Lagay

1937 Words
PINAG-ISIPAN na ni Everlee itong mabuti. Dala ang kanyang folder na may requirements niya ay maghahanap siya ng trabaho. Susubukan niyang buhayin ang sarili at para na rin matulungan ang tiyahin at mga pinsan. Bihis na bihis siya. Ngayong araw niya sisimulang maghanap ng trabaho. Bibili na lang siya ng bio data sa tindahan sa labasan. Magpapa-zerox na rin siya ng ID at school ID lang naman ang mayroon siya. "Magandang umaga po, Tita Emily," bati ni Everlee sa tiyahin niya. Sinuyod ng tingin ni Emily ang pamangkin. "Ang aga, bihis na bihis ka. Saan ang lakad mo?" "Maghahanap po ng trabaho, tita. Nakapagdesisyon na po ako. Titigil muna po ako sa pag-aaral at magta-trabaho na lang. Saka ko na lang po itutuloy ang pag-aaral ko 'pag may sapat na akong pera. Pag-iipunan ko po," pinal na sagot niya. Sa ngayon, importante na may kakainin siya kesa ang makatapos ng pag-aaral. 'Di rin naman kakayanin ng kanyang tiyahin ang pag-aralin siya dahil sa marami din itong pinapaaral na mga anak. "Ha? Eh, pano ang scholarship mo? Sayang din 'yon. Baka sa susunod hindi ka na makakuha ng scholarship." Sa bagay na 'yon, wala na siyang magagawa. Napalampas niya ang magandang oportunidad na maging scholar. Pero kailangan niyang mamili at isa lang dapat ang pipiliin niya. Kinabukasan o ang kumakalam na sikmura. "Okay lang po. Kailangan ko pong bitawan ang scholarship. Wala na po si mama at siguro maiintindihan niya po ako kung bakit hindi ko itinuloy ang pag-aaral ko," tugon niya. Malungkot man pero okay na rin 'yon. Makakapag-trabaho siya, may sahod siya. May pangtustos na siya sa sarili niya. Aasa pa ba siya sa mga tiyahin niya? Pare pareho lamang silang walang wala at maraming mga anak. Makakatulong pa siya sa mga maliliit niyang pinsan. "Ano naman ang papasukan mong trabaho? Disi syete ka pa lang. Next month ka pa mag-18. Baka walang tumanggap sayo." "Meron naman po siguro. Kahit na waiter, sales lady o kaya po katulong. Wala pong problema sa akin." Mamimili pa ba siya ng trabaho? Kahit ano na lang basta marangal. "Ang maigi pa ay ipasok na lang kita sa dati kong amo. Kailangan nila ng katulong. Malaki sila magpasahod at mababait pa," nasabi ni Emily. Biglang nakaramdam ng kasiyahan si Everlee. Mas maigi na kilala ng Tita Emily niya ang magiging amo niya. Mas mapapadali rin ang paghahanap niya ng trabaho kung magkagayon. "Talaga ho?" "Oo. Sandali at magbibihis lang ako. Hintayin mo na lang ako d'yan," sagot ni Emily at nagmadaling pumunta sa kuwarto nilang mag-asawa para magbihis. Sakay ng tricycle ang mag-tiya. Pupuntahan nila Emily at Everlee ang bahay ng kanyang dating mga amo. Matagal nang naghahanap ng bagong kasambahay ang pamilya dahil sa agarang pag-alis ng dating ipinasok niyang kapalit. Kabado si Lee habang lulan ng tricycle. Pinagmamasdang maigi ang bawat madaanan nila. Mayroon silang nadadaaanang mga naglalakad na kasama ang buong pamilya. Isang kompletong pamilya na kahit kailan ay 'di niya pa nararanasan. "Dito na lamang po, manong. Ito po ang bayad namin," sabi ni Emily. Napatingin si Lee sa malaking gate ng isang mansyon. Namangha siya sa laki at garbo ng bahay. Unang beses niyang makakita ng ganito kalaki, parang palasyo sa laki. "Halika na, Lee. May dala ka namang bio data?" Nakagat ni Lee ang kanyang pang-ibabang labi. "Naku, tita. Nakalimutan ko pong bumili sa tindahan kanina." Humihingi ng pasensiya ang mga tingin niya sa tiyahin. Napabuntong hininga si Emily. "Oh, siya. Hayaan mo na. Sasabihin ko na lang kay madam. Tsaka, pamangkin naman kita. Tiyak na matatanggap ka kaagad." Palinga — linga siya sa magagandang mga halamang nakatanim sa harap palang ng gate. Agad silang pinagbuksan ng guwardiya na kinausap ng Tita Emily niya. "Ito po ang bahay ng dating amo niyo, tita?" Tila manghang — manghang tanong ni Lee. "Oo. Mababait ang pamilya Raven. Mahigit limang taon din akong nanilbihan sa kanila. Dalaga pa ako noon kaya noong magpakasal kami ng tito mo, nagpaalam ako sa kanila na hihinto na sa paninilbihan. 