Mamimiss

1732 Words
HUMAHAGULHOL ng malakas na iyak si Everlee habang nakatingin sa kabaong ng mama niya na unti — unting ibinabaon sa lupa. Hindi na niya makikita ang mama niya. Mag-isa na lamang siya ngayon. Wala na nga siyang papa pagkatapos ay iniwan na rin siya ng mama niya. "Kawawa naman si Everlee. Wala na ang mama niya. Sino na ang mag-aalaga sa kanya?" dinig niyang sabi ng isa sa mga kamag-anak niya. "Matigas kasi ang ulo ni Mary. Hindi nakikinig sa atin. Kung sana noon pa niya dinala si Everlee sa papa niya. 'Di sana, hindi tayo nahihirapan na magdesisyon ngayon kung kanino mapupunta ang anak niya," bulong naman ni Emily, pangalawa sa magkakapatid. Ang dami niyang naririnig na hindi magagandang sinasabi nila tungkol sa mama niya. At hindi niya magawang salungatin sila. Wala na ang mama niya para ipagtanggol ang kanyang sarili sa mga sinasabi nilang masasama. "Oo nga," sabay na segunda ng dalawa pang tiyahin ni Everlee na ngayon lang niya nakita sa libing ng mama niya. Maraming mga kapatid ang mama niya. Ngunit, may sari — sarili ng pamilya ang mga ito. Marami ring mga anak kaya magiging kalabisan lamang siya sa kanila kung isa sa kanila ang kukupkop sa kanya. Ngunit, wala siyang choice. Wala siyang ibang puwedeng gawin kundi ang makisama sa kanila kahit pa ayaw niyang maging pabigat sa kanila. Everlee Jana Jenkins, ulila na siya sa ina. Namatay ang mama niya sa iniindang sakit sa baga. Labinpitong taong gulang na siya ngayon. Kung kailan malapit na ang kanyang ika-labingwalong kaarawan ay doon pa nawala ang mama niya. Ito lamang ang nag-iisa niyang kasama at nagtataguyod sa kanya. Wala siyang nakagisnang ama. Ipinagbubuntis pa lamang siya nang naghiwalay ang mama at papa niya. Kaya hindi niya ito nakilala ng personal. 'Di rin niya alam ang hitsura ng ama dahil sa mama niya na ayaw ng pag-usapan pa ang nakaraan. Pero ni minsan ay 'di niya hinanap ang papa niya. Dahil para sa kanya ay sapat na ang mama niya sa kanya. Masaya sila at kuntento sila sa kung anong meron. Ngayong mag-isa na lang siya, hindi niya alam kung kaninong kapatid ng mama niya siya mapupunta. "Everlee, halika na umuwi na tayo," aya ni Tita Emily sa kanya. Muling sinulyapan, huling sulyap ni Everlee sa puntod ng ina. "Ma-miss po kita, mama. Mahal na mahal kita," usal ni Everlee at iniwan ang isang piraso ng bulaklak sa puntod ng mama niya. Isinama siya ng Tita Emily niya sa bahay nito. Isang bag na maliit lamang ang dala ni Everlee. Iniwan niya sa bahay nila ang ibang mga damit niya. Ang dinig niya ay ibebenta ng mga kapatid ng mama niya ang mga gamit nila sa bahay. At iyon ang idadagdag na pambayad sa ipinanglibing sa mama niya. Si Tita Emily niya ay pangalawa sa mga kapatid ng mama niya. May limang anak ito at ang asawa ay isang construction worker. Nagsilapitan ang mga pinsan niya sa kanya. Pinagmamasdan siyang maigi. Siguro'y nagtataka ang mga ito dahil sa kulay ng balat niya. Maputi kasi si Everlee, na parang balat mayaman. Mala-sutla at makinis. Minsan nga ay napapagkamalan siyang anak mayaman dahil sa kaputian niya. "Nay, dito na po titira si Everlee sa 'tin?" tanong ni Ehna, panganay na anak ni Tita Emily. Halos ka-edad ni Emory. Matanda lang siya ng limang buwan. "Oo. Pero pansamantala lang. Hirap na nga kami ng tatay niyo sa panggastos. Magdadagdag pa ako ng isa pang pagkakagastusan. Dalawang buwan lamang si Everlee dito. Tapos lilipat naman siya kay Ate Rica," sagot ni Tita Emily. Nakagat ni Everlee ang kanyang labi. Pagpapasahan lang pala siya ng limang kapatid ng mama niya. Pero anong magagawa niya? Wala na ang mama niya para makasama niya. Sinuyod niya ng tingin ang kabuuan ng bahay nina Tita Emily. Hamak na mas malaki ang inuupahan nilang bahay ng mama niya. Tig-isa pa sila ng kuwarto. "Ihanda niyo na, Ehna, ang hapag at kakain na tayo. Baka mamaya ay andito na ang tatay niyo," utos ni Emily sa anak. Binalingan niya ng tingin si Everlee. "Iyong bag mo ipasok mo sa loob ng kuwarto namin ng tito mo. At dito kayo nina Ehna sa sala matutulog. Iisa lamang ang kuwarto namin dito. Kaya magtiis ka." Marahang tumango si Everlee. Nahihiya rin siya sa tiyahin niya na nakikisiksik siya sa kanila. Pero wala naman siyang ibang mapupuntahan. Tumalima si Everlee at ipinasok ang bag niya sa loob ng kuwarto ng tiyahin. At pagkatapos ay pumunta siya sa kusina para tulungan sina Ehna na ihanda ang lamesa. "Alam mo ang ganda mo, Ate Everlee. Siguro kano ang papa mo, 'no?" inosenteng tanong ng batang si Elen, pitong taong gulang. Nginitian ni Everlee ang pinsan niya. "Hindi. Pinoy lang din ang papa ko." "Pero, nasaan ang papa mo, Ate Everlee?" Usisa pa nito. Nakikinig lamang si Ehna sa uspaan ng dalawa habang naglalagay ng pinggan sa lamesa. "Hindi ko rin alam, Elen." Magtatanong pa sana si Elen nang pabarahin ito ng nakakatandang kapatid. "Tama na 'yan, Elen. Ang dami mong tanong sa Ate Everlee mo. Tawagin mo na ang lahat at kakain na tayo," utos ni Ehna sa kapatid. Agad na tumalima si Elen. Tumakbo ito para puntahan ang iba pang mga kapatid. Napatingin si Everlee sa nakahandang pagkain sa lamesa. Pritong pirasong galunggong na maliliit at sukang may bawang. Ang kanin ay nasa isang maliit na kaldero. "Pagpasensiyahan mo na ang nakayanan nina nanay at tatay. Ang importante naman ay may pagkain tayo at nakakain tayo ng tatlong beses sa isang araw," hingi ng pasensiya ni Ehna, napansin siguro nito ang kanyang pag-alangan sa pagkain para sa hapunan nila. "Ano ka ba, Ehna? Kumakain naman ako ng galunggong. Masarap kaya. 'Wag mo akong alalahanin, hindi naman ako mapili sa pagkain. Masaya ako na tinanggap niyo ako sa bahay niyo," nakangiting sagot ni Everlee. Napangiti rin ang pinsan niya sa kanya. Nagsidatingan ang apat na mga kapatid ni Ehna. Sabay — sabay silang maganang kumakain. Ang nanay nila ay hinihintay ang asawa na dumating bago ito kumain. Nang matapos silang kumain ay nagprisinta si Everlee na maghugas ng pinggan. Gusto niyang makatulong sa gawaing bahay. Kahit sa ganitong paraan ay makabawi siya sa pagpapatira ng tiyahin niya sa bahay nito. "Emily, andito pala si Everlee. Bakit ka naman nagprisinta na sa bahay natin patirahin ang bastarda mong pamangkin? Ang dami — dami na nga nating gastusin dito sa bahay. Talagang dinagdagan mo pa," reklamo ni Gaspar sa asawa. "Pansamantala lang naman. Saka sa susunod na dalawang buwan kukunin siya ni Ate Rica. Kawawa rin ang bata, walang ama. Wala siyang mapupuntahan kundi kaming mga kamag-anak lamang," paliwanag na sabi ni Emly. May awa rin siya para sa pamangkin. Kahit na tutol siya sa pagpapatira sa bahay nila dahil sa lunalaking gastos. Ayaw naman niyang sa kalsada manirahan si Everlee. "Paano ang pag-aaral niyan? Nasa kolehiyo na ata 'yan. Sinong tutustos ng pag-aaral ng batang 'yan?" "Scholar naman si Everlee. Pero kakausapin ko pa rin siya tungkol sa bagay na 'yan. Baka may naiwanan naman kahit kaunti itong si Ate Mary sa anak niya. "Basta. Hindi pa rin ako sang-ayon na dito titira ang pamangkin mo. Sa mga anak pa nga lang natin. Hirap na tayo. Tapos sa atin pa si Everlee. Isipin mo lang, Emily." Tahimik na napaluha si Everlee. Rinig na rimig niya ang usapan ng mag-asawa sa kuwarto. Bale, kurtina lamang ang pinaka-pintuan nito. Katabi niya sa banig sina Ehna ay Elen. Ang isang lalaking kapatid nina Ehna ay sa mahabang upuan natutulog. Sa kuwarto ay ang mag-asawa at ang bunsong anak na maliit pa. Pipilitin naman niyang hindi maging pabigat sa kanila. Kung andito lang sana ang mama niya. Pinunasan niya ang mga luha niya sa mata. Kinabukasan, masinsinang kinausap ni Emliy ang pamangkin. "Pasensiya ka na, Everlee. Siguro'y narinig mo lahat ang pinag-usapan namin ng tito mo kagabi. Nag-aalala lamang ang Tito Gaspar mo sa lumalaki naming gastusin dito sa bahay. Alam mo namang construction worker lamang siya at kulang na kulang ang kinikita sa aming araw — araw na pangangailangan ng mga pinsan mo." "Naiintindihan ko po, tita." Tatanungin sana kita, kung magpapatuloy ka pa ng pag-aaral mo sa kolehiyo. Ngayong wala na ang mama mo, wala ng gagastos para sa araw — araw mong baon. Naiintindihan mo naman ako, di ba?" Nabigla man si Everlee. Pero may punto ang tiyahin niya. Wala ng tutustos sa pag-aaral niya. Kahit pa sabihing scholar siya. Mahal din ang mga miscellaneous fees sa university. Pati na ang araw — araw niyang pamasahe. May pera man siya pero hindi sapat iyon para sa isang buong taong. "M-Magta-trabaho na lamang po ako, tita. Nang makatulong ako sa inyo dito sa bahay. Alam ko po gaano kahirap ang buhay. Ayoko naman pong maging pabigat sa inyo," isa sa pinakamahirap na desisyong ginawa ni Everlee sa buhay niya. Ang i-give up ang pag-aaral niya at makapatapos sa kolehiyo. Pangarap niya ang magkaroon ng diploma. Pero kung hindi kaya, puwede pa naman niyang ipagpatuloy ang pag-aaral niya kapag nakaluwag na. "Sigurado ka ba sa desisyon mo?" Marahang tumango si Everlee sa tiyahin at pilit na ngumiti. Gusto niyang iparating na desidido siyang maghanap ng trabaho. Kaya naman niya at ilang buwan na lamang ay nasa tamang edad na siya. "Tutulong po ako sa inyo, Tita Emily. Mauunawaan naman po ni mama kung bakit kailangan kong isantabi muna ang pag-aaral ko. Sarili ko po itong desisyon at pinag-isipan ko pong maigi," pinal na sabi ni Everlee. Hinawakan ni Everlee ang kamay ng tiyahin. Ayaw din niyang nakikita kung gaano nahihirapan ang tiyahin niya. Makakabawi rin siya sa kanila. "Salamat, Everlee. Napakabait mo talagang bata. Sayang lang at maaga kang naulila sa ina. Makakapagtapos ka pa sana ng kolehiyo. Kahit kailan matigas talaga ang ulo ng mama mo. Kung ano ang gusto, 'yon ang masusunod. Tingnan mo nga sa katigasan ng ulo maaga siyang kinuha. Sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa," may panghihinayang na sabi ni Emily. Matalinong bata si Everlee. Consistent honor student at mabait pa. Maswerte ang kapatid niya sa pagkakaroon ng anak na katulad ni Everlee. Alanganin na ngumiti lamang si Everlee. Malaki pa rin ang utang na loob niya sa Tita Emily niya dahil sa pagkupkop sa kaniya kahit sandali lang. Naiintindihan niya ang sentimento nito tungkol sa mama niya at 'di niya masisisi kung hindi magawa ng mama niyang ipakilala siya sa kanyang ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD