Anim na buwan ang nakakaraan, isang araw na tila pangkaraniwan lamang sa buhay ni Romina Garcia. Hindi niya alam na ito ang magiging huling araw ng kanyang dating buhay—isang araw na magbabago ng lahat.
Isang pangkaraniwang araw,
maaga pa lamang ay abala na si Romina sa huling flight ng kanyang schedule. Bilang isang flight attendant sa loob ng limang taon, gamay na gamay na niya ang bawat galaw at proseso ng kanyang trabaho. Masinop siya sa kanyang uniporme, mula sa puting blouse hanggang sa navy blue na palda. Palaging maayos ang pagkakalagay ng kanyang nameplate: Romina G.
Paglapag ng eroplano sa NAIA, isang maluwag na ngiti ang ibinigay niya sa captain ng eroplano, si Captain Rodrigo, na isa na rin niyang matalik na kaibigan.
“Maganda ang paglapag, Captain. Wala na naman tayong pasaway na pasahero!” biro ni Romina.
Tumawa ang kapitan. “Kahit kailan, ikaw talaga, Romina. By the way, narinig mo na ba ang balita?”
Nagulat siya. “Anong balita?”
“Mag-reretire na si Ma’am Celia, yung head steward natin. At mukhang ikaw ang susunod,” sagot nito, may tipid na ngiti.
Napakunot ang noo ni Romina. “Totoo ba ‘yan? Sana nga. Malaking tulong iyon para mas makaipon ako. Pero kung totoo, nakakalungkot din at tiyak ma-mi-miss natin si Ma'am Celia”
“Oo naman, pero deserve mo ‘yan. Isa ka sa pinakamagagaling at pinaka-maasahan sa team, tiyak ako gusto rin ni Ma'am Celia na ikaw ang pumalit sa kaniya.” sabi ni Captain Rodrigo bago ito tumalikod.
"Masaya ako at ang taas ang tingin nyo sa kakayahan ko. Maswerte ako at kasama ko kayo sa team. Laging magaan lang experience ko sa flight kapag kayo ang kasama."
"Kami rin lahat. O siya, mag-iingat ka, traffic ngayon. See you!"
"Ikaw rin Captain!"
Bitbit ang magandang balita, ay lumabas na si Romina, binati pa sya ng ilan sa mga kasamahan habang papalabas sya ng airport. Nag-book sya ng taxi online, at sakto naman na pagkalabas nya ay naroon na ang taxi.
Sumakay si Romina sa isang taxi pauwi sa kanyang condo.
"Kuya sa Sky Residences po tayo doon sa 2nd entrance kasi may ginagawa doon sa 1st eh."
"Okay, Ma'am. Pasuot na lang po ng seatbelt."
Pakiramdam niya ay mas magaan ang araw, at ang dalawang linggong pahinga ay parang isang biyaya matapos ang mahabang trabaho.
Habang binabaybay ng taxi ang ruta pauwi, napatigil ang kanyang mga mata sa isang simbahan na dinadaanan nila. Sa labas nito ay napakaraming magagandang bulaklak—rosas, liryo, at iba pa—na animo’y sinadyang ayusin para sa isang espesyal na araw.
“May kasalan yata,” puna ni Romina sa driver.
“Oo nga, Ma’am. Kahapon pa nga traffic dito, dahil po ata sa setup. Mukhang engrande eh. Mayaman po ata ang ikakasal."
Napatitig sya lalo sa labas. Sa itsura ng mga naroon, ng mga bisita sa labas, mukhang mayaman nga ang ikakasal ngayon. Kilalang-kilala rin kasi ang simbahan na ito na madalas pagdausan ng kasal ng mga mayayaman at mga celebrity.
"Malamang masayang-masaya ang mag-iisang dibdib ngayon,” sagot nito habang bahagyang bumagal ang sasakyan upang makaiwas sa trapiko. "Talagang pinagkagastusan ang kasal. Engrande oh?"
