"Pasensya ka na..." Pilit kong nginitian ang asawa ni Aling Lota. "Pasensya ka na talaga, iho." Tumango ako at mas nilawakan pa ang ngiti upang maipakota na ayos lang talaga sa akin. Na naiintindihan ko ang reaksiyon niya.
"Ayan kasi, masyadong seloso! Nakakahiya kay Joseph!" Inis na sinapak ni Aling Lota ang kaniyang asawa na siyang ikinagulat ko. Nanlaki ang mga mata ko at bahagya pang napaiwas na animo'y ako ang tatamaan kahit hindi naman. "Nakakainis! Minsan na nga lang umuwi, pahamak pa!"
Padabog na hinawi ng asawa ni Aling Lota ang kamay nito at inis na tinitigan. "Aba'y kasalanan ko ba? Bakit kasi kung makahawak ka rito kay Joseph eh para kang patay na patay sa kaniya!"
Hindi ko alam kung anong gagawin ko lalo na nang magsimula silang magsigawan. Palipat-lipat ang tingin ko kay Aling Lota pagkatapos ay sa asawa niya. "Malamang nag-alala ako! Hingal na hingal siya kanina kaya naisip kong baka may nangyaring hindi maganda sa kaniya lalo na't baguhan lamang siya sa lugar na ito!" Agad kong nginitian si Aling Lota nang mapatingin siya sa akin. Napalingon din tuloy ang asawa niya kaya nginitian ko rin siya sa kabila ng pagkailang na nararamdaman ko. Talaga bang may mag-asawang mag-aaway na ako ang dahilan? Hindi ako makapaniwala.
"Pagpasensyahan mo na ang mag-asawang iyan. Ganyan talaga sila, away-bati..." Napalingon ako kay Aling Sita na may hawak na tinapay habang nakatitig sa mag-asawang nag-aaway sa harapan namin. "Simula nang umalis ang anak nila, naging ganyan na ang pakikitungo nila sa isa't isa." Sinenyasan niya ako na tumayo at lumipat ng puwesto kaya naman sinunod ko. Ayoko rin namang madamay pa sa away ng mag-asawa kahit sa akin naman nagsimula.
I don't know what to feel or react. I grew up without a dad pero hindi ko alam kung ano ang totoong nararamdaman ni Mama patungkol doon. We never talked about it, anyway. Basta isang araw, nagising na lang ako at nalaman na hiwalay na sila. It seems normal to me dahil siguro sa edad ko noon but now that I'm older, may mga times na naiisip ko, what if hindi sila naghiwalay? What if I grew up with a complete family?
Sigurado akong may mga nangyari sa buhay ko ngayon na hindi mangyayari kung hindi naghiwalay ang parents ko. But I'm not mad...nor sad. I feel like it's just a normal thing. With or without a complete family, kailangan ko pa ring magtrabaho ng maayos para mabuhay. Kailangan ko pa ring magdesisyon para sa future ko. Kailangan kong matutunan kung paano ba ang tamang kalakaran sa buhay na ito para mag survive.
"Mahal na mahal lang ni Lolo si Lola kaya ganiyan. Kahit naman ako, mag seselos ako kung makita kong may ibang kausap ang mahal ko."
Ikinagulat ko ang biglaang pag-upo nang batang babae sa tabi ko. Ito 'yung batang babae na nakasalubong at inasar-asar ko kanina kaya talagang ikinagulat ko na tumabi siya sa akin ngayon. Idagdag pa na ang mga tinuran niya ay hindi naaangkop sa kaniyang edad. Kung makapagsalita siya ay akala mo napakatinding heartbreak na ang naranasan niya.
"Sarah, wag ka nga raw sumasabat sa usapang pang matanda." Kalmadong usal naman ng isa. Hindi siya pinansin noong Sarah pero mukhang sanay na rin naman ang batang ito. Ibinaling niya sa akin ang kaniyang tingin, "pagpasensiyahan mo na ang kakambal ko. Pangit talaga ang ugali niyan."
Ngumiti ako. "Talaga ba?"
Tumango siya saka tinignan sandali ang nangungulit niyang kakambal. "Oo, hindi ko nga alam kung kanino ba iyan nagmana. Maganda naman ang ugali ko at ni Lola kaya siguradong hindi sa amin nagmana iyan."
Nagtagal pa ang usapan namin. Pinipilit ni Tiara, ang kakambal ng masungit na batang si Sarah na hindi maganda ang ugali ng kaniyang kapatid habang si Sarah naman ay pinipilit na siya'y isang mabait na bata.
"Palibhasa mana ka kay Inay na walang ibang iniisip kundi sarili niya!" Mariing bulong ni Tiara na talagang ikinalaglag ng panga ko. Hindi ako nakapagsalita at hindi malaman kung ano ang ire-react sa narinig lalo pa't nanggaling iyon sa isang musmos na bata.
Noong una ay tinatawanan lamang namin sila ni Aling Sita at minsa'y nakikisakay sa mga sinasabi nila ngunit habang tumatagal ay palala na ng palala ang mga sinasabi nila hanggang sa tuluyan na ngang nag-away. Nabaling tuloy ang atensyon ni Aling Lota at ang kaniyang asawa nang umiyak si Sarah.
"Tiara! Ano na namang ginawa mo sa kapatid mo?" Sigaw ng kanilang Lolo na siyang ikinagulat ko. "Sinabi ko naman sa inyo na huwag na huwag kayong mag-aaway!"
Mangiyakngiyak na yumuko si Tiara. Ang buong akala ko ay itatanggi niya ang sinabi ng kaniyang Lolo ngunit ikinagulat ko ang bigla niyang paghingi ng tawad. Base sa reaction ng bata, mukhang sanay na sanay na siya sa ganitong senaryo. Hindi ko tuloy mapigilang hindi mainis sa batang si Sarah na hindi man lang ipinagtanggol ang kapatid.
"Wala naman talagang kasalanan si Tiara ngunit siya ang umako ng pag-iyak ni Sarah." bulong ko habang naglalakad pauwi.
Ang marahang tawa ni Aling Sita ang namutawi ngunit hindi ko siya magawang lingunin. Nakayuko lamang ako habang naglalakad at pilit na kinakalma ang sarili. Gusto kong bumalik kina Aling Lota at pagalitan ang asawa niya sa pambibintang kay Tiara ngunit hindi ko magawa. Ayaw ni Aling Sita at baka masuntok lang daw ulit ako. Isa pa, tingin ko rin ay hindi magandang basta na lang ako makikisawsaw sa pamilya nila lalo na at hindi ko alam ang totoong pinagdadaanan at pinagdaanan nila kung bakit sila napunta sa ganitong sitwasyon.
Parang isang batas na gusto kong baguhin dahil mali ngunit hindi ko magawa dahil wala ako sa posisyon, wala akong karapatang makialam. Parang isang kwartong marumi na gusto kong linisin ngunit hindi ako ang may-ari ng kwarto kaya hindi pwede.
"Ganoon talaga sila, Joseph. Ang nakita mo kanina ay simpleng bagay lang. Hindi mo pa nakikita ang pinakamalalang pwedeng gawin ng asawa ni Lota kaya hangga't maari, iwasan mo na lang na makialam sa kanila."
Hindi ko alam kung ilang gabi akong hindi lumabas. Hindi ko kaya lalo na't matindi pa rin ang inis na nararamdaman ko sa asawa ni Aling Lota. Nang sumunod na gabi ay nakita ko si Tiara na tahimik lang na nakaupo sa harapan ng gate nina Aling Sita at hindi nakikisama sa paglalaro. Tingin ko ay napagalitan siya ng matindi ngunit gustuhin ko mang kausapin ang Lolo't Lola niya, hindi ko magawa.
Tama si Aling Sita, kailangan kong pigilan ang sarili ko na huwag mangialam sa pamilya nina Tiara. Nagpunta ako rito para hanapin ang pumapatay ng bata at hindi para ayusin ang ano mang gusot ng bawat pamilya rito. Nakakaawa ang bata, oo pero hindi ko dapat makalimutan ang totoong pakay ko rito at hindi naman ako pwedeng basta-basta na lang manghimasok sa buhay ng iba. Iisipin ko na lang na ganoon siguro ang paraan nila ng pagpapalaki ng bata. Makikialam na lang ako kung sumobra na ang ginagawa nila. Sa ngayon, kailangan kog ayusin ang pag-iisip ko at kailangan kong mag focus sa trabaho.
Sa ilang gabing pananatili ko sa loob ng bahay, nagawa kong mag linis kahit wala naman talagang dumi at nagawa ko ring tawagan ang nanay ko. Mabilis na tawag lang dahil hindi naman talaga namin iyon gawain at naiilang ako. Sapat na sa amin na malamang buhay pa ang isa't isa at nakakakain pa ng tama.
Ganoon naman din ang gusto ni Mama. Ayaw niya na masyado akong attach sa kaniya dahil lalaki raw ako at hindi magandnag tignan kung palagi akong nakadikit sa kaniya. Ang gusto niya ay makita akong nagsisikap para buhayin ang sarili at hindi 'yung tawag ng tawag sa kaniya.
At sa ilang gabing hindi ko paglabas, wala naman akong nabalitaan na panibagong kaso ng pagpatay. In fact, tahimik ang buong paligid at tila may mga anghel na nagbabantay at nagpapanatili ng kaayusan at katahimikan. Nakakatakot, oo pero maganda na iyon kaysa sa makarinig ulit ng sigawan at mga hagulgol.
Isang marahang katok ang nagpawala ng antok ko isang tahimik na gabi. Mabilis ang kilos ko at halos takbuhin ang distansiya ng kwarto sa pintuan para lang mapagbuksan agad ang kung sino mang kumakatok.
Kinakabahan ako habang patuloy ang pagkatok ng kung sino dahilan kung bakit bahagya akong nahirapan sa pagbubukas ng pintuan. Isang puting mangkok na may lamang nilagang baboy ang bumungad sa akin pagkabukas. Hawak iyon ng batang lalaki na mukhang naiinis na. "Pinabibigay ni Aling Sita sa iyo." Masungit na usal niya.
