Chapter 2
Hindi pa rin matahimik ang isip ni Megan kahit nakalabas na sila ng campus. Parang naiwan sa loob ng classroom ang isip niya. Tahimik siyang naglakad sa tabi ni Marky, hawak pa rin nito ang kamay niya, tila ba ayaw siyang pakawalan. Simula kinder, magkaklase na sila, halos araw-araw ay magkasama. Hanggang sa pag-uwi sa bahay. Napagkakamalan na nga silang magkapatid o dili kaya ay magkasintahan.
“Okay ka lang?” tanong ni Marky na panaka-nakang sinisilip ang mukha niya.
“Okay lang,” sagot niya agad, kahit alam niyang hindi iyon totoo.
Hindi na siya pinilit pa ni Marky. Tulad ng dati, hinayaan lang siya nitong mag-isip at damdamin ang nangyari kanina. Alam ni Marky na malungkot si Megan dahil mabilis lang na-break ang record niyang 99%. Alam niya kung gaano pinaghirapan ng kababata ang grado na ‘yun.
Lingid sa kaalaman ni Marky, hindi naman ito dahil sa bagong entrance exam record. Mas inaalala ni Megan kung sino ang misteryoso nilang kaklase na tila nakita niya na kung saan.
Pagdating nila sa parking area, agad binuksan ni Marky ang pinto ng sasakyan. Isang magarang Toyota Camry. Hindi pang milyonaryo pero pinaka angat sa lahat ng kotseng naka park doon.
Papasok na sana si Megan sa passenger’s seat nang may tumawag.
“Uy, Megan! Pauwi na kayo?”
Napalingon sila ni Marky. Isang kaklase nila ang papalapit, may dalang bag at halatang nagmamadali— si Dolly.
“Pwede makisabay? Same way lang naman tayo,” dagdag nito, medyo alanganin ang ngiti. ‘Ngayon lang naman sana… nagkulang kasi pamasahe ko. Hindi ko alam na may babayaran pala agad sa first day of classes."
Hindi malaman ni Megan kung anong isasagot kay Dolly. Kung paano niya matatanggihan in a nice way na hindi mao-offend ang kaklase.
“Ah—” magsasalita na sana siya nang sumabat si Marky.
“Sure,” sagot nito, walang pag-aalinlangan. “On the way naman.”
Napatingin si Megan kay Marky na bahagyang naningkit ang mga mata. “Marky…” mahinang saway niya.
Ngumiti lang ito, yung pabiro at hindi siya seseryosohin. “Isang sakay lang ‘yan, Meg,” bulong ni Marky sa tenga ni Megan para hindi marinig ni Dolly. Wala na siyang nagawa kundi umupo sa loob. Sumunod si Dolly at sa backseat umupo. Paulit-ulit na nagpapasalamat.
“Salamat talaga, ha. Akala ko mapapalakad ako ngayon.”
“Okay lang,” sagot ni Marky habang inaandar ang sasakyan.
Tahimik ulit. Wala naman pakialam si Megan kay Dolly. patuloy pa rin sa pag-iisip niya si Adrian.
At sa gitna ng biyahe, habang nakatingin si Megan sa bintana, hindi niya maiwasang isipin kung saan ba niya ito nakita at paano na ang pangarap niyang maging Outstanding Student of the Year ng Pedestal College. At dahil lang sa transferee na iyon ay bigla na lang guguho ang mga pinaghirapan niya.
Napansin agad ni Dolly ang paglapad ng kalsada, ang pagdami ng mga puno, at ang unti-unting pagkawala ng ingay ng siyudad. Hindi na ito yung karaniwang dinadaanan ng mga estudyante pauwi. Mas maaliwalas. Kung hindi siya nagkakamali ay pumasok sila sa isang exclusive village.
“Uy… dito kayo dumadaan?” hindi napigilang tanong ni Dolly at tumingin ng maigi sa bintana.
Hindi sumagot si Megan. Nakatingin lang siya sa labas dahil sanay na sa tanawing iyon.
Ilang sandali pa, dahan-dahang pumasok ang sasakyan sa isang malawak na driveway. Automatic na bumukas ang malaking gate, at nakita ni Dolly ang bahay.
Hindi iyon simpleng bahay. May parang arko at nakaukit ang salitang “Welcome to Barbara Balay”.
Isang mala-mansyon na bahay, may malawak na front yard, may bonggang hardin, at may gazebo pa at greenhouse. Alam niyang mayaman si Megan pero hindi akalain ni Dolly na ganito pala kayaman.
“Sandali… dito ka nakatira?” hindi napigilang tanong ni Dolly na punong-puno ng pagkamangha at gulat.
Doon lang bahagyang napalingon si Megan. “Bababa na ako,” sabi niya na parang walang narinig. Pero bago pa siya makalabas ay hinablot ni Marky ang pulsuhan niya para siya ay pigilan.
“Ihatid na natin si Dolly sa sakayan. Mag joyride ka muna,” kalmado nitong sabi habang hawak pa rin ang manibela at pulsuhan niya.
Napatingin si Megan sa kababata slàsh driver kuno. May kung anong gustong sabihin, pero pinili na lang niyang manahimik. Hindi na siya bumaba ng kotse.
“Hala Marky. Hindi na, okay lang. Dito na ako bababa. Nakakahiya naman kay Megan,” agad na tanggi ni Dolly dahil siya ay nahihiya.
“Ay hindi Dolly. No worries. Si Marky lang kasi ang inaalala ko. Baka pagod na siya. Eh kung ok lang sa kanya, wala naman problema,” sabi ni Megan at ngumiti.
“Okay lang,” segunda ni Marky habang nakangiti rin. “Malapit lang naman, saka mabait naman ‘yang amo ko.”
Hindi na nakapagsalita si Dolly. Panay pa rin ang pasasalamat. Habang umaandar ulit ang sasakyan palabas ng gate, hindi niya maiwasang mapatingin sa rearview mirror, sa bahay, sa malawak na garden at matayog na bahay.
Napatingin si Dolly kay Megan, salitan ng tingin kay Marky. Tahimik lang ang dalawa. Hindi niya maiwasan na mainggit kay Megan. Bakit ang unfair ng buhay? Bakit tila mas mahal ng Maykapal si Megan?
Paanong ang isang dalagang tulad niya at kaedad niya ay biniyayaan ng ganda, yaman, talino, karisma, at lahat ng bagay na pwedeng hilingin ng isang babae ay na kay Megan na. Mayroon pa itong gwapong driver na palagi niyang kasama.
“Dito ba ‘yung sakayan mo. Dolly?”
Napabalik sa wisyo si Dolly nang marinig ang boses ni Marky, masyadong okupado ang isipan niya ng mga bagay na kinaiinggitan niya kay Megan.
“Ah oo, dito. Salamat Marky, salamat Megan. Ingat kayo ha,” sabi ni Dolly at nagpaalam na.
Habang pabalik sila Marky at Megan sa Barbara Balay ay hindi mapigilan ni Megan na magsalita.
“Marky, hindi mo naman kailangan maging mabait palagi. Learn how to say ‘no’. Nakakahiya naman sa'yo.”
“Maliit na bagay, Meg. Hayaan mo na,” sagot nito at napabuntong hininga na lang ang dalaga. Sadyang mabait lang talaga ang kababata.
Pag balik nila sa Barbara Balay, kung saan sila nakatira, gaya ng palagi, sinalubong sila ng isang sopistikadang donya, may katandaan na ito ngunit maganda pa rin at may kadaldalan.
“Good afternoon po, Donya Barbie,” bati ni Megan sa matanda.
“Hi hija. Oh, kumusta na kayo ni Marky? Buntis ka na ba?”
“Mamita!” bulalas ni Marky. Nahiya siya kay Megan. Bagama't nauunawaan naman ng lahat na may dementia ang lola niya, ganun pa man nakakahiya pa rin kay Megan.
“Ay bakit? Ang tagal niyo nang kasal. Hindi pa rin makabuo? Magpa check-up ka na, aba'y paano ang magandang lahi natin niyan? At gusto ko na magkaroon ng apo sa tuhod. Nakaka-miss ang halakhak ng baby…”
Natahimik na lang si Marky. Napapagod na siyang magpaliwanag ng paulit ulit sa lola niyang may dementia.
“Donya Barbie, halika na po sa kusina, paghahandaan ko na kayo ni Marky ng hapunan at ng maka-inom na kayo ng gamot niyo,” sabi ni Megan at inalalayan ang donya patungong kusina. Nakasunod lang si Marky sa likod.
Nang pinaupo ni Megan ang matanda sa harap ng hapag, inakbayan siya ni Marky at bumulong ito sa kanyang tenga. “Salamat Meg, sa pagta-tyaga sa Mamita ko. Pasensya na sa mga pinagsasasabi niya. Sakyan na lang natin.”
Hinawakan ni Megan ang kamay ni Marky at ngumiti. “Mark… ako ang dapat magpasalamat. Hayaan mo, ilista mo na lang ang mga utang ko at makakabayad din someday, kahit papaano… Kahit na alam ko namang walang kabayaran ang utang na loob —”
Bahagyang humigpit ang hawak ni Marky sa kamay niya para pigilan ang susunod niyang sasabihin. Umiling ito at seryosong tumitig sa kanyang mga mata. “Huwag mo nang isipin ang pagbayad, Meg. Wala kang utang. Trabaho ’yan.”
Napakurap si Megan. Hindi alam kung anong isasagot. Hindi pa rin bumibitaw si Marky. Sa halip ay lalo pa itong lumapit sa kanya.
“Pero kung gusto mo talagang tumanaw ng utang na loob…”
Napalunok si Megan. Hindi niya alam kung bakit biglang bumilis ang t***k ng puso niya. Parang may kakaiba kay Marky. Bakit masyado yata itong seryoso ngayon…
“A-ano?” nauutal niyang tanong na halos pabulong.
“Totohanin kaya natin yung hiling ni Mamita…” bahagya itong ngumiti, ngunit hindi naalis ang seryosong tono. “Na bumuo tayo ng apo niya sa tuhod.”
ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER. . .