Napangiti si Romina. Habang minamasdan niya ang mga bulaklak at ang sigla sa paligid ng simbahan, hindi niya maiwasang mangarap ng isang araw na siya rin ay maging masaya sa piling ng taong magmamahal sa kanya. May mga naging kasintahan din sya noon pero hindi nagtatagal dahil na rin sa kanyang trabaho na madalas ay wala at nasa ibang bansa.
Siguro balang araw, makakahanap rin sya ng taong mamahalin sya ng tunay. Lalaki na aalukin sya ng kasal. Makakasama habambuhay. Pero sa ngayon ay nakatuon ang pansin nya sa pag-iipon muna para naman tuluyan na syang mamuhay malayo sa mga taong tinatakasan.
Ngunit bago pa man magtagal ang kanyang pag-iisip, mabilis na bumalik ang sasakyan sa kanilang ruta.
Hindi pa man sila nakakalayo mula sa simbahan, isang malakas na kalabog ang bumalot sa paligid. Nayanig ang taxi, halos mapalipad ang katawan ni Romina sa lakas ng impact.
“Diyos ko!” sigaw ng driver, ngunit ang lahat ng sumunod ay naging parang isang malabong alaala.
Narinig ni Romina ang pagputok ng salamin, ang tunog ng mga gulong na bumangga sa kalsada, at ang sigawan ng mga tao sa paligid. Pilit niyang inabot ang kanyang bag, ngunit bago pa siya makagalaw, isang matalim na sakit ang bumalot sa kanyang ulo.
Pagdilat ng kanyang mga mata, ang paligid ay madilim. Wala siyang marinig kundi ang tunog ng mga ambulansya at mga boses na tila napakalayo. Pinilit niyang gumalaw, ngunit ang katawan niya ay parang nakapako sa upuan. Ang huling naramdaman niya ay ang malamig na hangin na tumatama sa kanyang pisngi bago siya tuluyang nawalan ng malay.
Isang Mundo ng Kadiliman
Nagising si Romina sa ospital, nakabalot ang ulo sa makapal na benda. Ang una niyang napansin ay ang kawalan—kawalan ng liwanag.
“Doc? Bakit wala akong makita?” tanong niya, pilit na itinatayo ang sarili mula sa kama.
Isang malamig na kamay ang humawak sa kanyang balikat. “Romina, kumalma ka muna,” sabi ng doktor, ngunit ang boses nito ay puno ng pag-aalala.
“Bakit hindi ako makakita? Ano’ng nangyayari?” nanginginig niyang tanong.
“Romina…” Bumuntong-hininga ang doktor bago nagsalita.
“Ang impact ng aksidente ay nagdulot ng pinsala sa optic nerves mo. Dahilan upang mawala ang paningin mo. Sa ngayon, hindi mo muna magagamit ang iyong paningin.”
“Sa ngayon?” Bulong niya, umaasang may kasunod na magandang balita.
“May posibilidad na bumalik ang paningin mo sa pamamagitan ng operasyon. Pero hindi tayo sigurado,” paliwanag ng doktor.
Para bang gumuho ang mundo ni Romina. Ang dating makulay at masayang buhay ay biglaang napalitan ng kadiliman at kawalang-kasiguraduhan.
Ang dalawang linggong bakasyon na pinangarap niyang gawing oras ng pahinga ay naging isang mahabang yugto ng pagbangon mula sa trahedya. Ang dating flight attendant na sanay sa paglipad ay ngayo’y nakatali sa kama ng ospital, umaasa sa tulong ng iba.
Alam niyang ang pangarap nya ngayon ay mapuputol dahil sa nangyari sa kanya. Alam niyang sa nangyari ngayon ay mawawala na rin ang kanyang trabaho. Hindi niya na alam kung paano sya babangon. Lalo pa ngayon na mag-isa na sya.