Agad ko iyong kinuha at bago pa man ako makapagpasalamat ay tumakbo na siya kaagad. Nakita kong sinalubong siya ng mga kalaro niya na pare-parehong nakatingin sa akin. Ngumiti ako kahit na hindi sigurado kung kita ba nila bago nagpasyang isara na ang pinto.
Nakakain na ako kanina ng niluto kong tinolang itlog at busog na rin ako ngunit nakakakonsensya kung hindi ko man lang kakainin ang ibinigay nilang pagkain sa akin kaya naman kinain ko iyon kasabay ng pagbabasa ng isa sa mga librong dala ko.
Ganoon lang ang ginagawa ko sa buong linggong hindi ko paglabas. Gigising ako ng mga bandang alas sais ng hapon, maglilinis ng bahay at magluluto ng pagkain. Pagkatapos ay pagpatak ng alas siete ay kakain na ako bago ipagpatuloy ang pagbabasa ng libro.
Sa ilang linggo ko rito ay nasanay na ako sa ingay ng mga kapitbahay. Mahilig silang magpatugtog pagsapit ng dilim at ang iba ay nagsasayawan pa sa plaza. Aakalain mo talagang palaging fiesta dahil tuwing gabi ay panay ang pagsasaya ng lahat.
May iilang mga kapitbahay na nagpupunta rito para yayain ako ngunit tinatanggihan ko. Pakiramdam ko ay hindi pa ako ganoon kasanay sa buhay rito at pakiramdam ko ay masyado pa akong pagod para makisama sa mga aktibidad nila ngunit iba ang gabing ito.
Tahimik akong naupo sa hamba ng bintana hawak ang librong balak kong basahin ngunit naaagaw ng ingay sa labas ang atensyon ko. Gusto kong lumabas at tignan kung ano ang ginagawa nila ngunit nahihiya akong basta na lang makihalubiho sa kanila gayong hindi pa naman ako gaanong nagtatagal dito at hindi pa nila ganoon kakilala.
Imbes na sayangin na lang ang oras sa pagtulala at pag-iisip kung magbabasa ba ako o lalabas, mas pinili ko na lang na buksan ang librong hawak at simulan ng basahin.
Ilang sandaki pa ay sabay na nagpunta sa bahay sina Aling Sita at Aling Lota na parehong may mga seryosong mukha na siyang ikinakaba ko. Agad kong ibinaba ang librong hawak at itinago iyon sa likuran ko kasabay ng pagbaba sa kinauupuan ko. Sinalubong ko sila sa may pintuan. "May problema po ba?" Tanong ko sa kabila ng kabang nararamdaman.
Ang dating nakangiti nilang mga mukha ay wala ngayon. Bahagya akong nakaramdam ng takot na siyang pilit ko ring itinago. "Sumama ka sa amin sa plaza. May importanteng bagay na kailangan mong makita." Seryosong turan ni Aling Sita na sinundan ng pagtango ni Aling Lota.
Hindi ko alam kung dahil sa sa trauma o ano pero ang kaba ko, umabot yata ng Maynila. Ibinato ko na lang ang libro sa sofa at hindi na ang aksaya pa ng oras sa pagsunod sa kanila. Ako ang nauuna sa paglalakad habang ang dalawa ay tahimik na nakasunod sa akin. Ramdam ko ang panginginig ng mga binti ko at parang isang linggong pinakuluan kaya nanlalambot ngunit kahit ganoon, pinilit kong maglakad ng diretso dahil nakikita ng dalawang Ale ang lakad ko. Ayokong makita nilang kinakabahan ako dahil nakakahiya iyon.
Ang gabi-gabing maingay na kalsada ay mayadong tahimik ngayon na siyang ikinakaba ko pang lalo. Mas binilisan ko pa ang lakad at nang makarating sa plaza, para akong binuhusan ng napakaraming semento at nanigas bigla sa kinatatayuan ko. Laglag ang panga ko habang nakatitig sa mga taong nakatayo sa gitna ng plaza at nakatitig sa akin. Hindi ko alam kung ngingiti ba ako o maiiyak dahil pakiramdam ko, dambuhalang tinik ang naalis sa lalamunan ko at nakaramdam ako ng matinding ginhawa.
Ang mga kapitbahay nami'y nakatayo sa gitna, may hawak na mga pinagdugtong-dugtong na papel at lahat sila ay nakangiti sa akin. Pinilit konh suklian ng isa ring ngiti ang magandang ngiting ibinibigay nila sa akin. May mahabang lamesa sa harapan nila na may iba't ibang uri ng pagkain. Mukhang matagal nilang pinaghandaan ang araw na ito at masasabi kong tagumpau sila.
"Welcome sa aming munting baryo, Joseph!" Sabay-sabay na sigaw nila. Halos mapunit na ang kanilang mga labi at ang iba ay masaya pang punapalakpak habang nakatitig sa akin.