala pa naman ako sa treinta. 28 pa lang naman ako at higit sa lahat ay maganda.
Mabuti na lang at van ang sasakyan namin dahil sa akin lamang ang buong likod na bahagi nito at wala akong ibang ginawa kung hindi ang matulog. Ilang beses din huminto ang sinasakyan namin dahil sa kaka-cr ni Mama at ang huling hinto namin ay halos magtatanghalian na. Huminto kami sa isang restaurant at doon ay kumain kami ng lunch.
Pilit kong itinatago ang pagkairita ng aking mukha nang makita kung paano kumain ang nobyo ni Ysa na halos maubos na nito ang isang putahe ng ulam at hindi na nito nabigyan pa ang aking mga magulang lalong- lalo na si Papa na pagod sa biyahe.
“Pa, nag-order pa ako ng isa pang ulam. Kumain kayo ng marami dahil alam kong pagod kayong nagmaneho,” paalam ko kay Papa nang makita na may tira pang kanin sa plato nito at halatadong kulang pa rito ang kinain nito subalit hindi na makatyempo dahil sa tatlong ulam na naroroon ay halos puro sabaw at sarsa na lang ang tira dahil sa kasibaan ng nobyo ni Ysa.
“Nag-order ka pa, ate? Sakto, medyo gutom pa ako. Pwede ba akong mag-order ng panghimagas?” sabat ni Calvin.
“Pwede ka naman mag-order basta bayaran mo. Iyong in-order ko, para kay Papa iyon. Sa dami ng inorder ko ay halos hindi kami nakakain dahil ikaw ang umubos tapos sasabihin mo hindi ka pa busog?” inis at prangkang sabi ko rito.
“Ate naman! Parang sumubra naman yata ang pananalita mo,” sabat ni Ysa.
“Bakit, totoo naman ah. Tingnan mo nga si Papa, halos hindi nakakakain pati na rin si Mama samantalang pagod si Papa sa pagmamaneho. Eh, iyang boyfriend mo hindi man lang makaramdam sa mga kasama niya. Hindi mo man lang naisip sina Mama at Papa puro ka na lang sa boyfriend mo nakapanig.”
“Ano bang problema mo, Ate? Naiinis ka ba dahil may boyfriend ako habang ikaw ay wala kahit na 28 years old ka na kaya ka nagagalit kay Calvin? Sabihin mo na kasi na naiinggit ka lang sa akin kaya lagi mong pinag-iinitan ang boyfriend ko,” galit na rin na sagot ni Ysa sa akin.