Chapter 3
“Pero kung gusto mo talagang tumanaw ng utang na loob… Totohanin kaya natin ‘yung hiling ni Mamita… Na bumuo tayo ng apo niya sa tuhod.”
Napatitig si Megan kay Marky nang ibulong ito sa tenga niya, tila hindi agad naintindihan ang sinabi nito. Bakit parang huminto ang oras sa mga sandaling iyon? Ang kaninang ingay sa kusina at ang boses ni Donya Barbie… lahat iyon ay tila naglaho.
“Ano…” mahinang tanong ulit Megan. Baka kasi nabingihan niya lang o kung iyon man talaga ang sinabi nito ay alam naman niyang nagbibiro lang ang kababata.
Ngunit hindi na binawi ni Marky ang sinabi nito. Nakatitig lang ito sa kanya ng seryoso. At nagsimula nang bumuhos sa isip ni Megan ang ‘what ifs’.
What if seryoso si Marky?
What if… gusto talaga siya ni Marky?
What if gusto talaga nitong bumuo na ng sariling pamilya… ngayon?
Biglang tumindi ang kabog ng dibdib niya.
“Marky…” napaatras siya ng bahagya at pilit na hinahanap ang tamang salita. “Hindi ‘yan ginagawang biro, Mark.”
“Sino ba kasing nagsabing nagbibiro ako?” sagot nito, diretso ang titig sa kanyang mga mata.
Dito na nataranta si Megan. “Hindi pa ‘ko handa sa mga ganyan. Second year college pa lang tayo. Ang dami ko pang pangarap sa buhay. Ang maging top student, ang patunayan ang sarili ko, ang magkaroon ng sariling bahay, may sariling kotse… hindi ‘yung gaya nito…”
Sandaling natahimik si Marky. “Grabe ka naman, Meg,” sabay tawa. “Relax. Prank lang ’yon.”
“Ha?”
“Oh goodness, Megan. Look at your face,” natatawang dagdag ni Marky. “Akala mo talaga seryoso ako? So kung graduate na pala tayo, papayag ka?”
Hindi agad nakasagot si Megan. Nakatingin lang siya rito, pinoproseso ang lahat. Unti-unting napalitan ng inis ang kaba sa dibdib niya nang magsink in na sa kanyang isip na binibiro lang siya ni Marky.
“Ang corny mo. Nakaka- inis ka,” saad niya na nakasimangot, sabay iwas ng tingin. “Hindi nakakatawa.”
“Eh natawa ako,” depensa ni Marky at pangisi-ngisi pa.
Tumalikod si Megan, kunwari ay busy sa pag-aayos ng mga gamit sa mesa. Pero sa loob niya ay hindi pa rin tuluyang nawawala ang kabang naramdaman niya kanina.
Ayaw man niyang maging assuming pero sa tagal ba naman nilang magkasama sa iisang bubong, buong buhay nila, iba na ang turingan nila. Hindi malayong mahulog sila sa isa't isa. Lalo pa't magkasama sila araw araw.
Pero nakatatak na sa isip ni Megan, isa lang siyang anak ng mayordoma at driver ng mga Rivero. At hanggang doon lang ang lahat ng namamagitan sa kanila ni Marky.
~ ~ ~ ~ ~
Kinagabihan, habang tahimik na ang buong Barbara Balay at tanging huni na lang ng mga kuliglig ang maririnig sa likod-bahay, marahang kumatok si Marky sa pinto ng kwarto ni Megan. Kasama ni Megan ang Nanay Iska at Tatay Ador niya sa munting bahay sa gilid ng Barbara Balay. Palagi naman pumupunta si Marky dito simula pa ng mga bata sila ni Megan, parang pangalawang bahay niya na rin ito. Ganun din si Megan sa buong Barbara Balay, malaya siyang pumasok sa lahat ng kwarto doon kahit pa kay Marky, maliban sa master's bedroom na silid ng mga mga magulang ni Marky.
“Megan… gising ka pa?” mahinang tawag ni Marky.
Binuksan ni Megan ang pinto, bahagyang nakakunot ang noo. “Bakit?”
Ngumiti si Marky na medyo pa-cute ang dating. Alam na agad ni Megan na may pabor itong hihingiin kapag ganito na ka-lambing ang ngiti ng kababata. “Pwede magpaturo? Assignment lang.”
Tinaasan siya ng kilay ni Megan. “Ikaw pa talaga magpapapaturo? Mas matalino ka kaya sa’kin. Masipag lang ako saka matyaga.”
Umiling si Marky, kunwaring nahihiya. “Hindi ah. Magaling ka talaga.”
Napabuntong hininga si Megan. “So anong point? Bakit kailangan mo pa ng tulong ko? Tingin ko, ang kulang lang talaga sa’yo ay kasipagan. Try mo kaya munang tulungan ang sarili mo maging masipag bago kita tulungan.”
Ngumisi si Marky at bahagyang yumuko para sumilip sa loob ng kwarto niya.
“Sige na. Naglalambing lang eh. Ikaw ang Outstanding Student of the Year ko eh. I mean ng Pedestal.”
Napailing na lang si Megan pero hindi na siya nakipagtalo pa. “Sige, pasok ka na. Bilisan mo lang, ha? Maaga pa ako bukas.”
