SIMULA ng magandang araw, unang araw ni Lee bilang kasambahay ng pamilya Raven. Dinala rin kagabi ang plantsado nang uniform ni Everlee ni Manang Nita.
Wala pa siyang isang araw sa mansyon, pakiramdam niya para siyang hindi katulong. Pagdating sa pagkain, ang daming nakahain sa lamesa at ang oras ng kanyang gising ay alas syete ng umaga, matatapos naman ang kanyang trabaho ng alas nuebe ng gabi. May dalawang oras pa siyang pahinga pagkatapos ng pananghalian.
"Everlee, pagkatapos mong mag-agahan ay pumanhik ka sa itaas. Linisin mo ang kuwarto nina madam at sir. Isunod mo na rin ang kasunod na kuwarto," utos ni Manang Nita sa dalaga.
"Sige po, manang. Saan po ba ang kuwarto nila madam?"
"Kasama mo si Gita na maglinis sa dalawang kuwarto sa itaas," sagot ni Manang Nita. Anak ni manang si Gita, kinuha niya ito sa probinsya para maging kasama niyang manilbihan sa mga Raven.
"Okay po." Sagot ni Everlee, ipinagpatuloy na niya ang kanyang pagkain.
Nang matapos kumain si Everlee ay pumunta sila ni Gita sa itaas na bahagi ng mansyon. Mas nakakamangha ang ganda ng hallway at maraming kuwarto.
"Everlee, ano pang tinatayo tayo mo d'yan. Halika na, simulan na nating magtrabaho," sabi ni Gita.
"Ate Gita, wala pong anak sina madam at sir? Hindi ko po kasi nakikita." Usisa niya.
"Mayroon. Dalawa ang anak nila madam, dalawang lalaki at guwapo. Si Sir Pace nasa America at si Sir Powell ay nasa Maynila. Bihira umuuwi si Sir Powell dito sa mansyon, yearly naman si Sir Pace. Kapag bakasyon lang naman at sandali lang," kuwentong sagot ni Gita.
Parang na-kuryuso si Everlee sa dalawang binata ng mga Raven. Pero pinaalalahanan niya ang sarili na mga amo niya ang mga ito. Katulong siya o kasambahay, 'di puwede siyang maghangad ng mas mataas pa doon. Maliban na lang kung magiging cook siya. Natawa na lang siya sa naisip.
"Anong ningingiti — ngiti mo d'yan? Magtrabaho na nga tayong dalawa para madali tayong matapos at nang makapaghinga," sitang tanong ni Gita nang mapansin ang pagtawa ni Everlee.
"Opo..." nahihiya niyang tugon. Sinimulan na nilang maglinis nina Gita at Everlee.
"MANANG, umuwi ba si Powell kagabi?" tanong ni Chloe sa kanyang mayordoma.
Nahinto ang pagsalin ng mainit na tubig ni Nita sa baso at humarap sa amo, nasa veranda ang mag-asawang Chloe at Alejandro. Paboritong lugar ng mag-asawang Raven ang veranda.
"Naku, 'di ko po siya napansin na umuwi. Alam niyo naman po si Sir Powell, bigla na lang sumusulpot," sagot ni Nita sa amo.
"Hayaan mo na ang anak mo, Chloe. Malalaki na sila, 'di mo na kailangang i-monitor ang pag-uwi at pag-alis ni Powell sa bahay." Sabat na saway ni Alejandro sa asawa.
May kanya — kanya na silang mga buhay. Habang si Pace, ang kanilang panganay ay parang wala ring balak umuwi ng Pilipinas. Ang hiniling nitong isang taong bakasyon sa America ay naging dalawang taon.
Si Alejandro Raven ay asawa ni Chloe Raven, at mayroon silang dalawang anak na lalaki. Si Pace Pascal Raven, 28 years old, at si Powell Raven, 26 years old. Bagama’t hindi sila nabiyayaan ng anak na babae, kuntento naman sila sa kanilang dalawang anak. Pinalaki nila ang mga ito na may disiplina at mabuting asal. Si Pace ay kilala sa pagiging responsable at masipag, habang si Powell naman ay malikhain at adventurous. Magkakaibang landas man ang tinahak ng magkapatid, pareho silang mahal na mahal ng kanilang mga magulang.
"Kahit malalaki na sila at mayroong sariling isip. I'm still their mother. Karapatan ko pa ring siguraduhin na umuuwi ang mga anak ko dito sa mansyon," ani Chloe.
"Sige. Pauwiin mo na si Pace dito sa mansyon. Alam mong ayaw nila nang pinapakialaman sila. We're here to support them whatever they want in their life."
Masamang tiningnan ni Chloe ang asawa. Tila 'di naiintindihan ni Alejandro ang damdamin ng isang inang katulad niya. May sarili na silang mga desisyon pero nasa kanya pa rin ang puso ng pagiging ina sa mga anak. Hinahanap — hanap lang niya ang mga ito, hindi naman maaring balewain niya at hayaan sila na 'di umuuwi sa mansyon.
"Alejandro, I am your wife and mother of your children. May damdamin din ako na nangungulila sa mga anak natin. Siyempre gusto ko rin silang makasama," mangiyak — ngiyak na saad ni Chloe, napaiwas siya ng tingin dito.
Lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Alejandro. Parang nakanti niya ang damdamin ng asawa. "I'm sorry, hon. Nabigla lang ako. Don't worry, I will call Powell tonight. Nang makauwi siya sa mansyon. 'Di ka naman matatanggihan ng bunso mo." Pilit siyang ngumiti na pinapakalma ang damdamin ni Chloe.
Pinalis ni Chloe ang luha niya sa mata at ngumiti na rin kay Aljandro.
"Let's have coffee, hon," sambit pa ni Alejandro at hinawakan ang kamay ni Chloe na nasa ibabaw ng lamesa.
Natapos na sina Gita at Everlee na linisin ang mga kuwarto sa taas. Palabas na sila ng kuwarto nang magring ang phone sa loob. Dali — daling sinagot iyon ni Everlee.
"H-Hello...." nahihiyang sabi niya kabilang linya. Parang natigilan ang nasa kabilang linya at hindi niya ito naringgan.
"Sino 'to? Si Gita ka ba?" Tanong ng baritonong boses sa kabilang linya.
"S-Si Everlee po, bagong maid." Dinig niya ang malalim na paghinga ng kausap.
"Tell my mom I'll come home tonight. And I want special paella for dinner," utos ng lalaki.
"Sige po. S-Sino po ang sasabihin kong tumawag?" nag-aalangan niyang tanong sa kabilang linya.
"Tell her, Powell."
May sasabihin pa sana si Everlee nang marinig niya ang pagpatay ng tawag ng kanyang amo.
"Si Sir Powell ba ang tumawag, Everlee?" Tanong ni Gita na kita ang excitement sa mukha. Tumango naman ang dalaga habang ibinaba ang telepono.
"Uuwi po siya mamayang gabi, sabihin daw po kay madam at nagpapahanda po ng paella para sa hapunan."
"Yes! Yes! Makakasilay na rin ako kay Sir Powell. Sa akin siya, Everlee, ha. Matagal ko nang crush si Sir Powell, mga ten years old palang ako gustong — gusto ko na siya," pag-amin ni Gita.
Nangiti naman si Everlee sa kasamang kasambahay. "Hindi ko aagawin si Sir Powell sa'yo. 'Di ko pa naman siya nakikita at malabo na magustuhan ako nun. Kaya sayong — sayo s'ya."
Sinuyod ng tingin ni Gita si Everlee. "Alam mo ang mga katulad mo ang tipo ni Sir Powell. Maputi, makinis ang balat at maganda. Malayo nga ang itsura nating dalawa at hindi sila maniniwalang katulong ka lang dito sa mansyon."
"Sobra ka naman, Ate Gita. Same lang po tayo, katulong lang din ako dito. Sinabi ko na malabong magkagusto siya sa akin. Mayaman 'yon at katulong ako," giit ni Everlee habang natatawa.
"Sinabi mo 'yan, ha. Pero sa akin lang si Sor Powell, si Sir Pace na lang ang sayo. Iyon hindi ko aagawin sayo, masungit 'yon, eh. Saka, mabibili mo lang ang ngiti."
Lumabas na sila sa kuwarto at dumiretso sina Gita at Everlee sa kusina. Andoon naman si Manang Nita na nagluluto ng pananghalian.
"Oh, tapos na ba kayong maglinis?" Agad na tanong ng matandang katiwala.
"Opo, nay. Tumawag po pala si Sir Powell kanina. Sabi ay ipaalam kay madam at nagpapaluto ng masarap na paella," si Gita ang sumagot at ibinalita ang pagtawag ng bunsong anak ng mga Raven.
"Ganoon ba? Oh, siya. Ako na ang magsasabi kay madam. Ipinaghiwalay ko na kayo ng pananghalian ninyong dalawa. Kumain na lang kayo at pagkatapos ay magpahinga." Saad ni Nita at inilabas ang mga pagkain na iniluto niya para sa kanila.
Sa veranda, dala ni Nita ang prutas na inihanda niya at dalawang basong juice para sa mag-asawang Raven.
"Madam, tumawag po si Sir Powell kanina. Ipinapasabi na uuwi raw po siya sa mansyon at nagpapaluto ng paella," balita ni Nita sa amo.
Gumuhit ang magandang ngiti sa labi ni Chloe. "Salamat, Nita. Ihanda mo ang mga lulutuin nating special na paella para sa bunso ko. Excited na akong makita si Powell." Sambit niya at napadako ang tingin sa asawa. Nginitian siya ng matamis ni Alejandro.