Chapter 5

1094 Words
Dahan-dahang naglakad si Romina sa kahabaan ng malawak na pasilyo, mahigpit na nakakapit sa braso ni Liza. Kahit anong pilit niyang kabisaduhin ang bawat liko, bawat pintuan, at bawat hagdan, hindi niya maiwasang malito. Ang mansyon ay napakalawak—tila isang mundo na hindi niya kayang galugarin nang mag-isa. "Dito po sa kanan, Señora, may dalawang silid. Ang una ay opisina ng Señor Alessandro, at ang pangalawa ay isang guest room. Mas mainam pong iwasan n’yo ang opisina niya nang hindi kayo mahirapan," paliwanag ni Liza habang marahang ginagabayan si Romina. Tumango si Romina kahit hindi niya alam kung kailan niya ito matatandaan. Pilit niyang inaalala ang bawat direksyon, ngunit parang hindi niya maisiksik sa kanyang isipan ang lahat. Napakabilis ng kanilang paggalaw, napakaraming impormasyong kailangang tandaan. "Liza," mahinang tawag niya, huminto saglit sa paglalakad. "Pwede bang dahan-dahan lang? Hindi ko matandaan ang lahat ng sinasabi mo." Napangiti si Liza at hinaplos ang kanyang kamay sa pag-unawang sagot. "Naiintindihan ko po, Señora. Pasensya na kung masyado kong minamadali. Hayaan n’yo, unti-unti nating uulitin ito araw-araw hanggang sa kabisado n’yo na." Nakahinga nang maluwag si Romina. "Salamat. Alam kong mahirap ako turuan ngayon." "Wala pong mahirap sa isang taong gustong matuto." Nagpatuloy sila sa paglalakad, at nang makarating sila sa isang bahagi ng mansyon kung saan naroroon ang malaking hardin, naramdaman ni Romina ang sariwang hangin at ang mabangong amoy ng mga bulaklak. Tila may bahaging bumalik sa kanya—ang alaala ng araw na siya’y aksidenteng nabangga. Dahil sa hindi maipaliwanag na lungkot, napahinto siya at napakapit sa bakal na railing ng balkonahe. "Ano ang itsura ng hardin?" tanong niya kay Liza. "Napakaganda po, Señora. Maraming bulaklak na mamula-mula at puti. May isang malaking fountain sa gitna, at sa malayo, may isang gazebo kung saan pwedeng maupo ang sinuman para magpahinga." Ngumiti si Romina, kahit hindi niya ito nakikita. "Gusto kong makapunta roon balang araw." "Madali lang po iyon, Señora. Sa tamang panahon, madadala ko kayo roon." Samantala, sa di kalayuan.. Sa ikalawang palapag ng mansyon, nakatayo si Alessandro sa malawak na bintana ng kanyang opisina, tahimik na pinagmamasdan ang bagong asawa na inaakay ni Liza. Napailing siya habang nakatingin. Hindi niya alam kung dapat niyang kaawaan o batikusin si Romina. Para bang isang ibong kinulong sa isang hawla—hindi niya alam kung susubukan nitong lumipad o mananatili na lamang sa loob, tanggap ang kanyang kapalaran. Nang mapansin niyang tumigil si Romina sa balkonahe, bahagyang lumalim ang kanyang titig. "Hindi lang paningin ang wala sa kanya, kundi direksyon din," bulong niya sa sarili. Napaayos siya ng tindig, napapaisip kung kailan niya talaga malalaman kung anong klaseng babae si Romina. Kung isa ba itong mahina, o may natatagong lakas na hindi pa niya nakikita. Sa isang banda, hindi niya alam kung bakit pinili niyang magpakasal dito. Sa isang bahagi ng kanyang isipan, maaari niyang sabihin na isa lang itong piraso ng kasunduan. Ngunit sa tuwing tinititigan niya ito—kahit na sa malayo lamang—pakiramdam niya ay may kung anong humahatak sa kanya na pagmasdan ito pa nang mas matagal. At iyon ang hindi niya maintindihan. --- Maingat na isinara ni Liza ang pinto matapos siyang ihatid