Chapter-1
Siksikan at maalikabok, at puno ng ingay ang palengke ng bayan sa edad na pito, bitbit ni Malia ang isang mabigat na basket na puno ng saging at kamote, na pilit niyang tinitinda para makatulong sa kanyang mga magulang.
"Bili na kayo ng saging at kamote! mahina niyang sigaw halos hindi marinig ang boses niya, dahil sa ingay ng palengke, usok ng mga jeepney at init ng tanghali.
Hindi naging mabait ang mundo kay Malia. Dahil sa luma, kupas at punit-punit niyang damit, madalas siyang pagtawanan, pandirihan, at laitin ng mga batang may kaya at maging ng ilang mamimili. May mga pagkakataon pang binabato siya ng bulok na kamatis o balat ng saging habang tinatawag na yagit, at pulubi.
Tumatalikod na lang si Malia, nang tahimik. Kinakagat niya ang labi, para pigilan ang mga luhang gustong pumatak kapag hindi na niya kayang pigilan ang sarili, pumupunta siya sa madilim na sulok ng mga tindahan at doon tahimik na umiiyak.
Kahit ganoon ang buhay nila, masaya pa rin si Malia kapag kasama ang kanyang mga magulang. Araw-araw, pumupunta sa bukid ang kanyang ama at ina para magtanim at magbungkal ng lupa iyon lamang ang kanilang kabuhayan ang bukid ay pag-aari ng makapangyarihang pamilyang Montecillo, kaya kailangan nilang magsikap para kumita at mabuhay.
Nag-iisang anak si Malia kaya ginagawa niya ang lahat para makatulong sa kanyang mga magulang pagkatapos ng klase.
Ngunit ang munting mundong iyon ay biglang naglaho sa isang iglap.
Isang hapon, habang tinatahak niya ang makipot na daan patungo sa kanilang sagingan para ihatid ang pananghalian ng kanyang mga magulang, nakaramdam siya ng kakaibang kaba.
Tahimik ang bukid, walang huni ng mga ibon, Halos walang marinig na ingay mula sa paligid ,tanging ang malakas na kabog ng kanyang dibdib, ang kanyang naririnig habang papalapit siya sa taniman.
Pagdating niya sa gitna ng sagingan, biglang natigil ang kanyang paghinga. Nabitiwan niya ang dalang baunan at natulala sa kanyang nakita.
Nakahandusay sa lupa ang kanyang nanay at tatay, wala na silang buhay at kapwa nababalot ng dugo.
"Nay! Tay"
Tumakbo si Malia palapit sa kanila,ngunit nadapa siya sa putik, gumapang siya hanggang sa marating ang kanyang mga magulang, agad niyang niyakap, ang malamig na katawan ng kanyang ina. Nabahiran ng dugo ang kanyang maliliit na kamay.
" Wala na akong magulang, mag-isa na lang ako."
Humagulgol si Malia. Paulit-ulit niyang tinawag ang kanyang mga magulang habang nanginginig ang buong katawan niya. Ngunit habang tumatagal ang kanyang pag-iyak, unti-unting napalitan ng galit ang kanyang lungkot.
Pinunasan niya ang mukha niyang puno ng putik at luha tumingala siya sa langit habang mahigpit na nakakuyom ang kanyang maliliit na kamay.
"Magbabayad ang gumawa nito sa inyo, Nanay, Tatay ipaghihiganti ko kayo."
Nanginginig ang boses niya sa galit habang tinitingnan ang kawalan.
"Hindi ako titigil hangga't hindi ko nakukuha ang hustisyang nararapat para sa inyo pagsisisihan nila ang ginawa nila.
Ilang sandali pa ay dumating ang ilang kapitbahay sa pangunguna ni Aling Cora. Napatakip sa bibig si Aling Cora nang makita ang sinapit ng mag-asawa.
Agad siyang lumapit kay Malia binuhat niya ang nanginginig na bata at mahigpit na niyakap.
Lakasan mo ang loob mo, Malia, umiiyak na bulong ni Aling Cora habang inilalayo siya sa bangkay ng kanyang mga magulang.
Matapos mailibing ang kanyang nanay at tatay, kay Aling Cora muna tumuloy si Malia. Lumipas ang mga araw na tila nawalan siya ng buhay sa loob. Tahimik siya, halos hindi nagsasalita, at madalas nakatulala lamang sa kawalan habang iniisip ang nangyari sa kanyang mga magulang.
Ngunit sa likod ng kanyang katahimikan, hindi nawala ang isang bagay.
Ang kanyang galit at kagustuhang makapaghiganti.
Isang umaga, isang mamahaling itim na kotse ang huminto sa tapat ng bahay ni Aling Cora. Bumukas ang pinto at bumaba ang isang babae.
