Mahigit isang linggo na ang lumipas mula nang maaksidente si Romina. Isang linggo ng kawalan, ng pagharap sa madilim na realidad na hindi na niya maaaring balikan ang buhay na dati niyang ginagalawan.
Nitong umaga lang, dumalaw sa kanya ang isang kinatawan mula sa human resources ng airline na kanyang pinagtatrabahuhan. Kahit hindi pa ito nagsasalita, batid na ni Romina ang balitang dala nito. Hindi na siya bahagi ng kumpanya.
“Romina… gusto naming malaman mo na labis kaming nalulungkot sa nangyari sa iyo,” malumanay na simula ng HR manager. “Ngunit alam mong may patakaran ang kumpanya tungkol sa physical capabilities ng crew. Sa iyong kalagayan, alam mong hindi ka na maaaring bumalik.”
Ramdam ni Romina ang sinseridad sa tinig nito, pati na rin ang lungkot sa tinamong kapalaran ng isang empleyadong may potensyal na umangat pa. Hindi na siya nagtanong. Wala nang saysay pang umapela o ipaglaban ang posisyong alam niyang hindi na niya magagampanan.
“Bilang kabayaran, narito ang settlement package na ibinigay ng kumpanya. Isa itong tulong sa iyo para sa agarang pangangailangan mo,” dagdag nito, kasabay ng paglapag ng mga papeles sa mesa.
Napangiti si Romina, pilit na pinapakita ang lakas ng loob. “Maraming salamat, Ma’am. Naiintindihan ko po.”
Isang mahigpit na yakap ang ibinigay ng HR manager bago ito umalis, at doon na lang tuluyang lumubog sa katotohanan si Romina. Wala na siyang trabaho. Wala na siyang direksyon.
Kinabukasan, isang nurse ang lumapit sa kanya habang nagpapahinga.
“Ma’am Romina, ihahanda na po namin kayo para sa discharge,” anunsyo nito.
Napakunot ang noo ni Romina. “Discharge? Wala pa akong inaasahang kukuha sa akin.”
“May dumating na po para sunduin kayo,” sagot ng nurse.
Bago pa man siya makapagtanong pa, isang pamilyar na tinig ang narinig niya. Isang tinig na matagal na niyang kinalimutan, pilit na iniwasan—tinig ng kanyang ina, si Donya Carmela.
“Ay, salamat naman at puwede na siyang lumabas. Napakatagal naming naghintay,” anang babae, punong-puno ng pag-aalalang hindi tunay.
Sinundan pa ito ng isa pang boses, mas mababa ngunit puno ng lamig—ang kanyang ama, si Don Manuel.
“Matagal mo kaming pinahirapan, Romina. Ngayon, wala ka nang choice kundi bumalik sa amin,” anang lalaki, halatang pinipigilan ang pagkainis.
Napakuyom ng kamao si Romina. Alam niyang ito ang protocol ng kumpanya—kapag walang inirehistrong emergency contact, awtomatikong tatawagan ang pamilya. Ngunit hindi siya handa na makaharap muli ang dalawang taong pinili niyang iwanan noon.
Habang nasa harap ng mga nurse, umarte ang kanyang ina na tila isa siyang mapagmahal at nag-aalalang magulang. “Huwag kang mag-alala, anak. Aalagaan ka namin.”
Romina hindi kumibo. Hindi niya naisip na babalik siya sa impiyernong tinakasan niya noon.
Nang lumabas ang mga nurse at naiwan silang tatlo sa loob ng kwarto, agad na nagbago ang tono ng kanyang ina.
“Tingnan mo nga naman ang nangyari sa suwail kong anak,” sarkastikong wika ni Donya Carmela, may halong paghamak sa tinig. “Ayan ang napapala mo sa pagtatago sa amin. Ngayon, wala ka nang ibang aasahan kundi kami.”
Mula sa kanyang kinalalagyan, pilit pinanatili ni Romina ang kanyang matibay na paninindigan. “Hindi ko kailangan ang tulong niyo.”
Natawa nang mapait si Don Manuel. “Talaga? Paano ka mabubuhay nang mag-isa? Wala kang trabaho, wala kang matitirhan, at higit sa lahat—wala kang paningin.”
Napasinghap si Romina. Alam niyang mahirap ang kanyang sitwasyon, pero sa mismong harapan ng mga taong walang ibang ginawa kundi sirain siya, lalo lamang siyang nadurog.
Isang sasakyan ang naghihintay sa labas ng ospital, at kahit labag sa loob ni Romina, wala siyang magawa kundi sumama. Hindi pa niya kayang mag-isa, at wala siyang ibang matatakbuhan.
Sa buong biyahe, nanatili siyang tahimik habang ang kanyang ina ay panay ang sumbat. “Kung sana’y hindi ka lumayas noon, hindi ka sana nagkakaganito.”