'Di ko naman akalain na magiging mahirap ang buhay namin. Akala ko kapag nakapag-asawa ako, mahihinto na ako sa pagiging kasambahay. Hindi pa pala. Kaya ikaw magsikap ka," sagot ni Emily na nangangaral sa pamangkin. Nahihiya naman na tumango si Lee, sinang-ayunan na lamang ang mga pangaral sa kanya ng tiyahin. Nang makarating sila sa harap ng malaking pinto ng mansyon ay agad na nag-doorbel si Emily. Automatic na bumukas ang malaking pinto na ikinagulat ni Everlee. "Wow! Automatic, bumubukas na agad ang pinto," nausal ni Lee. "Ganyan dito. High tech ang mga kagamitan. Saka, naririnig at nakikita ka nila kapag natapat ka sa pinto," tugon ni Emily. Mas lalong humanga si Everlee sa sobrang magarbong mansyon. Kung dito siya magta-trabaho ay magiging magaan para sa kanya ang trabaho. "Halika na, pumasok na tayo," aya pa ni Emilya sa pamangkin na naging ignorante sa mga nakikita. Sobrang inosente pa nito sa mga bagay —bagay na unang nakikita. Palibhasa ay katulad niya din itong salat sa yaman. "Ate Emily, maigi naman at napasyal ka dito sa mansyon," bungad na masayang sabi ng isang babae. Napabaling ang tingin nito kay Everlee. "Sino siya?" "Pamangkin ko, Gita. Si Florence ba ay 'di na bumalik?" Untag ni Emily. "Ah... Si Florence, loka — loka 'yon pagkatapos ng payagan na magbakasyon hindi na bumalik dito sa mansyon. May nakapagsabi na nag-asawa na raw." "Ganoon ba?" Tanging nasabi ni Emily at napalingon kay Everlee. "Ano bang atin? Maupo nga muna kayo." Umupo ang magtiya sa sopa. "Ipapasok ko sanang katulong itong si Everlee kay madam. Andito ba siya?" Sinuyod ng tingin ni Gita ang dalaga mula ulo hanggang paa. "Hindi ba masyadong bata pa itong pamangkin mo, Ate Emily? Ilang taon na ba siya?" Sunod — sunod na tanong ni Gita na pinagmamasdang maigi si Everlee na kiming nakaupo sa tabi ng tiyahin. "Seventeen na siya. Pero next month disi otso na siya. Puwedeng — puwede nang magtrabaho." Tumaas ang isang kilay ni Gita. "Kaya ba niya ang gawaing — bahay? Marunong ba siya? Maganda ang kutis niya at parang hindi katulong ang dating niya. Naku, naku, naku... Baka malabong makapasa ang pamangkin mo kay madam," sabi ni Gita na nakaismid. "Ikaw, naman. Si madam ang gusto kong makausap. Pakitawag mo nga." "Ay, oo nga pala." Nakagat nito ang kanyang isang daliri. Tumatakbo na iniwan ang magtiya sa sala upang puntahan ang among babae. Binalingan ni Emily ang pamangkin. "Lee, kapag tinanggap ka ni madam at sinabing start ka ngayon. Ipapadala ko na lang sa tito mo ang mga damit mo para 'di ka na umuwi sa bahay. Alam ko rin namang matatanggap ka ni madam," bilin pa niya. Marahang tumango — tango si Everlee sa bawat bilin ng kanyang Tita Emily. Kabado man siya buo pa rin ang loob niya na tatanggapin niyang matitigil siya na matitigl muna sa kanyang pag-aaral. "Sige po, tita. Mas mainam na pong dumito na ako. Pakisabi na lang po sa pinsan ko na dadalaw ako tuwing day off ko." Ngumiti si Emily, napadako ang tingin niya sa babaeng hindi katandaan, maputi at may sopistikadang mukha. Napatayo siya habang si Everlee ay nahihiya pang tumayo. "Magandang umaga po, madam." Bati ni Emily na tinanguan naman ng babae. "Oh, Emily. Anong sadya mo at sino itong kasama mo?" tanong ng babaeng sopistikada at naupo ito na nakaangkla ang isang paa sa tuhod saka sumandal sa head rest ng sopa. Ang mga mata niya ay nasa batang babaeng katabi ng dating katulong. "Pamangkin ko po. Ulila na po siya at naghahanap ng trabaho. Naisip ko po kayo. Nabalitaan ko na may umalis kayong katulong." Mahabang sagot ni Emily. Hindi naman makatingin si Everlee sa tiyahin at sa babaeng titig na titig sa kanya. "Hmm.... maupo kayo." Sabay