Sa gitna nang pagtuturo ni Megan, bigla na lang napahugot ng malalim na paghinga si Marky. May kakaibang tensyon ang namagitan sa kanilang dalawa.
“Bukas, huwag kang madi-distract sa bagong transfer,” seryosong sabi ni Marky.
“Si… Adrian? B-bakit naman?”
Tumayo na si Marky, wala na siyang paliwanag pa.
“Good night, Meg.”
Hindi na nakapagsalita pa si Megan. Halos hatinggabi na rin kasi kaya kailangan nang makauwi ni Marky.
Habang si Megan, hindi pa rin makatulog… inaalala ang sinabi ng kababata.
O baka si Adrian mismo ang bumabagabag sa kanyang isip.
Paano nalaman ni Marky na nadi-distract siya kay Adrian?
~ ~ ~ ~ ~ ~
Maaga pa lang ay gising na si Megan. Nakapusod ang mahaba niyang buhok, suot ang simpleng damit-pambahay habang nagpe-prepare ng almusal ni Donya Barbie at baon nila Marky sa school.
“Megaaaaan!” malakas na tawag ni Mamita mula sa sala.
“Papunta na po!” sagot niya sabay patay ng apoy.
Ilang sandali pa ay nasa harap na niya si Donya Barbie, nakaupo sa paborito nitong upuang tumba-tumba. “Ano bang oras na? Late na si Marky! Kawawa naman ang asawa mo, hindi mo man lang inaasikaso.”
Napangiti na lang si Megan. Sanay na siya sa ganitong salita ng donya. “Opo, Donya Barbie. Ihahain ko na po.”
Bumaba si Marky mula sa hagdan, bagong paligo at planstadong-planstado ang uniporme. Si Megan ang nagplantsa nito. Umupo sa mesa na parang walang problema sa mundo.
“Good morning,” bati niya sabay abot ng baso kay Megan.
Tahimik naman siyang pinagsilbihan at binato rin ng “morning”.
“Baon ko?” tanong ni Marky habang kumakain.
“Ito na po,” sagot niya habang inaayos ang lunch box.
Nakamasid si Mamita sa gilid at nakangiti parang teen-ager na kinikilig. “Ayan, ganyan talaga. Inaalagaan dapat ang asawa.”
Napailing na lang si Megan. Si Marky naman ay pasimpleng humahagikgik, halatang nasisiyahan sa sitwasyon.
Pagkatapos kumain, agad na inayos ni Megan ang mga gamit at nagbihis ng uniporme. Aabutin na sana niya ang bag ni Marky para ito dalhin nang agad na inagaw iyon ni Marky.
“Ako na,” mabilis nitong sabi.
“Senyorito, ako na,” giit ni Megan.
“Meg! I said don’t call me ‘senyorito’!” hiyaw ni Marky at agad ding humupa ang boses. “Relax, Meg. Ako na bahala.”
“Mark, nakakahiya talaga. Kasalanan mo talaga kung bakit akala ng lahat eh driver kita. Paano pag nalaman nila Senyora Ursula at Don Pablo ‘yang pinaggagawa natin sa school? Na inaalila kita. Ginagawang driver.”
Ngumiti lang si Marky. “Chill, Meg. Wala akong paki.”
Napabuntong hininga si Megan. Hindi na bago sa kanya ang ganitong eksena, pero hindi pa rin siya sanay. Siya ang anak ng mayordoma. Siya ang dapat na nagsisilbi kay Marky kahit saan man sila magpunta. Kung sa ibang lalaki, ang estado sa buhay ni Marky ang kaiinggitan pero para sa kababata, tila wala itong pakialam kahit na pagkamalan siyang driver.
“Mark.. ayaw kitang maging—”
“Alipin mo?” putol ni Marky. “Why not? Ayaw mo n’un? Makakaganti ka na sa’kin kasi lagi kitang inuutusan sa bahay.”
“Ano ka ba, trabaho ko ‘yun.”
Nang nasa loob na sila ng kotse, patuloy pa rin sila sa kanilang diskusyon.
“Meg. You’re actually doing me a favor. Alam mo naman na ayoko ng center of attraction.”
Natahimik si Megan.
Alam niya iyon. Sa school pa lang, maraming humahanga kay Marky. Gwapo kasi ito, approachable, mabait, makinis, halata sa balat nito ang kutis-mayaman. Maraming secret admirers. Paano pa kung malaman ng mga iyon kung sino talaga si Marky? Na isa talaga itong milyonaryo.
“I prefer this peace. Walang babaeng sunod nang sunod sa akin.”
“Edi sige, kung ‘yan ang trip mo. Seatbelt,” utos ni Megan na parang totoong amo.
“Right away, senyorita,” sabi ni Marky at tumawa.
“At bilisan mo. Ayokong nale-late.”
“Copy, boss.”
Nang malapit na sila sa Pedestal, naabutan sila ng stop light. Napansin nila ang dalawang naglalakad na estudyante sa katirikan ng araw kahit na alas siyete pa lang– si Dolly at si Adrian.
Biglang kumabog ang dibdib ni Megan nang magtama ang tingin nila ni Adrian.
Bakit? Bakit ganito ang nararamdaman niya sa lalaking banta sa mga pangarap niya?
ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER…