NAPATITIG si Pace sa mukha ni Everlee. Ano ba ang isasagot niya sa tanong ng asawa? Dahil maging siya ay hindi alam kung ano ang gagawin para patunayan na totoo ang bawat salitang kanyang binibitawan. "I-I can be a good husband. Walang pagpapanggap, Everlee. But you need to be patient with me. Hindi madali ang mga nangyari sa 'tin. And until now, pinoproseso ko pa sa utak ko ang lahat." Napatayo si Pace at bumuntong hininga. Sobrang bilis ng pangyayari. Kauuwi lang niya ng bansa, nakilala niya si Everlee sa mansyon. Ngayon, eto at asawa na niya. Parang ang hirap paniwalaan. "Susubukan ko ring intindihin ka. Kahit na parang may alinlangan sa puso ko. Pipilitin kong papaniwalain ang sarili ko na asawa na nga kita at hindi amo. 'Di pa rin kasi ako sanay," nangingiting- bulalas ni Everlee.