na umupo ang magtiya. "Kamamatay lang po ng mama niya at hindi po namin kayang tustusan ang pag-aaral niya. Alam niyo naman pong marami kaming anak ni Gaspar. Nagbabaka-sakali lamang po ako, madam." Napatigil ang babae at natuon ang tingin sa dalaga. "Dahil sa maawain ako sa mga taong nangangailangan. Sige, Emily. Tatanggapin ko itong pamangkin mo kahit na sobrang bata pa niya para maging katulong. Marunong ba 'yan sa gawaing bahay?" Lumiwanag ang mukha ni Emilya at mabilis na tumango — tango kay Mrs. Raven. "Opo. Marunong po siyang maglaba, magluto at magplantsa. Kahit ano pong gawaing bahay ang ipagawa niyo, marunong 'yan si Everlee." "Ano ngang pangalan niya?" "E-Everlee Jana Jenkins po. Seventeen years old," pakilala niya sa sarili. "Bata ka pa nga, hija. Pero, di bale. Basta marunong ng gawaing bahay ay puwede ka na. Ang magiging sweldo mo ay kinse mil kada buwan. Bukod ang bayad sa insurance at ibang health benefits. Libre ang pagkain at bahay. Pati internet at hygiene kit, kami na ang sasagot. Kung gusto mo ng ibang pagkain, bumili ka at ikaw mismo ang magluto." Mahabang litanya ni Mrs. Raven. "Maraming salamat po, madam. Iiwanan ko na po si Everlee dito," sabi ni Emily, kita ang saya sa mukha. Saka bumaling ng tingin sa pamangkin. "Tandaan mo lahat ang bilin ni madam at 'wag mo akong ipapahiya. Gawin mo ng maayos ang trabaho mo, Everlee. Dadalawin kita paminsan — minsan o kapag pinayagan ka ng mag-day off. Pumunta ka sa bahay," mga bilin niya. Marahan lang na tumango si Everlee. "Opo, Tita Emily." "Manang Nita.... " tawag ni Mrs. Raven sa kanyang matagal ng kasambahay. Tumatakbo naman itong lumalapit sa kanila. "Madam..." "Dalhin mo si Everlee sa magiging kuwarto niya. Bago siyang katulong dito sa mansyon. Ituro mo ang mga gagawin niya at bukas ay puwede na siyang magsimula ng kanyang trabaho," utos ni Mrs. Raven at tumayo. "Maraming salamat po ulit, madam." Yumukod pa si Emily na nagpapasalamat sa dating amo. Walang ngiti na tumango ito at umalis na papunta sa hagdan. Lumapit si Nita kay Everlee at hinawakan ito sa braso. "Ako na ang bahala sa pamangkin mo, Emily. Puwede ka ng umalis." "Manang, baka may pagkain d'yan na puwede kong iuwi sa mga anak ko." Mahinang pakiusap ni Emily. "Titingnan ko sa kusina. Emily. Maghintay ka na lang sa guard house at dadalhin ko na lang sa labas." Sagot ni Manang Nita. Mabait naman pala ang matandang mayordoma. "Halika na, Everlee. Ihahatid kita sa magiging kuwarto mo. Narinig mo naman ang sinabi ni madam. Bukas ka pa magsisimula ng trabaho mo. Kaya hahayaan kitang magpahinga ngayong araw." Sabi pa nito nang binalingan ang dalaga. Marahan namang tumango si Everlee na sumunod sa matanda. "Sa labas na ako, ha. Everlee, pag-igihin mo ang trabaho mo nang makaipon ka kaagad para sa pag-aaral mo." Pahabol na bilin ni Emily bago lumabas ng malaking mansyon. Dinala si Everlee sa maid's quarter, pumasok sila sa isa sa mga kuwarto. Bale, may limang kuwarto doon na magkakahiwalay. "Ito ang magiging mo, Everlee. Ang kuwarto ko ay doon sa unahan. Pinakadulo ang sayo, dahil dito ang kuwarto nung umalis na katulong," sabi ni Manang Nita. "May cabinet na rito at ibibigay ko ang magiging uniform mo. Mamayang alas dose lumabas ka na lang at pumunta sa kusina," bilin pa ng matanda sa dalaga. "Maraming salamat po, Manang Nita," magalang na sabi ni Everlee. "Iwanan na kita dito. Ikukuha ko pa ang Tita Emily mo ng pagkain na dadalhin para sa pamilya niya." Paalam ng matanda na nginitian siya bago umalis. Nang makaalis si Manang Nita ay patalong naupo si Everlee sa kama. Ang ganda ng kuwarto niya at may aircon pa. Magiging mahimbing at masarap ang tulog niya sa malamig niyang kuwarto. "Ma, 'wag niyo na po akong alalahanin. Maayos po ang lagay ko dito," nausal ni Everlee sa isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD