Chapter 4

1038 Words
Malamig ang palad ni Alessandro habang mahigpit niyang hinawakan ang braso ni Romina, inalalayan siya sa pag-akyat sa hagdan. Mabagal ang bawat hakbang niya, maingat na pinakikiramdaman ang sahig na hindi niya nakikita. Pakiramdam niya’y may malalim na puwang sa pagitan nila—hindi lang dahil sa kanyang pagkawala ng paningin, kundi dahil na rin sa misteryong bumabalot sa kanyang asawa. Tahimik si Alessandro. Wala itong binibitawang salita mula nang sabihin nito ang kanyang pangalan. Hindi rin siya nakaramdam ng anumang pwersa sa paghawak nito sa kanya. Hindi siya kinakaladkad o hinihila, kundi marahan siyang ginagabayan, na para bang hindi siya isang babaeng ibinenta sa isang lalaking hindi niya kilala. Nang marating nila ang itaas, nadama ni Romina ang paggalaw ng hangin mula sa pagbukas ng isang pinto. Ilang hakbang pa at naramdaman niyang pinapasok na siya ni Alessandro sa loob ng isang silid. Iniangat niya ang kanyang mukha, pilit iniimagine kung anong itsura ng silid na kinaroroonan niya. Malaki ba ito? Maliwanag ba? May mga mamahaling gamit ba? Ngunit sa totoo lang, wala siyang kahit anong ideya. Ang tanging bagay lang na sigurado siya, ay ang lalaking kaharap niya ngayon. Handa na siya. Pinaghandaan na niya ang gabing ito—ang inaasahan niyang kapalit ng kasal na ito. Kahit pa wala siyang naramdamang pagnanasa mula kay Alessandro, alam niyang bilang kanyang asawa, may tungkulin siyang dapat gampanan. Kung kailangang tiisin niya ang gabing ito, gagawin niya. Hanggang sa bigla siyang binitiwan ng lalaki. "Hintayin mo si Liza dito. Siya na ang bahala na magpaligo at magbihis sa'yo para mapamilyar ka rin sa silid." Walang emosyon ang boses ni Alessandro, diretso at walang alinlangan. Pagkatapos niyang sabihin iyon, walang babala itong lumakad palayo. Hindi niya naramdaman ang kahit anong pag-aalinlangan sa bawat hakbang ng lalaki. Walang pagdadalawang-isip. Walang kagustuhang manatili sa tabi niya. Narinig niya ang pagbukas ng pinto, kasunod ng marahang pagsasara nito. At naiwan siyang mag-isa. Hindi iyon ang inaasahan niya. Ang buong akala niya’y pipilitin siya ng lalaki, na dadaanin siya sa dahas, na ipaparamdam sa kanya na pag-aari na siya nito. Ngunit wala. Walang kahit anong pwersa. Walang pang-aangkin. Bakit? Napabuntong-hininga siya, hindi alam kung matutuwa ba siya o dapat siyang matakot sa pananahimik ng lalaki. Pinakiramdaman niya ang paligid, pero wala siyang narinig na kahit anong tunog maliban sa sarili niyang paghinga. Ang kanyang mga kamay ay marahang gumalaw, hinanap ang unang bagay na mahahawakan. Nakapa niya ang malambot na kutson sa kanyang likuran. Kama. Malaki at tila mamahalin ang tela ng sapin. Dahan-dahan siyang naupo. Hindi niya maintindihan ang sarili. Nais niyang mabawasan ang takot na nararamdaman niya kay Alessandro, pero sa ginawa nitong pag-iwan sa kanya, parang lalo lang niyang hindi maintindihan kung ano talaga ang nasa isip nito. Maya-maya, narinig niya ang pagbukas ng pinto. Isang malumanay na boses ng isang babae ang narinig niya. "Señora, ako po si Liza. Ako po ang personal na mag-aalaga sa inyo." --- Maingat na inalalayan ni Liza si Romina patungo sa banyo. Bawat hakbang ay sinasabayan nito ng malumanay na paliwanag upang tulungan siyang makabisado ang daanan. "Dito