CASSANDRA'S POV
"Oh, umuwi na rin ang prinsesa natin!" mataray na bungad ng aking ina pagkapasok na pagkapasok ko ng aming tahanan.
Napagat ako sa aking labi habang tumitingin ako sa aking wristwatch na suot upang tingnan kung anong oras na at tila ba late na late na akong umuwi basi sa pananalita ng aking ina.
Napailing na lang ako nang makita ko na alas-syete pa lang naman ng gabi at hindi ko alam kung bakit tila galit na galit na naman ang pinakamamahal kong ina dahil sa oras ng pag-uwi ko.
"Mano po, Daddy." Tumingin ako sa aking ina. "Mano po, Mommy," pagbibigay galang ko sa aking mga magulang na hindi man lang nila pinansin.
"Sandra, bakit ngayon ka lang?" tanong ng aking ama.
Muli akong tumingin sa aking ama. "Dad, gumawa po kasi kami ng project ng mga group mate ko," magalang kong tugon sa aking ama na kinontra naman ng aking ina
"Ang sabihin mo…. Galing ka sa pakikipaglandian sa Glen na 'yon!"
"Hindi po ako naki—" hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang biglang bumukas ang aming pintuan at iluwa nito si Ate Charmaine na halatang pagod na pagod.
"Anak, andiyan ka na pala. Maghugas ka na ng kamay mo nang makakain na tayo," wika ng aking ina sa malambing nitong boses.
Napailing na lang ako dahil sa hindi pantay na pagtingin sa amin ng aming mga magulang. Pakiramdam ko tuloy ay wala na akong ginawang tama dito sa bahay na naging dahilan upang maisipan ko na pumunta na lang sa aking silid.
"Oh, saan ka pupunta?" tanong ng aking ama nang tumalikod ako sa kanila.
"Sa kwarto ko po, magpahinga," walang gana kong tugon sa aking ama na muling kinontra ng aking ina.
"Aba! At talagang wala kang balak na tulungan akong magligpit dito sa bahay?! Anong akala mo sa sarili mo? Seniority?!" mataray na wika ng aking ina.
Ngumiti ako na parang aso at hinarap ko ang aking ina.
"Mommy, pagod lang po talaga ako dahil marami kaming ginawa ng mga classmate ko," paliwanag ko.
"Pagod?! Eh, wala ka naman ibang ginawa kundi lumandi sa Glen na 'yon!" muling pagtataray ni mommy sa akin.
"Mommy, hindi ko po boyfriend si Glen. Kaibigan ko lang po si—" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang magsalita si daddy.
"Sandra, ke boyfriend mo o hindi si Glen. Dapat tinutulungan mo ang 'yong mommy dito sa bahay." Huminga muna ito nang malalim bago muling nagsalita. "Kaya napagkasunduan namin ng mommy mo na titigil ka na sa pag-aaral," mga salitang lumabas sa labi ng aking ama na labis kong ikinalungkot.
"Titigil ako? Ayoko po, Daddy!" pagtutol ko sa aking ama.
"Sandra, gustuhin man kitang pag-aralin. Hindi na kaya ng bulsa ko na pagsabayin kayong dalawa ng Ate Charmaine mo," diretsong pahayag ng aking ama
Umiling ako. "Hindi po ako titigil. Mag-wo-working student na lang po ako para sa pag-aaral ko," mga katagang lumabas sa labi ko bago ko sila tuluyang talikuran.
"Ang tigas talaga ng ulo mo!" sigaw ng aking ina habang naglalakad ako patungo sa aking silid.
Pagkapasok na pagkapasok ko sa aking silid ay tuluyan nang pumatak ang aking mga luha na kanina ko pa pinipigilan na pumatak. Hindi ko alam kung bakit parang hindi ako anak kung ituring ng aking mga magulang lalong-lalo na ng aking ina. Ang ama ko naman ay ni hindi niya akong magawang ipagtanggol sa aking ina. Dahil mga bata pa lang kami ay ipinaramdam na sa akin ni mommy ang pag 'di niya gusto sa akin.
Halos mahirapan na ako sa paghinga dahil sa patuloy kong pag-iiyak na naging dahilan upang maisipan kong tawagan ang aking kaibigan na si Glen.
"Hello, Sandra!" tugon ni Glen mula sa kabilang linya nang sagutin niya ang aking tawag.
Sa halip na magsalita ako'y isang malakas na pag-iyak ang aking pinakawalan upang magsalita muli ang aking kaibigan.
"Hello, Sandra, okay ka lang ba? Bakit ka umiiyak?"
Pinilit kong pigilan ang pag-iyak upang makapagsalita.
"Glen, ayoko na! Mas mabuti pang mawala ako sa mundong 'to! Kung puro pasakit na lang ang mangyayari sa buhay ko," mga salitang lumabas sa labi ko habang umiiyak.
"Bakit naman nagsasalita nang ganyan? Ano na naman ba ang nangyari diyan sa bahay n'yo?" muling tanong ng aking kaibigan.
"Eh, ka—" hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang may biglang kumatok sa pintuan ng aking silid.
"Sandra, lumabas ka na diyan at kumain. Pagkatapos, ikaw na rin ang maglinis ng lamesa," sabi ng Ate Charmaine mula sa labas ng aking silid.
"Hindi ako nagugutom!" tugon ko sa malakas na boses.
"At sinong paglilinisin mo ng lamesa? Ako?!" mataray na tugon ni Ate Charmaine.
Kahit kailan ay hindi naranasan ni Ate Charmaine ang maghugas ng mga plato. At kahit paglilinis ng bahay ay hindi nito ginagawa dahil ni minsan ay hindi siya inutusan ng mga magulang namin. Dahil ako ang parang katulong kung ituring dito sa bahay.
"Mamaya ko na lang lilinisin ang mga pinagkainan n'yo!" tanging nasabi na hindi na tinugon ng aking kapatid.
"Hello, Sandra! Huwag mo sabihin sa akin na inaalipin ka na naman ng pamilya mo!" mataray na wika ni Glen na hanggang ngayon ay nasa kabilang linya pa rin.
Ngumiti ako nang pilit at muling nagsalita. "Okay lang naman sa akin na gawin nila akong alipin. Ang ayaw ko lang naman na pati pag-aaral ko, eh, pipigilan nila," mga salitang lumabas sa labi na muling nagpaluha sa akin.
"Talaga pa lang 'di titigil ang nanay mong bruha hangga't 'di ka tumitigil sa pag-aaral!" muling pahayag ng kaibigan ko.
"Pero ayokong tumigil. Kaya tulungan mo akong maghanap nang magiging trabaho."
"May alam akong trabaho na pwede ka," muling tugon ng aking kaibigan na nagbigay pag-asa sa akin upang hindi ako tuluyang mapatigil sa pag-aaral.
"Talaga? Samahan mo ako ha," paninigurado ko sa sinabi ng aking kaibigan.
"Oo naman. At kung gusto mo umalis ka na rin diyan sa inyo at mag-board ka sa boarding house namin," masayang wika ng aking kaibigan na hindi ko naman atang magahawang iwan ang pamilya ko, kahit pa para akong isang alipin kung ituring nila sa bahay na ito.