Matangkad ang babae at nakasuot ng pormal na itim na dami maayos ang kanyang buhok at diretso ang kanyang tindig. Sa bawat hakbang niya ay makikita na sanay siyang utusan at sundin ng mga tao.
Lumapit siya kay Aling Cora at iniabot ang isang dokumento.
Kukunin ko na si Malia, malamig at pormal na wika ng babae.
Binasa ni Aling Cora ang papel,nanlaki ang kanyang mga mata bago siya napatingin kay Malia.
Lumapit si Aling Cora sa bata at hinawakan ang kanyang balikat.
Malia, sumama ka na kay Ma'am Sylvia sya ang magiging bagong pamilya mo. Hindi kita kayang tustusan dito.
Hindi umimik si Malia tumingin lamang siya kay Aling Cora at saka marahang tumango.
Umakyat siya sa maliit na silid at kinuha ang lumang bag na naglalaman lamang ng apat na pares ng damit. Pagkatapos ay bumaba siya at lumabas ng bahay.
Bago sumakay sa sasakyan, lumingon si Malia kay Aling Cora at sa lumang bahay na ilang araw niyang tinirhan.
Nay, Tay, may nag-ampon sa akin na mayaman, sambit ni Malia sa kanyang isip.
Dito ko uumpisahan ang paghihiganti ko.
Habang umaandar ang sasakyan papalayo, tumingin sa kanya ang babaeng nag-ampon sa kanya. May kakaibang paghanga sa mga mata nito habang pinagmamasdan ang bata.
Simula ngayon, Malia, wika ni Ma'am Sylvia. Ikaw si Malia Agustin, ang nag-iisa kong anak at tagapagmana ng Agustin Empire. Darating ang araw na ikaw ang magiging babaeng katatakutan ng lahat tawagin mo akong Mommy Sylvia.
Lumipas ang labinlimang taon.
Ang dating batang pulubi na umiiyak sa gitna ng sagingan habang hawak ang malamig na katawan ng kanyang mga magulang ay tuluyan nang nagbago.
Sa edad na dalawampu't dalawa, si Malia Agustin ay isa nang ganap na dalaga. Maganda siya at may mukha na parang anghel, ngunit sa likod ng kanyang magandang mukha ay may isang babaeng matigas na ang puso dahil sa mga pinagdaanan niya.
Ipinasok ni Sylvia Agustin si Malia sa isa sa pinakamahal at eksklusibong paaralan para sa mga anak ng bilyonaryo at mga makapangyarihang tao, ang Saint Jude Academy.
Suot ang mamahaling uniporme, maayos ang buhok, at may malamig na tingin, mabilis siyang nakilala sa paaralan bilang isang taong hindi basta-basta dapat banggain.
Ngunit para kay Malia, ang pag-aaral sa Saint Jude Academy ay bahagi lamang ng kanyang buhay.
Ang tunay niyang pagsasanay ay nagaganap sa mga lihim na pasilidad ng Agustin Empire.
Pagsapit ng alas-diyes ng gabi, pagkatapos ng klase, dumidiretso si Malia sa underground training facility. Doon niya ibinubuhos ang lahat ng kanyang pagod, galit, at poot.
Huwag kang umasa sa ganda mo, Malia! sigaw ng kanyang instruktor habang patuloy siyang sinasanay sa pakikipaglaban. Sa mundong pinapasok mo, ang nagpapakita ng awa ang unang natatalo.
Natuto si Malia ng iba't ibang martial arts tulad ng Krav Maga, Muay Thai, at Jiu-Jitsu. Walang tigil ang kanyang pagsasanay hanggang sa maging bihasa siya sa pakikipaglaban gamit ang kanyang mga kamay at sa paggamit ng mga patalim tulad ng balisong at militar na kutsilyo.
Sa isang madilim na training room, tinuruan din siya ni Mommy Sylvia tungkol sa iba't ibang armas.
Ito ang Glock 19, paliwanag ni Sylvia habang inilalagay ang baril sa kamay ni Malia. Kabisaduhin mo ang bigat nito. Alamin mo kung paano gamitin ito nang hindi natataranta.
Hindi nagtagal, naging bihasa si Malia sa paggamit at paghawak ng baril. Umabot sa puntong kaya niyang buuin at kalasin ang isang baril nang mabilis kahit hindi niya kailangang mag-isip nang matagal.
Hindi lamang pakikipaglaban ang itinuro sa kanya. Tinuruan din siya ni Sylvia tungkol sa negosyo, pamumuno, at kung paano makitungo sa mga taong maaaring maging kaibigan o kalaban ng Agustin Empire.
Habang ginagawa niya ang lahat ng iyon, hindi niya kailanman nakalimutan ang tunay niyang dahilan.
Ang kanyang mga magulang.
Patuloy niyang pinag-aaralan ang bawat galaw ng mga taong pinaniniwalaan niyang may kinalaman sa pagkamatay ng kanyang pamilya.