pabalik sa kanyang silid. “Nasa tapat lang ako, Señora. Pindutin n’yo lang ang button kung kailangan n’yo ng tulong,” paalala nito bago tuluyang lumabas. Ilang sandali lang ang lumipas nang bumukas muli ang pinto. “Magandang gabi, Señora,” bati ng isang babae habang marahang inilapag ang tray ng pagkain sa lamesita malapit sa kanyang kama. “Ikaw si Ising?” tanong ni Romina, sinusundan ang tunog ng yabag nito. “Opo, Señora. Ako po ang mag-aasikaso ng inyong pagkain.” Nalanghap ni Romina ang mabangong aroma ng pagkain. Bahagyang kumalam ang kanyang sikmura. Hindi niya maikakaila na nagugutom na siya. Ngunit sa halip na agad kumain, may isang tanong na bumabagabag sa kanya. “Dito ba ako kakain? Hindi ba sa hapag-kainan?” “Dito po, Señora,” sagot ni Ising. “Dito po talaga kayo kakain.” Bahagyang nagdilim ang kanyang isip sa sagot nito. Hindi niya maintindihan kung bakit sa silid siya kakain. Dapat ba niyang ipagpalagay na isa itong uri ng limitasyon sa kanya? Naalala niya si Alessandro. Dapat ba silang magkasabay kumain? Baka hinihintay lang siya nito? “Nasaan si Alessandro? Hindi ba kami sabay na kakain?” tanong niya kay Ising. “Hindi po, Señora,” sagot nito na tila ba wala nang alinlangan sa sagot. “Kahit kailan po ay hindi sa hapag-kainan kumakain si Señor Alessandro. Lagi po siyang nasa kanyang silid.” Natigilan si Romina. “Sa kanyang silid?” Tumango si Ising. “Opo, Señora. Kagaya n’yo, doon din po siya kumakain ngayon.” Mas lalong naguluhan si Romina. “Ibig sabihin, hindi kami magkasama sa iisang kwarto?” Muling tumango si Ising. “Hindi po.” Nakumpirma ni Romina ang kanyang hinala. Wala silang iisang silid ni Alessandro. Iba ito sa inaasahan niya. Hindi ba’t ang mag-asawa ay dapat magkasama sa isang silid? Muli siyang napaisip. Para saan ang kasal nila kung parang estranghero lang sila sa isa’t isa? "Manang? Maari ba humingi ng pabor?" --- Maingat na isinara ni Ising ang pinto ng silid ni Alessandro matapos iparating ang mensahe ni Romina. “Gusto kang makausap ng Señora pagkatapos ng hapunan, Señor.” Napatigil si Alessandro sa pagkain at tumingin kay Ising, bahagyang nagtataka. “Bakit?” “Hindi ko po alam, Señor. Basta po ang sabi niya, hihintayin ka niya sa kanyang silid.” Muling bumalik sa pagkain si Alessandro, ngunit sa likod ng kanyang isip ay bumabangon ang pag-aalinlangan. Sa unang gabi ng kanilang kasal, ito ba ang hinihintay ni Romina? Matapos niyang ubusin ang huling kagat ng kanyang hapunan, tumayo siya at dumiretso sa silid ng babae. Tahimik siyang naglakad sa kahabaan ng malawak na pasilyo ng mansion, ang bawat yabag ay tila bumibigat sa hindi maipaliwanag na pag-aalinlangan. Pagbukas niya ng pinto, nakita niyang nakatayo si Romina sa harap ng malaking bintana. Bahagyang nakatalikod ito sa kanya, ang mahabang buhok ay bumabagsak sa likuran ng kanyang balikat. Suot nito ang malambot na velvet na roba na ginamit niya sa paliguan kanina. “Ano ang gusto mong pag-usapan?” tanong ni Alessandro, nililingon ang babae mula ulo hanggang paa. Dahan-dahang bumaling si Romina paharap sa kanya. Ngunit imbes na sumagot, isang bagay ang ginawa nito na hindi niya inaasahan. Sa mabagal at tiyak na kilos, hinawakan ni Romina ang sintas ng kanyang roba at dahan-dahang hinayaang bumagsak ito sa sahig. Tumambad sa harapan ni Alessandro ang hubad nitong katawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD