YTHIELLE’S POV
“Anak, sumama ka sa amin ng Papa mo sa probinsya sa susunod na linggo,ha? Darating ang mga tita at tito mo para sa 80th birthday ni Mamang. Mabuti na lang at bakasyon kaya maisasama natin si Ysa. Naku, ilang beses ka na tinatanong sa akin ng mga pinsan mo kapag nagpupunta kami roon. Mukhang miss ka na nilang maka-bonding,” excited na sabi ni Mama sa akin.
“Ma, pwede bang huwag na muna ako sumama? May trabaho pa ako at hindi naman ako pwedeng magbakasyon sa trabaho ko,” reklamo ko kay Mama.
Alas-sais pa lang ng umaga, maaga kaming nag-aalmusal pero ang totoo ay hindi pa talaga ako natutulog.
Isa kasi akong freelance virtual assistant na kailangan kumayod sa buong gabi. Halos apat na taon na akong work from home dahil sa bukod sa hindi na ako mahihirapan pang makipagsiksikan araw-araw sa mga public vehicles, ay nagkakaroon pa ako ng time para sa hobby ko.
Ang magbasa ng mga romance novel.
Alam ng aking mga magulang ang aking hilig kung kaya ginawaan pa nga ako ni Papa ng book shelf kung saan nakalagay ang koleksyon ko ng mga libro. Nagsimula akong mahilig sa pagbabasa noong grade six pa lamang ako at pocketbook kaagad ang aking naging libangan hanggang sa nakilala ko si Booksale kung saan ako nakakabili ng mga english novels sa mas murang halaga. Simula noon ay hindi na ako tumigil sa pagbabasa, ito na rin ang paraan ko upang maipahinga ang aking mata mula sa mahigit walong oras na nakatutok sa screen monitor.
“Ythielle, anak. Kailan ka ba mag-aasawa? Kahit boyfriend ay wala ka man lang maipakilala sa amin. ‘Yung pinsan mong si Arci, magpapabinyag sa susunod na linggo, si Lando naman ay dalawa na ang anak. Malapit ka na mawala sa kalendaryo, dinaig ka ng kapatid mong si Ysa dahil may naipakilala na sa amin,” sabat ni Papa.
At heto na nga ang sinasabi ko.
Ang paulit-ulit nilang pamimilit sa akin na mag-asawa na ako.
Boyfriend nga wala, asawa pa kaya.
Hindi naman ako pangit, sa katunayan nga ay may mga nanliligaw sa akin. Mga dati kong katrabaho o di kaya ay mga dati kong kaklase. Sadyang mataas lang ang naging standards ko dahil sa mga male leads ng mga kwentong aking binabasa.
“‘Pa naman, anong lampas na sa kalendaryo? 28 pa lang ako at hanggang 31 ang numero sa kalendaryo. Marami namang millenials na kagaya ko ang wala pang asawa, alam niyo naman na sobrang mahal ng bilihin ngayon. Hindi pa ako ready mag-asawa,” maktol ko kay Papa habang hinahalo ang kapeng itinimpla ni Mama para sa akin.
“At kaian ka magiging handa? Kapag patay na kami ng Papa mo? Hindi mo naman kami kailangang isipin dahil malakas naman ang benta ng mini-grocery natin. Hindi mo na rin kailangan magbigay ng pang-tuition ni Ysa dahil may naipon naman kami ng Papa mo habang nagtatrabaho siya sa Saudi noon. Kaya magmadali ka na at humanap ng mapapangasawa mo dahil baka kung kailan treinta ka na ay doon mo lang maisipang mag-asawa. Aba, makunat na ang matres mo niyan, baka hindi ka na magkaanak.”
“Ma, baka naman sa kakapilit niyo sa akin na mag-asawa ay makahanap naman ako ng balasubas na asawa. Gusto niyo ba na bugbugin lang ako ng magiging asawa ko?” sagot ko naman kay Mama.
“Magpapabugbog ka ba?” biro ni Papa.
Napabusangot na lamang ako dahil sa sabi nito.
Maliit lang ako, 5’1 ang height pero noong nag-aaral ako ay tinatawag ako noon na small but terrible dahil madalas na tinatawag sina Mama at Papa sa guidance office dahil sa madalas akong nasasangkot sa away. Ang huling pagdalaw ko nga sa guidance ay noong 3rd year high school ako noong subukan akong i-bully sa school.
“Hindi po ako mag-aasawa hangga’t wala akong nakikitang tamang lalaki na papasok sa standards ko. Pero kung sakali, okay lang ba sa inyo na magkaapo kayo kahit na wala akong asawa?” tanong ko kina Mama sa nang-aasar na tono.
Isang malakas na batok ang aking natanggap mula kay Mama na nagpawala sa aking antok at tila ba nagpaalog sa aking utak.
“Tumigil ka nga Ythielle sa mga sinasabi mo. Hindi nakakatuwa,” sermon ni Mama.
“Aray naman Ma! Binibiro ka lang eh. Possible ba iyon? Ano ako, si Mama Mary? Immaculate, conceived by the power of the holy spirit?” naiiyak na sabi ko habang hawak ang aking ulo na pakiramdam ko ay nagkabukol dahil sa lakas ng pagkakabatok nito sa akin.
Isang matalim na tingin ang ipinukol sa akin ni Mama bago ito umupo at nag-umpisa na kaming kumain.
Paano naman kasi ako mag-aasawa kung hindi ko man lang maramdaman ang pagbilis ng aking puso.
Iyong tipong isang sulyap, isang tingin alam mong siya na ang tinadhana para sa iyo.
Naranasan ko na iyon minsan, ang magmahal at ang umibig nang maging nobyo ko si Mateo.
Siya ang una kong nobyo at ang akala ko pa noon ay kami na talaga hanggang dulo.
Ipinangako ko pa nga sa aking sarili na kapag umabot kami ng isang taon ay saka ko siya ipapakilala kina Mama at Papa ngunit sampung buwan pa lang nang maging kami ay nalaman kong may lihim silang relasyon ng aming assistant manager at sinasabi pa nila sa lahat na matagal ng tapos ang relasyon namin gayong gabi-gabi ay nagkakapalitan pa kami ng mensahe. Ayaw ko ng isipin pa ang nakaraan kong iyon at siguro, hindi talaga kami ni Mateo. Mabuti na nga lang at hindi ko pa siya napapakilala sa magulang ko kung hindi ay baka nabugbog pa siya ng tatay ko.
Siguro, dahil sa masamang karanasan na aking naranasan kung bakit masyado kong itinaas ang aking standards pagdating sa pag-ibig.
Umaaasa na lamang ako na isang araw, lalabas mula sa isang libro ang isang lalaking kagaya ng mga nababasa ko at siyang talagang itinadhana sa akin.
Pero kung sakaling hindi umayon sa aking kapalaran, kahit man lang anak na sa akin mismo nanggaling ay ayos na sa akin kahit na walang asawa.