Isang gabi, matapos ang mahabang training session, kung saan sunod-sunod niyang natamaan ang target sa shooting range, lumapit sa kanya si Mommy Sylvia habang may dalang makapal na itim na folder.
Inilapag niya iyon sa mesa.
Binuksan ni Malia ang folder.
Nandoon ang mga litrato, pangalan, at impormasyon tungkol sa mga taong pinaniniwalaan nilang may kinalaman sa pagkamatay ng kanyang mga magulang.
Ang pamilyang Montecillo.
Isa-isa niyang tinitigan ang mga litrato. Habang tumatagal, lalong nagiging malamig ang kanyang mga mata.
Tapos na ang pag-aaral mo, Malia, malamig na wika ni Mommy Sylvia. Handa ka na bang singilin sila sa lahat ng ginawa nila? Handa ka na bang kunin ang hustisyang matagal mong hinihintay?
Kinuha ni Malia ang litrato ng pangunahing target. Dahan-dahan niya itong hinawakan at isang maliit ngunit nakakatakot na ngiti ang lumitaw sa kanyang labi.
Opo, Mommy, sagot niya sa mababa at seryosong boses.
Oras na para singilin ko sila sa lahat ng utang nila.
Samantala, sa gabing iyon, nagaganap ang isang malaking selebrasyon sa napakalaking Monticello Mansion.
Pinalamutian ang buong mansyon ng mamahaling kristal na chandelier, libu-libong imported na bulaklak, at iba't ibang makukulay na ilaw. Puno ng buhay at ingay ang malawak na hardin at grand ballroom dahil sa engrandeng pagtitipon.
Siksikan ang mga kilalang pulitiko, malalaking negosyante, at mga taong may mataas na posisyon sa lipunan. Lahat sila ay naroon upang ipagdiwang at suportahan ang opisyal na paglulunsad ni Don Ignacio Montecillo bilang kandidato sa pagka-gobernador ng kanilang lalawigan.
Suot ang kanyang mamahaling designer suit, nakangiting binabati ni Don Ignacio ang kanyang mga bisita habang hawak ang isang baso ng mamahaling alak.
Wala siyang kaalam-alam na sa labas ng mataas na pader ng mansyon, tahimik nang kumikilos ang mga tauhan ni Malia Agustin.
Bandang alas-diyes ng gabi, habang abala ang lahat sa pagsasaya at pakikinig sa malakas na tugtog, biglang namatay ang mga ilaw sa buong compound.
Napatigil ang mga tao.
Anong nangyari sa kuryente? sigaw ng isang panauhin habang nagsisimulang magbulungan ang lahat sa gitna ng dilim.
Bago pa man makarating ang mga guwardiya sa main breaker, kusang bumukas ang emergency generators.
Ngunit huli na ang lahat.
Mabilis nang kumilos ang mga tauhan ng Agustin Empire. Nakasuot sila ng itim na damit at night-vision gear habang tahimik na pumapasok sa loob ng compound.
Isa-isa nilang hinarap ang mga armadong guwardiya sa labas at mabilis nilang napabagsak ang mga ito bago pa man makapagbigay ng babala.
Nakarating ang tatlong tauhan sa VIP lounge kung saan nag-iisa si Don Ignacio habang naghihintay na bumalik ang kuryente.
Sino kayo? gulat na tanong ni Don Ignacio nang biglang bumukas ang pinto at makita ang tatlong estranghero.
Hindi na sila sumagot.
Mabilis na lumapit ang isa sa kanila at pinahina si Don Ignacio gamit ang isang pampatulog na kemikal. Pumiglas ang matanda nang ilang segundo bago tuluyang nanghina at nawalan ng malay.
Bago pa man mapansin ng mga bisita sa ballroom ang nangyayari sa pribadong silid, inilabas na ng mga tauhan ni Malia si Don Ignacio.
Dinala nila siya sa isang itim na van na nakaparada sa madilim na bahagi ng bakuran.
Ilang sandali lamang ay mabilis nang umalis ang van at tuluyang nawala sa gabi.
Samantala, nagpatuloy ang kaguluhan sa loob ng Monticello Mansion.
Nang mapansin ng mga bisita na nawawala si Don Ignacio, nagsimula ang takot at kalituhan.
Nasaan si Don Ignacio bakit siya biglang nawala? walang makasagot.
Ang engrandeng party na dapat sana ay simula ng kanyang kampanya para sa pagka-gobernador ay biglang nauwi sa takot at pagkalito.
At habang nagkakagulo ang buong Monticello Mansion, malayo na ang sasakyan na kinasasakyan ni Don Ignacio.
Sa unang pagkakataon matapos ang labinlimang taon, nagsimula nang gumalaw ang plano ni Malia Agustin para sa kanyang paghihiganti.