Pinilit ni Romina na huwag makinig. Alam niyang kahit anong paliwanag, kahit anong pagtatanggol sa sarili, ay walang saysay sa mga magulang niyang hindi kailanman inisip ang kanyang kapakanan.
Pagdating sa lumang mansyon ng kanilang pamilya, bumalik lahat ng alaala— hindi nya man nakikita ang paligid ay ramdam nya ang magarbong tahanan na puno ng kasinungalingan, ang mga gabing ginugol niya sa pagluha sa silid niya habang naririnig ang mga sigawan ng kanyang mga magulang, ang walang katapusang panunumbat.
Ngayon, isa na namang panibagong yugto ng kanyang buhay ang magsisimula—isang yugto na hindi niya ginusto.
At hindi pa niya alam, isang lalaking kasing-itim ng kanyang kapalaran ang naghihintay sa kanya.
"Hindi lang ba paningin ang wala sa’yo? Kundi salita rin?"
Malamig. Matigas. Halos hindi niya maintindihan kung may pangungutya o simpleng kawalan ng emosyon sa tono ng lalaki.
Walang salita ang lumabas sa mga labi ni Romina matapos marinig ang kanyang asawa—isang estrangherong ipinilit sa kanya sa isang kasal na hindi niya nakita, hindi niya naunawaan, at hindi niya kailanman pinangarap.
Bumalik siya sa kasalukuyan, pilit inaalis ang bigat sa kanyang dibdib. Hindi niya alam ang itsura ng lalaking nasa harapan niya. Hindi niya makita kung paano siya tumingin, kung paano siya ngumiti—kung nakangiti nga ba ito o nakakunot-noo habang nakatitig sa kanya. Ngunit sa paraan ng kanyang pananalita, sigurado si Romina—panibagong impiyerno na naman ang kanyang haharapin.
Huminga siya nang malalim bago sumagot, pinipilit ipanatag ang sarili.
"Patawad, nabigla lang ako sa mga kaganapan sa araw na ito. Akala ko ay biro lang na ikakasal ako, lalo pa at wala ka naman sa mismong ceremony, kung ceremony nga ang naganap kanina."
Natahimik ang pagitan nila. Ramdam ni Romina ang malamig na hanging dumaan sa kanila, ngunit mas malamig ang pakiramdam na dala ng presensya ng lalaking kaharap niya.
Maya-maya, nagsalita ito.
"May importante akong ginawa kaya hindi ako nakadalo. Pero ang mahalaga lang naman ay ang dokumento. Pinirmahan ko na pagkarating mo. Kaya kasal ka na sa akin, may nangyari man na ceremony o wala, Romina."
Walang emosyon ang kanyang boses. Para bang isa lamang itong transaksyon—hindi isang kasal kundi isang kontratang nilagdaan para sa isang layunin na hindi niya pa rin lubusang naiintindihan.
Pinilit ni Romina na huwag magpakita ng emosyon. Wala siyang karapatan na magreklamo. Wala siyang pagpipilian.
Nagsalita muli ang lalaki, at sa pagkakataong ito, mas matigas at mapanindigan ang kanyang tinig.
"Tara na sa kwarto."
Nagpigil ng hininga si Romina. Ito na ba? Ang unang gabi nilang magkasama bilang mag-asawa? Wala siyang nakikita, pero kaya niyang maramdaman ang panganib. Ang init ng kanyang katawan ay tila nanlamig sa ideya ng kanyang maaaring kaharapin sa gabing ito.
Hindi. Hindi siya dapat magpakita ng kahinaan.
Pinanindigan niya ang kanyang tapang at muling nagsalita.
"Alam mo ang pangalan ko. Pero bago ang lahat, gusto kong malaman kung ano ang sa iyo. Anong pangalan ng napangasawa ko?"
Tahimik. Ilang segundo ang lumipas at narinig niya ang marahang yabag ng sapatos sa sahig. Papalapit ito sa kanya.
Naramdaman niya ang bahagyang pagdikit ng kanyang balat sa init ng katawan ng lalaki. Napalunok siya.
Hanggang sa bumaba ang isang malamig na tinig sa kanyang pandinig.
"Alessandro Yviz Manuel Antonio. Tawagin mo lang ako sa unang pangalan ko."
Isang saglit ng katahimikan. Hanggang sa maramdaman niya ang kamay nitong humawak sa kanyang braso. Hindi niya alam kung para alalayan siya o para ipakita lamang ang kanyang kontrol.
At sa gabing iyon, sa hindi niya nakikitang mundo, nakilala niya ang lalaking magiging bahagi ng kanyang buhay—isang misteryosong lalaki na maaaring magdala sa kanya sa panibagong bangungot.