sa kanan, Señora, may maliit na lamesa. Pwede n’yong kapitan ang gilid kung kinakailangan. Medyo madulas ang sahig, kaya dahan-dahan lang tayo." Pinakiramdaman ni Romina ang daanan gamit ang kanyang mga kamay. Tama nga si Liza, naramdaman niya ang matigas na kahoy ng lamesa sa kanyang kanan. Hinawakan niya ito, nagbigay sa kanya ng kaunting kumpiyansa habang naglalakad. "May tatlong hakbang tayo pababa papunta sa banyo, Señora. Hawakan n’yo lang po ang braso ko." Marahan siyang inalalayan ni Liza pababa. Nang makarating sila sa pinto ng banyo, naramdaman ni Romina ang malamig na hawakan ng pinto. Binuksan ito ni Liza, at agad niyang naamoy ang malinis at preskong amoy ng mga mabangong sabon at langis. "Narito na po tayo, Señora. Malawak ang banyo, at may bathtub sa kaliwa. May shower area naman sa kanan. Ang lababo at salamin ay nasa harapan ninyo. May dalawang towel rack sa gilid ng pinto, at dito ko ilalagay ang inyong bihisan." Habang nagsasalita si Liza, maingat niyang ginagabayan ang mga kamay ni Romina upang mahipo ang bawat bahagi ng banyo. Hinayaan niyang kapain nito ang mga pader, ang sahig, at ang mga bagay na maaaring gamitin nito bilang giya sa susunod na gagamitin niya ito nang mag-isa. "Ngayon, Señora, tutulungan ko po kayong maligo. Sabihin n’yo lang po kung may gusto kayong baguhin sa tubig, kung masyadong mainit o malamig." Sa unang pagkakataon mula nang dumating siya sa mansyon, nakaramdam si Romina ng kaunting ginhawa. Ang tinig ni Liza ay puno ng malasakit, walang bahid ng panghuhusga o awa. Hindi ito tulad ng kanyang mga magulang, na tila ginamit ang kanyang pagkabulag upang ipamukha sa kanya na wala siyang ibang pagpipilian kundi ang bumalik sa kanila. Habang marahang isinapo ni Liza ang maligamgam na tubig sa kanyang katawan, naramdaman ni Romina ang bigat ng pagod at emosyon na bumabalot sa kanya. Tila tinangay ito ng tubig, kasabay ng dahan-dahang pagtanggap niya sa kanyang bagong buhay. "Wala kayong dapat ipag-alala, Señora," mahina ngunit matatag na sabi ni Liza habang pinupunasan ang kanyang buhok. "Nandito ako para tulungan kayo. Hangga’t hindi pa kayo sanay, ako ang magiging mata ninyo sa bawat sulok ng bahay na ito." Napakurap si Romina. "Liza…" mahinang tawag niya. "Opo, Señora?" "Bakit ka mabait sa akin?" Sandaling natahimik si Liza bago ito sumagot, "Dahil hindi kayo iba sa akin. Alam ko ang pakiramdam ng mawalan ng isang bagay na kailanman ay hindi na maibabalik." Naramdaman ni Romina ang bigat sa tono ng kanyang tinig. Hindi na siya nagtanong pa, pero naramdaman niya ang sinseridad nito. Sa unang pagkakataon mula nang maging bulag siya, may isang taong hindi siya tinrato bilang pabigat o bilang isang kawawang babae na walang magagawa sa sarili. "Matapos po kayong makapagpahinga, ililibot ko kayo sa buong mansyon," pagpapatuloy ni Liza. "Kailangan n’yong malaman ang bawat pasikot-sikot, ang bawat daanan, upang kahit wala ako, alam n’yo kung paano umikot sa bahay na ito." Tumango si Romina, pilit inaalis ang kaba sa kanyang dibdib. "Salamat, Liza." "Walang anuman, Señora. Basta’t tandaan n’yo, hindi kayo nag-iisa." At sa unang pagkakataon, kahit hindi niya nakikita, naramdaman ni Romina na may isang taong tunay na nasa panig niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD